Followers

Thursday, January 21, 2016

Ang Lipstick ni Paloma

Noong isang araw lang, nakipagkuwentuhan pa si Paloma sa kanyang mga kumare tungkol sa mga bagong usong lipstick at damit. Palibhasa, siya lang ang mahilig mag-ayos ng sarili, panay lang ang tango ng mga kausap. Pero, ayon sa kanila, hindi mo aakalaing may leukemia siya.

Kanina naman, nagsisigaw pa siya dahil hindi niya mahanap ang kanyang lipstick. Kailangan pa niyang makabili ng yosi sa tindahan. Hindi niya kayang mabuhay ng walang sigarilyo, gayundin ng lipstick, kaya tumaas ang kanyang alta-presyon.

Hawak lang pala ng kanyang apo ang hinahanap niyang lipstick. Mabuti na lang at hindi ito nabuksan.

Lumabas siyang nakapostura para magyosi sa tindahan at uminom ng malamig na cola. Pulang-pula ang mga labi. Seksing-seksi kanyang kasuotan. Hindi halatang malapit na siyang maging senior citizen.

Kilala siya sa kanilang barangay bilang palaayos, masiyahin, at maingay. Madalas nga niyang sabihin sa mga kabarangay na kapag mamatay siya, walang iiyak. Lahat ay dapat masaya at nakangiti.

Nguyngoy nang nguyngoy ang mga anak at kamag-anak ni Paloma nang silipin nila ang bangkay nito sa kabaong.

"Bakit kayo umiiyak?" tanong ng barangay captain. "Hindi ba ninyo naaalala ang madalas niyang biro?"

"Naaalala naman po, Kap." sagot ng panganay na anak ni Paloma. "Bawal umiyak..."

"O? Bakit nga kayo umiiyak?" tanong uli ng kapitan.

Lalong pumalahaw ng iyak ang mga naulila.

"Kap... tingnan mo naman kasi..."

Tiningnan ng kapitan ang bangkay.

"Hindi pulang lipstick ang ginamit sa labi ni Mama." Umiyak lalo ang anak na lalaki.

"Oo nga! Sige, umiyak na kayo..." Ikinubli ng kapitan ang pagtawa.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...