Si Handiong
Tanyag ang Ibalon sa mga lungtian at mayamang kagubatan, subalit ginigimbal
at pinipinsala ng mga halimaw ang kanilang bayan. Dahil matanda na si Baltog,
si Handiong na ang namuno sa Ibalon.
Hinahangaan ng lahat si Handiong. Kahit ang mga maya ay nagsasalita kung
kaano kaguwapo at katalino ang kanilang pinuno.
Si Maribok naman, ang haring palaka, ay araw at gabing kumukokak upang ipagsabi
ang katapangan ni Handiong.
Si Tuktok, ang inang kalaw, habang nagtuturo sa mga inakay, ay
nagkukuwento kung paano kumikislap ang mga kalamnan ni Handiong kapag
nasisinagan ng araw.
Maging si Poringot, na isang mabalbong
manok, kapag nakakasalubong si Handiong ay yumuyukod habang nakalahad ang
pakpak.
Si Bolinao naman, na guro ng maliliit na isda, ang siyang nagtuturo sa
paaralan ng isda. Palagi niyang ikinukuwento kung gaano kahusay sa pangingisda si
Handiong.
Labis ang pasasalamat ng mga taga-Ibalon, hindi lang dahil sa
kaguwapuhan at kakisigan si Handiong, kundi dahil din sa katapangan nito.
Subalit ang paghangang ito ng kaniyang mga nasasakupan ay may kapalit na
pangamba dahil ang kanilang mga kagubatan ay pinamamahayan ng mababangis na
halimaw, gaya ni Punong-ang, ang halimaw na may iisang mata, mga tamaraw, mga
higanteng buwaya, at ang mga ahas na naninirahan sa Bundok Hantik.
Pinamumunuan ng maliksing ahas, na si Oryol ang mga hayop na ito.
Nahihirapan si Handiong na talunin ang babaeng ahas dahil sa katusuhan nito.
Pinakamagandang
dalaga noon sa lbalon si Oriol, subalit dahil sa inggit ni Hilang, na isang
asuwang, ay kinulam ito. Tuwing araw, nagiging kalahating tao-kalahating ahas
si Oriol. At tuwing hatinggabi, bumabalik ang kariktan nito. Sinumpa ni Hilang si
Oriol sa pamamagitan ng buto ng pitogo, at tanging tunay na pag-ibig lamang ang
makatatanggal sa sumpa.
Isang gabing may
maliwanag na buwan, inatake ng mga halimaw ang isang nayon sa Ibalon. Winasak
ng mga ito ang mga pananim. Pumatay rin ang mga ito ang mga tao.
Sa galit, lumaban
sina Handiong at mga tauhan niya. Nagawa nilang itaboy ang mga halimawa.
At nang gabing iyon,
nagdesisyong sumugod si Handiong at mga kawal sa kagubatan.
Samantala,
nagsisisihan ang mga halimaw sapagkat naduwag ang mga ito nang makita sina
Handiong.
“Tama na!” sigaw ni Oriol.
“Ako na ang tatalo kay Handiong. Gagamitan ko siya ng talino.” Kumislap ang mga
mata nito, at naglabas ng dila.
Habang nagpapahinga,
nalungkot si Oriol. Nagmuni-muni siya. Naisip niya ang madalas na pagsabog ng bulkang
Mayon, at pagdating ng mga bagyo. Tila pagod na siyang tugisin si Handiong. Naiirita
na siya sa ingay at pagmumura ng pinamumunuan niyang mga halimaw. Pagkatapos,
naalala niya kung sino talaga ang tunay na ahas— si Hilang.
Mabilis lumipas ang
isang araw.
Sa kalaliman ng gabi,
nagising si Oryol na tila kay saya. Umawit siya sa pambihirang tinig, na naging
dahilan upang matigilan ang mga hayop sa kagubatan.
Pagkatapos umawit,
marahan siyang dumilat. Namangha siya sa kaniyang pagbabago. May mga kamay na
siya. Ang mga daliri niya’y parang kandila sa kinis. Hinaplos niya ang kaniyang
itim na buhok patungo sa balingkinitan niyang baywang. Napansin niya ang kaniyang
mga binti.
