Followers

Sunday, October 20, 2024

Editoryal: Bobotante

 Panahon na naman ng eleksiyon. Siguradong magiging katawa-tawa naman ang mga botanteng Pinoy dahil iluluklok na naman ang mga maling kandidato. Tiyak na, “It’s more fun in the Philippines” ulit!

Nakapaghain na ng COC ang mga nangangarap makakuha ng puwesto sa national at local government. Andami na naman tatakbong trapo, panggulo, at payaso. Ang saya-saya talaga sa Pilipinas! Kakatwa ang mga political aspirants ngayon. Hindi na lang mga artista at atleta ang mga nagpapatawa. Mayroon na ring vlogger at influencers. Naragdagan naman ang mga bilang ng mga nag-file kahit sila ay convicted at may kaso. Siyempre, hindi mawawala ang political dynasty.

Kakatwa! Alam naman ng karamihang botante kung sino ang mga karapat-dapat at hindi, pero sa bandang huli ang mga kandidatong trapo, korap, walang puso at walang alam sa serbisyo-publiko ang nagwawagi. Kanino dapat itong isisi? Sa mga politiko o sa mga botante?

Ang mga botante ang bumuboto at namimili, kaya kanila dapat ibato ang sisi. Talamak sa bawat lugar, ang vote buying. Malaking impluwensiya rin ang kasikatan ng kandidato para manalo. Pero kahit ganito, nasa mga botante pa rin ang kapangyarihang pumili at mamarkahan sa balota.

Isa si Mang Nestor sa nakatatanggap tuwing panahon ng eleksiyon ng sobre, na naglalaman ng pera mula sa kandidato. Tinatanggap niya ang pera kahit labag sa prinsipyo niya ang vote buying. Naisip niya kasi kung kaninong bulsa mapupunta ang perang tinanggihan niya. Aniya, mas mabuti na iyon upang magamit niya ang pera sa kanilang pangangailangan.

Batay sa opinyon ng Pilipino Star Ngayon noong Oktubre 15, pagdating ng halalan, boboto ang mga botante ng Presidente, VP, senador, kongresista, o mayor, na nanuhol ng P1,000 hanggang P10,000, na ipambibili ng ulam, pulutan, at alak na pang-isa hanggang limang araw lang. Ipinagpalit nila ang kinabukasan ng kanilang anak. 

Nakatatawa ang pahayag ng isang sikat (daw) na vloggers. Aniya, tumakbo siya kasi hinikayat siya ng mga followers niya. Mas marami raw siyang magagawa kapag nasa puwesto na siya.

Marami ang natuwa. Marami rin ang natawa. Siyempre, hindi mawawala ang mga bashers na napataas ang kilay. Anila, hindi social media ang politika.

Ang nakakatakot lang ay kung daanin sa dami ng Views at Followers. At dahil sikat at maraming pambili ng boto, sigurado --- hindi mawawalan ng malilinlang na bobong botante. At kapag nagkataon, makakaupo pa ang nakakatawang vlogger. 

Sabi ng Rappler, kadalasan nagiging biro-biruan ang eleksyon. Nadadaan sa kasikatan o sa mga patawa at nakakaaliw ng personalidad.

Totoo ito. Kadalasan, ang sikat pa rin ang ibinoboto ng mga botante.

Subalit, higit akong sumasang-ayon sa pahayag ng Rappler, na kapag ginawang katatawanan ang eleksyon nagiging katawa-tawa rin ang bansa. 

Ayon kay Mang Nestor, hindi niya naman binoto ang kandidatong nagbigay ng pera. Sa halip, binoto niya ang sa tingin niya ay karapat-dapat–-- dahil marangal at may kaalaman at kakayahan sa public service.

Marami netizens ang sumang-ayon sa kaniya, pero marami rin ang mga bumatikos dahil hindi raw dapat niya tinatanggap ang pera.

Ayaw niyang matawag na ‘bobotante,’ pero nagbenta pa rin siya ng prinsipyo. Samantalang, maaari siyang maging daan upang maputol ang pagbili ng boto.

Marami mang kandidato ang walang puso, pero may milyong-milyong piso upang bumili ng boto, nasa kamay pa rin ng mga botante ang ihihinto ng tradisyon ito. Maraming paraan upang hindi maghari ang mga politikong gahaman sa kapangyarihan.

Huwag tumanggap ng pera mula sa kanila. I-report ang vote-buying at vote-selling. Maging matalino sa pagboto. Kilalanin ang bawat kandidato. Mag-background check. Huwag iasa sa mga polls at surveys ang pagpili. Magsaliksik. Makibalita.

Huwag nating gawing katawa-tawa ang bansa. Hindi ito perya. Hindi ito pelikula. Hindi ito social media. Ang Pilipinas ang tahanan ng ating pamilya. Kaya ang mga kandidato ay kilalanin nang mabuti. At maging matalinong botante.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...