Followers

Monday, January 4, 2016

Kinulayang Pulbos

Nasira ang makapal na make-up sa mukha ni Lorraine nang tumulo ang luha niya. Inayos niya ito sa kabila ng pangangatal ang kanyang buong katawan.
Nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga sa harap ng malaking salamin at sinipat-sipat ang kanyang mukha. Ibang-iba na ang hitsura niya. Ang dating simple ay naitago niya sa mapanghalinang kolorete. Mapupula at makikintab ang kanyang labi, na bumagay sa kanyang mga mata na pinatigas ng mascara. Ang maalindog niyang cheekbone ay kinulayan din niya kaya umangat pa ito. Kinulot-kulot niya ang kanyang buhok na umaabot sa kanyang hubad na balikat.
Hindi niya lubos maisip na kaya niyang magsuot ng karipasong tela, maitago lamang ang kanyang dibdib at maselang bahagi ng katawan. Hindi bale nang nakatiwangwang ang kanyang mga hita at balikat.
Tumayo siyang pilit kahit nararamdaman niya ang kaba, takot at lamig dahil sa kanyang maiksing kasuotan. Nang subukan niyang maglakad, muntik na siyang tumimbuwang. Paano ba naman kasi, e, tatlong pulgada ang takong ang kanyang sapatos-- bagay na hindi niya kinalakhan. May maigi pang magyapak siya.
Siya ang perpektong halimbawa ng babaeng binihisan ng kaharutan at hinubaran ng kasimplehan at kainosentehan. Gayunpaman, hindi niya gusto ang kanyang kasuotan.
Muling nagbadya ang kanyang mga luha kaya agad niya itong pinigilan. Ayaw na niyang masira ang kanyang pinaghirapan. Itutuloy na niya ang pagsasayaw sa entablado habang nanunuod ang mga parokyanong naghahanap lamang ng panandaliang aliw. Desidido na siyang kalimutan ang inosenteng buhay. Maipalam niya lamang sa kanyang mga magulang na wala silang nagawa para sa kanyang mga pangarap.
"Tama na 'yang drama, Lorraine! Hindi ba't gusto mong kumita ng pera? O, heto na! Pasalamat ka nga't pinagbigyan ka ni Mama Susanne. O, look at yourself now! Magandang-maganda ka na. Sinong makakapagsabi na ang katulad mong taga-bundok ay nakakapagsayaw sa ganitong kasosyal na bar! Come on! Tama na ang iyak! Sa una lang 'yang hiya-hiya mo! Pag tumagal ka dito... baka hanap-hanapin mo na ang ligaya at amoy ng pera. Tingnan mo ako..."
Lumabas sila sa dressing room. Halos, hilain siya ng kanyang pinsan palabas.
"Let's give it up for our very young... very pretty... very sexy... and very fresh! Please welcome... " pakilala ng dj. May drum roll pa yata iyon, kaya parang gustong lumubog ni Lorraine sa kanyang kinatatayuan. Nais niya ring bumalik sa dressing room at magpalit ng mahabang damit. Hindi niya yata kayang gumiling sa harap ng mga malilibog na customer.
"Miss... Lorraine Rodriguez! Our star for the night!"
Binayo nang malakas na tibok ang kanyang dibdib. Hindi niya mabitawan ang kanyang ate.
"No! Ate Cassandra... ayoko na! Ayoko na!"
"Gaga ka!" Hinablot siya ng pinsan niya sa braso. Madiin. "Ipapahiya mo ako! Gaga! Walang utang na loob!"
Nang bitawan siya nito. Nagche-cheer na ang mga lalaki. Wala naman yatang nakapansin na nagkaproblema ang magpinsan at puspos na ng luha ang star dancer sa oras na iyon. Tila libog na libog na sila habang isinisigaw ang kanyang pangalan.
Muling gumapang ang takot sa dibdib ni Lorraine nang ulitin ng dj ang pagtawag sa kanya. Mas matalim naman ang titig ni Cassandra sa kanya. Tiim-bagang niyang sinisenyasan na umakyat na ito sa dancefloor.
Isang minuto ring palipat-lipat ang tingin ni Lorraine sa kanyang bugaw na pinsan at sa mga naglalaway na parokyano. Pagkatapos, pumasok na siya sa entablado.
Iginalaw niya lang ang kanyang balakang, gaya ng itinuro ni Cassandra sa kanya, habang hinahagod ang kanyang mga binti. Pakiramdam niya, unti-unting nauupos ang buo niyang pagkatao. Nabibingi siya sa mga hiyawan ng mga parokyano. Hindi na niya malaman ang pagkakaiba ng pambabastos at papuri. Nanlalamig siya sa mainit na ingay ng mga lalaki.
Tumalikod siya upang ikubli ang kanyang nagdurugong puso. Wala na ang kanyang kolorete sa mukha. Tinangay na ito ng kanyang mga luha.