Maya-maya, nilapitan
si Oriol ng mga kuwago at unggoy, na pare-parehong nagagalak nang makita siya
sa bagong anyo. Habang nakikipag-usap sa mga ito, nakita ni Oriol ang
paparating na si Handiong.
Lumulukso ang puso ni
Oriol sa tuwa habang sinasalubong si Handiong.
"Binibini,
subalit nag-iisa ka sa madilim na gubat. Hindi ka ba natatakot sa mga halimaw
na nakatago sa dilim?" tanong ni Handiong kay Oriol.
"Mga halimaw?
Sila’y mahihimbing pagkatapos kong umawit… Halika, sasamahan kita sa kanila.”
Tiwalang sumama si
Handiong sa dalaga. Doon, agad na umawit si Oriol hanggang makatulog ang mga
halimaw.
Nilabanan naman ni
Handiong ang antok. Naisip niyang magtulog-tulugan.
Nang gumapang si
Oriol patungo kay Handiong, hinawakan niya ang leeg ng dalaga. “Muntikan mo na
akong malinlang, Ahas!” Lalong humigpit ang kamay niya sa leeg nito hanggang
naging marikit na babae ito. Naisip niyang hindi halimaw ang kaharap niya, kaya
nang mawalan ito ng malay, marahan niyang inihiga ito sa mga dahon. “Walang
halimaw na kaibig-ibig,” sabi niya. Yumuko siya at hinalikan ang dalaga.
Kumawala sa kamay ni
Oriol ang buto ng pitogo, na maaaring magpalaya sa kulam ni Hilang.
Hindi naman nagtagal,
nagising ang mga halimaw at sinalakay siya at ang kaniyang mga kawal. Umalingawngaw
sa gubat ang mga sigaw ng mga halimaw at matatapang na lalaking may matatalim
na sibat. Aksidenteng naapakan ni Handiong ang buto ng pitogo, kaya nadurog
iyon. Dahil sa pagkadurog ng buto ng pitogo, nanghina ang mga halimaw. Hindi
naman nawala ang sumpa kay Oriol, kaya naging ahas uli ito. Subalit nahahati
ang puso nito. Ayaw niyang maging taksil sa mga halimaw, ngunit hangad niyang
tumulong kay Handiong.
Mag-uumaga na, pagod na ang
mga kawal at mga halimaw sa pakikipaglaban. At tila walang nais magpatalo.
“Ginoo, puntiryahin mo ang
puso nila!” payo ni Oriol.
Poot na poot na binalingan
ng mga halimaw si Oriol. Inilabas ng mga buwaya ang matatalim na pangil. Bumuo
ng isang batalyon ang mga tamaraw habang nakaamba ang mga sungay. Umikot-ikot naman
ang isang mata ni Punong-ang.
Sinamantala, iyon ni
Handiong upang ihanda ang sarili at mga kawal sa isa pang madugong labanan. At
sa tapang at lakas, isa-isang napabagsak ng kaniyang hukbo ang mga halimaw.
"Ipagpatawad mo, Binibini, kung nagapi namin ang iyong mga
kaibigan,” sabi ni Handiong.
"Hindi ko talaga sila kaibigan,” tugon ni Oriol. "Si Hilang ang
may pakana ng lahat ng ito. Dahil sa kaniya, napalayo ako sa aking pamilya at
mga kaibigan.”
"Dapat kang lumigaya… Halika, sumama ka sa aking tahanan.
Karapat-dapat kang maging tanglaw ang ating magiging anak.” Inabot niya ang
kamay kay Oriol.
Nagbunyi ang mga kawal nang tanggapin ni Oriol ang kamay ni Handiong.
Hindi nagtagal, sa isang nayon sa Ibalon, nagtipon ang lahat-- kasama
sina Maribok, Tuktok, Poringot, at Bolinao, sa maringal na pag-iisang-dibdib
nina Handiong at Oriol.
No comments:
Post a Comment