Pagkalabas ni Tristan, naisip kong sabihin ang nasa loob ko, na matagal ko nang itinatago. Ilang buwan na rin naman kasi siyang pinapayagan ni Sir na umuwi na lang kahit natulog lang sa klase, simula sa una o ikalawang asignatura hanggang uwian. Samantalang kami, lalo na ako, na dilat na dilat mula umaga hanggang hapon, ay uuwi nang huli dahil hindi agad nakatapos sa mga activities. Unfair si Sir!
Mabait naman si Sir. Minsan, nabibigyan niya pa ng pagkain si Tristan. Hindi niya pa ito pinagagalitan. Lagi niya itong napupuri dahil sa kasipagan. Sus! Kasipagan bang masasabi ang pagtulog sa klase?
"Sir, ang suwerte naman ni Tristan. Sana si Tristan na lang ako." Sa wakas, nasabi ko na rin ang saloobing matagal-tagal ko na ring kinimkim.
"Bakit? May trabaho ka ba?"
Hindi ko nasagot si Sir. Natameme ako. Ano ba ang gusto niyang sabihin? Wala akong trinabahong activity o wala akong hanapbuhay?
Gayunpaman, naisip kong magrason. "Magtitinda na rin ako sampagita."
"Sige! Try mo." ang mabilis na sagot ni Sir at tunay na nagpakislot sa puso ko. "Masuwerte ka nga, hindi mo na kailangang magtrabaho para mapakain mo ang sarili mo o ang pamilya mo. Mag-aaral ka na lang, hindi mo pa magawa." dagdag pa niya.
Hindi na ako kumibo. Bagkus, mabilis kong tinapos ang gawain, na siyang hadlang upang makauwi ako nang maaga. Kapagdaka'y tahimik kong iniabot kay Sir ang papel ko. Tiningnan niya ito at ako at saka sumenyas na umuwi na ako. Siguro ay pinagtiyagaan lang niya ang mga sagot ko. Hindi ko naman talaga alam ang gagawin ko dahil hindi ako nakinig sa kanya. Dumadaldal lang ako, habang nagleleksiyon siya. Lagi ko na namang ginagawa iyon. Lagi naman akong nakakauwi. Hindi niya ako maikukulong sa gusto niyang disiplina.
Nagbunyi ang kalooban ko. Nanalo na naman ako. Hindi niya ako mababago. Ako ay mananatiling ako.
Lumipas ang mahigit isang dekada, pulis na si Tristan. Grabe pala talaga ang kasipagan at determinasyon niya. Natutulog lang siya sa klase dati, pero ngayon... siya na ang hahawak sa kaso ko.
"Classmate, kailangan kitang ikulong. Sana nagtrabaho ka na lang nang marangal." Binuksan niya ang selda. Pinapasok niya ako at muling nilagyan ito ng padlock.
Nagwagi na naman siya. Talo ako. Wala talagang nananalo sa pagbebenta ng droga. Tama si Sir. Sana nag-aral na lang ako.
No comments:
Post a Comment