Ilang minuto ang lumipas nang bumangon ako para maghanda sa pagpasok sa trabaho, sumuka ka. Naawa ako sa `yo. Namamayat ka na noon dahil sa ilang araw na pagkakasakit. Madalas ka talagang magkasakit noong bata ka pa. Kaya, madalas kaming nalulungkot ng Mama mo.
Nang medyo maayos ka na, binulungan kita. "Pagaling ka, ha? `Pag gumaling ka na, Jolibee tayo." Agad kang tumayo at nagpabuhat sa akin. Sinaluhan mo ako sa aking pag-aalmusal. Pero, hindi ka kumain. Walang kang gana noon. Matamlay ka pa. Awang-awa ako sa `yo. Hindi ko nga halos malunok ang kinakain ko.
Nang naliligo ako, nilapitan mo ako. Sabi mo, "Ba-bi tayo?" Natutuwa ako dahil hindi mo talaga nakalimutan ang pangako ko sa `yo. Natuwa naman ako dahil nakita kong medyo lumakas ka. "Opo," sagot ko.
Nang paalis na ako, inulit mo pa ng ilang beses ang 'Ba-bi.' Kaya lang, awa na ang naramdaman ko. Gusto mo na naman kasing sumama sa akin. Umiyak ka pa noon, habang paulit-ulit mong sinasabi ang 'Ba-bi.' Akala mo ay may bukas nang Jollibee sa mga oras na iyon.
Sa awa ko sa `yo, kinuha kita sa iyong ina. Lumabas tayo. Inaliw kita sa labas hanggang tumahan ka na. Naisip ko ring um-absent sa araw na iyon upang matupad ko ang pangako ko sa `yo. Baka iyon na ang makakapagpagaling at makakapagbalik sa gana mo. Kaya lang, tinaboy na ako ng Mama mo. Kasisimula ko lang sa trabaho, kaya hindi ako maaaring lumiban nang lumiban.
Siyempre, umiyak ka na naman. Dinig na dinig ko pa nga rin ang palahaw mo kahit malayo na ako. Ramdam ko ang hinanakit mo. Sa ikalawang beses, nabigo na naman kita. Kay sakit sa puso na hindi man lamang kita napagbigyan noon.
Hindi mo lang alam kung paano ko dinamdam ang sandaling iyon. Apektado ang trabaho ko. Gayunpaman, sinikap kong gampanan ang mga gawain ko.
Habang nagtratrabaho, nanalangin ako sa Panginoon. Hiniling ko na gumaling na kayong magkapatid. Mas gugustuhin ko pang gumastos para sa inyong gatas, diaper, at vitamins kaysa gumastos sa inyong mga gamot. Lagi kong hangad na malusog at masaya kayo. Nais ko ring maibigay sa inyo ang mga pangangailangan at mga gusto ninyo.
Nang tanghalian na, napansin ng isa kong katrabaho ang aking katamlayan at pagiging walang gana sa pagkain. Hindi ko kasi naubos ang kanin na baon ko. Sabi nga niya'y kumain ako nang marami. Mabigat daw ang trabaho ko kaya kailangang malakas ako. Kung alam niya lang...
Paano ko malulunok ang pagkain kung ang laman ng isipan ko ay ang mga masasakit na alalahanin?
No comments:
Post a Comment