Followers

Friday, August 21, 2015

BlurRed: Stepping Stone

Isang malakas at nakakainis na tawa ang pinakawalan ni Boss Rey pagkatapos kong ihayag ang pakay ko sa kanya. Pagkatapos, tumayo siya't dinukwangan ako. Nilapit niya ang mukha niya sa mukha ko. 

"My dear..." bulong niya. "kailan ka pa natutong kumain ng pride?"

Hindi ako nakaimik. 

"Boss, sige na," singit ni Jeoffrey na nasa harapan ko.

"Ikaw ba si Red?!'' singhal ni Boss. Hindi tuloy niya naitago ang kabadingan niya. "Hayaan mo siya... Hayan mo siyang ma-realize niya ang kamalian at pagtalikod niya sa bar. Ano, Red?"

"Alam mong di ako magso-sorry. Kung ayaw niyo, sabihin niyo agad. Pwede naman akong humingi sa mga magulang ko para makabili ako ng mumurahing gitara... at para makapag-apply na ako dun sa bar sa Quezon City." Mahinahon at mapagkumbaba pa rin ang tono ng pananalita ko kahit ganun.

Napuno uli ng malutong na tawa ang opisina niya bago siya sumagot sa litanya ko. "Alam mo ring di kita pipilit, Red. Ikaw ang may kailangan. Ikaw ang magpakumbaba." Bumalik na siya sa swivel chair niya at tumalikod sa amin.

Tinuhod ni Jeoffrey ang tuhod ko. Nag-lip talk pa siya. Try ko raw magpakumbaba.

Natahimik ang opisina ng ilang sandali.

"Well... makakaalis ka na, my dear. Hindi na kita dinemanda noong nag-breach of contract ka. Wala akong mapapala sa'yo."  sarkastikong sabi ni Boss Rey, habang nakatalikod pa rin at pinagkakaskas ang mga palad.

"Ang sakit mo talagang magsalita!" Tumayo ako. Umikot naman ang upuan niya. "Ganyan ang dahilan kung bakit di ako nakatagal sa ugali mo."

"The door is open." Nakangiti pa siya. Sarap punitin ang bunganga.

"Red..." protesta ni Jeoffrey. 

"Hindi ako desperado, Jeff. Tara na." Tumayo na ako. "Sayang lang ang pinunta ko dito."

"Tumugtog ka ngayon..." mabilis na pahabol na salita ni Boss bago ako nakalabas ng pinto. "..para may pakinabang ang punta mo."

Nahila ako ni Jeoffrey sa braso. 

"Hindi ko magawang pakawalan ka, Red. Yan ang totoo..."

"Red, narinig mo?'' pabulong na tanong ni Jeoffrey.

Narinig ko. Narinig ko ang magic words. Sumuko na siya. Isinuko ko na rin ang pride ko para lang makuha ang gusto ko. 

Nang gabing iyon, pinatugtog ako ng tatlong piyesa. Kumita naman ako ng isanglibo--- gaya ng dati. Pero, ang kaibahan lang, wala na akong kontrata. 

Pasasaan ba't makakabili ako ng gitara... at makakapag-apply ako sa magandang music bar. Stepping stone ko lang ito.





No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...