Followers

Monday, August 1, 2016

Ang Aking Journal --- Agosto, 2016

Agosto 1, 2016 Hindi ako komportable sa bagong uniform. May estudyante pa nga ako na namintas sa suot ko. Para raw akong guard, etc... Mabuti na lang ay hindi nagpalitan ng klase dahil kailangan naming magsagawa ng Phil-IRI. Nagpabasa ako maghapon. Hindi pa nga natapos. Kinausap ko si Keith nang nakauwi na ang mga kaklase niya. Hindi ko siya napaiyak. Hindi rin ako nakakuha ng impormasyon na kailangan ng adoptive parent niya. Pero nang tinanong ko siya kung anong mararamdaman niya kapag ipinagtapat sa kanya ng Mama niya na ampon lang siya, medyo naluha siya at napayuko. Sabi ko na lang, na dapat ay pahalagahan niya ang effort ng mga magulang niya. Natuwa ako ngayong gabi nang makita ko ang advertisement ng librong 'Amalgamation', kung saan kasama ang apat kong akda. Naka-post na rin ang mga excerpts nito, kay agad ko silang shinare (share). Nakaka-proud. Kaya lang, Zillion ang nakapangalan doon. Ipinabago ko na agad ang mga iyon. Nag-confirm naman agad ang Barubal Publication. Kinukuha rin ako ng Le Sorelle Publication bilang officer nila. Kailangan daw nila ng tagahatid ng mga libro sa mga bata at tagahanap ng sponsors. Hindi muna ako nag-commit. Tinanong ko muna ang sistema. Baka hindi ko kayang hatiin ang panahon ko sa pagtuturo at volunteerism. Hihintayin ko na lang ang sagot nila. Agosto 2, 2016 Hindi uli kami nagpalitan dahil may dalawang religious sects na magtuturo sa mga klase namin. Gayunpaman, nagturo pa rin naman ako sa advisory class. Nagturo ako ng 'pagbibigay ng reaksiyon' at nagpasulat ng editorial tungkol sa basura. Itinuloy ko naman ang pagpapabasa ng Phil-IRI. Bago ako umuwi, pinakinggan ko uli ang tatlong ilalaban ko sa Balagtasan. Hindi na nila kabisado ang kanilang piece. Hindi ko pa nakikita ang panalo. Umidlip ako pag-uwi ko. Ang sarap matulog. Nanaginip pa ako. Alas-4:30 na ako nakapagmeryenda. Naglaba naman ako pagkatapos. Then, nag-encode ako ng journal entries ko at ng akda ng mga bata. Ang bilis ng oras. Kakaunti lamang ang natapos ko. Agosto 4, 2016 Masaya akong nagturo ng 'panahunan ng pandiwa'. Nagbaliw-baliwan na naman ako, kaya panay ang hagikhik ng mga estudyante ko. Mas maganda talaga ang may halong comedy dahil mas nakikinig sila. Dahil nakinig sila, mas natututo sila. Minsan naman kasi ay sobra ang pagkatuwa nila sa mga banat ko kaya medyo nawawala na rin sa focus. Totoo ngang ang lahat ng sobra ay masama. Hindi kami nagpalitan, kaya nagkapagpasulat ako ng sanaysay at nakapagpa-drawing sa kanila. Gusto kong lahat ng mga talents nila ay mailabas at magamit nila. Kahit paano ay may nadidiskubre ako sa kanila. Umuwi ako nang maaga dahil gusto ko sanang i-treat ang scalp ko ng aloe vera, kaya lang ay inantok ako pagdating ko. Umidlip ako hanggang alas-4:30. Hindi ko rin nagawa ang gusto ko. Hindi bale, may bukas pa naman. Agosto 5, 2016 Pinasulat ko ang mga pupils ko nang pinasulat pagkatapos kong magturo. Lahat naman ay sumunod sa akin. Hindi ako masyadong napagod dahil halos buong araw silang tahimik, maliban kapag nagpapatawa ako. Pagkatapos ng klase, niyaya ako ni Sir Erwin na sumama sa kanila ni Mam Lolit. Niyaya siyang kumain sa labas dahil nagkabati na sila. Nag-Shakey's kami. Gusto ko kasi ng ice cream lang. Busog pa kasi ako. Dahil dito, alas-singko na ako nakapagmeryenda. Kape na nga lang at fish cracker ang kinain ko dahil