“Hindi na ako puwede,” tanggi ni Jess nang tumawag si Ram. “Ihahatid na lang kita sa airport bukas. Anong oras ba ang flight mo?”
“Kailangan ko ang prayers mo, Jess. Bakit hindi
ba puwedeng pumunta riyan sa inyo?”
“Galit pa rin sa ‘yo si Rochelle, `di ba? Kapag
nagpakita ka pa sa kaniya, ano na lamang ang iisipin niya? Na hindi pa talaga
ako nagbago? Tama na, Ram. Hayaan mo na ako. Gusto kong bumawi sa mag-ina ko…
Ngayon ko lang makakasama ang anak ko.”
“Hindi ko naman sisirain ang pagbabago mo. Pupunta ako
para humingi ng apology kay Rochelle. Para bago man lang ako umalis sa
Pinas ay mawala ang galit niya sa akin.”
“Ako na ang magpapaliwanag sa kaniya. Okey na kahit hindi
ka na magpakita. Time heals na lang siguro.”
“Kung talagang nagbago ka na, Jess, hayaan mong
ipakita at iparamdam mo sa akin ang Holy Spirit na dumapo sa ‘yo baka-sakaling
ma-possess din ako. Please payagan mo na ako. Gusto ko lang ding
makita ang inaanak ko.”
Napalunok si Jess sa tinuran ni Ram. “B-bakit
bigla-bigla naman `yang desisyon mong umalis? Kamakailan lang, niyaya mo akong rumaket.
Ngayon, aalis ka kamo? Bakit?”
Kakaibang tawa ang una niyang narinig na sagot ni Ram.
“Parang ikaw, ginulat mo rin ako sa pagbabago mo,” sabi nito.
“Magkaiba tayo, Ram.”
“Well, istorya ng buhay mo `yan, at istorya ng buhay ko `to…
Ang mahalaga ngayon, we’re both moving away from the dark side.” Tumikhim
muna ito. “Hindi na kita pipilitin dahil puwede naman kitang puntahan diyan. See
you, Jess.”
“Huwag na, Ram… Ram? Hello, Ram? Hello?”
Halos maitapon niya ang cell phone dahil sa inis.
“Oh, why? Sino ba `yong kausap mo? Tama ba ang dinig ko—si Ram?”
tanong ni Rochelle pagbaba nito mula sa hagdan.
Nakaupo na si Rochelle sa katapat na couch nang
sumagot siya. “Gustong bumisita rito ni Ram.”
Napatayo ang kaniyang asawa. “Hindi siya puwedeng
magpakita sa akin, Jess! Sinira niya ang buhay mo. Sinira niya ang buhay natin.
Nagsisimula pa lang tayo, tapos darating na naman siya. For God’s sake,
Jess! Pigilan mo siya.”
“Ayaw niya ngang makinig sa akin. Aniya, gusto niyang
mag-apologize sa ‘yo, gusto niyang makita si Jesrelle, at gusto niyang
magpa-pray over sa akin.” Mahinahon siya, pero punong-puno ng pangamba
ang puso niya. “Flight niya bukas patungong California.”
“Sa laki ng kasalanan niya sa atin, hindi ako
naniniwala sa mga drama niya.”
Hindi na kumibo si Jess, nagtatalo kasi na ang isip at
puso niya. Sang-ayon ang isip niya kay Rochelle. Ang puso naman niya ay
naniniwalang may karapatan namang magbago si Ram, katulad niya. Dati naman
siyang walang direksiyon, pero ngayon ay may isang landas nang tinatahak dahil
sa binuo niyang pamilya.
“Bakit kasi may communication pa kayo?”
“Hindi ko nga alam, e. Blocked na siya sa social
media accounts ko. Nagpalit na ako ng cell phone number.”
“Gusto ka talaga niyang hilain sa kasamaan. Umaayos na
ang buhay natin, Jess. Huwag ka nang magpabuyo sa kaniya.” Mahinahon na rin sana
si Rochelle, kundi lamang nila narinig ang busina ng sasakyan.
“Siya na `yan, Rochelle,” tarantang sabi ni Jess.
“Oh, my God! Bakit ang bilis niya? Akala ko ba, pinagbawalan mo?”
Hindi na niya sinagot ang asawa. Mabilis at galit niyang
tinungo ang gate. “Ang tigas naman ng ulo mo, Ram! Bakit pumunta ka pa?”
Singhal niya habang bumababa si Ram sa sasakyan. “Umalis ka na. Ayaw kang
makita ni Rochelle.”
Walang tugon na narinig mula kay Ram. Sa halip,
pinagbuksan nito ng pinto ang babaeng buntis.
“Hello! Good evening!” masiglang bati ng babaeng hindi kilala ni Jess.
Inalalayan ito ni Ram.
“Hello,” matabang niyang sagot. “Ram, who is she?”
“Meet my fiancée—Judith. Meet
my bestfriend—Jess,” pakilala ni Ram
sa dalawa.
