Mula sa loob
ng tahanan ni EF19 ay tanaw niya ang pagsabog ng malaking bahagi ng mundong
kanyang kinalakhan. Hindi niya maiwasang maluha sa nakita. Mahigit sampung taon
na rin siyang nasa himpapawid, kaya naisip niyang iyon na ang panahon upang
bumalik sa mapanganib na lugar ng kanyang tinakasan.
Lumunok siya
ng pulang tabletas bago nagsuot ng kulay
na pilak na kasuotan at muli niya itong pinagmasdan mula sa malaking monitor. Isang
tahimik, mausok at wasak na lugar ang nakikita niya. Bumagsak ang mga balikat
niya, kasabay ang pagtulo muli ng kanyang mga luha. “O, Diyos ko! Patawarin mo
ang Pilipinas..” sambit niya.
Pinaharurot
ni EF19 ang kanyang tahanan patungo sa
kanyang bayang minahal mahigit tatlong dekada. Tumigil siya 1000 kilometro ang
layo mula sa kalupaan. Sapat ang layo niya upang matanaw niya ang mga wasak na
tahanan, ari-arian, inprastraktura at agrikultura. Wala siyang nakikitang
gumagalaw na tao o hayop. Naisip niya ang kanyang mga kamag-anak na nag-aruga sa
kanya at nag-aral. Hiniling niya sa Panginoon na sana ay buhay pa sila. Kung
hindi man, tatanggapin niya na lamang sapagkat matitigas ang kanilang mga ulo.
Kung nagtiwala lamang sila sa kanyang kakayahan disin sana’y may hininga pa
sila hanggang ngayon.
Muli niyang
pinaandar ang kanyang hugis-mangkok na sasakyan upang makita pa ang ibang
bahagi ng Pilipinas. Wala na ngang buhay sa kanyang bansa. Nagmistulang
kinaingin ang kanyang lupang sinilangan. Nasisiguro siyang bago pa ito sumabog
ay talagang sirang-sira na ito. Hindi niya sinisisi ang teroristang nagtanim ng
bombing X13aR. Mas sinisisi niya ang mga kapwa niya Pilipino na hindi
pinahalagahan ang bawat nilalang sa mundo. Naging ganid sila sa yaman at
kasiyahan. Nalimutan nilang pangalagaan ang kalikasan.
Desidido
siyang bumaba sa kalupaan at magdala ng isang mahalagang bagay pabalik sa
kanyang paraiso. Kaya, inikot niya ang Pilipinas upang humanap ng patag na
lugar na paglalandingan ng kanyang sasakyan.
Sa loob ng
madilim na kuweba, may dalawang pusong pumipintig.
“Araay!”
bulalas ng babae sa kuweba. “Langgam ka!”
Hindi
nag-aksaya ng oras si EF19. Bumaba siya sa kanyang tahanan. Tanging ang nilunok
na tabletas ang kanyang sandata sa posibleng kapahamakan. Namulat siya sa takot
dahil sa kasamaan ng mga tao pero ngayon ang takot na iyon ay naglaho. Ang mga nakahandusay
na bangkay na natanaw niya kanina ay patunay na hindi na siya kailanman
masasaktan ng kanyang kapwa. Nais lamang niyang mag-uwi ng isang bagay na
maaari niyang mapag-aralan at maging bagong obra maestra.
Hindi lamang
niya maihakbang ang kanyang mga paa. Kahit saan kasi siya bumaling ay hindi
kaaya-aya ang kanyang nakikita. Matindi ang pagkawasak ng Pilipinas. Hindi niya
kanyang buuin. Hindi niya lubos maisip kung makakaya niyang tumulong upang
magkaroong muli ng panibagong buhay ang kanyang pinagmulan.
Napangiti
siya nang sumagi sa utak niya ang babaeng unang nagpatibok ng kanyang puso.
Alam naman niyang kailanman ay hindi na niya makikita ang dating kasintahan.
