Followers

Saturday, January 30, 2016

Kung Ano ang Puno, Siya ang Bunga

Mahirap magpalaki ng anak, ayon sa mga magulang. Sa deeper sense ng kasabihang ito, nakasalalay sa kanila ang ugali, kilos at pananaw ng anak. Kung ano nga raw ang puno, siya ang bunga.

Kaya, kung pasaway ang anak, malamang ganoon din ang mga magulang. Ang maling ginagawa ng mga nakakatanda ay nagiging tama sa mata ng mga bata, 'ika pa nga. Namamana o nagagaya ng mga anak ang ugali at kilos ng mga magulang.

Kapag ang bata ay malihim, ito ay dahil sa ang kanyang magulang ay pinapalaki agad ang maliit na bagay. Halimbawa: Nakabasag ng baso ang anak. Manggagalaiti sa galit ang magulang na para bang walang kapatawaran ang kanyang nagawa. Maaari namang magalit sa mahinahong paraan.

Kung ang bata ay hindi isinasaalang-alang ang damdamin ng kapwa-bata, gayundin sa kanya ang mga magulang. Halimbawa: Kung hindi niya susundin ang utos ng magulang, pagagalitan siya. Ito ay pambabalewala sa kanyang nararamdaman. Hindi nakikita ng magulang ang mabigat niyang dahilan sa pagtanggi.

Kapag ang bata ay madaling uminit ang ulo, kulang siya sa papuri ng mga magulang. Sa halip, lagi siyang hinuhusgahan at tinutukso. Naisasantabi rin ang paglago ng kanyang mga kakayahan, talino at talento. Ikakahiya ng bata ang lahat ng mga ito dahil ang alam niya, wala naman siyang papuring matatanggap mula sa mga magulang.

Kung ang bata ay madalas magselos, siya ay madalas ding ikumpara sa iba. "Bakit si Ano, magaling sa ano? Bakit ikaw, hindi?" O kaya "Bakit hindi mo gayahin si Ano?" at "Ang layo mo kay Ano. Wala kang binatbat." Masakit ito para sa mga bata. Nakakaselos talaga.

Kapag ang bata ay duwag, kasalanan ito ng magulang, na naging sobra kung protektahan ang kanyang anak. Halimbawa: Ayaw makagat ng lamok. Ayaw madapa. Kung ang bata ay hinayaang magkabukol, lalaki siyang matapang at may paninindigan.

Kapag ang anak ay binibilhan ng magulang ng lahat ng bagay, kahit hindi naman niya kailangan, siya ay matututong mang-umit, mangupit o magnakaw pagdating ng panahon, sapagkat hindi siya nabigyan ng pagkakataong mamili ng gusto niya at hindi siya tinuruang magsumikap para magkaroon ng bawat naisin niya.

Kung ang anak ay nabubulyawan, napapagalitan, nasasaktan, napapalo o napapahiya ng magulang sa harap ng ibang tao, kapamilya man o hindi, siya ay hindi makakatayo sa sariling paa, dahil natatakot siyang mapagalitan, masaktan, mapalo o mapahiya.

Kung ang bata ay mahina ang loob, ang mga magulang niya ay madalas siyang payuhan, sa halip na hikayatin. Magkaiba ang payo at hikayat. Kung nagkamali ang bata, hindi makakatulong ang pagbibigay ng payo, dahil tila pagalit ito sa kaniya, bagkus hikayatin siyang maging maingat sa susunod, upang siya ay magtagumpay.

Kapag nagsisinungaling ang isang bata, ang magulang niya ay matindi kung magalit sa maliliit na pagkakamali. Halimbawa, ang bata ay nakasakit ng kaklase. Pinagalitan at pinalo siya, kahit hindi pa alam ng magulang ang puno't dulo nito. Kaya naman, natututong magtago, maglihim, at magsinungaling ang anak.

At kung ang bata ay madalas abalahin ang ama o ina niya, ito ay dahil abala sila sa ibang bagay at hindi sa atensiyon sa anak. Nakalimutan ng mga magulang na may obligasyong emosyonal sila sa bata. Ang pagmamahal sa anak ay dapat ipinadarama rin.

Mahirap talagang magpalaki ng anak, pero, may mga anak na nakakapagsabing mas mahirap magpalaki ng magulang, lalo na kung ganito sila.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...