Pag-ibig sa Tamang Panahon
Enero 9, 2025
Mga Tauhan:
*Ma’am Serrano – guro sa Alternative Learning System (ALS)
*Angelo Corrales – estudyante at construction worker
*Aling Gelang - nanay ni Angelo
*Mang Agusto – tatay ni Angelo
*bigotilyong security guard
*mga katrabaho ni Angelo
*mga estudyante ni Ma’am Serrano
Tagpuan:
*sa barumbarong
*sa construction site
*sa kalsada
*sa iba’t ibang classroom
Sequence 1: Labas. Barumbarong. Hapon
Ma'am Serrano: "Magandang hapon po."
Aling Gelang: "Magandang hapon din." (Nataranta ito kung paano itatabi
ang mga nakaharang na batya, timba, at mga basang damit.)
Ma'am Serrano: "Kayo po ba ang magulang ni Angelo?"
Aling Gelang: "Opo, Ma'am! Ako po si Aling Gelang… Naku, pasensiya na po.
Hindi na po siya nakakapasok. Sinama kasi siya ng ama niya sa ginagawang building
diyan."
CUT TO:
Sequence 2: Labas. Construction Site.
Hapon
Ma'am Serrano: "Sir, good afternoon po!" (Ngumiti)
Security Guard: "Good afternoon, Miss!" (Nakangisi)
Ma'am Serrano: "May hinahanap po ako. Si Angelo Corrales. Puwede po ba siyang
makausap?"
Security Guard: (Tumawa muna) "Miss, sa dami ng trabahador dito, hindi
ko kilala ang hinahanap mo. Nandito naman ako." (Kumindat at binasa ang
mga labi.)
Ma'am Serrano: (Naaasar man, pero hindi siya nagpahalata.) "Sir, anong
oras po ba ang uwian nila?"
Security Guard: "Uwian? Boyfriend mo ba siya o asawa?" (Tiningnan
si Ma'am Serrano, mula mukha hanggang dibdib.)
Ma'am Serrano: "Teacher niya po ako. Dalawang Sabado na po kasi siyang
absent."
Security Guard: (Tila napahiya. Tumingala ito sa building.) "Sorry,
Ma'am... Hindi ko po alam kung mag-o-overtime sila o hindi."
Ma'am Serrano: (Nalungkot)
Security Guard: "Pero, Ma'am, kung walang OT ngayon, pauwi na ang mga
trabahador. Alas-singko na, e." (Naging pormal na ang pananalita)
Ma'am Serrano: (Magpapaalam na sana, nang marinig at makita niya ang mga
parating na construction workers. Natuwa siya.)
Security Guard: "Ma'am, labasan na pala sila. Sana nandiyan ang estudyante
mo."
Ma'am Serrano: "Sana nga." (Ngumiti, saka pumuwesto siya sa gilid ng
guard house.)
(Bawat
palabas na empleyado ay napapatingin kay Ma’am Serrano. Ang iba ay may mga
positive side comments pa. Nahiya tuloy siya.)
Angelo:
"Ma'am!"
Ma'am Serrano: (Narinig na niya ang malakas na boses ni Angelo. Nginitian niya
ang estudyante.) "Pinuntahan kita sa bahay ninyo. Nandito ka
pala."
Angelo: (Nahiya
si Angelo sa pagharap sa guro. Itinapon nga niya ang kasisindi lamang na
sigarilyo. Pinagpagan pa niya ang kaniyang maalikabok na uniporme.)
"Ma'am, sorry po kung napasugod pa kayo... Doon po tayo."
Ma'am Serrano: (Bago tumalikod si Ma'am Serrano, sumenyas muna siya sa sikyu.
Nagpasalamat siya.)
Security Guard: (Kumaway at ngumiti, at tila kinilig pa ang mga mata.)
CUT TO:
Sequence 3: Labas. Kalsada. Hapon
Angelo:
"Si Papa ko pala. Pa, si Ma'am Serrano po... Siya po ang naikukuwento ko
sa inyo."
Ma'am Serrano: (Sandaling napaisip) "Magandang hapon po, 'Tay!" (Mabilis
na nagmano)
Mang Agusto:
(Tila naalangan, nang abutin ang kamay ng guro) "Magandang hapon
po, Ma'am. Pasensiya ka na po rito sa anak ko, e, kailangan daw niyang
kumayod."
Ma'am Serrano: "Naunawaan ko po, kaya nga po ako nandito ako para..."
Angelo: (Sumabad)
"A, Pa, puwedeng mauna na po kayo?" (Napakamot pa sa ulo)
(Pumayag
naman ang ama at agad na nagpaalam sa dalawa. Sinundan naman nila ng tanaw ang
ama.)
