Followers

Monday, January 13, 2025

Tibok ng Puso (Dula)

 

Tibok ng Puso

 

 

Mga Tauhan:

    *Lydia

    *Brad

 

Tagpuan:

    * Sa isang pamantasan

 

Eksena 1: Labas. Sa mapunong bahagi ng pamantasan. Hapon.

 

Brad: "Miss, kanina pa kitang pinagmamasdan." (Nakaupo sa bench) "May problema ka rin ba?"

Lydia: (Malungkot at tila humihikbing sa katapat na bench. Umangat ang mukha. Namumugto na ang mga mata. Tumango lamang at muling yumuko.)

Brad: "Maaari ba akong tumabi sa'yo?"

Lydia: (Tahimik na umusog)

Brad: (Saglit na nag-isip ng sasabihin) "May mga taong hindi ka kayang mahalin, kung ano at sino ka talaga..."

Lydia: (Nagpunas ng luha)

Brad: "Bakit kailangan nating masaktan kapag nagmahal tayo? Bakit kung sino pa ang tunay na nagmamahal ay siyang nasasaktan?"

Lydia: "Bakit kailangang may pagitan sa gitna ng langit at lupa? Kailan ba tayo puwedeng maging malaya?" (Mabilis na sinulyapan ang binata)

Brad: "Lagi kong itinatanong sa Diyos, kung ano ang kahulugan ng pag-ibig, ngunit ang sagot niya sa akin ay kabiguan."

Lydia: "Hindi ko na rin alam ang kahulugan ng salitang pag-ibig. Ang alam ko, umibig ako. Nasaktan." (Tumayo at marahang lumayo)

 

 

 

 

Eksena 2: Labas. Sa mapunong bahagi ng pamantasan. Iba’t ibang araw at oras

 

MONTAGE

 

Sa sumunod na araw, bumalik si Brad sa paborito niyang lugar sa kanilang campus, kung saan niya nailalabas ang kaniyang emosyon. Subalit blangko ang dalawang magkaharap na bench. Tahimik ang lugar na iyon, kaya nakaramdam siya ng kabiguan. May nais sana siyang makita. May taong gusto niyang makausap.

Araw-araw pumupunta roon si Brad upang magbaka-sakaling maabutan niya si Lydia, subalit tanging ang mga tuyong dahon lamang ang mga nakaupo sa bench, na minsang kanilang pinagsaluhan.

 

Eksena 3: Labas. Sa mapunong bahagi ng pamantasan. Hapon.

(Naabutan ni Brad si Lydia, na umiiyak.)

Brad: "Lydia?" (Masaya ngunit naaawa) "Kamusta ka na? Kay tagal kitang hinintay..."

Lydia: (Kusang umusog upang makaupo si Brad)

Brad: "Hanggang ngayon ba'y hindi ka pa rin malaya?"

Lydia: (Tumango lamang)

Brad: "Kailan ka lalaya? Ako kasi ay nakahanap na ng kasagutan sa aking katanungan."

Lydia: "Kung lumaya ba ako'y may ligaya akong masusumpungan?"

Brad: "Oo, Lydia. Minsan, ang kaligayahan ay nasusumpungan sa malapit lamang. Madalas tayong mabigo dahil akala natin sa malayo pa natin iyon matatagpuan, ngunit mali. Tumingin ka sa paligid mo..." (Naghintay na sumunod si Lydia)

Lydia: (Umangat ang ulo. Inikot ang paningin. Nakita ang mga estudyanteng naglalakad sa malayo, ang mga punong tila nakangiti, at ang mga tuyong dahon sa lupa. Umiling-iling.)"Wala..."

Brad: (Bantulot na pinatong ang kamay sa kamay ni Lydia) "Pakiramdaman mo..."

Lydia: (Hindi nagalit sa ginawa ni Brad, bagkus ay pumikit at pinakiramdaman ang kamay ng binata.) "Wala..." (Umiling pa, bago muling yumuko)

Brad: (Walang ano-ano, kinuha ang kamay ni Lydia at itinapat niya sa kaliwang dibdib) "Ngayon ay tingnan mo ako..."

Lydia: (Animo'y nahipnotismo. Nasilayan sa unang pagkakataon ang malalamlam, ngunit magagandang mata ni Brad.)

Brad: "Pakiramdaman mo."

Lydia: (Pumikit at pinakiramdaman ang tibok ng puso ng binata.)

Brad: "Lumaya ka na sa nakaraan mo. Lumaya ka na sa sakit na nagpapahirap sa'yo. Ang pag-ibig ay biyaya ng Diyos. Tanggapin mo ito. Tanggapin mo ang puso ko, Lydia..." (Gumaralgal ang boses) "Nang una kitang makita, alam ko, ikaw ang kasagutan sa aking tanong. Ikaw, ang pag-ibig ko."

Lydia: (Tumulo ang luha.)

Brad: "Kailangan nating masaktan upang ating malaman na may tao pa ring nakalaan para sa atin. May nakalaan para sa'yo..." patuloy ni Brad. "Damhin mo, kung ako ba iyon."

Lydia: (Muling umagos ang mga luha, saka kumawala sa kamay ng binata at tumakbo palayo.)

Brad: "Lydia!" (Maluha-luhang sigaw) "Lydia, hindi mo ba naramdaman?"

 

Lumipas ang mga araw at ang linggo, hindi pa rin niya matagpuan ang babaeng kumurot sa puso niya. Kung kailan niya natagpuan ang sagot sa kaniyang katanungan, saka naman sa kaniya ipinagkait ang kanilang pagtatagpo.

 

No comments:

Post a Comment

Tibok ng Puso (Dula)

  Tibok ng Puso     Mga Tauhan:     *Lydia     *Brad   Tagpuan:     * Sa isang pamantasan   Eksena 1: Labas. Sa mapunong...