Ano ako?
Hindi
ko alam kung paano ako isinilang. Namulat na lang ako na namumuhay akong
nakadikit sa tipyas ng niyog. Umulan man o umaraw ay hindi ako natitinag doon.
Ilang beses na nga akong pinutulan ng mga paa at kamay ng mga taong walang-awa
sa katulad ko, ngunit patuloy pa ring sumisibol ang mga bahagi ng katawan ko.
Masaya
akong namumuhay sa kagubatan. Maligaya ako araw man at gabi na ang mga ibon,
mababangis na hayop, insekto o kulisap ang mga kasama ko. Kuntento na ako sa
buhay na meron ako.
Ngunit
isang araw, isang masamang-loob ang bumunot sa aking pagkakakapit sa puno ng
niyog. Hindi ko alam kung bakit sa taas ng aking tahanan ay nakita at naakyat
niya pa ako.
Pagkatapos
niya akong makuha, naramdaman kong nanikip ang dibdib ko. Tapos, umagos ang
puting dugo ko nang tagain niya ang mga paa at kamay ko. Lumiit ako. Ang
sakit-sakit!
Ang
sama ng taong ito! Ngumisi pa habang sinipat-sipat ako.
‘Tapos,
hindi lang pala ako ang nag-iisang nilalang na nilapastangan niya. Marami kami.
Nalaman ko dahil inihagis niya ako sa isang makina. Parang robot iyon. Umaandar
kami. Lumalayo kami sa gubat na aking kinagisnan. Nag-iiyakan na nga ang ibang
kasamahan ko. Kawawa ang ibang matanda. Kulubot na nga, pinutulan pa ng mga paa
at kamay. Ang iba naman, inalisan ng lupa sa paa. Halos lahat kami ay hindi na
makahinga.
Sabi
ko nga sa mga kasamahan ko na huwag silang mag-alala. Makakaligtas kami sa mga
parusang iyon.
Paggising
ko, itinayo ako sa isang maliit na paso. Nilupaan ang mga paa ko. Inunat-unat
pa ang mga kamay ko. Unti-unti na akong nakakahinga. Magic! May magic ang lupa.
May kakaibang oxygen na naibibigay sa akin.
Nang
luminga-linga ako. Nakita ko ang mga kasamahan ko. Nakatayo din sila sa mga
paso. Nakangiti silang lahat. Kaya ngumiti rin ako.
Maya-maya
pa, dumating ang masamang-loob na nagpahirap sa amin. May kasama siya.
"Honey,
look at them. Aren't they beautiful?"
"They
are! Great! Ang gaganda nila. Nadagdagan na naman ang koleksiyon mo dito sa
garden natin. "
Wow,
ha! Pagkatapos kaming pahirapan, pupurihin pa kami. Well, okay naman ngayon ang
buhay ko. Time will come, matutuhan ko rin ang nakaapak sa lupa. Nakaka-miss
lang manirahan sa tipyas ng niyog.
Ano
ako?
No comments:
Post a Comment