Parang natuka ng ahas si Jess.
“Hindi mo ba kami patutuluyin?” natatawang tanong ni
Ram, habang nakaakbay kay Judith.
Limang segundo pa ang lumipas, bago natauhan si Jess. “Come
in, come in!” Binuksan niya nang malawak ang maliit na gate upang
makapasok ang dalawa. Napabuntong-hininga siya nang makapasok na ang dalawa. “Bahala
na,” naisaloob niya.
---
“It’s past nine… Bakit ngayon niyo pa naisipang bumisita?”
sarkastikong tanong ni Rochelle kina Ram at Judith. Nakatiklop ang mga kamay
nito sa may tiyan.
“We’re sorry, Rochelle. Ito kasing si Ram, pinakiusapan akong samahan
siya. Alam niya raw kasi na hindi kayo maniniwalang nagbago na siya,” paliwanag
ni Judith.
“That’s true, Jess, Rochelle,” sabad ni Ram. “Believe it or not, si Judith at
ang magiging baby namin ang dahilan ng pagbabago ko. Thank you
dahil na-inspire niyo ako.”
Nanatiling nakatayo lang si Rochelle. Si Jess naman,
tila kumbinsido na.
Hinipo ni Ram ang tummy ni Judith. “Ang suwerte
ng angel na ito kasi nagbukas ng opportunity para sa akin.”
“Bukas ang flight niya,” sabad ni Judith.
“Yes, nasabi na niya sa akin,” tugon ni Jess. “Ikaw? Hindi ka
kasama? Kayo.”
“Hindi. Employment iyon. Maghihintay na lang kami
ni Baby sa kaniyang daddy,” sagot ni Judith. Hindi mawala-wala ang ngiti
nito.
“Paano kayo nagkakilala?” tanong ni Rochelle. Umupo na
ito sa tabi ni Jess. “Alam mo ba ang nakaraan niya?” Itinuro pa nito si Ram.
Ngumiti at tumango si Judith. “If you love the
person, you will accept his past.”
Nakita ni Jess na masuyong pinisil ni Judith ang kamay
ni Ram, na noon ay napayuko at tila naluluha.
“He told me everything, gaya ng galit
ninyo sa kaniya. That’s why I’m here… Jess, Rochelle, for the sake
ng dati ninyong pagkakaibigan, sana mapatawad niyo na si Ram.”
“Hindi ganoon kadali iyon, Judith,” ani Rochelle.
Saglit na dumaan ang anghel sa pagitan ng apat.
“Nasaan ang inaanak ko, Jess?” tanong ni Ram.
“Tulog na siya.” Si Rochelle ang sumagot.
“Oh, I see… Sayang, hindi ko siya makikita.”
“It’s okay, Honey. Pagbalik mo, sigurado magkikita kayo ng inaanak mo. Invited
sila sa birthday party ni Baby,” sabi ni Judith habang hinihimas-himas
ang tummy.
Napangiti si Jess sa ideyang iyon. Sa puso niya,
nakakubli ang excitement. Matagal na niyang pangarap na magkaroon din ng
sariling pamilya si Ram.
____
Habang nagkukuwentuhan pa ang apat, naramdaman na
lamang nina Jess at Rochelle na parang naglaho na ang galit nila kay Ram. Sa
tulong ni Judith at ang sanggol sa sinapupunan nito, unti-unti nilang
nakakalimutan ang madilim na nakaraan. Nagtagpuan nila ang isa’t isa na
nagtatawanan, at nagsasalo sa mga pagkaing inilabas ni Rochelle.
“So, hindi ka na talaga umiinom, Jess?” tanong
ni Ram.
“Hindi na.”
“Kahit wine?”
Tumingin siya kay Rochelle na animo’y humihingi ng
permiso.
“Wala kaming wine, Ram,” tugon ni Rochelle.
“Yown!” bulalas ni Ram. “Puwede ko bang kunin sa
sasakyan ang wine na binili ko?”
“Aba, ready ka, ha!” ani Jess.
“Sige na. Wine lang naman pala. Isa pa, flight
mo bukas. Despideda party kumbaga,” sabi naman ni Rochelle. Iinom din
ako. Ikaw, Buntis, hindi ka puwede.”
“Ay, bakit? Red wine lang naman iyon,”
Natawa na lamang silang apat.
Tumayo na si Ram para lumabas at kunin ang wine
sa sasakyan nito. Nagpatuloy sa biruan ang tatlo.
___
“Ang tagal mo naman, Honey!” sabi ni Judith pagdating
ni Ram.
“Sorry... Tumawag kasi si Papa. Hinahanap tayo.”
“E, sana sinabi mong nandito tayo.”
“Sinabi ko na… Let’s party! Inilabas pa nito mula
sa paper bag ang dalawang red wine, saka itinaas. “And let’s celebrate
the new beginning!”
No comments:
Post a Comment