Gayunpaman, umaasa siyang makakaisip siya ng paraan upang magkaroon ng bagong
tao sa kalupaan na siyang magmamahal sa mga nilikha ng Diyos. At kapag nangyari
iyon, muli siyang babalik dito at makikipamuhay kasama niya.
Sinipat niya
ang kanyang orasan. Dalawang oras lamang ang epekto ng pulang tabletas. Isang
oras na lang ang maaari niyang itagal sa lupa. Kapag lumampas siya, maaari
niyang ikamatay.
Isang ingay ng pagpupunyagi at paggamit ng lakas ang narinig sa loob ng
kuweba samantalang si EF19 ay palapit sa kuweba.
Tumakbo siya palapit doon nang may nakita
siyang parang kamay. Nalaglag pa ang mga malalaking bato na nakaharang sa
kuweba.
“May tao ba diyan?” pasigaw na tanong ni EF19.
“Tulong!
Tulungan niyo ako!’’ sagot ng babae.
Mabilis at isa-isang binuhat ni EF19 ang mga
bato. Maya-maya, lumabas ang buntis na babae.
“Salamat!
Maraming salamat..” Nanghina ang babae at bumagsak.
Maagap na
nasalo ni EF19 ang buntis. Sinikap niyang mabuhat ito sa kabila ng mabigat
nitong timbang. Bente minutos na lamang ang nalalabi. Kailangan na niyang
makapasok sa sasakyan. Hindi niya maaaring iwanan ang babae. Para sa kanya,
siya ang katuparan ng kanyang pangarap.
Gabutil ng
monggo ang mga pawis ni EF19 nang maipasok niya ang buntis sa kanyang M80K. Tatlong
minuto pa, bago tuluyan siyang mawalan ng hininga. Ang babae ay agaw-buhay na
kaya nagmamadali niyang kinuha ang isang silver box sa kanyang cold storage.
Mula doon ay nilabas niya ang isang injection.
“God bless
you. Hindi ako sigurado… pero, sana tumalab ito sa’yo..” Marahan niyang
itinurok ang hiringgilya sa braso ng babae at marahan ding idiniin upang
masalin sa katawan niya ang dilaw na likidong maaaring magpanumbalik ng kanyang
natitirang lakas at hininga. Pagkatapos ay sinilip niya ang kanyang relo.
Tinantiya niya ang pag-eepekto ng gamot.
Isang oras
ang lumipas. Halos mawalan na siya ng pag-asa, kaya naman nagdesisyon na siyang
bumalik sa kalawakan. Pinindot niya ang ‘Self-Flight’ button at inilapat niya
ang kanyang likod sa kanyang pulang swivel chair. Kasabay ng pagpinid ng
kanyang mga mata upang matulog at magpahinga ay ang pag-asam na sana ay umepekto
ang gamot sa katawan ng buntis.
“Kung sino
ka man… maraming salamat!” Isang mahinang boses ang gumising kay EF19 mula sa
pagkakahimbing.
Pareho silang
nagulat nang umikot ang swivel chair ni EF19.
“Huwag kang
matakot!” Tumayo na si EF19. “Tao rin akong katulad mo. Salamat at buhay ka.
Ako nga pala si EF19. Ikaw? Anong pangalan mo?”
Tiningnan muna ng babae si EF19 mula mukha
hanggang paa. “Katulad ka rin ba nila?” May nginig ang boses niya.
Mariing
umiling si EF19. Lumamlam ang kanyang mga mata. Tapos, bumalik siya sa swivel
chair. Hindi siya humarap sa babae. “Sampung taon na akong nakalutang sa
kalawakan… Walang kasama. Walang kausap… Sa sasakyang panghimpapawid na ito ako
nakahanap ng kaligtasan at buhay. Iniwan ko ang mga kamag-anak kong nagpalaki
sa akin pagkatapos nilang tanggalan ako ng tiwala sa sarili. Pero, heto ako
ngayon… Buhay. Nakaligtas. At patuloy na mamumuhay hanggang kunin ako ng
Panginoon… Ikaw, bakit ka kaya binuhay ng Diyos?” Humarap na siya sa buntis at
nakita niyang namimilipit siya sa sakit.
