Followers

Wednesday, October 23, 2024

Kokak!

Kokak! Kokak! Kapag imported, Croak! Croak!

 

Iyan ang mga tunog ng mga palaka. Alam nating lahat iyan. Pero alam ba ninyong may 4,700 na uri ng palaka?

 

Yes! May apat na libo at pitongdaang uri ng palaka sa buong mundo. Isa na riyan ang mga chubby frogs.

 

Chubby frogs?

 

Hmm. Mamaya pa… Introduction muna tayo. Bibigyan ko muna kayo ng facts about frogs.

 

1.      Ang mga palaka ay matatagpuan sa bawat kontinente, maliban sa Antarctica.

2.      Bawat taon, nagha-hibernate ang mga palaka, lalo na sa mga lugar na may winter. Natutulog o nagtatago sila para sa bone development nila.

3.      Karamihan sa mga palaka ay may kakayahang tumalon ng dalawampung (20) beses sa kanilang taas.

4.      Iba-iba ang kulay ng mga palaka. Ang makulay na palaka naman ay palatandaan ng lason.

5.      Ang golden poison dart frog ay ang itinuturing na isa sa mga nakalalasong palaka sa buong planeta.

6.      Ang tawag sa pag-aaral ang amphibians (gaya ng palaka) at reptiles (gaya ng ahas) ay tinatawag na Herpetology. Samantala, tinatawag namang Herpetologist ang taong nag-aaral nito. Ito ay nagmula sa salitang Griyego, ang Herpentonwich, na nangangahulugang ‘bagay na gumagapang.’

7.      Ang mga palaka ay kabilang sa class na amphibians dahil kaya nilang mabuhay sa lupa at sa tubig.

8.      Kapag may mga palaka sa paligid, indikasyon ito ng kalinisan.

9.      Tympanum ang tawag sa tainga ng palaka. Ito ay matatagpuan sa likod ng mga mata nila.

10.   Kapag ang tympanum ay mas malaki kaysa sa mata ng palaka, ito ay lalaki. Kapag mas maliit ang tympanum, ito ay babae.

11.   Nagpapalit din ng balat ang mga palaka. Ang tawag sa pagbabagong ito ay moulting. Ang ilang uri ng palaka ay nagpapalit ng balat araw-araw. Ang iba naman ay linggo-linggo. Kinakain pa nga nila ang natanggal nilang balat.

12.   Ang pagkokak ay ginagawa lang ng mga lalaking palaka. Ito ang paraan nila para magpapansin sa mga babaeng palaka.

13.   Ang bawat palaka ay may kani-kaniyang tunog ng pagkokak. Mayroon silang vocal sacs, na puno ng hangin. Kaya nilang palakasin ang kanilang kokak hanggang mapaabot sa malayong lugar.

14.   May ngipin din ang mga palaka. Matatagpuan ito sa pantaas nilang panga. Ginagamit nila ito upang manatili roon ang insektong lulunukin nila.

15.   Ang mga mata ng mga palaka ang ginagamit nila sa paglunok.

16.   Hindi ginagamit ng mga palaka ang kanilang bibig o dila sa pag-inom ng tubig, kundi ang kanilang balat. Tumatagos sa balat nila ang tubig at hangin, pati ang mga polusyon. Pero, kapag matagal silang wala sa tubig, nadi-dehydrate sila.

Ang galing, `di ba?

 

Kamangha-mangha talaga ang mga impormasyon tungkol sa mga palaka!

Nabitin ba kayo?

 

Sige, itutuloy ko ang tungkol sa chubby frogs…

 

Chubby?

 

Excuse me po sa mga chubby riyan. Totoong may tinatawag na chubby frogs. Akala natin, tao lang ang maaaring tawaging chubby, palaka rin pala.

 

Ang chubby frogs ay kilala rin sa mga tawag na Asian painted bullfrogs, ox frogs, painted frogs, Malaysian narrow-mouthed toads, banded bullfrogs, at bubble frogs. Kaloula pulchra ang scientific name nito, at kabilang sa pamilya ng Microhylidae.

