Followers

Friday, May 6, 2016

Smoke Now, Pay Later

Namulat ako na ang aking ama ay nagsisigarilyo, kaya naniwala akong nakakabuti ito sa kalusugan. Sinubukan ko nga ring humithit nito. Masasabi kong masarap pala. Para akong nasa alapaap, kapag nakikita ko ang puting usok nito. Akala ko pa nga noon, nilulunok ito. Ang nasa isip ko kasi ay para itong pagkain at tubig na kailangan ng katawan. Kaya lang, nakakaubo, kapag nilulunok. Dahil doon, hindi na ako umulit. Hindi pa naman ako marunong magpalabas ng usok mula sa ilong, na gaya ng ginagawa ng aking ama. Hindi ko rin siyempre alam, kung paano magbuga ng bilog na usok, gaya ng mga nakikita ko sa ibang kabataan. Ang gagaling nila! Nakakabilib! Naaastigan ako. Gayunpaman, hindi ako nahilig sa paghithit ng yosi, kasi kuripot ako. Imbes na ipambili ko nito, ibinibili ko na lamang ng kendi o ng pagkain. Hindi rin naman ako nagagalit sa mga nagsisigarilyo. Nauunawaan ko sila. Sabi kasi ng iba, pampawala raw ng lansa sa dila, kaya nagsisigarilyo sila pagkatapos kumain. Ang iba naman, nakakalma at nawawala ang stress, kapag may pasak na yosi ang bunganga nila. Mas maraming maubos, mas maigi. Astig! Kakaiba ang sigarilyo. May positibong epekto sa tao. Ang dahilan naman ng iba, mas maigi na raw ang nagsisigarilyo, kaysa sa ibang bisyo, gaya ng alak, droga, sugal, at babae. Hmmm. Medyo, may punto... Lumelevel-up pa nga ang iba. Sa halip na sigarilyo lang ang hinihithit, marijuana na. Mas mabango raw at mas may magandang epekto. Sinubukan ko naman ito minsan... Sinungaling ang magsabi. Hindi na naman ako naadik, dahil, una, mas mahal, at pangalawa, sa ilong pala dinaan ang usok. Sinisinghot. Weird. Balik tayo sa sigarilyo... Inirerekomenda ko sa lahat ang yosi. Mainam ito sa kalusugan ng lahat, both smoker and non-smoker. Mas mainam pa nga ito sa nakakasinghot. Kapag nalanghap nila ang secondhand smoke, ayun! Swak na swak ang epekto sa baga. Nakakabata ang yosi. Maaga kang mawawalan ng stress, kapag patay-sindi ka ng sigarilyo. Maaga kang mag-re-rest in peace. Kung ayaw mo namang kunin ka kaagad ni Lord o ni Taning, moderate lang ang paghithit. Pasasaan ba't makakatipid ka sa lipstick. Permanent lipstick tattoo ang katumbas ng yosi. Itim nga lang. May instant weapon ka pang bad breath. Patay ang kausap mo! Hindi mo rin problema ang pagtanda, insured ka na. Nakakasiguro ka na, na may kalalagyan ang baga mo. Nagiging makulay ang lungs mo. Nagkakaroon ng design. Abstract nga lang. Sosyal ka rin kasi ikaw model ng bagong TV, este ng TB. Antenna-less. Panis ang LED at Smart TV. May chance ka ring maging model ng cigarette brand. Ilalagay ang larawan mo sa kaha ng sigarilyo. Mag-apply ka na rin sa DOH, kapag kulubot na ang mukha at katawan mo. Ikaw ang 'Before'. Iba ang model ng 'After'. Huwag kang mag-alala... Kung pangarap mong makakita ng alien, time will come, magiging alien ka. Mabubutas ang lalamunan mo. Mawawalan ka ng boses. Don't worry, may nabibili namang apparatus para maging robot o alien ang boses mo. O, 'di ba? Astig ka na! Puwede ka na sa sci-fi movie, gaya ng Star Wars. Huwag kang maniwala sa ads ng mga sigarilyo. Picture lang 'yan. Masarap ang bawal. Hindi naman talagang bawal, e, kasi kung bawal, bakit may nabibili pa rin? Mura lang naman ang sigarilyo. Yakang-yaka mo 'yun! Lalo na ngayon, may bagong promo ang lahat ng brand ng sigarilyo. Parang scholarship lang. Ito ang "Smoke Now, Pay Later." Kaya, sige lang. Hithit pa. Buga pa. Mandamay ka pa ng kapwa mo para masaya at para marami ang may malusog na baga!

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...