Ma'am Serrano: "Angelo, kailangan mong pumasok next week."
Katrabaho 1:
"Angelo, hayop, a! Saan ang date niyo?" (Nagbibiro,
gayundin ang kasamang tatlo)
Angelo: (Napangiti
at napakamot sa ulo) "Sssh. Si Ma'am Serrano."
Katrabaho 1:
"Hi, Ma'am!"
(Nagtawanan
na lamang sila. Pagkatapos, nauna na sa paglakad ang mga iyon. Natahimik namang
bigla si Angelo.)
Ma'am Serrano: "Angelo, humahanga ako sa determinasyon mong makatapos. Noong
una pa lamang kitang makita, alam ko, makakapasa at makakatapos ka."
Angelo:
"Salamat po, Ma'am... pero hindi ko na po yata kayang maipagpatuloy."
Ma'am Serrano: (Huminto. Napalunok.) "Sabi mo, gusto mong maging
pulis. Sa palagay mo, makakamit mo ang pangarap mo kapag sumuko ka?"
Angelo: (Hinarap ang guro, ngunit agad ring
yumuko.) "Ma'am, suntok sa buwan ang pangarap
ko. Sa kalagayan ng buhay namin, mas gugustuhin ko na lang maghanapbuhay kaysa
mag-aral... Ma'am, tama na po ako sa ganito."
Ma'am Serrano: "Walang masama sa trabaho mo. Marangal 'yan. Kaya lang, mas
maganda sana kapag nakatapos ka. Hindi naman mahirap maabot ang pangarap mo.
Determinasyon lang. Tiyaga. Inspirasyon. Nariyan ang pamilya mo. Gawin mo
silang inspirasyon. O kaya ang girlfriend mo."
Angelo: (Napangiti)
"Kung inspirasyon lang po, Ma'am... punong-puno ako niyan. Pero girlfriend...
imposible, Ma'am. Masasaktan lang ako, Ma'am. Wala namang gugusto sa hamak na construction
worker lamang."
Ma'am Serrano: "Huwag kang magsalita ng gan'yan, Angelo. Huwag mong maliitin
ang sarili mo." (Kusa na lang naipatong ang kanang kamay sa kaliwang
balikat ni Angelo) "Angelo, tingnan mo ako."
Angelo: (Nahihiyang
tumitig, pero tila nakuryente)
Ma'am Serrano: "Kung susuko ka, para mo na ring isinuko ang obligasyon mo sa
mga magulang at kapatid mo. Sabi mo noon, gusto mong mapag-aral ang mga kapatid
mo sa private school. Paano mo magagawa iyon, kung ikaw mismo ay tumigil
na sa pangangarap?" (Saka lamang namalayang nakapatong ang kamay sa
balikat ng estudyante. Patay-malisya itong inalis.) "Angelo, laki rin
ako sa hirap. Sa probinsiya namin, kami na yata ang pinakasalat, pero
nagsumikap ako. Nangarap, hanggang... hanggang heto ako."
(Nang nagtama
ang kanilang mga paningin, parang matagal na silang magkakilala. Parang malalim
na ang kanilang samahan.)
Angelo: "Ma'am,
napakabuti po ng loob ninyo. Alam kong hinanap at hinintay niyo pa ako para
lang sabihin sa akin kung gaano kahalaga ang edukasyon at pangarap. Salamat,
Ma'am!"
Ma'am Serrano: (Natawa) "Masyado ka namang pormal, Angelo. Ilang taon
ka na ba? Hindi ba't magkasing-edad lang tayo?"
Angelo: "Opo!"
Ma'am Serrano: (Lalong natawa) "Ayan, pinatatanda mo talaga ako."
Angelo: "Sorry,
Ma'am. Ganyan kasi ang turo sa akin ng mga magulang ko. Sabi nila, kahit hindi
rin sila nakapagtapos ng pag-aaral, malaki raw ang serbisyo ninyo sa bansa.
Kayo raw po ang tunay na bayani."
Ma'am Serrano: "Siguro... Ako, kasi, palibhasa unang taon ko pa lamang sa
serbisyo, hindi ko pa iyan masasabi. Basta ang alam ko, nagmamalasakit ako sa
'yo."
Angelo: "Sa
akin, Ma'am?" (Inosente ang tanong)
Ma'am Serrano: "Hindi lang sa 'yo, kundi sa lahat ng estudyante ko." (Namula
ang pisngi, kaya nagsimula nang maglakad.)
(Natahimik
sila nang ilang sandali.)
