Nakawalong bote na si Nixon, kaya nagniningning na ang paningin niya. Gandang-ganda na siya sa mga GRO na panay ang pahiwatig na i-table ito.
"Kaya
mo pa ba, Sir?" tanong at pahimas-himas pa sa kaniya ng floor
manager.
"K-kaya
pa... N-nasaan na... si Ligaya?" Pagkatapos, sumubsob siya sa mesa,
dahilan upang bahagyang maalog ang mga boteng nakapatong doon.
Napangisi
ang bakla. Sinenyasan nito ang dalawang bouncer na ipasok si
Nixon sa kuwarto. Agad namang tumalima ang dalawa.
"Michelle,
ikaw na muna ang bahala sa mga customer," bilin ng floor manager sa
matronang nasa counter.
"Oh,
fine, Mamah! Enjoy!" maarteng sagot ng matrona.
"Teka..."
Bumalik ang bakla. "Meron ka ba d'yan? Pautang nga muna."
"Baklang
'to! Hi-hits muna bago tumira!" biro ng babae. At kumalkal ito
sa bag nito. "O, pasalamat ka, may isa pa. Bukas, ha, bayaran mo
ako," sabay abot ng isang maliit na plastik ng puting pulbos.
"Bruhang
'to, walang tiwala sa ganda ko! Hmp, d'yan ka na nga't kanina pa ako
naglalaway. Baboosh!" Pakembot-kembot na umalis ang beking floor
manager. Ngiting-aso naman ang naiwang assistant.
__________
Sa
ilalim ng puting kumot, gumalaw ang munting hubad na katawan. Nagtalukbong ito.
Maya-maya, nilitaw nito ang mukha. Ramdam niya ang hilo at sakit ng ulo dahil
tila umiikot ang kaniyang paligid. Kaya kinurap-kurap niya ang kaniyang mga
mata. Inilibot sa buong kuwarto ang kaniyang paningin. Nasa isang maliit na
puting kuwarto siya. May shower room sa bandang kanan.
May side table at lamp shade sa
kaliwang side. Sa kaniyang paanan naman ay tinutumbok ang pinto.
Salamin naman ang nagsisilbing kisame.
Kinusot-kusot
ng bata ang kaniyang mga mata at muling tinitigan ang sarili mula sa
repleksiyon ng salamin. Nakita niya ang maliit na mukha ng bata. Kapagdaka'y
tinanggal niya ang kumot sa kaniyang katawan at tumambad sa kaniya ang maliliit
na parte ng kaniyang katawan.
"Ako
ba 'to?" Tumayo na siya't tumungo sa shower. Nakita niya roon
ang batang katauhan. "O, hindi! Ako si Nixon! Ako si Nixon!" Para
siyang asong hindi maihi. "Anong nangyari sa 'yo, Nixon?" Tiningnan
niya muli ang kaniyang hubad na katawan pati na ang kaniyang ari.
Totoo
nga. Naging bata siya.
Natataranta
niyang tinakbo ang pinto at mali-mali niya itong ini-lock. Sunod ay
tiningnan niya ang bawat sulok ng kuwarto kong may CCTV. Sinipat-sipat niya rin
ang salamin kung meron.
Wala.
"Shit! Bakit
ganito? Anong nangyari sa akin?!" Magkakahalong inis, lungkot, kaba,
taranta, at pagtataka ang nararamdaman ng bata. Napaupo siya sa dulo ng kama.
Matagal siyang nablangko. Hindi niya alam ang kasagutan sa kaniyang katanungan.
Ang tangi niyang alam ay uminom siya kagabi.
Nang
maisip niyang kailangan niyang makalabas doon, dali-dali niyang dinampot ang
kaniyang pantalon at damit. "Damn!" Ibinagsak niya ang
kaniyang mga kasuotan dahil malaki pala ang mga iyon para sa kaniyang
katawan.
Gusto
na niyang umiyak na parang paslit, subalit naalala niyang hindi talaga siya
isang bata. Ipinagpalagay na lang niyang isa lang iyong epekto ng kaniyang
kalasingan. Ayaw niyang maging bata.
Kumislap
sa dulo ng kaniyang balintataw ang mga susing naka-hook sa
sinturera ng kaniyang pantalon. Agad niya itong tinanggal sa pagkaka-hook.