malapit na namang maghapunan. Agosto 6, 2016 Gusto ko sanang matulog nang matagal, kaya lang hindi ko pa rin nagawang magbabad sa higaan. Kusa na lang kasing dumilat ang mga mata ko at nahirapan na akong matulog uli. No choice ako, kundi ang bumangon. Nagbabad ako ng mga labahan. Bandang alas-9 naman ay nag-grocery ako ng dadalhin ko kay Mama. Nahihirapan talaga akong umidlip. Palibhasa'y mainit ang panahon. Kaya, pasado alas-3 ay nagbanlaw na ako ng mga binabad. Alas-4, bumiyahe na ako. Nagsisi ako kung bakit ako umalis agad. Plano ko sanang bukas na lang umalis. Nahirapan akong makasakay pagbaba ko sa LRT. Kinailangan ko pang maglakad hanggang sa may Masinag. Ang lakas pa naman ng ulan. May bitbit pa akong cake. Ikalawang beses na ito nangyari sa akin. Ang una ay noong galing kami nina Sir Erwin at Mamah sa Quezon. Alas-8 na ako nakarating sa Bautista. Thankful pa rin naman ako dahil safe akong nakarating. Natuwa rin si Mamah sa presensiya ko. Inaasahan niya talaga ang pag-uwi ko. Agosto 7, 2016 Nagpaluto ako kay Jano ng spaghetti para sa birthday ni Mama. Alas-3 na sila nakapunta sa bahay. Nagsalo-salo kami. Gaya noong Hulyo, wala na naman ang mga anak ko. Di bale, hindi na ako naghihinanakit. Si Mj ang may kasalanan nito. Dapat nagkukusa na lang siyang idala ang mga bata, kahit linggo-linggo. Naroon man ako o wala. Alas-6:30 umalis na ako sa Bautista. Bago iyon, kinuha ko muna ang resume ni Taiwan. Ipapakisuyo ko kasi siya at ni Tonton sa boarder ni Ms.Kris na supervisor sa Heritage Hotel housekeeping services. Sana makapasok sila, lalo na ang kapatid ko. Kailangan niya rin akong matulungan sa mga gastusin ni Mama. Nakauwi ako sa boarding house ng pasado alas-9. Masakit ang ulo ko. Mausok kasi masyado. Agosto 8, 2016 Malakas ang ulan nang magising ako. Akala ko ay isususpinde ang klase. Hindi pala. Marami tuloy ang absent sa klase ko. Hindi na rin kami nagpalitan dahil halos lahat kami ay tigkakaunti ang estudyante. Gayunpaman, ginampanan ko ang aking mga responsibilidad bilang guro. Nagturo ako sa Filipino, Hekasi, at Character Education. Nagpasulat rin ako ng mga akda, gamit ang mga aralin. Bago ako umuwi, nag-practice kami sa Balagtasan. Hindi ko pa rin makita ang gusto ko. Kulang na kulang pa. Agosto 9, 2016 Inspired na sana akong magturo nang magturo sa advisory class ko nang sabihin sa akin ng mga kasama ko na suspended na ang klase. Natuwa ako kahit paano pero nabitin ako. Gusto ko sanang maghapon na lang kami. Kaya lang gusto na ring umuwi ng mga estudyante. Maaga rin akong nakauwi. Pero bago iyon, nangalkal muna ako sa mga files ko. Hinahanap ko kasi ang titulo ng bahay at lupa ni Ate Ning, na isinanla niya sa akin. Bigla nawala sa isip ko kung saan ko nailagay. Nangangamba ako na baka nakasama na sa naibasura ko noong lumipat ako ng classroom. Hahanapin ko uli iyon bukas. Agosto 10, 2016 Suspended ang klase, kaya alas-nuwebe na ako bumangon. Pagka-almusal, nagpagupit ako at nagpakulay ng buhok. Then, pumunta ako sa school. Nandoon si Sir Ren at Plus One. Nakipag-bonding ako ng ilang sandali, bago ako umakyat. Sa classroom ko, hinanap ko uli ang titulo ng lupa ni Ate Ning. Andami ko nang nahalungkat, halos lahat na, ngunit wala talaga. Nangangamba na ako. Pagdating ko naman sa boarding house, naghanap uli ako. Wala rin. Nauwi lang tuloy sa general cleaning. Sulit talaga ang araw ko ngayon, hindi ko man nahanap ang titulo. Kaya