Followers
Tuesday, January 5, 2016
Salamin
Hindi muna pinagsalita ng nakaratay na ama ang anak, habang 'di niya nasasabi ang lahat.
"Nang iluwal ka ng iyong ina, abot-langit ang pasasalamat namin sa Panginoon. Ikaw kasi ang katuparan ng aming pangarap. Matagal ka naming hinintay. Matagal ka naming binuo. Dalawang dekada kaming nalugmok sa depresyon dahil wala kaming makitang senyales na ikaw ay ibibigay sa amin. Mabait ang Diyos. Kailangan lang pala naming maghintay...
Kami na yata ang pinakamaligayang magulang nang marinig namin ang iyong unang uha. Kuwarenta y singko na ako noon. Kuwarenta naman ang iyong ina. Huli man raw at magaling, naihahabol pa rin.
Salamat sa Diyos dahil sinagot niya ang panalangin namin, kahit napakatagal. Kaya nga, walang sandali kaming sinayang para alagaan ka. Ni halos ayaw naming mawalay ka sa aming mga mata. Ikaw nga ang aming ligaya. Ikaw ang nag-iisang anghel na nagbibigay sa amin ng inspirasyon.
Ngunit, bago ka nag-aral, nag-iba ka. Nakita namin na iba ka. Nalungkot kami, pero hindi namin maaaring itigil ang pagmamahal sa'yo dahil lamang sa bagay na maaari naman naming pagtakpan, tanggapin o pagbulag-bulagan.
Anak ka namin--- dugo't laman. Hindi ka namin maaaring saktan. Hindi rin namin hinayaang saktan ka ng iba. Iniwas ka namin sa mga kalaro mong nananakit. Pero, may mga bata talagang masasama ang ugali. Nasasaktan kami, kapag may naririnig kaming laban sa'yo.
Hindi ka namin pinag-aral. Tumayo na lang kaming mga guro mo sa bahay. Binusog ka namin sa mga aralin at mabubuting asal. Tinuruan ka naming maging mapagpasalamat, magkaroon ng kababang-loob at tiwala sa sarili at maging masayahin.
Palatawa ka. Nakikita ang ngala-ngala at ang mga gilagid mo, kapag tumatawa ka. Napakamasiyahin mong tao. Wala kaming problema sa'yo. Kami lang ay sapat na para lumigaya ka. Hindi ka naghahanap ng ibang kausap, siguro dahil naniwala kang masasama ang taong nakapaligid sa atin, kaya hindi ka naghanap ng kalaro. Masaya kang naglalaro, kahit mag-isa. Masaya kang kami lang ang kalaro at kausap mo. Takot ka sa ibang tao.
Mabuti na lang, anak, mayaman tayo dahil naibigay namin sa'yo ang lahat ng pangangailangan mo. Hindi mo na nga kailangang magtrabaho pa dahil ang mamanahin mo lang sa amin ay sapat na upang mabuhay mo ang magiging asawa at mga anak mo.
Anak, sorry kung ang tingin mo sa mga tao sa labas ng bahay natin ay mga halimaw. Pasalamat pa rin kaming magulang mo dahil kahit kamukha namin ang mga halimaw ay hindi mo kami kinakatakutan. Tanggap mo kami. Mahal na mahal mo kami...
Napakamagiliw ka. Kaya nga, ang yaya mong kahawig mo ay nakasundo mo rin. Kayo yata ang mag-ina. Mas close pa kayo sa isa't isa.
Humihingi pala kami ng tawad, anak... Matagal ka naming pinaniwala. Matagal ka naming itinago sa mundo na akala mo'y mga halimaw ang nakatira.
Patawad, anak, dahil hindi ka na namin ipinagamot, kahit kaya naman naming magbayad ng pinakamahusay na doktor sa mundo. Ikaw kasi ay biyaya ng Panginoon. Hindi namin Siya kayang lapastanganin. Kasalanan ang tumanggi sa biyaya...
Biyaya ka sa amin, anak. Biyaya ka. Hindi ka sumpa.
Oo. Unique ka... Wala kang kapares.
Kami ay paupos na ng iyong ina. Ikaw ay magsisimula palang mabuhay sa realidad. Mag-iingat ka, anak. Maraming tao ang mas halimaw pa sa halimaw.
Ang maiiwan naming yaman ay nakalaan para sa'yo. Lumabas ka sa mundong ginalawan mo sa loob ng 21 years. Hindi ka na namin maaalagaan dahil mahina na kami ng iyong ina. Hindi ka na namin maipagtatanggol sa mang-aapi sa'yo... Kaya, gamitin mo ang perang iiwanan namin sa'yo. Bahala ka na. Kung gusto mong lumabas sa tahanang ito, malaya ka. Doon ay maaari mong mahanap ang ka-forever mo, sa tamang panahon. May nakalaan para sa'yo.
Salamat, anak... Sana maunawaan mo kami, kung bakit ngayon mo lang malalaman ang katotohanan...
Siyanga pala, huwag mong katakutan ang sarili mo, kapag humarap ka sa salamin. Unique ka. Anghel ka namin... Ikaw ang katuparan ng aming pagkamagulang.
Heto ang salamin... Ngayon, masisilayan mo na ang iyong anyo. Kakaiba ka, ngunit hindi ka halimaw. Tandaan mo 'yan, anak.
Ngayon, puwede ka nang magsalita..."
Lumunok muna ng laway ang anak. "Matagal ko na pong alam, na wala akong kasingpangit na nilalang." Sa unang pagkakataon, nahulog sa harapan ng mga magulang ang kanyang mga luha. Hindi na niya sinilip ang mukha sa salamin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Ang Pinakamasamang Kuya
Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
MGA BAGONG SALAWIKAIN TUNGKOL SA PERA Ang pera, ginagamit para makapagpaligaya, pero ang ligaya, 'di ginagamit para magkapera. An...
No comments:
Post a Comment