 

Tinatawag silang chubby frogs dahil sa kanilang katawan. Mayroon silang mabilog na katawan, na animo’y nadaanan at nayupi ng sasakyan.

 

Ang lalaking chubby frog ay lumalaki hanggang dalawa at kalahating pulgada. Mas malaki ang babaeng chubby frog. Kaya nitong lumaki hanggang tatlong pulgada.

 

Ang mga chubby frogs ay kulay-abo o tsokolate ang likod, na may dilaw na bahagi. Mayroon din silang dalawang pahabang guhit sa magkabilang tagiliran ng katawan, hanggang sa ulo at nguso. Pandidirihan niyo rin ang mga tila dilaw o itim na kulugo nila sa katawan. Ang dibdib nila ay abuhin, na parang tigre ang disenyo.

 

Tuwing umuulan, nagtitipon-tipon sila, na parang may party. Gumagawa sila ng ingay, lalo na ang mga lalaki. Ipinangangalandakan nila ang kanilang presensiya upang mapansin sila ng mga babae.

 

Nakabubulahaw ang pinagsama-sama nilang ingay. Madalas, hindi makatulog ang sinomang makarinig sa pinagsama-sama nilang kokak. Tindi, `no?

 

Lumulobo o lumalaki ang katawan nila kapag nai-initimidate o may nakambang kalaban—tao man o hayop. Kaya nilang magdagdag ng laki hanggang 3.5 sentimetro, kapag natatakot.

 

Ang mga chubby frogs ay matatagpuan kahit saan – sa mga batuhan, sa damuhan, sa tambak ng dahon at sanga, o sa nabubulok na organikong bagay, kung saan makakakain sila ng anay, langgam, lamok, gagamba, uod, bulate, langaw, ipis, tipaklong, kulisap, maliit na isda, at iba pang insekto. Maaari din silang tumira sa mga tirahan ng mga tao, basta ligtas sila at mabubuhay. Mas aktibo sila kapag gabi.

 

Tuwing gabi sila naglilibot-libot upang humanap ng matitirhan at makakain. Inilalaan naman nila ang umaga sa pagpapahinga habang nakasiksik sa uka o kaya sa ilalim ng lupa, bato, dahon, o puno. Ang likod ng kanilang mga paa ay parang may pala dahil may kakayahan silang maghukay ng lupa nang nakatalikod.

 

Ang mga uri ng palakang ito ay kadalasang matatagpuan sa Timog Silangang Asya, gaya ng Indonesia, Laos, Singapore, Malaysia, Sri Lanka, India, Myanmar, Taiwan, Thailand, Vietnam, at Pilipinas. Kaya naman, sila ay hindi pa nanganganib na maubos. Marami pa silang nabubuhay sa mundo.

 

Dahil hindi pa kabilang sa endangered species ang mga chubby frogs, legal sa Pilipinas ang pag-aalaga nito. Gayunpaman, nangangailangan ng maingat na pangangalaga sa mga ito. Sensitibo ang balat nila. Nagiging iritado sila kapag hinahawakan. Kapag naalagaan naman nang mabuti, umaabot ng hanggang sampung taon ang buhay nila.

 

Nakalulungkot lang isipin na may mga bansa na itinuturing silang peste dahil sa sobrang dami nila. Marahil ay hindi lang nila alam ang pakinabang nila sa ecosystem at sa pamumuhay.

 

Mahalaga ang mga chubby frogs sa kapaligiran. Tumutulong silang makontrol ang pagdami ng mga peste, gaya ng anay.

 

Gayunpaman, nanganganib din ang pagkaubos nila dahil maaari silang kainin ng mga ahas, bayawak, at tao. Opo, ng mga tao. Edible ang mga chubby frogs.

 

Adobong chubby frogs? Fried chubby frogs? Name it.

 

Tandaan nating delikado pa rin ang mga chubby frogs sa mga tao dahil may kakayahan silang maglabas ng toxic substance mula sa kanilang balat habang sila ay hinahawakan. Hindi naman gaanong nakalalason ang likidong iyon, kaya wala masyadong dapat ipangamba ang mga pet owners.

