Followers

Friday, October 25, 2024

Sina Buwagila, Aginggoy, at Ungwaya

 MULA SA latian, na tirahan ng mga buwaya, kitang-kita ni Buwaya kung paanong dinagit ng agila ang ahas. Biglang sumara ang kaniyang bunganga dahil sa paghanga.

“Ang galing niya talaga!” bulalas ni Buwaya. “Gamit ang kaniyang mga kuko at pakpak, kayang-kaya niyang dagitin ang anomang hayop na nais niya.”

“Siyempre! Makisig siya, e,” pairap namang sabi ni Tagak na nakatulay sa kaniyang likod.

“Hindi katulad mo-- lampa na, payat pa.”

“E, ikaw nga, kanina ka pang nakanganga, pero wala pa ring nahuhuling pagkain.”

“Ikaw naman— kain nang kain, pero ang liliit pa rin ng mga binti mo. Paano ka manghuhuli ng isda niyan?” Yumugyog ang katawan ni Buwaya habang tumatawa, kaya bumagsak sa tubig si Tagak.

“Tulong! Tulong!” Kumawag-kawag si Tagak, habang naririnig ang halakhak. At nang makaahon, muli nitong inirapan ang buwaya. “Masakit kang magbiro, Buwaya. May araw ka rin,” sabi nito, sabay lipad palayo.

SA KAPUNUAN, tanaw na tanaw naman ni Agila si Unggoy sa kabilang puno. Bigla niyang nabitawan ang kinakain nang mabilis na nagpalipat-lipat ito ng sanga hanggang sa maabot ang hinog na bunga ng prutas.

“Ang husay naman niya!” naisaloob ni Agila. “Gamit ang kaniyang mga paa at buntot, nakakukuha siya ng mga pagkain.”

“Inggit ka naman sa kaniya,” tudyo ng kuwago, na nakatago sa butas ng puno.

“Bakit ako maiinggit? E, kaya ko namang lumipad. Kaya kong mandagit ng ahas, isda, unggoy, o kahit kuwago pa.” Ibinuka niya ang kaniyang mga pakpak, saka inakmang sakmalin si Kuwago.

“Huwaaaaag!” sigaw ng kuwago, sabay yuko.

Tawa nang tawa si Agila habang lumilipad palayo.

“Ang yabang mo! Makakanap ka rin ng katapat mo!” sigaw ni Kuwago.

HABANG NILALANTAKAN ni Unggoy ang durian, aliw na aliw niyang pinagmamasdan si Buwaya sa latian. Bigla niyang nakagat ang kaniyang dila nang makita niyang biglang nagsara ang bunganga nito.

“Kahanga-hanga talaga siya!” tahimik niyang sabi. “Gamit ang kaniyang bunganga at ulo, kaya niyang bitagin ang anomang hayop.”

“Alam ko ang iniisip mo, Anak,” sabi ng kaniyang ina.

Nginitian muna niya ito. “Ano po iyon, Mama Ching?”

“Gusto mo siyang maging kaibigan.”

Sumilay uli ang matamis na ngiti sa mga labi ni Unggoy.

“Naku, huwag na huwag kang mangangahas na lumapit sa kaniya kung ayaw mong matulad sa mga biktima niya. Mapanlinlang ang kaniyang balat. Mapang-akit ang kaniyang mga mata. Sa bawat pagnganga niya, kapahamakan ang nakaabang sa sinomang lumapit.”

“Hindi naman po ako lalapit sa kaniya.”

“Mabuti kung ganoon. Halika na, baka makita pa niya tayo rito.”

Araw-araw, sinusubaybayan nila ang isa’t isa. Kinaiinggitan ni Buwaya ang makikisig na pakpak at matatalas na kuko ni Agila. Kinaiinggitan naman ni Agila si Unggoy dahil sa angking galing ng mga paa at kamay nito. At kinaiinggitan din ni Unggoy ang bawat bahagi ng katawan ni Buwaya-- mula ulo hanggang buntot.

Isang umaga, habang nakalublob si Buwaya sa latian, habang nakadapo si Agila sa tuktok ng puno, at habang nakabaras si Unggoy sa sanga, sabay-sabay nilang nabigkas ang kanilang hiling.

“Ako na lang sana si Agila,” sabi ni Buwaya.

“Ako na lang sana si Unggoy,” sabi ni Agila.

“Ako na lang sana si Buwaya,” sabi naman ni Unggoy.

Hindi nila namalayang palagi rin silang sinusubaybayan ni Nimfa. At sa isang kumpas ng kaniyang mahiwagang patpat, biglang nagbago ang anyo ng tatlong hayop.

