Followers

Friday, October 25, 2024

Ang Bodegang Bayan sa Barangay Mabunga

 Maagang naghanda ang mga magulang at kapatid ni Matt, ngayon kasi magaganap ang buwanang bodegang bayan ng mga magsasaka sa Barangay Mabunga.

 

“Gusto kong sumama sa inyo,” sabi ni Matt sa kaniyang ama.

 

“Naku, hindi puwede. Dumito ka na lang kasi maraming tao roon,” tugon ng kaniyang ama. Inilalagay nito sa bayong ang mga siling pansigang.

 

“Mahihirapan ka lang doon,” sabi naman ng kaniyang ina. Inilalagay nito sa basket ang mga pagkaing nakabalot sa dahon ng saging.

 

“Tama sina Nanay at Tatay, Matt,” sang-ayon ng kaniyang kuya. Inilalagay nito sa tampipi ang mga damit at bimpo.

 

“E, ano’ng gagawin ko rito maghapon? Gusto kong makatulong sa inyo.” Nagmamaktol na lumabas si Matt. Dumiretso siya sa duyan, na nasa ilalim ng punong mangga.

 

Hindi nagtagal, masiglang nagpaalam ang kaniyang nanay, tatay, at kuya. Nagbilin pa ang mga ito sa kaniya na pakainin ang alaga nilang aso. Hindi na lang siya kumibo dahil may iniisip siyang plano.

 

Sa likod ng mga karitela at mga puno, si Matt ay nagpatago-tago. Natatanaw niya mula roon ang dumaragsang tao. Napansin niya rin ang mga kaing, bayong, sako, at basket ng mga gulay at prutas, na ipapamahagi sa mga taga-baryo. 

 

Maingat siyang nagtungo sa likod ng bodega. Sumilip siya sa uwang ng amakan. Naroon sa loob ang kaniyang ama at iba pang magsasaka.

 

“Biglang dumami ang pamilyang pipila mamaya. Baka kulangin ang mga ipapamahagi natin,” sabi ng tagapangulo ng ‘Samahan ng mga Magsasaka.’ Hawak nito ang listahan. “Ano ang dapat nating gawin?”

 

“Unahin nating bigyan ang dating nakalista,” panukala ng isang magsasaka.

 

“Hindi puwedeng hindi mabigyan ang mga nasa listahan,” tutol ng tagapangulo, na si Mang Hulyan.

 

“Bilangin natin ang mga prutas at gulay na mayroon tayo ngayon, saka natin hati-hatiin sa bilang ng pamilyang nakalista,” panukala naman ng tatay ni Matt.

 

“Gusto ko ang ideya mo!” sabi ni Mang Hulyan. “Pero baka maubos ang oras natin sa pagbibilang.”

 

Mula sa bintana, sumilip si Matt. “Tutulong ako sa pagbibilang.”

 

Napatingin ang lahat sa kaniya. At wala nang nagawa ang kaniyang tatay dahil pumayag naman ang tagapangulo na tumulong siya.

 

Pagkatapos ihilera nang tiglilima ng mga magsasaka ang mga bayong, basket, sako, at kaing ng mga halamang-ugat, prutas at gulay, binilang muna iyon ni Matt. “Lima, sampu, labinglima, dalawampu, dalawampu’t lima, tatlumpu, tatlumpu’t lima, apatnapu, apatnapu’t lima, limampu, limampu’t lima, animnapu!”

 

“Magkakasya kaya iyan sa isandaang pamilya?” tanong ni Mang Hulyan.

 

Si Matt ang malakas ang loob na sumagot. “Magkakasya!”

 

Napatingin na naman ang lahat sa kaniya.

 

“Naku, pasensiya na kayo sa aking anak,” sabi ng tatay ni Matt.

 

“Mukhang bibo ang iyong anak, kaya siya’y ating pakinggan,” sabi ni Mang Hulyan.

 

Gamit ang saklay, naglakad patungo sa gitna ng umpukan si Matt, ang mga dapat na gawin, saka niya ipinaliwanag

 

“Magaling! Magaling!” sabi ni Mang Hulyan. Pagkatapos, inatasan nito isa-isa ang mga kasamahan.

 

Habang naghihintay ang mga tao, dumating ang kapitan ng barangay na si Kapitan Facundo. May dala itong mga suman sa lihiya, na nasa dalawang bilao.

 

“Ipamahagi ito sa lahat,” atas nito.

