Followers

Saturday, October 26, 2024

Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Totong #1

 "Lumilipad na naman 'yang isip mo, Totong!" bulyaw ng ama sa katorse anyos na anak, habang ito'y nakapangalumbaba sa may bintana. "Pumarini ka na nga't tulungan mo ang nanay mo. Magsalok ka ng tubig. "Puro ka pantasya. Sa buhay nating ganito at sa kalagayan mong 'yan, imposible na."

Sanay na si Totong sa masasakit na salita ng ama. Hindi na iyon tumatalab sa manhid niyang puso. Totoo naman, e. Nagpapantasya lamang siya. Imposible ang mga pangarap niya. Ni hindi nga siya nakatuntong sa Kinder. Bukod sa napakalayo ng eskuwelahan, wala pang yayakag sa kaniya. Hindi siya maaaring ihatid-sundo ng kanyang ina, lalo na ng kanyang ama. Mas pinili na lamang niyang mamalagi sa bintana, tumanaw sa kabukiran o 'di kaya'y magtampisaw sa ilog at umakyat sa taas ng talon, at makipag-usap sa kalikasan.

Pinagmasdan niya ang kanyang ama, mula sa bintana habang ito ay naghahanda sa pag-alis. Isinukbit na nito ang bag, na kinapapalooban ng baon, tubig, itak, hasaan, bimpo, ekstrang damit, at iba pa. Natanaw naman niya sa bakuran ang dalawang maliliit na kapatid na naglalaro ng lupa, at ang inang naglalaba malapit sa balon.

Malayo na ang kaniyang ama, nang isang bagay ang biglang pumasok sa kaniyang utak. Dali-dali, ngunit maingat siyang bumaba. Nasanay na siyang maglakad gamit ang saklay sa kaniyang braso at ibalanse ang maikli, baliko, at maliit na kanang paa.

"`Nay, hindi po kita matutulungang magsalok ng tubig ngayon," masiglang sabi ni Totong.

Bahagyang nagulat ang ina, lalo na't hindi ito sanay na nakikita ang anak na nakangiti at masigla. "Sige lang, 'Nak. Wala naman ang tatay mo."

"Salamat po!" Mabilis siyang lumabas sa kanilang bakuran.

"Totong, saan ka ba pupunta?" sigaw na tanong ng ina.

"Kuya Totong!" halos magkasabay namang tawag ng kaniyang mga kapatid. Humabol pa ang mga ito hanggang sa tarangkahan. Umiyak pa ang bunso, habang tumatawag. Pero tila kay bilis na nakalayo si Totong.

Ang pook na kinalakhan ni Totong ay malayo sa kabihasnan. Tanging ang mga huni ng mga ibon, ang mga pagaspas ng mga dahon tuwing iihip ang mahinhing hangin, at ang mga lagaslas ng tubig sa talon ang tanging mga ingay na kaniyang naririnig. Kabisado na rin niya ang pasikot-sikot sa kagubatan. Naging kaibigan niya na rin halos ang mga hayop at insekto sa kanilang paligid. Nakakausap niya rin ang mga ito, gaya ng napapakinggan niya sa radyo.

Ngayong araw, muli niyang tinungo ang itaas ng talon. Gamay na niyang akyatin iyon, sa kabila ng mga malalaking bato. Marahil, naging ehersisyo na niya ang pag-akyat doon, kung saan nakakahinga siya, nakakalimot, at nakapagpapalipad ng isipan.

Mula roon, tinanaw niya ang paligid ng talon. Tanaw na tanaw niya ang mga nagtataasang puno, na ikinukubli ang malalayang ibon doon.

Dumukwang siya sa puting tubig na bumabagsak sa talon. Napuno ng ligaya ang puso niya sa tila musikang tunog niyon at mahika ng tubig, habang ito ay nagiging asul na agos patungo sa ilog na siyang nagsusuplay ng kuryente sa kanayunan. Umupo siya sa batong hindi inaagusan ng tubig.

"`Nay, maganda po ba ang Maynila? Masarap po bang tumira doon?" Naalala niya nang minsang itanong niya sa kaniyang ina. Nuwebe anyos pa lamang siya noon.

Hindi agad nakapagsalita ang ina. Hinawi niya muna ang buhok ng anak. "Sa tulad natin, isang paraiso ang Maynila."

"Paraiso?" bulalas niya. Nanlaki pa ang mga mata. "E, 'di... maganda po roon? Pupunta po ako roon paglaki ko."