lang, medyo sumakit ang likod ko. Agosto 11, 2016 Thirty lang ang pumasok kong pupils. Tigkakaunti lang lahat kaming Grade Six teachers, kaya wala na namang palitan. Gayunpaman, masaya ang advisory class ko kapag ganoon. Nagturo ako bago kami nag-meeting. Naging maayos naman ang klase ko kahit sila-sila lang. Nag-ambagan naman kami para mabigyan namin ng farewell party si Mam Lolit, na last day na lang niya sa school. Magle-leave na siya bago mag-retire. Bago mag-12, pinasok ako nina Mam Jec at Mam Deliarte para sa observation. Wala pa naman akong printout ng LP ko sa Hekasi. Gayunpaman, pinagturo nila ako. Ginawa ko namang maituro ang anyong lupa. Nasimulan ko na ito noong Martes kaya may idea na ang mga bata. Wala nga lang akong visual. Mabuti at may nagpasa ng assignment na pictures ng mga anyong lupa. Nagamit ko iyon. Sa tingin ko, naging maayos at malinaw naman ang turo ko. Hindi ako kinabahan. Wala lang. Parang wala lang sila sa classroom. Lumabas lang sila nang nagbigay na ako ng assignment. Hindi na ako nagbigay ng test. Generalization lang. Hindi natuloy ang post-con, kaya umalis na ako. Pumunta ako sa HP. Clinaim (claim) ko ang padala ng mommy ni Epr, as bayad sa nahiram niya. Then, nagbayad ako ng internet bill. Dahil kulang ako sa tulog kagabi, umidlip ako pagdating ko. Alas-singko na ako bumangon. Bitin ang tulog ko. Pero, sinikap kong tumayo para makapag-type ako ng mga akda namin ng mga pupils ko. Agosto 12, 2016 Nag-join na ako at ng advisory class ko sa program ng Buwan ng Wika. Ayaw ko na kasing akyatin at sunduin pa kami ng principal. Ayaw ko ring mahalata niya na ayaw ko talagang suportahan ang administrasyon niya ngayon. Naging masaya naman ang participation ko. In fact, nag-costume din ako. Nagdala ako ng malong. Tiyempo, nagdala rin si Sir Erwin, kaya dalawa kaming nakasuot ng malong. Bago mag-12, kanselado na ang klase. Pinauwi ko kaagad ang mga bata. Past one, umuwi na rin ako. Pero, kinailangan kong bumalik sa school dahil chinat ako ni Auntie Vangie. On the way na raw sina Kuya Junior para i-deliver ang PE uniform. Bumalik ako agad sa school at naghintay ng mga kalahating oras. Nag-deposit pa ako ng P500 dahil kulang pala ang naibayad ko. P20,500 pa pala ang balance. Past 3 ay nasa boarding na ako. Umidlip ako hanggang 5 PM. Mabuti walang umistorbong chatter sa aking pagtulog. Agosto 13, 2016 Alas-otso ng umaga ako nakamulat, pero alas-nuwebe na ako bumangon para mag-almusal. Ang sarap humilata lang. Kung hindi ko lang iniisip ang pagsusulat ng akda, hindi pa sana ako babangon. Habang nag-aalmusal ako ay may pumasok na ideya sa aking utak. Nag-notif kasi ang picture ko na matanda ako. Three ago ko iyon ginawa sa Aging Booth. Gumawa ako ng tula at pinamagatan ko ito ng 'Sa Aking Pagtanda'. Maganda ang feedback nito. May nag-share. Marami na ang nag-like. May nag-comment. Isa na sa nag-like at nag-comment ng 'Napakahusay!' ay ang dati kong teacher sa Filipino na si Mam Tess Padolina. Kahit nga ako ay naiyak sa akda ko. Pambihira talaga kapag mula sa puso ang pagsulat mo. Agosto 14, 2016 Gaya kahapon, alas-9 na ako nag-almusal. Ang sarap lang talagang humilata. Buong maghapon ay naging makabuluhan ang araw ko. Sumulat ng tula. Nag-dumb bell. Nanuod sa youtube. Natulog. Tapos, bukas, wala pa ring pasok. Hayahay! Pahinga pa rin. Natapos ko nang isulat ang "Dalawang Linggo ng Kamunduhan". Isa itong non-fiction na