Angelo: "Ma'am,
saan ka po umuuwi ngayon? Ihahatid na po kita."
Ma'am Serrano: "Gusto mong malaman?" (Ngumiti)
Angelo: "Yes,
Ma'am!"
Ma'am Serrano: "Tapusin mo muna ang ALS. Ipasa mo. 'Tapos, mag-aral ka sa
kolehiyo. Saka ko sasabihin sa 'yo."
Angelo: "Hala,
si Ma'am! Ang tagal pa no'n!" (Napakamot sa ulo.)
Ma'am Serrano: "Sabi nga, kapag may tiyaga, may nilaga."
Angelo: "Ang
lalim mo, Ma'am. Ganyan ka ba mangusap sa boyfriend mo?"
Ma'am Serrano: "Palasak na ang kasabihang 'yan. Saka, sinong boyfriend?
Wala, 'no!"
Angelo:
(Hindi makapaniwala sa narinig. Lalong lumakas ang kabog ng dibdib niya, kaya
lang bigla rin itong nawala.)
Ma'am Serrano: "Bakit parang tinakasan ka ng ligaya sa katawan?" (Napansin
ang pagkahulog ng kasiyahan ni Angelo)
Angelo: "Ma'am,
kasi... pareho tayo. Mahirap palang maging mahirap."
(Napatigil uli sila sa paglakad.)
Ma'am Serrano: (Hindi rin nakasagot)
Angelo: "Ma'am,
kung iibig ba ako sa katulad ninyo, may pag-asa ba akong sagutin?"
Ma'am Serrano: (Lalong napipi at hindi matingnan si Angelo.) "Ang
pag-ibig ay para sa lahat. Walang kasarian, edad, relihiyon, o katayuan sa
buhay.'
Angelo: "Ma'am,
hindi niyo po nasagot ang tanong ko."
Ma'am Serrano: "Kapag pumasok ka sa Sabado, malalaman mo ang sagot ko."
Angelo: "Talaga,
Ma'am?" (Parang bata)
Ma'am Serrano: (Tumango at ngumiti lamang, saka muling naglakad)
Sequence 4: Loob. ALS Room. Umaga
(Makikitang
pursigidong matuto si Angelo. Patingin-tingin siya kay Ma’am Serrano habang
nagsusulat. Madalas din niyang tingnan ang oras sa wall clock.) FADE TO:
Sequence 5: Loob. ALS Room. Hapon.
Ma'am Serrano: "Sa tingin ko sa 'yo, hindi ka mahirap mahalin." (Nagliligpit
ng mga gamit)
Angelo: (Natahimik,
habang pinagmamasdan ang guro, at lalong tumaas ang paghanga) "Ma'am,
ihahatid na kita." (Akmang kukunin ang mga gamit ng titser)
Ma'am Serrano: (Hindi binigay ang mga gamit. Kumurba pa ang mga kilay)
"Hindi ba't may usapan na tayo. Sana natandaan mo pa 'yon."
Angelo: (Nag-isip)
"Magtatapos ako sa ALS. Mag-aaral sa kolehiyo... Okay. Matagal
iyon, pero... pero kaya ko 'yon, Ma'am!"
Ma'am Serrano: "Salamat naman kung gano'n! Mauna ka nang umuwi."
Angelo: "Yes,
Ma'am! Ingat po kayo."
Ma'am Serrano: "Ingat ka rin."
CUT TO:
Sequence 6: Loob. ALS Room. Umaga.
(Sa mga
sumunod na Sabado, mas naging masigasig si Angelo na matuto. Labis namang
ikinatutuwa iyon ni Ma'am Serrano. Pareho rin silang may itinatago at
pinipigilang damdamin. Ang tangi lamang nangungusap sa kanila ay ang mga mata,
pintig ng puso, at ang pag-alala sa bawat isa.)
(Seryoso si
Angelo na tapusin ang ALS at maipasa ito.)
Sequence 7: Loob. Construction Site.
Umaga.
(Sinikap
niyang magtrabaho kapag araw ng Lunes hangang Biyernes upang makatulong sa
pamilya at makapag-ipon para sa kaniyang pagkokolehiyo. Ang kaniyang pamilya,
ang kahirapan, at ang pangako ni Ma'am Serrano ang kaniyang pinanghahawakang
inspirasyon. Aminin man niya o hindi, gusto niyang ibigin ang kaniyang guro.)
Sequence 8: Loob. ALS Room. Hapon.