 

Paano malalaman kapag naglabas na ang chubby frog ng toxic?

 

Simple lang. Kapag naramdaman na ninyong dumidikit na ang mga daliri sa isa’t isa, may lason na ang kamay ninyo. Maghugas na kayo kaagad.

 

Sabi ng ilan, magkakaroon raw ng kulugo kapag naihian ng palaka.

 

Maaari… pero malabo naman sigurong mangyari iyon kapag agad namang nahugasan nang mabuti ang bahagi ng katawan na naihian.

 

Ang chubby frogs naman ay nakaeengganyong hawakan. Hindi sila nakakatakot, gaya ng ibang uri ng palaka. Kaya hind imo maiiwasang hawakan sila. Hindi tayo matatawag na pet owners, kung hindi hahawakan ang mga alaga.

 

Basta laging tatandaan, mag-ingat lang. Handle with care, `ika nga.

 

Kaunting trivia naman tayo…

 

Sa panahon ng pagbibinata ng mga lalaking chubby frogs, nag-iingay sila, na animo’y mga baka habang nakalutang sa tubig, na parang beach balls, na may paa. Sa paraang ito, naaakit nila ang mga babaeng chubby frogs para makipagtalik sa kanila.

 

Ang mga babaeng chubby frogs ay nangingitlog pagkatapos niyon. Ang mga itlog nila ay napakaliit, na makikita sa may pampang ng katubigan.

 

Sa mga interesadong mag-alaga ng chubby frogs, narito ang mga dapat ihanda o isaalang-alang:

1.      Ang kulungan,

2.      Ang mga pagkain

3.      Siyempre, ang palaka.

Hindi basta-basta ang pag-aalaga ng chubby frogs.

 

Sa pagpili ng kulungan, kailangang isasalang-alang ang init at halumigmig, gayundin ang lalim at mga kagamitan. Ang aquarium ang pinakamainam na gamitin bilang tirahan ng mga lagaang chubby frogs. Kung dalawa ang alaga, inirerekomenda ang paggamit ng 20-gallon tank. Kung wala o kung mas marami pa ang alaga, any size will do. Maging maingat lang dahil ang mga chubby frogs ay may abilidad na umakyat kahit sa glass material. Makakatakas sila kapag walang mahigpit na takip. Tiyakin lamang na may sapat na hanging makapapasok sa tanke upang sila ay makahinga.

 

      Dahil ang mga chubby frogs ay mahilig maghukay o tumira sa ilalim ng lupa o nabubulok na organikong bagay, gaya ng dahon, mainam maglagay sa tanke ng buhangin, lupa, lumot, kusot ng niyog, at iba pa.

 

      Kung magiging artistic lamang sa pagdi-design ng aquarium, maaari ding maglagay ng bato, driftwood, at totoong halaman para sa kanilang mga pisikal na aktibidad.

 

      Kailangang manatili ang tamang temperatura sa tanke. Inirerekomenda ang temperaturang 70 hanggang 80 Farenheit. Ang halumigmig ay mahalaga rin para sa mga alagang palaka. Hinihikayat ang tagapag-alaga na isprihan ang tanke ilang beses sa isang linggo. Makatutulong din ang paglalagay ng tubig na nakamangkok. Kailangan nila ang tubig para sa pagpapanatiling basa ng kanilang katawan.

 

      Ang pagpapakain ay dapat ding bigyang-pansin sa pag-aalaga ng chubby frogs.

 

      Insectivorous ang mga palaka. Ibig sabihin nito, mga insekto ang diet nila.

 

      Gaya ng mga nabanggit sa naunang talata, alinman sa mga iyon ay kinakain ng mga chubby frogs. Kadalasan, kumakain ng anim hanggang sampung kulisap o insekto ang palakang nasa hustong gulang, kada dalawa hanggang tatlong araw. Ang batang palaka naman ay kumakain ng tatlo hanggang anim na insekto, kada ikalawang araw.

 

      Dahil ang chubby frogs ay nabubuhay hanggang sampung taon, malamang mapapagod ang tagapag-alaga sa pagpapakain. Magastos din kapag bibili ng mga worms sa pet shop. Iminumungkahing mag-alaga ng sariling insekto.