nangyari kamakailan lang o weeks ago. Isa itong napagtagumpayang tukso. Mabasa man ito ni Emily, hindi ko ikakatakot dahil wala namang naganap. Agosto 15, 2016 Alas-10:30 na ako bumangon. Napuyat ako kagabi dahil may ginawa akong kalokohan. Wala halos tuloy akong nagawa maghapon. Umidlip lang ako. Gabi na nang magsimula akong mag-type ng mga journal ko. Kailangan ko namang matulog nang maaga dahil may pasok na bukas. Agosto 16, 2016 Hintay ako nang hintay ng announcement ng suspension ng klase pero nabigo ako. Gayunpaman, sulit naman ang araw ko dahil nakapagturo ako sa advisory class ko at nakapagbenta ako ng PE uniform. Naging magulo, pero nakaya ko naman. Nakabenta ako ng mahigit P20k. Nangangamba lang ako dahil mukhang hindi mabibili ang size 6. Sana pala ay size 8 ang simula ng order namin, hanggang size 18. Matutulog ang puhunan namin kapag nagkataon. After class, hinintay ko lang dumating ang mga pupils na nilaban namin sa Balagtasan. Si Mam Dang ang kasama nila. Nang dumating, nilapitan ko kaagad upang malaman ko kung nanalo sila. Unfortunately, hindi nila nagawa. Okay lang naman. Expected ko na. Ilang araw lamg ang practice nila. Saka, malabo talaga... Pag-uwi ko, umidlip muna ako. Isang oras siguro iyon. Paggising ko ay ginawa ko naman ang introduction ng report ni Sir Erwin. Nagawa ko namang ma-send sa kanya. Hindi nga lang siya nakapag-reply kung okay o hindi. Gumawa rin ako ng visual aid sa Filipino bago ako nag-internet. Nanuod ako ng youtube. Inaabangan ko ang PBB. Agosto 17, 2016 Wala pa rin kaming palitan ng klase. Mas gusto rin naman iyon ng mga estudyante ko. Isa pa, malapit na rin naman ang exam. Pinatawag ako ng principal para pirmahan ang observation sheet na ipapasa niya. Pagkatapos ay tinanong niya ako tungkol sa journalism. Tumanggi kasi ako na maging trainer. Kinausap na ako nina Sir Keliste at Sir Erwin tungkol dito. Pareho lang ang sinabi ko. Natatawa ako sa kanya. Dati, tinanggal niya ako as Filipino coordinator nang walang pasabi. Kinainisan nila ang pag-uwi ko ng karangalan sa Gotamco dati. Sabi nila napakarami kong papel. Nang tinanggihan ko na, ibabalik naman ako. Kailangan ko raw ma-enhance. No need. Nakakasama lang ng loob. Noon, ang effort ko ay balewala sa kanila. Ngayon, kailangan na nila ako. No way! Nag-stay ako sa school ng mahigit isang oras. Nakipag-bonding ako sa ilang hideouters, kahit antok na antok na ako. Bihira lang kasi ang pagkakataon na magkita-kita kami at wala ang principal sa office. Gusto ko sanang maglaba ng mga uniform, kaya lang medyo bumigat ang ulo paggising ko. Nilaan ko na lang ang time ko sa pag-type. Nanuod rin ako funny videos. Hindi ko naman ma-enrol ang pupils ni Mam Dang sa LIS. Internal Server Error. Nakakahiya tuloy. Nagpresenta pa akong tumulong. Nakakainis ang server ng DepEd. Biglang humina. Agosto 18, 2016 Isang oras lang ang naging tulog ko kagabi dahil kinagat na naman ako ng blood sucker. Gaya ng dati, nagkaroon na naman ako ng mga pantal sa buong katawan. Nangamot at nangamot lang ako, mula ala-una hanggang alas-kuwatro. Inis na inis ako. Nahuli ko man ang insekto, wala na rin akong magagawa. Grabe ang maging epekto sa akin. Kahit hindi ako inantok habang may klase, inantok naman ako nang husto habang may faculty meeting. Ang tagal pa naman niyon. Inabot kami ng pasado alas-kuwatro. Umidlip ako pagkatapos kong magkape. Gusto ko na sanang ituloy ang pagtulog. Pinilit