“Sir, kami ang pinadala ng kompanya para i-clear ang nabaling sanga ng puno ninyo,” pakilala ng lalaki na nasa late 20’s ang edad. “Sila naman ang kasamahan ko.”
“Nice! Mabuti naman, mabilis ang inyong action,”
sabi ni Jess. “Sige, pasok kayo. Ituturo ko sa inyo ang aayusin ninyo.”
“Guys, sumunod na lang kayo, ha. Ibaba na
ninyo ang mga gamit,” utos ng lider ng clearing operation team, saka
sumunod ito sa kaniya.
Pagkatapos,
mabigyan ng instruction ni Jess ang leader ng team, iniwan
na niya ito. Nakasalubong pa niya ang dalawang kasamahan nito. Nginitian niya
ang mga ito.
“Daddy, papasok
na ako!” salubong sa kaniya ni Jesrelle.
“That’s
great! Mag-aral ka
nang mabuti, ha?”
“Yes, Dad!”
Napansin
niya ang hawak na laruan ni Jesrelle. “Ihahatid mo ba siya?” tanong niya sa
asawa.
“May school
service siya.” Nakangiting sagot ni Rochelle habang hawak nito ang trolley
bag ng kanilang anak. “Parating na iyon.”
“Oh,
nice for him!”
Hinalikan niya ang pisngi ng anak. “Take care, Jesrelle.”
Tumango at
ngumiti lang ito.
“Favorite
superhero mo pala si
Superman?” tanong niya habang nakatingin sa laruang hawak ng anak.
Tiningnan
ni Jesrelle ang laruan, saka inabot sa ama. “Opo! Gusto kong maging katulad
niya, Daddy.”
“Talaga?”
Muling
tumango at ngumiti ang anak.
“Sige...
pero mag-aral ka nang mabuti. At iwanan mo na muna ito rito. Puwede ba iyon?”
Mabilis na
binawi ni Jesrelle ang laruan mula sa kamay ni Jess. “No! He’s going to come
with me!” Kumurba ang mga kilay nito, saka medyo humaba ang mga labi.
“I’m
sorry... Pero hindi
ba magagalit si Teacher kapag nagdala ka ng toy sa classroom?”
“No!” medyo galit nitong tugon, saka
niyakap ang laruan.
Bago pa
siya nakapagsalitang muli, narinig na nila ang busina ng school service
ni Jesrelle.
“Mommy,
nandiyan na po si Kuya Fred,” sabi ni Jesrelle, sabay takbo patungo roon.
“Careful, ‘Nak,” sabi ni Rochelle.
Nagkatinginan
silang mag-asawa. “Masasanay rin ako kay Jesrelle.”
Nginitian
siya ng maybahay, saka nito sinundan ang kanilang anak.
Sinundan naman
niya ng tingin ang asawa. Natutuwa siya dahil masiglang kumakaway si Jesrelle.
Hindi niya lang alam kung pati siya ay kinakawayan. Pero kumaway na rin siya,
habang pinipilit ngumiti.
Pabalik na
si Rochelle mula sa may gate, nang mapansin niyang nakatingin sa kanila
ang tatlong lalaki. Pakiwari niya, kanina pa umusyuso ang mga ito. At nang
tingnan niya nang masama ang mga ito, saka nagsikilos ang mga ito.
Inakbayan
niya ang asawa nang pabalik na sila sa loob ng bahay.
“Namulat si
Jesrelle na wala ka, kaya sana maunawaan mo siya,” sabi ng kaniyang asawa.
“Oo,
Rochelle, uunawain ko siya. Babawi ako.”
“Salamat!”
Pinisil
niya nang bahagya ang balikat ng asawa. “Ako ang dapat na magpasalamat sa ‘yo
kasi sa kabila ng ginawa ko, pinili mo pa rin akong makasama. Ipinaglaban mo ako
sa pamilya mo.”
Nakaupo na
siya upang mag-almusal nang magsalita si Rochelle. “Ang pagmamahal ko kay
Jesrelle ang dahilan ng pagtanggap ko sa ‘yo. Ayaw kong lumaki siyang walang
ama.”
“Salamat,
Rochelle. Mahal na mahal ko kayo, kaya bumalik ako.”
