Simula nang umalis ang ama ni Sittie, lagi na lang siyang nakadungaw sa bintana.
“May hula hoop akong dala! Halika, turuan kita,” aya ng
kaniyang kalarong si Katarina. Nagpakitang-gilas pa ito. Pinaikot-ikot ang hula
hoop sa leeg, baywang, at hita nito.
Umiling lang si Sittie, at hindi man lang ngumiti.
“May malaking bola ako! Gusto mong turuan kitang sumakay
rito?” aya ng kalaro niyang si Niko.
Umiling lang si Sittie, at hindi na naman ngumiti.
“Kumusta ka na, Sittie?” masiglang bati ni Aling Betty.
Binaluktot nito ang sarili. Naglakad ito habang ang ulo ay nasa pagitan ng mga
binti.
Nakita iyon ni Sittie, ngunit hindi siya natawa o napangiti.
“May tatlong maliliit na bola rito. Gusto mo ba nitong matuto?”
tanong ni Mang Rico.
Umiling na naman si Sittie, at hindi man lang ngumiti.
“Apo, sana ikaw ay aking mapangiti,” sabi ni Lola Cindy.
Hawak nito ang sulo na may sindi.
Napangiwi si Sittie sa sumunod na nangyari. Nagbuga ng apoy
si Lola Cindy, kaya natakot si Sittie, at lalong hindi ngumiti.
“Apo, kilala mo ba ang batang ito?” tanong ni Lolo Diko.
Manikang lalaki ang karga nito. “Batiin mo si Sittie,” utos ng lolo.
“Magandang umaga, Sittie! Nais kitang maging masaya at
ngumiti,” bati ng manikang si Demetri.
Nagitla si Sittie, pero hindi pa rin siya ngumiti.
Malungkot na nagsilabasan ang Pamilyang Maligaya, na sina
Katarina, Niko, Aling Betty. Mang Rico, Lola Cindy, at Lolo Diko.
“Kailan ka ba ngingiti?” tanong ni Katarina kay Sittie.
Tumingin lang sa kanila si Sittie, pero hindi pa rin
ngumiti.
Sumungaw sa bintana si Emily, ang nanay ni Sittie.
“Magandang araw sa inyo! Pasensiya na po kayo kung hindi
ninyo napangiti ang anak ko,” sabi nito.
“Nauunawaan namin ang kalagayan ninyo. Kaya sa darating na
Linggo, inaanyayahan namin kayong dumalo. Makakapunta ba kayo?” tanong ni Mang
Rico.
“Tiyak ako na mapapasaya namin kayo, at si Sittie ay
mapapangiti ko,” sabi naman ni Lolo Diko.
“Sige, sige, nasasabik na kami ni Sittie,” tugon ni Emily.
Pag-alis ng pamilyang maligaya, nag-usap ang mag-ina.
“Ayaw kong sumama,” sabi niya. “Hindi naman sila
nakakatawa.”
“Kung hindi ka man natawa kanina, sigurado akong matutuwa ka
sa mga ipapakita pa nila,” tugon ng ina.
“Magiging masaya lang ako kapag bumalik na si Papa.”
“Pero, Sittie, hindi na puwede. Hindi na namin mahal ang
isa’t isa. Masaya naman kahit tayo lang dalawa. Ikaw at ako ay isa pa ring
pamilya.”
“Mas gusto kong may nanay at tatay na kasama. Gusto kong
makita si Papa. Gusto ko siyang makasama.”
“Hindi puwede ang gusto mo, Sittie.”
“Bakit, Mama?”
“Hindi na ako mahal ng Papa mo. At itong dinadala ko ay
palalakihin kong mabuting bata, na kagaya mo.”
“Talaga po? Magiging ate na ako?” bulalas ni Sittie. Hindi
nito namalayang sumilay ang ngiti sa kaniyang mga labi.
Tumango-tango lang si Sittie, saka pilit na itinatago ang
ngiti. May naisip siyang ideya, kaya lumabas siya, at nagtungo sa bahay ng Pamilya
Maligaya.
Kinausap niya si Katarina. Humingi siya ng tulong sa buo
nitong pamilya.
“Sige, payag kami, basta amin ka lang mapangiti,” sang-ayon
ni Lola Cindy.
Pagdating ng Linggo, tahimik na sumama si Sittie sa ina
patungo sa plasa. Manonood sila ng pagtatanghal ng Pamilya Maligaya.
Panay ang ngiti ni Emily kay Sittie. Lilinga-linga naman
siya, na para may hinihintay pa.
Ang pagtatanghal ay agad na nagsimula.
Nagpalakpakan ang madla nang nagtanghal si Katarina, gamit
ang mga hula hoop na sangkaterba.
Naghiyawan naman ang mga tao nang lumabas si Niko habang
nakasakay sa malaking bola.
Nagsigawan pa ang mga manonood nang si Aling Betty ang
sumunod. Naglalakad ito nang nakabaluktot.
Natuwa naman ang lahat nang si Mang Rico na
nagpakitang-gilas. Tatlong maliliit na bola, sinalo-salo nito. Nagdagdag pa ng
tatlo, kaya dalawang kamay nito’y walang tigil sa pagsalo.
Nagsitayuan ang balana nang si Aling Cindy na ang nagpakita.
Nakasinding sulo ang dala-dala. At hindi nagtagal, parang itong dragon, na apoy
ang ibinubuga.
Natahimik naman ang lahat sa paglabas ni Lolo Diko, kasama
ang manikang si Demitri. Tahimik, pero malapit nang ngumiti si Sittie.
“Anak, masaya ka na ba?” tanong ng kaniyang ina.
“Malapit na po. Ikaw po ba, masaya, Mama?”
“Masaya ako kasi kasama kita. At magiging masaya ako kapag
ngumiti ka na.”
“Magandang gabi sa inyong lahat! Demetri, batiin mo sila,”
sabi ni Lolo Diko.
“Maayong gabii kaninyong tanan!” bati ng manika. “Ngayong
gabi ay ipakikilala ko sa inyo ang aming bisita… Halika na, Payaso. Ipakilala
mo na sa amin ang iyong mahal na pamilya.”
Nagpalakpakan ang madla sa paglabas ng isang payaso.
Napangiti si Sittie, at sa labis na tuwa ay napatayo.
“Mama, may sorpresa kami sa ‘yo,” sabi ni Sittie.
Mabilis na nakalapit sa kanila ang payaso, kaya hindi na
nakapagsalita si Emily.
Kinarga ng payaso si Sittie, saka hinawakan ang kamay ni
Emily. Nagtungo sila sa bulwagan habang ang mga manonood ay nagpapalakpakan.
Ibinigay ni Lolo Diko sa payaso ang mikropono.
“Salamat sa inyong lahat, Pamilya Maligaya! Salamat din sa
aking mahal na mahal na anak dahil sa kaniya, mabubuo na ulit ang aking
pamilya.” Niyakap ng payaso ang mag-ina. “Heto ang aking anak at asawa. At may
parating pang isa.”
Niyakap ng mag-asawa si Sittie na noon ay malapad na ang
ngiti.
“Ngumingiti na si Sittie,” sabi ni Demetri.
No comments:
Post a Comment