ko lang bumangon dahil naisip kong magugutom ako sa kalagitnaan ng gabi. Agosto 19, 2016 Nagturo ako sa klase ko ng 'tayutay at mga uri nito'. Mabilis silang nakaunawa. Agad nilang napaghambing ang kaibahan ng simili at metapora. First time ko itong naituro simula nang nagturo ako ng Filipino. Masarap siyang ituro. Bukod sa natututo rin ako, kailangan ko pa siya sa aking pagsusulat. Nag-order sa Infinite ang Grade IV at V teachers ng PE uniform para sa kanila. Isinabay ko na rin ang pag-order ng additional stocks, lalo na ang mga naubos nang sizes. Nagpagawa rin ako ng size 18. Mabuti nga't online si Auntie Vangie. Nagkaunawaan kami through FB Messenger lang. Bago ako umuwi, after class, nakipagkuwentuhan muna ako kay Mareng Janelyn. Galing daw siya kay Mam. Grabe ang epekto ng mga pagkakaroon ko ng sariling sistema. Kaya pala pinaobserbahan niya ako. Isa pang dahilan ay ang pagtanggi kong sumuporta sa mga school activities nila. Dapat lang iyon sa kanila dahil binalewala nila ang efforts ko noong mga nakaraang taon. Gayunpaman, nakaka-proud dahil ngayon nila ako kailangan at inaawitang makilahok. Kaya lang, wala na silang magagawa dahil buo na ang loob ko. Magiging classroom teacher lang talaga ako ngayong school year at hanggang kailan ko gusto. Hindi naman kasi ako mag-grogrow sa mga school activities, lalo na't may mga tinititigan sila. Pag-uwi ko, umidlip ako. Alas-singko na ako, nakapagmeryenda. Banana-q, chicharon, at kape ang bumuhay na aandap-andap kong ulirat. Agosto 20, 2016 Maaga akong nagising para magbanlaw ng ibinabad kong mga damit kahapon. Gusto ko rin kasing maaga akong makarating sa school kung saan ay may NGO na mag-a-outreach program sa 30 pupils namin. Niyaya ako ni Ms. Kris na dumalo. Siyempre buo na naman ang 1000 Friends. Bago mag-9 ay naroon na ako. Nauna naman sina Ms. Kris at Mam Edith. Wala pa si Papang. Naging photographer ako ng event. Na-enjoy ko ito. Palibhasa, gusto ko ang ginagawa ko. Nasiyahan din akong makita ang mga bata na masaya at busog. Marami silang maiuwing school supplies. Salamat sa mga empleyado Philip Morris-Makati sa kanilang personal money share sa programa. Dumating si Papang habang nagla-lunch kami. Nakahabol siya. Buong-buo pa rin kami. Bago ako bumiyahe papuntang Antipolo, naki-bonding muna ako sa kanila. Doon, tinanong na naman ako ng principal na tulungan ko sila sa journalism. Hindi ko tinanggap, pero nagsabi akong tutulong ako. Kakatwa talaga ang mga nangyayari. Hindi pala talaga nila kaya. Napansin nga iyon ni Sir Erwin. Alas-6 na ako dumating sa Bautista. Paalis naman si Taiwan. Kararating lang niya. Naghatid lang ng pagkain kay Mama. Natutuwa ako. Mabuti rin at may work na siya. Agosto 21, 2016 Naawa ako kay Mama. Tuluyan na yata siyang babawian ng paningin. Hindi na nga niya ako maaanig kagabi nang dumating ako. Ni hindi niya na rin halos maayos ang mga gamit. Sa sobrang pagmamahal niya sa mga halaman, naapektuhan yata ang ang operada niyang mata. Binuhat niya raw kasi ang mga nakapasong halaman upang hindi masira ng mga magtratrabaho ng pader. Ako na nga ang magluto ng ulam dahil hindi na nga niya makikita ang mga rekados. Nag-aalala ako. Paano na siya? Mag-isa lamang siya sa bahay. Ayaw kong makita siyang ganoon kaya umalis ako nang maaga. Past 1 yata iyon. Ipinag-pray ko siya. Gagaling na ang kanyang paningin. Alam kong nasobrahan lamang siya sa trabaho kaya namaga ang mata