Followers

Tuesday, October 8, 2024

Palaging May Rason si Myra

"Gusto ko ng gatas, Papa," sabi ni Myra.

 

"Wala pa tayong tubig, Anak," tugon ng ama. "Hindi pa nai-deliver."

 

"Magpakulo na lang tayo ng tubig mula sa gripo, Papa."

 

"Sige, pero ubos na pala ang gatas mo, Anak."

 

"Bumili na tayo, Papa."

 

"Sige, pero ako na lang ang lalabas. Gabi na. Delikado. Dito ka na lang kay Mama."

 

"Dapat may kasama ka, Papa."

 

"Naku, mukhang uulan. Baka mabasa ka pa."

 

"May payong ako, Papa." Mabilis na kinuha ni Myra ang payong niya.

 

Napakamot na lang sa ulo ang kaniyang ama.

 

"Tara na, Papa. Bumili na tayo ng gatas. Gabi na, at baka umulan pa. Magpapakulo pa tayo ng tubig pagdating."

 

"Sige, pero huwag kang magpapabuhat o magpapakarga, ha?"

 

“Siyempre, hindi na, Papa, kasi malaki na si Myra.”

 

Napangiti na lamang ang kaniyang ama.

 

Nagsuot ng bota at kapote si Myra, saka nagbukas ng payong. "Tara na, Papa!"

 

Natatawa na lang na sumunod ang ama.

 

Sa suking tindahan, hindi sila nakabili ng gatas. Ubos na raw, sabi ng tindera.

 

"Bukas ka na lang uminom ng gatas, Myra," sabi ng ama.

 

"Hindi ako makakatulog kapag hindi ako nakainom ng gatas, Papa.”

 

“E, anong magagawa natin kung wala nang tindang gatas si Aling Carling?”

 

“Humanap tayo ng ibang tindahan. Doon.” Inginuso pa iyon ni Myra.

 

“Malayo na ‘yon.”

 

“Sumakay tayo ng dyip, Papa. Magpapakandong na lang ako sa ‘yo para wala na akong bayad.”

 

Napakamot na lang sa ulo ang ama.

 

Pagdating sa bahay, agad na nagpatimpla ng gatas si Myra.

 

“Ang sarap ng gatas, Papa! Salamat!” sabi ni Myra pagkatapos maubos ang laman ng baso.

 

“Matulog na tayo,” deklara ng ama.

 

Nahiga na si Myra sa gitna ng kaniyang ama’t ina. Ilang sandali ang lumipas, bumangon siya. “Papa, ang ingay ng kapitbahay.”

 

“May nagka-karaoke sa kapitbahay. May bertdey.

 

“Gabi na, may party pa? Dapat sa umaga.” Binuksan niya ang bintana, at sumilip kung saan nanggagaling ang kantahan. “Papa, Mama, hindi ako makatulog.”

 

“Takpan mo ng unan ang tainga mo,” payo ng ina.

 

“Ayaw ko, baka pati ilong at bibig ko matakpan. Hindi ako makakahinga.”

 

Natawa na lang ang ina.

 

“Halika na, mahiga ka na ulit dito,” aya ng ama. “Babasahan kita ng paborito mong kuwento.”

 

“Ayaw ko na, Papa. Kabisado ko na ang kuwento na `yon.”

 

“O, sige, si Mama naman ang magkukuwento.”

 

“Maingay ang mga kapitbahay. Hindi ko maririnig ang kuwento ni Mama.” Sumilip uli siya sa bintana. “Puntahan natin sila. Patigilin natin sila.”

 

“Naku, hindi puwede. Magagalit sila sa atin,” sabi ng ama.

 

“Mas magagalit sa kanilan ang kapitan, ‘di ba?”

 

“Wala pa namang alas-diyes ng gabi, kaya hindi pa sila humihinto,” paliwanag ng ina.

 

“Mahiga ka na. Mamaya lang, hihinto na sila,” aya uli ng ama.

 

“Ayaw ko, Papa. Hindi pa ako inaantok.”

 

“Kami inaantok na. May pasok pa sa eskuwala ang papa mo bukas,” sabi naman ng ina.

 

“Gusto ko silang puntahan para makatulog na rin si Papa.”

 

Nagtinginan na lang ang mga magulang ni Myra.

 

“Sige na, samahan mo na,” payo ng ina.

 

Walang nagawa ang ama kundi samahan si Myra.

 

Pagdating doon, agad na nakilala si Myra.

 

“Magandang gabi, Myra!” bati sa kaniya ng ina ng kalaro niya. Binati rin nito ang kaniyang ama. “Halikayo, sali kayo sa kantahan namin.”

 

Gustong matawa ng ama nang agad na sumama si Myra. Tuwang-tuwa pa ito nang makita ang kalaro na kumakanta.

 

Pagkatapos ng isang kanta, si Myra na ang may hawak ng mikropono.

 

Nagulat ang ama sa ipinamalas ni Myra. Sumasayaw-sayaw pa siya. Nagpalakpakan nga ang mga naroon.

 

“Maraming salamat, Myra! Napasaya mo kaming lahat,” sabi ng ina ng kaniyang kalaro bago sila umalis.

 

Tumango at kumaway na lang si Myra dahil aandap-andap na ang mga mata.

 

“Akala ko ba pahihintuin mo na sila,” tanong ng ama habang karga-karga si Myra.

 

Hindi na nakapagsalita si Myra. Nakasandal na ang ulo niya sa balikat ng ama. Natapos na rin ang problema nila dahil wala nang kumakanta.

 

Pagdating sa bahay, agad na inihiga ng ama si Myra sa kama. “Nakatulog siya pagkatapos kumanta nang kumanta sa bertdeyhan.”

 

Tawa nang tawa ang ina.

 

“O, bakit ka tumatawa?” tanong ng ama.

 

“Gising siya. Gusto lang magpakarga,” bulong ng ina.

 

Tumawa na rin ang ama. “Okey na rin ‘yan baka mangulit pa.”

 

“Oo nga at baka may rason na naman siya,” dagdag pa ng ina.

 

“Ssssh! Huwag kang maingay baka magising si Myra,” malakas na sabi ng ama.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...