Followers

Monday, January 13, 2025

Si Luzviminda (Mito)

Si Luzviminda

 

 

Noong unang panahon, nabubuhay sa malaking pulo ang higanteng si Pilip. Simula nang namayapa ang kaniyang maybahay na si Inas, siya na ang nag-aruga at nag-alaga sa kaisa-isang anak nila, na si Luzviminda.

 

Bago nalagutan ng hininga si Inas, nangako si Pilip na poprotektahan niya si Luzviminda sa anomang sakit at kapahamakan.

 

Lumaking mabait, masipag, at mapagmahal na bata si Luzviminda. Lumitaw rin taglay nitong ganda nang nagsimula nang magdalaga.

 

“Anak, ipangako mo sa akin na iingatan mo ang iyong sarili. Maraming binata ang maaaring mahalina sa iyo. Pakiusap ko lamang na kilatisin mo nang mabuti ang lalaking pag-aalayan mo ng puso mo,” bilin ni Pilip sa anak, bago ito umalis upang magtrabaho sa malayong lugar.

 

“Opo, Ama, pangako pong iingatan ko ang aking sarili.”

 

Pagkaalis na pagkaalis ni Pilip, siya namang pagdating ng tatlong binata. Bawat isa ay may dalang handog para kay Luzviminda. Ang lahat ay naglahad ng pagnanais na maging kasintahan ang dalaga.

 

“Hindi ko maaaring suwayin ang aking ama. Patawad, pero wala akong tatanggapin sa sinoman sa inyo,” sabi ni Luzviminda.

 

“Hindi ako papayag na hindi ka maging akin,” sabi ng binatang si Tsin.

 

“Kailangang maging kasintahan kita!” sabi ng binatang si Brun.

 

“Kung hindi ka magiging akin, hindi ka rin dapat mapunta sa sinoman sa kanilang dalawa,” sabi naman ng binatang si Viet.

 

Napaurong si Luzviminda, at nayakap niya ang kaniyang sarili habang naglaban-laban ang tatlong binata.

 

“Tumigil na kayo! Wala akong pipiliin sa inyo, kaya nararapat na umalis na kayo,” sigaw ni Luzviminda, ngunit hindi siya pinakinggan ng mga binata.

 

Nagpatuloy ang madugong labanan. Nagtagisan sila ng lakas at diskarte hanggang sa hablutin ng mga ito si Luzviminda.

 

“Kung hindi ka magiging amin, mabuti pang paghatitian ka na lamang namin,” sigaw ni Tsin.

 

“Huwag! Huwag!” ang tanging naisigaw ni Luzviminda bago nagdilim ang kaniyang paningin.

 

Nang makabalik si Pilip, hindi na niya nakita si Luzviminda. Napaluhod siya habang tumatangis sa lupa.

 

“Patawad, Inas, hindi ko natupad ang aking pangako. Sana hindi na lang ako umalis. Buhay pa sana si Luzviminda,” nguyngoy ni Pilip.

 

Sa kalaunan, napansin ni Pilip ang pulo na tinitirhan niya ay nahati sa tatlo. Dahil sa pagpapahalaga sa alaala ng anak, tinawag niya ang mga pulong iyon na Luzon, Visayas, at Mindanao.

 

 

 

No comments:

Post a Comment

Tibok ng Puso (Dula)

  Tibok ng Puso     Mga Tauhan:     *Lydia     *Brad   Tagpuan:     * Sa isang pamantasan   Eksena 1: Labas. Sa mapunong...