Followers

Sunday, August 28, 2016

Pundidong Mata

Ikaw ang una kong guro.
Abakada sa aki'y itinuro.
Salat man sa yaman at ginto,
ngunit sa pagmamahal ay puno.

Sa pagbasa, sa'yo, ako'y natuto,
bukod pa sa turo ng guro.
Sa edukasyon ika'y may puso.
Sa akin, ito ang pamana mo.

Noon, literal na sinunog ko
sa gasera, ang kilay ko.
Aandap-andap na ilaw nito,
siyang tanglaw sa aking libro.

"Anak, maawa ka sa mata mo,"
ang madalas na sawata mo.
Ngunit, ako'y 'di huminto...
sa munting liwanag, natuto ako.

Salamat po, ina! Salamat po!
Mga mata ko'y hindi pa malabo
kahit naging matigas ang ulo ko,
at 'di sumusunod sa'yong payo.

Ngunit ngayon, nalulungkot ako
sa sinapit ng mga mata mo.
Hindi mo na makita, aking anino
at kung sa dilim, nagbabasa pa ba ako.

Paano mo mababasa ang libro ko,
kapag nailathala na ito?
Paano mong mahuhusgahan ito?
Paano na, ngayong mata, mo'y pundido?


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...