Followers

Sunday, January 3, 2016

Barya

Habang nagkakarga pa ng mga bus ang barkong Fontanera, pinagkaguluhan ng mga pasahero ang mga batang maninisid. Hinuhulugan nila ang mga ito ng barya at buong bilis at husay itong sisirin ng mga bata.
Aliw na aliw si Perry na kuhaan sila ng litrato kasunod ang paghulog niya ng piso. Tuwang-tuwa naman ang sinumang bata na maunang makakuha niyon. Iwinawagayway pa nila ito na animo'y tropeo. Para naman sa kanya, madaragdagan na naman ang mga larawang ipo-post niya sa kanyang Facebook. Dudumugin na naman iyon ng 'likes', naisip pa niya.
Siguro ay nakasampung beses na siyang naghagis ng barya nang magsalita ang matandang lalaking kanina pa nagmamasid sa kanila. "Pinahihirapan niyo ang mga bata! Bakit 'di niyo na lang iabot o ipasalo? Kayo kaya sila..." Pagkuwa'y tumalikod na siya't umalis.
"Pakialamerong matanda..." bulong ni Perry. Pagkatapos ay naghagis uli siya.
Naghiyawan ang mga nakakita dahil ang mamahaling cellphone pala niya ang kanyang naihagis.
Gusto niyang lumukso sa dagat ngunit napaupo na lamang siya sa hiya at panghihinayang. Natanaw pa niya ang pakialamerong matanda na nakangisi sa kanya habang namimigay ng pera sa ilang batang maninisid na nakaakyat sa barko.


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...