Nagkaroon si Buwaya ng makikisig na pakpak. Nagkaroon ng mga mabalahibong paa, kamay, at buntot si Agila. At nagkaroon ng matitigas na katawan, bunganga, at buntot si Unggoy.

“Yehey! May pakpak na ako gaya ng kay Agila. Ako na ngayon si Buwagila,” bulalas ni Buwaya. Sinubukan niyang lumipad, pero hindi man lang siya umangat.

“Yehey! Ang galing ng mga paa, kamay, at buntot ko, kapareho ng kay Unggoy. Ako na ngayon si Aginggoy,” bulalas ni Agila. Sinubukan niyang magpalipat-lipat ng sanga, pero muntikan na siyang mahulog dahil akala niya’y may pakpak pa siya.

“Yehey! Malaki na ang bunganga ko, gaya ng kay Buwaya. Ako na ngayon si Ungwaya,” bulalas naman ni Unggoy. Tumalon siya sa tubig kung nasaan si Buwaya, nang hindi natatakot, pero hindi niya iyon maibuka dahil sa bigat.

Patuloy na tinuklas ng tatlo ang kanilang bagong anyo.

Kumawag-kawag lang si Buwagila sa latian upang makalipad, pero hindi siya nakakaalis sa kinaroroonan.

Bumagsak nang bumagsak lang si Aginggoy sa lupa dahil hindi niya alam kung paano gamitin ang kaniyang bagong paa, kamay, at buntot.

Halos malunod naman si Ungwaya dahil sa bigat ng kaniyang bunganga. Hindi talaga niya iyon maibuka. 

Maghapon silang hindi nakakain. Gutom na gutom na sila.

“Nimfa, ibalik mo na ako sa dati,” pakiusap ni Buwagila.

“Nimfa, ibalik mo na ako sa dati,” pakiusap naman ni Aginggoy

“Nimfa, ibalik mo na ako sa dati,” pakiusap din ni Ungwaya.

Sa kumpas ng mahiwagang patpat ni Nimfa, nagpakita siya sa tatlo. “Hindi ba kayo ang humiling niyan? Ano’ng nangyari?”

“Hindi ko pala kailangang maging iba, at sapat na sa akin ang dating ako. Ayaw ko nang maging kawangis ni Agila,” sabi ni Buwagila.

“Mas masaya at malaya akong makalilipad, kung babalik ako sa dati kong anyo. Ayaw ko nang maging katulad ni Unggoy,” sabi ni Agila.

“Mas gugustuhin ko nang may maliit na ulo at bunganga kaysa malunod ako para lang makakain. Ayaw ko nang maging kagaya ni Buwaya,” sabi naman ni Unggoy.

Saglit na napaisip si Nimfa. “Subalit isa lamang ang paraan upang maibalik kayo sa dating anyo.”

“Ano iyon, Nimfa?” sabay-sabay na tanong ng tatlo.

“Kailangan ninyong magtulungan upang maging balanse ang ekosistema. Paano ninyo mapapanatili ang inyong mga lahi?”

“Ilalayo ko ang aking sarili sa mga tao at mamumuhay nang payapa sa latiang ito,” sabi ni Buwagila.

“Magpaparami ako, at pupunuin ko ang himpapawid at mga kagubatan ng mga batang agila,” sabi ni Aginggoy.

“Mananatili ako sa gubat upang maging ligtas sa mga mangangaso, at sa halip ay magtatanim ako ng mga puno,” sabi naman ni Ungwaya.

Muling napaisip si Nimfa. “Paano kung hindi ninyo matupad ang inyong mga pangako?”

“Kung hindi ko matupad ang aking pangako, habambuhay na akong ganito,” sabi ni Buwagila.

“Ako rin,” magkasabay namang tugon nina Aginggoy at Ungwaya.

“Umaasa akong tutuparin ninyo ang inyong mga ipinangako,” sabi ni Nimfa. Ikinumpas niya sa tatlo ang kaniyang mahiwagang patpat, at bumalik na sa dating anyo sina Buwaya, Agila, at Unggoy.

“Maraming salamat, Nimfa!” sabi ng tatlo.

“Lagi akong nakasubaybay at nakasunod sa inyo,” sabi ni Nimfa bago siya naglaho sa kawalan.

Tahimik na lumublob sa tubig si Buwaya, saka ibinuka ang bunganga.

Magilas na lumipad sa himpapawid si Agila, saka nagbubunying naghanap ng kapareha.

Masaya namang nagpalipat-lipat ng sanga si Unggoy upang maghanap ng mga prutas na kaniyang kakainin at itatanim.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...