 

“Bilangin po muna natin, Kapitan Facundo, para hindi magkagulo ang mga tao kung sakaling may hindi nabigyan,” panukala ni Matt.

 

Napatango-tango si Kapitan Facundo sa kabibohan ni Matt.

 

“Two, 4, 6, 8, 10, 12, 14, 16, 18, 20, 22, 24, 26, 28, 30, 32, 34, 36, 38, 40, 42, 44, 46, 48, 50, 52, 54, 56, 58, 60, 62, 64, 66, 68, 70, 72, 74, 76, 78, 80, 82, 84, 86, 88, 90, 92, 94, 96, 98, 100… Sandaan at dalawampu! Ang isang tali ay may dalawang suman sa lihiya. Mabibigyan lahat ang bawat pamilya, saka ang mga magsasaka.”

 

Tuwang-tuwa ang lahat kay Matt habang kumakain ng suman sa lihiya. At lalo pa ngang natuwa nang sinimulan na ang pagbibilang. Nagtulong-tulong na ang mga naroon, kabilang ang kaniyang kuya.

 

“Sampu, dalawampu, tatlumpu, apatnapu, limampu, animnapu, pitumpu, walumpu, siyamnapu, sandaan,” bilang ni Matt sa mga nakataling sitaw. Bawat tali ng sitaw ay may sampung piraso. Saka niya ipinagpatuloy ang pagbibilang. “Sanlibo! Kasya ang sitaw sa sandaang pamilya!”

 

Pinalakpakan si Matt ng mga tao.

 

Sunod na binilang ni Matt ang kamatis, na itinutumpok ng mga magsasaka. Bawat tumpok ay may dalawampung piraso. “Twenty, 40, 60, 80, 100, 120, 140, 160,180, 200, 220, 240, 260, 280, 300, 320, 340, 360, 380, 400, 420, 440, 460, 480, 500.” Huminto siya kasi hindi pa tapos magbilang ang iba. Pero nang matapos, itinuloy niya iyon. “One thousand two hundred. May sobrang isang tumpok.”

 

Binilang din ni Matt ang mga dalang basket ng mga tao, na pinaglagyan ng limampung piraso ng magkakahalong kamote, ube, kamoteng kahoy, at gabi. “Fifty, 100, 150, 200, 250, 300, 350, 400, 450, 500, 550, 600, 650, 700, 750, 800, 850, 900, 950, 1000! Wow, andami! Nalagyan ng laman ang lahat ng sandaang basket. Walang uuwing malungkot! Patikim ng iluluto ninyong ginataang haluhalo, ha?”

 

Nagtawanan at nagpalakpakan ang mga tao dahil sa kakuwelahan ni Matt, na sa kabila ng kaniyang kapansanan ay nagawa niyang tumulong.

 

Tuwang-tuwa naman ang ‘Samahan ng mga Magsasaka’ kay Matt.

 

At habang maayos na pumila ang mga tao, inakbayan ni Mang Hulyan si Matt. “Maraming salamat sa tulong mo!”

 

“Walang anoman po. Sa susunod na buwan, tutulong uli ako.”

 

“Sige. Aasahan ko iyon, ha?”

 

Tumango at ngumiti si Matt, saka sinabi niya ang kaniyang naisip. “Mang Hulyan, dumagsa ngayon ang mga produkto ng mga magsasaka. Ang Barangay Mabunga ay talagang mabunga!”

 

Natawa muna si Mang Hulyan. “Tama ka, Matt! Isang tagumpay ang bodegang bayang ito dahil binibiyaan ng Diyos ang mga taong mapagbigay. Hindi sila nauubusan ng grasya, at palagi silang pinagpapala.”

 

“Korek! Isipin niyo, kung ang bawat pamilya ay nakatanggap ng sandaang prutas at gulay, mayroon tayong sampung libong produkto na ipapamigay.”

 

Napakamot sa ulo si Mang Hulyan. “Bakit?”

 

Nagsimulang magbilang si Matt upang sagutin ang tanong nito, habang binibilang niya ang sandaang kataong nakapila. “One hundred, 200, 300, 400, 500, 600, 700, 800, 900, 1000.” Sampu pa lamang iyan. May siyamnapu pa akong hindi nabibilang.”

 

“Okey na, Matt! Ang husay mo pala sa Math!”

 

“Mana sa akin si Matt,” pagbibida ng ama niya.

 

“Talaga ba?” biro ni Mang Hulyan.

 

Nagtawanan na lamang ang lahat ng nakarinig.

 

 

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...