"Magpaalam ka na." Pinagtutulakan ng ina si Rayson patungo kay Paul, na kasalukuyang naghahapunan. Tapos, iniwan niya ang anak.
"Kain ka." alok ni Paul. Matabang ang kanyang pagkakasabi hindi tulad nung mga dati.
"Sige..." Umupo si Rayson sa upuang katapat ng inuupuan ni Paul. "Magpapaalam sana ako..."
"O, bakit sana pa? Hindi ba tuloy ka na naman? Saka, anong inaasahan mo, pipigilan kita? 'Yan naman ang gusto mo di ba? Sige! Umalis ka!"
Tila napahiya si Ray. "Ang akin lang naman ay..."
"Wala naman akong ibig sabihin. Mag-iingat ka."
"Salamat!" Agad naman siyang tumayo at tumalikod.
"Hindi mo matatakasan ang pangako mo..." bulong ni Paul.
Huminto si Rayson at luminga kay Paul. Naulinig niya ang sinabi ng kaibigan pero hindi na niya iyon binigyang-pansin. Gusto pa rin niyang ituloy ang pangarap niya, para sa sarili at sa pamilya. Hihingi na lang siya ng tawad pagdating ng panahon o kaya'y mauunawaan na lang siya ni Paul.
Nagliliyab ang mga mata ni Paul habang tinitingnan niyang lumalayo si Rayson. Nang tuluyang mawala ang kaibigan sa kanyang paningin, nagmura siya. Tinabig niya ang pinggan sa kanyang harapan. Agad namang sumugod ang ina ni Ray.
"Anong nangyari, Paul? Nasaktan ka ba?"
Umiling lang si Paul at pagkatapos niyang uminom ng tubig, lumabas na siya sa dining area. Buo na ang kanyang loob.
Napatingin na lang sa kanya ang yaya. "Ang batang ito, di ko na talaga maintindihan. Diyos ko, kahabagan Mo po siya," bulong niya.
Nagdudumaling dumiretso si Paul sa kanyang kuwarto. Agad niyang binilang ang pera sa kanyang wallet kapagdaka'y nilagay niya ito sa backpack. Naglagay na rin siya dito ng isang pantalon, isang damit, isang panyo at isang panloob. Pagkatapos, hinila niya ang attache case mula sa ilalim ng kanyang kama. Inilabas niya ang ilang papeles.
Binabasa niya ang dokumento nang marinig niya ang tatlong katok sa pinto. "Paul!" tawag ng kanyang yaya.
"Po? Matutulog na po ako."
"Nagkausap na ba kayo ni Rayson? Aalis na siya bukas nang maaga. Baka di mo na maabutan..."
"Okay na po." pasigaw na sagot ni Paul. Nagboses-inaantok pa siya.
"Ah, sige. Good night!"
Hindi na sumagot si Paul. Ipinagpatuloy na lang niya ang ginagawa. Maya-maya, nakuha niya doon ang isang larawan. Kinuha niya ito't isinara na ang attache case upang ibalik sa ilalim ng kama.
"Mamimiss ko ang bahay na ito, Daddy, Mommy.'' aniya pagkatapos niyang patayin ang ilaw at sumandal sa headboard ng kanyang kama. "Namimiss ko na rin kayo..." Niyakap niya ang larawan at inalala ang ina't ama.
No comments:
Post a Comment