 

      Bilang pet owner, isang misyon ang pag-aalaga ng chubby frogs. Kailangang maging mapamaraan.

 

      Maraming langgam sa paligid. Maglagay ng mga tira-tirang pagkain sa sulok. Tiyaking may sapin ang pagkaing ipapain para kapag nag-ipon-ipon ang mgalanggam, mas madali itong mabubuhat patungo sa tirahan ng mga palaka.

 

      Ingat lang baka masyadong marami ang langgam. Baka papakin ang mga chubby frogs. Ikamatay pa nila.

 

      Maaari ding maglagay ng kaunting pagkain sa tanke. Doon mismo iyon lalanggamin. Mas mainam ang ganitong paraan kaysa sa una.

 

      Sa pagpili ng aalagaang chubby frog, kailangang maging matalino sa pagbili nito sa pet shop. Tiyaking ang palaka ay talagang chubby. Ang katawan ng chubby frog ay buo at bilog. Kulang sa timbang ang palaka kapag halos bakat at nakikita na ang buto nito.

 

      Suriin din ang mga mata nito. Kailangang malinaw.

 

      Tingnan din ang balat ng chubby frogs. Dapat walang sugat ang pipiliin.

 

      Kapag tutungo sa pet shop para bumili, dapat hindi umaga. Dapat gabi dahil nocturnal ang mga chubby frogs. Nakatago sila kapag umaga.

 

      Kapag umaga pumunat sa pet shop at nasa open area ng tanke ang palaka, malamang senyales iyon na may sakit siya. Minsan din, nakatago rin ang palaka kapag may sakit.kaya naman, hinihikayat na magpatulong sa pet shop owner o attendant upang mapili ang pinakamalusog ma palakang aalagaan.

 

      Ang pinakapraktikal na pagpili ng palakang aalagaan ay ang panghuhuli nito sa mga gubat, ilog, batis, damuhan, o hardin ng bahay. Minsan, kapag sinusuwerte makahuhuli tayo sa loob mismo ng ating tahanan.

 

      Kung may hardin sa bahay, malamang may nagkukubling chubby frogs sa ilalim ng mga halaman, sa tabi ng paso, o sa ilalim ng bato.

 

      Enjoy frog hunting!

 

      Handa na ba kayong mag-alaga ng palaka—chubby frogs?

 

      Huwag kayong mag-alala. Madali lang mag-alaga nito. Bukod pa rito, pambihira ang dulot nito sa nag-aalaga. Stress-reliever. Nakatutuwa!

 

      Ang cute na nga nila, nakawawala pa ng lunhkot at problema. Makita niyo lang silang kumakain ng insekto, mapapangiti na kayo. Masarap din silang hawakan. Malamig ang katawan nila, kaya parang may jelly sa kamay ninyo kapag hawak niyo sila.

     

      Huwag matakot magkaroon ng kulugo. Nagagamot naman ito. Bago pa lumaki, mapapatay na ang tumutubong wart sa kamay ninyo.

 

      Nakaka-excite din ang unti-unti paglaki nila. Sa loob ng sampung taong pamumuhay nila, maliligayahan kayo—tuwing kakain sila, maliligo, lalangoy, maghuhukay, tatalon, gagapang, o aakyat. Kapag sinuwerte, matutunghayan ninyo kung paano sila magpalit ng balat, kumokak, makipagtalik, mangitlog, at lumaki.

 

      Huwag niyo ring isiping weird ang pag-aalaga ng palaka. Exotic man ang chubby frogs, hindi naman kayo exotic. Normal pa rin kayo. Isa pa, nakatutulong ito sa pagkontrol sa pagdami ng peste sa paligid dahil naipapakain natin sa kanila.

 

      Sa mga single diyan at may gustong magkaroon ng Prince Charming, malay ninyo, chubby frog pala ang hinahanap ninyo. Isang kiss lang pala, may jowa na kayo.

 

      Kokak! Hanggang dito na lang.

     

      Goodluck sa bago ninyong hobby!

 

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...