niya. Pasukan na naman bukas. Inihanda ko na mga kailangan at isusuot ko, saka ako nag-relax. Kaya lang, si Mama pa rin ang nasa isip ko. Gusto ko sanang i-chat si Jano na dalaw-dalawin niya naman nang madalas ang aming ina. Kaya lang, hindi ko na ginawa. Alam kong alam na niya ang sinapit ni Mama. Agosto 22, 2016 Kahit nagturo ako, parang wala ako sa mood. Ito ay dahil masakit ang ulo ko. Aywan ko kung bakit. Hindi naman ako napuyat kagabi. Lalong lumala ang sakit nang malapit na ang uwian. Parang binibiyak ang ulo ko. Umuwi agad ako. Sinikap kong umidlip. Salamat sa Diyos dahil nagawa kong itulog na lang ang sakit. Paggising ko, uminom ako ng kape. Medyo nawala-wala ang sakit, hanggang tuluyan itong naglaho. Kanina, pinakiusapan ako ni Mam Loida na mag-train sa journalism. Pumayag ako. Maya-maya, sina Pareng Joel at Mam Dang naman ang lumapit sa akin. Tinanggap ko na lang ang kategoryang 'pagsulat ng editoryal' dahil wala na raw nais tumanggap. Bahala na... Agosto 23, 2016 Unang araw ng First Periodic Test. Hindi naman agad kami nakapagsimula dahil, dumating ang mga kapatiran ng Bethany Baptist Church upang mangaral ng Values. Nag-stapler pa ako pagkatapos. Nakadalawang subject lang sila ngayong araw. Alanganin kasi ang oras. Hanggang 12 lang ang mga bata. Nagpa-recite na lang ako sa mga nakalistang maingay, habang maghihintay ng oras. Naiinis ako na natatakot dahil hindi ko pa rin mahanap ang Deed of Sale ng lupa at bahay ni Ate Ning, na nakasanla sa akin. Hindi ko talaga lubos maisip kung saan ko naitabi. Hindi naman sana nakasabay sa mga papel na itinapon ko, noong bago mag-resume ang klase. Alas-dos umuwi agad ako. Gusto ko sanang mag-ayos ng classroom, kaya lang ninais ko na lang na matulog o magpahinga. Samantala, umaasa pa rin si Emily na lilipat na ako ng school. Tinanong niya kasi ako kung kailan lalabas ang mga libro ko. Akala niya ay mabibigo lang ako. Doon na lang daw ako sa Aklan kapag hindi natuloy ang paglabas ng mga books ko. Hindi ako nag-confirm. God knows what's best for us. Agosto 24, 2016 Naging maayos ang second day ng 1st Periodic Test. Nakaapat kami ngayong araw. Bukas ay may dalawa pa. Pasado alas-dos ay umuwi na ako para magpahinga at umidlip. Hindi naman ako nakatulog nang matagal dahil sa init, pero okay lang dahil napakinabangan ko naman ang oras. Nag-type ako ng journal ko. Nalulungkot lang ako dahil nang hanapin ko ang papeles ni Ate Ning ay hindi ko pa rin iyon matagpuan. Kapag wala sa school, it means, wala na talaga. Agosto 25, 2016 Ikatlong araw na, pero hindi pa rin natapos ang test. Wala kasing EPP. Nasa Division pa. Mabuti na lang at may unit test na nakahanda sa Math si Mareng Janelyn. Umuwi ako bandang alas-dos. Umidlip. Paggising ko ay nanuod ako ng PBB sa youtube. Nag-type din ako ng journal ko at ng mga akda ng pupils ko. Naka-chat ko rin si Lorna. Binalita niya sa akin na makakauwi na siya. Ticket na lang ang hinihintay. Natuwa ako. Kahit paano ay naging bahagi ako ng pagiging matatag niya sa pagsubok doon sa Saudi. Thankful nga siya sa akin. Bukas, after class, pipickup-in ko ang mga PE uniform sa Bodino. Okay na raw sabi ni Auntie Vangie. Agosto 26, 2016 Hindi pa rin namin nai-test ang EPP dahil walang pang test paper. Nagpa-frequency of correct response na lang ako sa Filipino. Habang wala namang ginagawa ang iba, pinasulat ko sila ng mga akda. Nagsulat ako sa pisara ng mga pamagat, na