Si Malakas at si Maganda
Habang
nagpapahinga si Bathala sanhi ng ilang araw na pagdisenyo at paglikha ng mundo,
sinulyapan niya ang napakatahimik na kalangitan. Pinagmasdan niya ang kalupaan,
na pinamamahayan ng iba’t ibang uri ng hayop at halaman. Nakaramdam siya ng
kakulangan at kalungkutan, kaya nagplano uli siya.
Kinabukasan,
naghulma siya ang eskultura mula sa mahiwagang luwad, na hinugot niya mula sa
kaniyang puso.
“Ikaw
si Malakas. Magtataglay ka ng lakas at tapang upang protektahan ang mundo.
Bibigyan kita ng hininga, gaya ng mga nilalang sa kalawakan, sa lupa, at sa
tubig, na iyong pamamahalaan. Ipagkakaloob ko sa iyo ang pusong mapagbigay at magpagmahal,”
sabi ni Bathala.
Sa
isang kumpas ng kamay ni Bathala, naging tao si Malakas. “Salamat, Bathala, sa
buhay na ipinagkaloob mo sa akin.”
“Sige
na, mamuhay ka nang payapa at masaya sa ibabaw ng mundo.”
Lumipas
ang mga oras, napansin ni Bathala ang kalungkutan ni Malakas sa kabila ng
magagandang bagay sa kapaligiran. Naisip niyang lumikha pa ng isang eskulturang
kawangis ni Malakas.
“Ikaw
si Maganda. Magtataglay ka ng sipag at ganda upang pagyabungin mo ang mundo.
Bibigyan kita ng hininga, gaya ng mga nilalang sa kalawakan, sa lupa, at sa
tubig, na iyong pamamahalaan. Ipagkakaloob ko sa iyo ang pusong mapagkalinga at
mapag-aruga,” sabi ni Bathala.
Sa
isang kumpas ng kamay ni Bathala, naging tao si Maganda. “Salamat, Bathala, sa
buhay na ipinagkaloob mo sa akin.”
“Sige
na, mamuhay ka nang payapa at masaya sa mundo.”
Tuwang-tuwa
sina Malakas at Maganda nang magkita sila
“Ito
ang inyong mundo. Magmahalan kayo. Paramihin ninyo ang inyong wangis upang mas
lalong sumaya ang mundo. Alagaan ninyo ito, protektahan at pagyamanin. Huwag
kayong makakalimot sa aking tagubilin,” sabi ni Bathala.
Hindi
na nakasagot sina Malakas at Maganda sapagkat abala sila sa paglibot sa mundo.
Kumain sila nang kumain ng mga bungangkahoy. Lumangoy sa dagat at ilog.
Nahalina sila sa magagandang bulaklak at maaamong hayop sa paligid. Nagmahalan
silang dalawa, gaya ng iniutos sa kanila ni Bathala.
Lumipas
ang mga araw, buwan, at taon, nagbunga ang pagmamahalan nina Malakas at
Maganda. Natuwa si Bathala sapagkat tinupad nina Malakas at Maganda ang
kaniyang utos. Unti-unting dumarami ang kawangis nila, na katuwang nila sa mga
tungkulin sa mundo.
Subalit,
isang araw, napansin ni Bathala na ibang-iba na ang mundo. Unti-unting nasisira
ang mga kapaligiran dahil sa kapabayaan, katamaran, at kasamaan ng mga angkan
nina Malakas at Maganda.
“Ipinatawag
ko kayong dalawa upang dinggin ang inyong paliwanag,” sabi ni Bathala kina
Malakas at Maganda, na noo’y nababakas pa rin ang lakas at ganda.
“Patawad,
Bathala, naging abala ako sa ibang bagay at gawain, kaya hindi ko nagabayan ang
aming angkan,” sabi ni Malakas.
“Patawad,
Bathala, naging abala ako sa pag-aalaga sa aking mga anak at apo, kaya hindi ko
naalagaan ang kapaligiran,” sabi ni Maganda.
“Ang
lahat ng pagsuway at pagkakasala ay may karampatang parusa. Kaya, ikaw,
Malakas, ay binabawian ko ng pambihirang lakas. Mula ngayon, paghihirapan mo na
ang bawat pagkaing ihahain mo para sa iyong pamilya. Kasabay ng iyong pagtanda
ang panghihina, gayon ka rin Maganda. Hindi panghabambuhay ang iyong ganda.
Mahihirapan ka sa iyong panganganak upang maging responsable sa iyong mga
supling. Bibigyan ko kayo ng mga pagsubok na dapat ninyong malampasan.”
Sinubukang
magmakaawa nina Malakas at Maganda, ngunit buo na ang pasiya ni Bathala.
“Bago
ako magpaalam, nais kong malaman ninyo na hindi pa huli ang lahat para
magbago.”
Hindi
pinaniwalaan ni Malakas at Maganda ang sinabi ni Bathala, kaya nagpatuloy sila
sa kanilang mga maling gawain. Subalit isang araw, nagkaroon ng malubhang
karamdaman ang mga anak at apo nila. Sumunod pa ang mga kakaibang pangyayari,
na noon lamang nila naranasan. Sumabog nang sabay-sabay ang mga bundok.
Naglabas ang mga ito ng mga nakakasunog at nakakapasong likido. Dumagundong at
gumuhit ng liwanag ang kalangitan. Kasunod niyon ang pagbuhos ng tubig at
malakas na hampas ng hangin, kaya napuno ng tubig ang paligid. Hindi naglaon,
umuga ang kalupaan.
“Bathala,
patawarin mo na kami!” sabi nina Malakas at Maganda nang makita nilang
nahihirapan at nangamatay na ang kanilang angkan.
Hindi
nagpakita sa kanila si Bathala.
Kinabukasan,
ibang-iba na ang mundo. Malayong-malayo ito sa unang mundo, na nilikha ni
Bathala. Nagsisisi sina Malakas at Maganda sa hindi nila pagtalima sa mga
kautusan.
Simula
noon, naniniwala na sina Malakas at Maganda na pinarurusahan nga sila ni
Bathala. Hanggang ngayon, patuloy na nag-iisip ang dalawa kung paano nila
malalampasan ang mga pagsubok.
No comments:
Post a Comment