“Manganganak na yata ako! Ang sakit!”
Kagyat na
kumilos si EF19. Nabuhat niya agad ang babae patungo sa mahabang mesang
stainless. Parang bihasa siya sa ganung sitwasyon. Hindi siya kakitaan ng
pagkataranta. Alam niya rin ang mga gagawin at mga bagay na ihahanda. Hindi
niya ininda ang pagsigaw at pag-iyak ng babae habang inihahanda niya ang mga
kakailanganin.
“Magtiwala
ka sa akin, kaibigan. Isa akong siyentipiko. Ang Panginoon ang gumagabay sa
akin…” litany ni EF19. Nakita naman niyang kumalma ang babae. “Wala nang buhay
ang Pilipinas nating mahal. Kung paano ka man napdpad sa kuweba at kung paano
kita natagpuan doon, ituring na natin na biyaya Niya. At… itong anak mo… biyaya
siya ng Maykapal. Kaya, pakiusap… manalig ka sa Kanya. Pagkatiwalaan mo ako…”
Isang
mahabang pagtangis ang naganap. Punong-puno ng pighati ang pag-impit ng babae.
Kuyom-kuyom niya ang kanyang mga kamao. Pinipilit niyang itago ang sakit na
nararamdaman habang humihilab ang tiyan.
“Sige na,
kaibigan… Gusto kong mabuhay kami.”
Walang
inaksayang sandali si EF19. Kalmado at maingat niyang isinagawa ang
pagpapaanak. Ginawa niya itong painless, gamit ang isang gamot na kanyang
na-formulate ilang taon na ang lumipas.
Pagkatapos ng
kalahating oras, narinig nilang dalawa ang uha ng isang sanggol.
“Lalaki ang iyong anak.” masayang pagbabalita
ni EF19. Itinaas pa niya ito upang makita ng ina na puspos ng kaligayahan. “Maaari
ko ba siyang tawaging Neo?”
“Oo!
Salamat, EF19! Ituring o na siyang anak mula ngayon. Bahala ka na sa kanya.” Nanghihina
na ang babae.
Inilapag
niya muna ang sanggol sa tabi ng ina at dali-daling hinalungkat ang isang salaming
kabinet. “ Hindi ka mamamatay… Hindi.”
“Maligaya
na ako sa pagsilang ni Neo…”
“Ito…
Nguyain mo ito.” Isinubo ni EF19 ang isang itim na tabletas sa babae. “Iyan ang
magbabalik ng iyong lakas.. Dali… nguyain mo. Dali!”
Tumalima
ang babae. Nang malunok, kinuha ni EF19 ang sanggol at nilinisan. Pagkatapos,
muli niyang itinabi sa ina--- na unti-unti nang nanunumbalik ang sigla.
Pinagmasdan ni EF19 ang bata. Ngumiti ito sa kanya; tila nagpapasalamat
at nagbubunyi. Nasilayan niya rin ang kislap sa mga mata ng babae. Noon niya
lamang napansin ang taglay niyang kagandahan. Nabighani siya. Nais niyang
hagkan ang mapupula niyang mga labi at hawakan ang kanyang mapuputing daliri.
Pinigil lamang niya ang kanyang sarili.
“May
langgam…” bulalas ni EF19. Nakita niyang gumagapang ang itim na langgam sa may
braso ni Neo. “May kakambal siyang langgam?’’
Natawa
ang babae. “Hindi… Isa iyan sa mga kumagat sa akin doon sa kuweba.”
Natawa na
rin si EF19 habang maingat na kinuha ang langgam. “Makakasama natin siya dito
mula ngayon.” Kumuha siya ng isang
garapon at maingat na nilapag doon ang langgam.
Hinagkan
naman ng ina ang noo ni Neo—ang bagong pag-asa ng Pilipinas.
No comments:
Post a Comment