Real (E)state sa/ng Pilipinas
Ang bahay
na walang tao ay parang katawan, na walang kaluluwa. Totoo ito. Pero ang taong
walang bahay ay parang kaluluwa na walang katawan. Tama ba ako?
Tuwing
lumuluwas ako nang madaling araw sa siyudad, napapalingon ako sa mga taong
nakahiga sa karton. Wala silang tahanan, kaya wala silang maayos na higaan.
Kahabag-habag ang kanilang kalagayan. Iyan ang real state ng Pilipinas.
Ayon sa
datos ng Philippine Development Plan 2023-2028, tinatayang aabot sa 6.8 milyon
ang kakulangan sa pabahay sa Pilipinas.
Napaisip
ako… … Andaming real estate companies sa Pilipinas, pero andami pa ring
walang sariling bahay. At natanong ko ang sarili ko… Nasaan na kaya ang mga
politikong nangako ng mga pabahay?
Paunlad
nang paunlad ang real estate and land development industry sa Pilipinas.
Patuloy na namamayagpag ang mga higanteng kompanya, gaya ng Ayala Land, SM
Prime Holdings, Vista Land, at Megaworld Corporation. Lumalaki rin ang bilang
ng mga papausbong na land developers. Walang awat din ang pagsilang ng
mga kapitalista, na nag-aalok ng iba’t ibang oportunidad sa pagkakaroon ng
sariling tahanan. Iyan ang real estate sa Pilipinas.
Subalit,
sabi nga, “maililihim ang yaman, ngunit hindi ang kahirapan.” Mula sa
nagtatayugang gusali o condominium, matatanaw o madurungawan mo ang
totoong mukha ng kahirapan. Sa gitna ng maunlad na sibilisasyon, may mga
tahanang hindi nakasasabay sa pamantayan ng kaunlaran. May mga taong hindi
batid ang kahulugan ng salitang ‘kaunlaran’ sapagkat namulat sila sa salitang
‘kahirapan.’
Natuklasan
ng Bangko Sentral ng Pilipinas nitong 2023 mula sa mga datos ng Residential
Real Estate Loan Granted ay nagsitaasan. Ang presyo ng single detached unit
ay lumobo ng 49.1%. Ang condo ay umangat ng 33.6%. Ang townhouses ay
umakyat ng 16.8%. At ang duplex ay tumaas ng 0.4%. Nangangahulugan ito
na mas mahirap para sa mahihirap nating kababayan ang maka-avail ng mga
ito. Napakahirap para sa kanila ang magkaroon ng kaligayahan. Sa bahay ang
tunay na kaligayahan, sabi nga. Kaya kung patuloy na aakyat ang presyo ng mga
pabahay, talagang hindi makakaahon sa kawalan ng disenteng tirahan ang
mahihirap nating kababayan.
Sang-ayon
ako sa sinabi ng dating senador na si Panfilo Lacson, sa kaniyang kampanya
noong 2022 presidential election. Aniya, madaling sabihin na ang lahat
ng boboto sa kaniya ay mabibigyan ng bahay, pero imposible iyon dahil kapag
ginamitan ng Matematika, ang annual budget, let’s say P500 bilyon
sa isang taon ay mauubos para sa 5.3 milyong bahay.”
Naglabas naman
ng Executive Order No. 34 si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Abril 29,
2024. Ipinag-uutos dito na gamitin ang mga nakatiwangwang na lupain ng gobyerno
para sa mga housing project ng pamahalaan. Dito ipinanganak ang flagship
program na Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program o 4PH.
Ito na kaya
ang sagot sa problema sa pabahay? Ito na kaya ang solusyon sa mahal na presyo
ng real estate properties? O baka ito pa rin ang pangakong napako? Abangan
natin ito!
Basta ang
masasabi ko, hindi ang presyo ng real estate ang problema. Nasa mga
namumuno ang susi ng problema. Sila ang magbubukas ng kaunlaran. Sila rin ang
magsasara sa kahirapan. At tayong mga mamamayan ang pipili sa kanila.
Piliin
natin ang hindi nangangako, pero umaaksiyon. Iboto natin ang umaaksiyon para sa
kapakanan ng mga Pilipino—mayaman man o mahirap.
Tandaan, ang
hindi tumutupad sa pangako ay hindi karapat-dapat pagkatiwalaan. Huwag
magtiwala sa mga pangako ng hangin. Sa halip, pagkatiwalaan natin ang mga
pinuno na ang hangad ay wakasan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagputol sa
ugat ng korupsiyon.
Ang
korupsiyon ang nagdudulot ng mga problema sa bansa. Hindi man afford ng
iba ang mga pabahay ng mga kompanya, pero deserve ng bawat Pilipino ang
tahanang binuo ng ating mga iniluklok na pinuno ng gobyerno. Deserve
natin ang matinong pinuno—pinunong may kaluluwa.
Ang
pinunong magbibigay ng tahanan sa bawat Pilipino ay lider na may puso. Siya’y
tiyak na pinalaki ng mga magulang sa isang masayang tahanan dahil ang tahanan ay
kung saan ang puso ay naroroon.
No comments:
Post a Comment