"Marissa, nasaan na ba ang anak mo? Paigiban mo nga itong tapayan natin at walang magamit panghugas. Magluluto na ako..." ani Mang Edung sa asawa, habang nagtatahip ito ng bigas.
"Si
Totong? Kaninang umaga pa umalis. Akala ko nga'y pumunta sa 'yo."
Hindi
umimik si Mang Edung. Hindi naman nito nakitaan ng pangamba ang asawa. Kaya
lang, nang dumilim na'y wala pa ang kanilang anak. Ang mga kapatid na ang
naghahanap kay Totong.
"Huwag
kayong mag-alala... Matapang at malakas ang Kuya Totong ninyo. Hindi siya
matatakutin sa dilim." Pinakalma ng ina ng mga damdamin ng mga anak.
"Sige na, buksan mo na ang radyo, Nognog. Makinig na tayo sa
balita..."
Tumalima
na ang pangalawang anak, saka bumalik sa pagmasid sa gamugamong palipad-lipad
sa gasera.
"`Nay,
kapag nawalan po ba ng pakpak ang gamugamo, makakalipad pa rin siya?"
inosenteng tanong ni Nognog.
Napangiti
muna si Aling Marissa. "Hindi na. Kailangan muna siyang magkapakpak uli
para makalipad."
Nalungkot
si Nognog. "Hindi pala matutupad ni Kuya ang pangarap niya."
Napasulyap
ang ina sa anak. Pabulong lamang iyon, subalit malinaw na malinaw ang dating
niyon sa pandinig niya. Ngayon lamang siya nag-alala sa kaniyang panganay na
anak.
"Namataan
kaninang hapon ang isang batang may saklay na nakipaglaban sa mga lalaking
nagtatapon ng basura sa Ilog Pasig. Para sa mga detalye, narito si Dick
Romanes, mag-uulat..." Natigilan si Aling Marissa. Pinatigil niya ang mga
anak sa pagkilos at pagsasalita.
"Narito
ako ngayon sa isang bahagi ng Ilog Pasig upang kapanayamin ang isang residente
na nakakita sa pangyayari. Magandang gabi, Ginoong Andres! Ano po ba ang nakita
ninyo kanina?" sabi ng reporter.
"Kitang-kita
ko po ang isang bata. Nakatakip ang mukha ng kaniyang baro. Parang ninja.
Galing po siya sa kalawakan. Opo. Nakakalipad po siya. Sa maniwala po kayo, sa
hindi, pinaghahampas niya po ang mga lalaking nagtatapon ng basura. May mga
patay na hayop pong kasama roon. Hindi po siya pilay, pero gamit niya po ang
isang saklay."
"Maraming
salamat, Ginoong Andres. Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang
nasabing phenomena. Ito ang Radyo Manila Ngayon! Dick Ramones. Balik sa 'yo,
Trina."
"Diyos
ko... Diyos ko," sambit ni Aling Marissa. Tinungo niya ang bintana at
tinanaw ang kadiliman ng gabi sa bakuran. Umaasa siyang parating na si Totong.
Nakita
ni Mang Edung ang pag-aalala ng asawa sa anak. Tila nabiyak ang puso nito.
Marahil ay dinamdam ni Totong ang kalabisan ng mga salita nito kanina sa
taniman.
Hindi
nakatulog nang maayos ang mag-asawa dahil sa hindi pag-uwi ni Totong.
"Mang
Edung, ilabas niyo ang anak niyong pilantod ngayon din!" Isang malakas na
tawag ang gumising sa mag-anak. Mataas na ang araw ng mga oras na iyon.
Sinilip
ni Mang Edung ang tumatawag, at nakita niya si Ka Oka, ang kilalang lider ng
mga illegal loggers sa kanilang lugar, na naninirahan sa nayon.
Nahintatakutan siyang pumanaog.
"Bakit
niyo po hinahanap ang anak ko?" Nangangatal ang boses ng ama. Mas lalo itong
lumiit nang palibutan ito ng malalaking lalaki na kasama ni Ka Oka.
Kinuwelyuhan
ni Ka Oka si Mang Edung. "Ilalabas mo ba ang anak mo o gagawin ko kayong
troso?"
"W-wala
po rito ang anak ko. Ano po bang kasalanan niya sa inyo?"
"Diyos
ko! Ka Oka, bakit po?" tanong ni Aling Marissa, habang natatakot na
lumapit sa asawa. "Huwag niyo pong saktan ang asawa ko."
Nag-iiyakan
na ang mga bata sa loob ng bahay, kaya sumenyas na si Ka Oka sa dalawang
malalaking lalaki na may sukbit na baril. Inihagis naman nito sa lupa si Mang
Edung. Sinipa pa nito sa sikmura ang padre de pamilya, dahilan upang mamilipit ito
sa sakit.
"Tama
na, Ka Oka. Walang kaming ginagawang masama sa inyo!" Tinulungan ni Aling Marissa
ang asawa.
"Wala?
Hindi mo ba alam ang ginawa ng pilantod mong anak?"
"Kahapon
pa siya wala rito. Kami nga'y nag-alala magdamag dahil hindi siya umuwi,"
paliwanag ni Aling Marissa.
"Boss,
negative," sabi ng isang lalaki mula sa tirahan ng mag-anak.
Kumakawag-kawag
at umiiyak naman ang magkapatid dahil hila-hila ang mga ito ng isa pang lalaki.
At nang mainis ito, isa-isang nakatikim ng malalakas na batok ang mga bata,
dahilan upang matumba ang dalawang paslit.
Hindi
malaman ng inang puspos na luha, kung sino ang unang itatayo.
"Kulang
pa 'yan sa perwisyong dinulot ng anak ninyo sa negosyo ko!" sambit ni Ka
Oka, na animo'y mabangis na hayop. Hiningi nito ang baril sa alipores, at
tinutukan isa-isa ang pamilya ni Totong. "Ngayon, sasabihin niyo ba kung
nasaan siya o hindi?"
"Maawa
ka na po, Ka Oka. Anoman ang pagkakamali ni Totong, sana mapatawad mo siya."
"Boss,
ang bata!" bulalas ng lalaki, na itinuturo ang nilalang na lumilipad.
Bago
pa nakita ni Ka Oka si Totong mula sa himpapwid, nahampas na niya ito ng saklay.
Mabilis din niyang pinagpapalo ang dalawang lalaki hanggang sa hindi na
makagulapay pa ang mga ito.
"Ako
ba ang hinahanap niyo? Ako si Totong Saklay, ang tagapagligtas ng kapaligiran.
Nararapat lamang kayong maparusahan upang hindi na pamarisan."
Nagtakbuhan
ang mga lalaki, at naiwang iika-ika si Ka Oka.
Hindi
naman makapaniwala ang mga magulang at kapatid ni Totong sa nakitang katapangan
at kakayahan nitong makipaglaban at lumipad.
Malayo
na ang natakbo ni Ka Oka, nang lapitan ni Mang Edung si Totong. "Anak,
patawad. Hindi ko sinasadya. Maraming salamat!" Niyakap nito nang mahigpit
ang anak.
Ramdam
ni Totong ang pagyugyog ng mga balikat ng ama.
"Kuya,
Kuya..." magkapanabayan naman ang paglapit ng kapatid niya.
"Nakakalipad
ka na, Kuya. Ang galing ng kuya namin!" sabi ni Nognog.
"Hindi
ka na pilay, Kuya?' tanong naman ng bunso na si Malot.
Nagkatawanan
ang mag-anak.
No comments:
Post a Comment