maaari nilang pagpilian. Pagkatapos ng klase, agad akong bumiyahe papuntang Infinite sa Bodino, SJDM, QC. Mga past 3 na ako nakarating doon. Hindi naman ako agad nakaalis dahil maulan. Paglabasan ng mga Finishing Girls, trineat ko(treat) ng dinner sa food court ng Fisher Mall. Matagal ko na kasing pangako iyon sa kanila. Past 8:30 na ako nakauwi sa boarding house. Pagod na pagod at antok na antok ako. Hindi na rin ako nakainom ng gatas. Mabuti na lang at nakapagsulat pa ako ng tula para sa aking "One Poem a Day Keeps the Stress Away'. Agosto 28, 2016 Wala pang alas-siyete ay gising na ako. Gustuhin ko mang magbabad sa higaan ay hindi ko na nagawa dahil ayaw na ng mga mata ko. Bago naman mag-alas-otso ay nasa school na ako. Hinatid ko ang PE uniform. Nag-ayos at naglinis na rin ako doon, habang nagbabaka-sakaling mahanap ko na ang dokumentong nawawala. Iniba ko ang ayos ng Reading Corner at ang dining area ko. Hindi ko man naayos ang salansan ng mga files ko, maganda pa ring tingnan. Kaunting ayos na lang niyon sa Martes ay okay na. Uuwi na sana ako, nang dumating na si Pareng Joel para mag-train ng mga estudyante para sa journalism. Nag-stay ako at tumulong sa kanya. Naging maayos naman ang unang araw naming training. Halos nakapagbigay ako ng tips sa lahat ng kategoryang kasali, maliban sa copy reading. Ala-una na ako nakauwi at nakakain ng lunch. Hindi na ako tumuloy sa QC Circle para makita ang Orchid Show doon. Masama kasi ang lagay ng panahon. Umidlip na lang ako. Bukas, hindi na naman ako matutuloy dahil inimbitahan ako ni Beverly sa bahay nila sa San Pedro. Agosto 29, 2016 Maaga akong bumangon upang magbanlaw ng mga nakababad kong damit. Dahil dito, maaga rin akong nakarating sa bahay nina Beverly. Ang bait ng asawa niya. Sinundo pa ako sa babaan ng bus. Ang cool ng mag-anak nila. Totoong-totoo ang pakikitungo nila sa akin. Nag-inuman pa kami ni Kuya Boboy, bandang alas-2:30. Nalasing ako sa isang grande na ininom namin. Alas-kuwatro, nagpaalam na ako. Past six-thirty ako nakauwi. Dumating na si Epr. Agosto 30, 2016 Dapat ay nagpapalitan na kami ng klase kanina, kaya lang hindi pa namin magawa. Mga dalawang religious sects na naman kasing nag-intervene ng mga klase namin. Ang kasamahan ko namang dalawa ay nagpa-retest. Ako naman ay inihabol ang EPP sa advisory class ko. Nagbenta rin ako ng PE uniform sa mga teachers at pupils. Nasimulan ko rin ang grades ng mga estudyante. Alas-kuwatro na ako nakauwi dahil nag-train pa ako kay Ruchelle, ang Grade 6 na ilalaban ko sa pagsulat ng editoryal. Interesado na sanang mag-take ng LET si Emily, kaya lang sa September 25 na pala ang test. Noong June pa ang deadline ng registration. Sayang. Agosto 31, 2016 Napuyat ako kagabi dahil may insektong na namang kumagat sa katawan ko. Sa may magkabilang tuhod ako kinagat. Ang kati! Hindi agad ako pinatulog niyon sa tindi ng kati. Alas-dos na yata iyon nang makatulog ako. Kailangan ko pa ring bumangon at pumasok, at siyempre magturo. Hindi naman ako inantok dahil nagpalitan na kami ng klase. After ng klase, nagpa-meeting si Mam Rose tungkol sa SIP. Isinama ko naman sa baba ang trainee ko. Pag-uwi ko, may dala akong meryenda para sa amin ni Epr. Nalungkot naman ako nang malaman kong aalis na naman siya. May tumawag sa kanya. Magre-report na siya ngayong gabi. Hay! Mag-isa na naman akong magdi-dinner.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...