Dinampot niya na rin ang kaniyang t-shirt nang may determinasyon at direksiyon.
Kailangan niyang harapin ang pagsubok na ito.
Suot-suot
niya ang malaking damit, ngunit walang underwear, sumungaw
siya sa pintuan. Walang katao-tao sa pasilyo, kaya nagmamadali siyang lumabas.
Sa bar, nakita niyang naglilinis ang janitor, kaya
tumiyempo siya upang tahimik na makalabas doon.
"Hoy,
bata! Sa'n ka galing!" sigaw ng janitor.
Hawak
na niya ng handle ng salaming pinto, kaya bago pa siya nito
nalapitan ay nakatakbo na siya palayo. Sa isang nakaparadang trak siya
nakapagkubli. Humahangos pa siyang sumisilip-silip kung nasundan siya nito o
hindi. Mula naman doon, nakikita niya ang kaniyang sasakyan.
Matagal
siyang naghintay bago siya lumantad. Nilapitan naman niya ang kotse. Nang
ipapasok na niya ang susi, narinig niya ang pamilyar na boses ng bakla.
Pagbaling niya sa may bar, nakita niya ang janitor at
ang floor manager. Parang may sumabog sa kaniyang puso.
"Hulihin
mo, dali!" utos ng bakla sa janitor. "Magnanakaw
'yan!"
Kumaripas
ng takbo si Nixon. Nakalipat na siya ng kalsada, kaya hindi siya naabutan
ng janitor. Isa pa, tila alangan itong habulin siya.
Tumakbo
lang nang tumakbo si Nixon hanggang sa makarating siya sa isang abandonadong
gusali. Pumasok siya roon at nag-isip. Gusto niyang balikan ang mga nangyari
kagabi dahil hindi siya puwedeng umuwi sa bahay nila hangga't hindi siya
bumalik sa dating anyo, subalit bigo na naman siya.
Nakatalungko
siya sa kaniyang mga tuhod. Dumadaloy na ang mga luha niya.
__________
Mahilab
na ang kaniyang sikmura nang magising siya mula sa pagkakatalungko. Noon niya
lamang iyon naramdaman. Sa buong buhay niya, masasarap na pagkain ang
natitikman niya, ngunit ngayon kahit kaning bahaw at isang tuyo ay hindi niya
hihindian.
Hindi
na niya naisip ang kaniyang tunay na katauhan at kalagayan. Ang tangi niyang
hangad ay malamnan ang kumakalam na tiyan.
Naisip
niyang umuwi sa mansiyon, ngunit tila suntok sa buwan kung iyon ang uunahin
niya. Kaya minarapat niyang maglakad-lakad. Palinga-linga niyang binaybay ang
kalsadang pabalik sa kanilang tahanan habang nagmamatyag ng mapapagkukunan ng
pagkain.
Nahihirapan
siyang maglakad dahil hindi siya sanay maglakad nang nakapaa, kaya animo'y
hindi naman siya umuusad.
Sa
tindi ng uhaw, gutom, at pagod, sa isang fastfood chain, napahinto
si Nixon. Hindi niya ugaling manghingi, pero sa pagkakataong iyon, inilahad
niya ang kaniyang palad sa mag-asawang kumakain at nakapuwesto sa may salamin.
Sa una, hindi siya pinansin ng dalawa, ngunit nang hindi siya umalis doon sa
kaniyang kinatatayuan habang takam na takam sa pagkain, lumabas ang babae.
"Bata,
sa 'yo na 'to." Ibinigay sa kaniya ang tirang fries.
Nilantakan
agad iyon ni Nixon. Pinagmasdan muna siya ng babae at bago pa ito nakapasok, naubos
na niya iyon. Gutom pa rin siya. Hinaplos-haplos niya ang kaniyang tiyan at
lalamunan habang mabagal na naglakad palayo sa mag-asawa, na kasalukuyang
nakamasid pa rin sa kaniya.
Gusto
niyang mahiya sa sarili, pero hindi bale na. Siya lang naman ang nakakaalam ng
kaniyang kalagayan.
Naghintay
siya ng lalabas na customer, lalo na ang may take-out upang
mahingian niya ng pagkain.
No comments:
Post a Comment