Followers

Tuesday, October 8, 2024

Ano Ako? #1

 Ano ako?

Tumulay-tulay ako sa stainless na lagayan ng mga nilutong ulam. Inamoy-amoy ko ang mga lutong ulam sa karinderyang iyon. Hindi ako umapak sa mismong ulam. Nakuntento na ako sa amoy ng mga iyon. 

Masarap naman sila. Mamantika nga lang ang iba. 

Maya-maya, dumukwang ang isang payat na kustomer. Naghintay siyang matapos ang maputing tindera na balutin ang kaning inorder ng isang matabang lalaki na nasa gilid ng salaming kinalalagyan ng mga ulam. 

Ang lalaking payat lang yata ang nakakakita sa pag-gymnastics ko sa mga lalagyan ng ulam. Siya lang yata ang nag-enjoy na pagmasdan kung paanong ang matabang nilalang na katulad ko ay nagpainot-inot sa mga stainless na iyon habang dinidilaan ang mga bakas ng sabaw at sarsa sa lagayan. Ni hindi niya ako binugaw. Ni hindi siya nagsumbong sa tindera na naroon ako at nakikiamot ng ulam ng kanilang tinitinda. 

Kasi kapag binugaw nila ako, aalis lang muna ako sandali. Babalik din ako. Doon na kasi ako nakatira. Inaaway ko nga ang mga kapwa ko kapag naliligaw sa aking teritoryo. Ako ang hari doon. Ako ang batas.

Bago natapos ibalot ni Ate ang limang kanin na order ng matabang lalaki, nagpasikat ako. Binilisan ko ang pagtulay sa mga stainless rectangular bowl. Kahit madulas na ang mga paa ko dahil sa pagkakadikit sa mga sarsa at sabaw, pinilit kong luksuhin ang kutsarang malaki o serving spoon ba 'yon? Doon ay nagtago ako kunwari. Pero hindi pala umalis ang tingin sa akin ng payat na lalaki. Nakita niya akong nagtago sa ilalim ng kutsara. 

Nagsisisi ako kung bakit pa ako nagpasikat. Nahulog ako sa malabnaw, ngunit malalim na sabaw ng gulay na langka. Kumawag-kawag ako sa ilalim niyon. Walang nakaririnig sa akin. Pero, ang payat na lalaki, nakikita niya ako. Hindi man niya ako pinagtawanan pero hindi naman siya humingi ng tulong kay Ate upang salukin ako at palayain ako. 

"Diyos ko, tulungan mo po ako... Kapag hindi ako makita ni Ate, malamang makakain ako ng tao."

Umalis na ang lalaking payat. Hindi niya ako tinulungan... Masama siya!

Ano ako?


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...