Bahagyang tumango lang ang ina niya, saka ipinagpatuloy ang pagpapaligo sa kaniya.

Hinubad niya ang kaniyang manipis, nangingitim, gula-galanit na damit. Nalantad ang kaniyang manipis na katawan, na hindi umakma sa kaniyang edad. Mapagkakamalan siyang sampung taong gulang pa lamang.

Gaya ng madalas nilang gawin magkakapatid, isinuot ni Totong ang kaniyang damit sa ulo na animo'y isa siyang ninja. Saka marahan niyang itinukod ang kaniyang saklay at dinipa ang kaliwang braso. Sa una'y nanginginig ang kaniyang katawan, ngunit unti-unti niya itong nabalanse.

"Kaibigang Hangin... ako'y iyong iduyan at dalhin kung saan man. Nais kong maging malaya... malaya sa sakit, pagdurusa, at kalungkutan, " malakas na tawag ni Totong.

Umihip ang malamig at mahalimuyak na hangin.

"Mga kaibigan kong ibon... ako'y inyong ilipad. Ako'y inyong itakas sa mundo ng kapighatian. Nais kong makawala sa hawla ng kawalang-halaga!"

Nagsiliparan ang mga namumungad na ibon sa kagubatan.

Tumingala si Totoong sa langit. "Panginoon, gamitin Niyo po ako. Nais kong maging malaya at magkaroon ng makabuluhang buhay!" Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at marahang inangat ang kaniyang saklay. Kasabay ng pagtaas niya ng kaniyang kamay ang pagtaas ng kaniyang saklay. "Salamat po, O, Diyos!"

Hindi niya nakita kung paanong ang mga ibon ay bumuo ng hugis kamay ng Diyos, ngunit naramdaman niya ang hanging yumakap sa kaniya.

Puspos ng luha ng kaligayahan ang mga mata ni Totong. Naramdaman niyang nagpantay ang kaniyang mga paa. "Salamat po!" pabulong niyang sambit habang ibinababa niya ang kaniyang mga kamay.

Umawit ng pagbubunyi ang mga ibon sa kaniyang palibot, tila sinasabi nilang "Kaya mo 'yan, Totong!"

"Salamat, mga kaibigan!" Pagkuwa'y inihagis niya sa tubig ang kaniyang saklay. Pinagmasdan niya ang dahan-dahan nitong pagbagsak at pagkawala sa tubig. Pagkatapos, maingat siyang tumalikod at naglahad ng mga kamay. "Malaya na ako!" sigaw niya. "Malaya na ako!" At saka siya nagpatihulog sa talon.

Sa isang burol, naroon si Mang Edung, ama ni Totong, na nagbubungkal ng lupa na pagtatamnan niya ng kamote, gabi, at kamoteng-kahoy. Ito ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya.

Matatanaw naman sa himpapawid ang isang pambihirang nilalang, na animo'y ibon na tinuturuan pa lamang lumipad ng mga magulang. Umikot-ikot ito sa ulap. Pumaimbulog. At tuluyan itong nilayuan ng mga ibon, sapagkat natuto na itong lumipad, sa pamamagitan lamang ng pagtaas ng saklay niya.

Mula sa himpapawid, kitang-kita ni Totong ang papalapit na kobra sa likod ni Mang Edung. Sa kaniyang mga mata, nagtila dambulaha iyon, na handa nang lamunin nang buo ang kaniyang ama. Kaya hindi siya nag-aksaya ng sandali. Dumaluyong siya pababa at hinataw nang hinataw ang halimaw.

Nang mapirat ni Totong ang ulo ng kobra, saka lamang siya napansin ng ama. "Ano’ng ginagawa mo rito?" galit na tanong ng ama.

"A... e..." Gusto sana niyang ipaliwanag ang nangyari, ngunit bigla na lamang naglaho ang kobra sa kaniyang paningin. "Gusto ko po kayong tulungan."

Sarkastikong tumawa ang kaniyang ama. "Inutil ka! Wala kang maitutulong sa akin. Mabuti pang umuwi ka na, bago pa kita mahampas nitong asarol ko. Hala, sige, uwi na! Damuhong ito, ang lakas ng loob magpresenta. Inunat mo muna 'yang pilantod mo!"

Umagos ang mga luha ni Totong habang lumalayo sa ama. Kahit kailan hindi na nga nito mapapansin ang kaniyang halaga.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...