“Huwag mo
nang sisirain uli ang pamilya natin, Jess. Ipangako mo.”
Tumango
siya, at nginitian ang asawa. “Pangako.”
“At patunayan
mo sa pamilya ko na kaya mo kaming alagaan, ipaglaban, at protektahan.”
“Yes, of
course, I will.
Sana lang din, itigil na nila ang pagmamata nila sa akin at panghuhusga. Oo,
nagkasala ako. Naligaw ng landas, pero heto na uli ako ngayon.”
“You can’t
blame them, Jess.
Sa tindi ng sakit na idinulot mo sa akin, hindi mo maiaalis sa kanila ang
magalit sa ‘yo.”
“Kaya nga
sana mapatawad na rin nila ako. I don’t expect it now, pero sana gradually…
maramdaman kong okey na sila sa akin.”
“Hayaan na
lang muna natin silang maghilom ang sugat sa kanilang puso. Time heals.
Ang mahalaga ngayon ay si Jesrelle.”
“Oo, I
will be his Superman, Rochelle,” masaya niyang sambit. Para siyang nasa
alapaap sa mga sandaling iyon.
----------
Tila nakangiti
ang puso ni Jess habang nagmamaneho patungo sa bankong kaniyang pinapasukan.
Ilang araw na rin siyang nalulunod sa kaligayahan dahil nabuo na niya ang
kaniyang pamilya.
Sa
kalagitnaan ng trapiko, tumawag si Luna.
“Miss na kita, Jess. Kailan mo ako dadalawin
sa unit ko?” maharot nitong sabi.
“Tantanan
mo na ako, Luna. Hinding-hindi na mauulit ang namagitan sa akin. Huwag mong
sirain ang pamilyang binuo ko.”
Ibababa na
sana niya ang tawag, pero mabilis na nakatugon si Luna. Minura-mura muna siya
nito. “Ako dapat ang nasa puwesto ni Rochelle! Tayo dapat ang may anak.”
“Stop
it! Wala ka nang
lugar sa buhay ko.” Pagkasabi niyon, pinatayan na niya ng tawag si Luna. Nag-off
na rin siya ng cell phone. Saka pinakalma niya ang sarili. Muli
niyang binalikan ang pag-alala sa mukha ni Jesrelle. Parang nakita niya ito
mula sa rearview mirror. Naglalaro ito sa backseat.
“Daddy,
I want to be like him!” sabi ni Jesrelle. Itinaas pa nito ang laruang Superman.
Napangiti
na lamang siya.
Nginitian
at binati niya ang dalawang security guard na naka-duty sa bankong
pinapasukan niya. Binati niya rin ang mga katrabaho niya sa loob bago siya
dumiretso sa opisina niya.
Hindi pa nagtatagal,
kumatok at pumasok si Luna. “Good morning, Jess, my dear!”
Gusto
niyang bulwayan ito, pero nang nakita niyang inaabot nito sa kaniya ang cordless
telephone, kumambiyo siya.
“A call
for you,” walang
siglang sabi ni Luna, saka nanatiling nakatayo sa harap ng table niya.
Sinenyasan
niya ito na lumabas na, pero sinenyasan din siya nito na hinihintay nito ang
telepono.
Wala siyang
nagawa kundi kausapin ang nasa kabilang linya.
Nagulat si
Luna nang bigla siyang natuwa sa magandang balita, kaya lalo itong nakinig at
naghintay.
“Thank
you very much, Sir! Bye!” aniya bago ibinaba ang telepono, at iabot kay Luna.
“What is
it, Jess?” usisa
nito.
“It’s
none of your business, Luna. Go back to your work.”
Nagpanting
ang tainga ni Luna. Minura siya nito, saka dinuro. “Magsisisi ka, Jess!”
Ngumisi
lang siya. Hindi siya natakot dahil alam niyang tama ang ginagawa niya. Nasaktan
na naman niya ang damdamin nito. Pero, sa tingin niya, deserve nitong
saktan niya dahil ayaw pa nitong itigil ang kahibangan sa kaniya.
Nangako
siya kay Rochelle, kaya kailangan niyang tuparin iyon. Napagtanto niyang walang
tukso na makakatalo sa pagmamahal sa pamilya.
No comments:
Post a Comment