Kung gaano man siya kahusay sa paggiling ay hindi niya alam. Ang batid niya lang, hindi niya ito gusto. Labis ang kanyang pagsisisi. Hindi niya dapat tinakasan at pinagrebeldehan ang kanyang mga magulang sapagkat ang hangad lamang nila ay mapabuti siya.  Ngunit... huli na ang lahat. Nasa kumunoy na siya. Pasasaan ba't hahanap-hanapin niya ito. Masasanay din siya.
Humarap siyang muli sa mga kustomer na puspos ng itim na luha. Hindi iyon nailingid sa mga parokyano. Lalo pa nga silang nagbubunyi. Para sa kanila, isang pambihirang pagtatanghal ang kanyang ipinakita.
"Akin ka na ngayong gabi!" hiyaw ng isang bigotilyong mama. Iwinagayway pa niya ang kanyang libo-libong pera.
"Ang sarap niyan, pare! Ako'ng sunod!" pagsegunda ng kasama.
Dinig na dinig at kitang-kita iyon ni Lorraine, kaya tumakbo siya pababa ng entablado bago matapos ang maharot na musika. Muling naghiyawan ang mga customer.
"Ang arte mo talaga!" Sinabunot-sabunotan siya ng kanyang pinsan sa dressing room. "Pinapahiya mo ako! Ikaw ang lumapit sa akin. Sabi mo kailangan mo ng trabaho!" Hindi pa rin niya binibitiwan si Lorraine.
"Bitiwan mo ako!" Kumawala si Lorraine! Nasampal niya ang kanyang pinsan.
Ikinagitla iyon ni Cassandra lalo na't nakakuyom pa ang mga kamao niya at nagliliyab ang mga mata.
"Oo! Kailangan ko ng trabaho pero hindi upang ibenta ang katawan ko! Hindi pagpuputa ang ipinunta ko sa'yo!"
"Bar ito. Walang magbabayad sa pag-iyak-iyak mo!"
"Hindi na kita kilala, ate... Hindi na ikaw ang dati kong kaibigan... ate at kalaro."
"May pangarap lang ako. Matalino. Hindi tulad mo! Mabubulok ang katawang lupa mo nang hindi natutupad ang mga pangarap mo.."
Sumulwak ang galit niya sa tinurang iyon ng pinsang matalik niya. Walang ano-ano ay pinunit niya ang kayang damit. Tumambad ang kanyang malulusog na dibdib. Tanging itim na bikini lamang ang naiwan sa kanyang balat. "Ito ba ang gusto mong gawin ko? Ito ba ang hanap nila? Sige, handa na ako! Mapagbigyan lamang iyang kawalang-hiyaan mo." Aakma na siyang lalabas ngunit naharang siya ng pinsan.
"Lorraine..." gumaralgal ang kanyang boses.
"Bitawan mo ako! Ayokong mabulok ang pagkababae ko!" Pinilit niyang makalabas sa dressing room sa kabila ng pagpipigil ng ate. "Gagayahin kita. Idolo kita, e."
Niyakap ni Cassadra ang pinsan. "Lorraine... marumi ako. Marumi! Kinain na ako ng pangarap ko. Wala na akong matinong pag-iisip... O, God. Sorry... Sorrry..." Napaluhod siya. Nalulunod na siya sa luha.
"Ate... Ate, tumayo ka."
"Patawarin mo ako, Lorraine... Sana hindi kita hinila sa impiyernong ito." Masikip na ang dibdib ni Cassandra.
Naawa si Lorraine sa ate. "May pag-asa ka pa, Ate Cass... Bata ka pa naman... Tara na, umalis na tayo sa impyernong ito. Ikaw, makakapagtrabaho ka pa sa mga opisina. Ako wala na... Okay lang. Wala naman akong pinangarap kundi ang maging mabuting anak... Babalik ako kina Nanay at Tatay. Hindi nila ako itatakwil. Hindi nila ako ikakahiya, alam ko... Alam kong mapatawad nila tayo, Ate." Mas mahigpit ang pagyakap na iginanti ni Lorraine sa kanyang pinsan. "Kalimutan na natin ang gabing ito."
"Salamat, Lorraine..." ani Cassandra habang isinusuot ng pinsan ang damit na suot niya kaninang hapon. "Pagbalik ko, maligo tayo sa talon. Gusto kong bumalik ang alaala ng ating kabataan..." Yumugyog ang mga balikat niya. "Handa ka bang samahan pa ako? Buuin natin ang mga simpleng pangarap natin noon."
Hindi bumuka ang mga labi ni Lorraine. Tinapos niya lang ang pagbihis saka niya nilapitan at niyakap niyang muli ang ate. "Oo, ate..."
Bitbit ang isang milyong pag-asa na ibinigay sa kanya ni Cassandra, taas-noong lumabas si Lorraine sa bar na iyon. Sinayaw man ang musika ng kaharutan, handa niya itong talikdan. Nabahiran man ng mga kinulayang pulbos ang kanyang mukha, buo pa rin naman ang pagpapahalaga niya sa kanyang sarili.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...