Ma'am Serrano: "Gragraduate ka na sa Agosto... I'm sure, proud
na proud sa 'yo ang mga magulang at mga kapatid mo. Hindi ba't sabi
ko sa 'yo na matutupad mo ang pangarap mo? Hayan na, malapit ka na." (Malungkot)
"Hindi na ako makakadalo sa graduation rite ninyo... Huwag kang
mag-alala, may teacher naman na papalit sa akin."
Angelo: (Hindi
naitago ang luha) "Ma'am, pinilit kong makapasa para marating ko ang
tirahan mo, tapos ganito lang pala."
Ma'am Serrano: (Napangiti) "Uuwi ako hindi dahil ayaw kong tuparin ang usapan
natin. Uuwi ako sa probinsiya dahil kailangan ako ng Mama ko. May sakit siya.
Doon na rin ako magtuturo para may mag-aalaga na sa kaniya. Isa pa, ang bahay
ko rito sa Manila ay inuupahan ko lang."
Angelo: (Kumbinsido)
"Ma'am, salamat sa inspirasyon!"
Ma'am Serrano: "Walang anoman! Trabaho ko iyon. Proud ako sa 'yo.
Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya nang malaman kong pasado ka. Salamat
din dahil isa ka sa nagpatunay kung gaano kahalaga ang papel ko bilang
guro." (Napaluha) "Mauna ka nang umuwi, Angelo."
Angelo: (Mabigat
ang loob na umalis. Pero, bago siya tuluyang lumabas sa silid-aralan, nagsalita
siya.) "Ma'am, magiging pulis po ako... And I'll see you."
Ma'am Serrano: "See you, Angelo..."
(Hindi napigilang bumuhos ng mga luha ni Ma'am
Serrano, nang nakaalis na si Angelo. Hindi siya nasasaktan sa pagkakalayo nila,
kundi sa katotohanang imposibleng magkita pa silang muli. Aniya, ang apat o
limang taon ay sapat para magbago ang tao.)
Sequence 9: Loob. Classroom. Hapon.
Kumuha ng
kursong Criminology si Angelo. Sinikap niyang kayanin ang pisikal at pinansiyal
na pagsubok para lamang sa ikatutupad ng kaniyang pangarap. Simula nang
makilala niya si Ma'am Serrano, malaki ang naging pagbabago sa kaniyang pananaw
sa buhay. Naging positibo siya at nagkaroon ng tiwala sa sarili. Kung anoman
ang katutunguhan ng kaniyang buhay, utang na loob niya iyon sa dating guro.
FADE TO:
(Mahigit apat
na taon ang lumipas, guro na ng Grade 3 si Ma'am Serrano. Mas kilala siyang
Binibining Laarni sa kanilang paaralan.)
Sequence 10: Loob. Classroom. Umaga.
(Isang Lunes
ng umaga, sinimulan ni Ma;am Serrano ang kaniyang aralin tungkol sa mga
hanapbuhay o trabaho ng mga Pilipino. Tumawag siya ng mga bata upang sabihin
ang trabaho ng kanilang magulang.)
Ma'am Serrano: "Joan," tawag niya sa estudyanteng nasa unahan.
Joan:
"Ang nanay ko po ay tindera. Ang tatay ko naman po ay magsasaka."
Ma'am Serrano: "Salamat, Joan!" (Isinulat muna ang sagot ng bata, saka
nagtawag uli.)
Kyle:
"Ang Papa ko ay kapitan. Ang Mama ko naman po ay mananahi."
(Nang ang
ikaapat na estudyante na ang sasagot, natahimik ang lahat ng bata.)
Ma'am Serrano: "O, bakit?"
Julie: (Nakatayo)
"May pulis po!" (Itinuro pa ang pulis sa may pinto)
Pulis:
"Magandang umaga, Binibining Laarni!" (Seryoso) "Ang
tatay ko po ay construction worker. Ang nanay ko naman po ay
labandera."
Ma'am Serrano: "Angelo?"
Angelo:
"Ma'am, maaari ba kitang ihatid mamaya sa bahay ninyo?"
Mga estudyante: (Sabay-sabay) “Uuuuuy!”
(Namula ang
pisngi ng dalaga, saka nagsabing batiin nila ang bisita.)
Mga estudyante: "Magandang umaga po, Sarhento Angelo Corrales!”
Ma'am Serrano: "Bakit niyo kilala si Sir?"
Mga estudyante: (Nagtawanan lang)
(Hindi na
naitago nina Laarni at Angelo ang pagkasabik nila sa isa't isa. Mabilis na
nagyakap sila sa harap ng mga bata. Pagkatapos, magkahawak-kamay silang
nagpaliwanag kung ano ibig sabihin niyon.)
No comments:
Post a Comment