Followers

Thursday, October 24, 2024

Ang mga Pagalit Ni Mama

 

Ako si Sonia, ang batang lumaki sa kurot, sa pagalit, at sa sermon. Hindi ko naramdamang minahal ako ni Mama. Naiinis ako palagi sa kaniya. Hindi siya marunong magmahal.

"Soniaaaaa!" Tuwing hapon naririnig ko ang mala-dinosaur na boses ni Mama. Lagi niyang pinapahaba ang pangalan ko sa dulo. Kainis! Pakiramdam ko, wala na akong karapatang maglaro. Puro na lang utos.

"Nand'yan na po!" Pinipilit kong mas lakasan pa ng boses ko, pero tila yata si Mama lang ang may kakayahang gawin iyon. Natataranta pa akong tumakbo pauwi. Kailangan kong bilisan, kundi isang mahabang misa na naman ang magaganap.

Nasa tarangkahan pa lang ako ng bahay ay inuutusan na ako. "Ang bagal mo! Masusunog na ang kawali. Heto... Bumili ka ng isang boteng mantika."

Pagkaabot sa akin ng pera, agad naman akong tatakbo sa pinakamalapit na tindahan. "Bakit po kasi nagpainit kayo ng kawali? E, wala palang mantika. `Tapos, magagalit kayo sa akin." Siyempre, hindi ko iyon sinabi kay Mama. Sa isip ko lang iyon.

`Tapos, sinunod ko na nga nang mabilisan ang utos niya, pagbabawalan na akong maglaro. Ipapahanap pa sa akin ang bunso kong kapatid.

Minsan, sabi ko, ''And'yan lang iyon, `Ma. Alam naman niya ang daan pauwi." Sininghalan ako ni Mama. Katakot-takot na pagalit ang napala ko. Dapat daw ay maging responsable akong anak at kapatid. Ako raw kasi ang panganay.

Wala na talaga akong sinabi at ginawang maganda. Lagi na lang akong mali. Minsan nga, parang ayaw ko nang umuwi sa bahay. Makikitira na lang ako sa mga bahay ng kalaro ko para hindi na ako utusan, pagalitan, at kurutin. Doon, maghapon kaming maglalaro.

Kahit nga bakasyon naman, hindi rin ako maging malaya sa mga libro. Nais ni Mama na magbasa ako nang magbasa. Diyusme, nakakasawa kaya! Kapag 'di ko naman ginawa, sermon uli. Sasabihin pa na ang karunungan lang ang tanging kayamanang maipapamana nila ni Papa sa aming magkapatid. At pahalagahan ko raw ang pagbabasa o ang pag-aaral dahil dito nakasalalay ang kinabukasan ko. Alam ko naman iyon. Unlimited lang siya, kaya nakakalimutan ko.

Kapag nagbabasa naman ako nang nakahiga, sasawayin ako. Nakakasama raw sa mata ang pagbabasa nang nakahiga. E, ang sarap ng posisyong ganoon. Nakakainis naman. Kung ano ang sa tingin kong maganda para sa akin ay masama pala.

May pagkakataon pa nga na pati ang pawis ko ang nagiging dahilan ng panenermon ni Mama. E, ano kung basa ang likod ko? Matutuyo naman iyon sigurado. Nakikipaglalaro pa ako. Alangan namang magpalit ako nang magpalit ng damit. `Tapos, pagagalitan na naman niya ako dahil andami na naman niyang labahan.

Ang madalas ay sermon sa hapag-kainan. E, ayaw ko ngang kumain ng gulay, tapos pipilitin ako. Ano bang meron sa gulay na wala sa mga hotdog, chicken, softdrink at chips?

Madalas ding sabihin ni Mama na "Ubusin mo 'yan! Maraming bata ang nagugutom sa lansangan." Nakakarindi. Bakit kaya hindi niya ipakain ang tira sa mga sinasabi niyang bata? Bakit pipilitin niyang ubusin ko ang pagkain ko, gayong masuka-suka na ako sa busog?

Kung sa pagkain ay may sermunan, gayundin sa panonood ng telebisyon. Lagi akong sinasabihan ni Mama na bawal akong manood ng ganitong palabas o ganyang programa. Hindi raw pambata. E, ano ang pambata? Cartoons? Nakakasawa naman. Gusto ko iyong pinanonood nilang teleserye.

Pati ang mga kaibigan ko ay kailangan niyang pakialaman. "Hindi ko gusto na kasa-kasama at kalaro ninyong mga magkakaibigang babae sina Burnok at Ondoy. Lumayo kayo sa kanila."

Bakit kaya? Mababait naman sila. Hindi ko talaga kayang unawain ang mga gusto ni Mama.

Isang araw, naisipan kong maglayas dahil hindi ko na talaga kayang tiisin ang pagalit niya. Pumunta ako sa abandonadong pabrika. Natatakot man ako, pero nilakasan ko na lang ang loob ko. Kasama ko roon ang mga ipis, lamok, at daga. Nahiga ako sa ibabaw ng mga pinagpatong-patong na paleta nang walang anomang sapin sa ulo at katawan.

Malamok. Madilim. Malamig. Nakakatakot. Hindi ako nakatulog.

Gusto kong umuwi na lang, pero nang naisip ko ang mga pagalit at sermon sa akin ni Mama ay mas pinili kong manatili sa lugar na iyon. Gusto kong ma-realize niya na mali ang trato niya sa akin.

Lahat ng gawin ko ay mali. Minsan niya lang naman ako pinupuri. Iyon ay kapag nakatatanggap ako ng awards at honors sa school. Ipinagmamalaki niya ako sa mga kaibigan niya at mga kapitbahay namin. Nakatutuwa rin kahit paano.

Madalas din niya akong sabihan ng maganda. "Maganda ka sana, Anak... 'di ka lang marunong makinig sa magulang mo." Hmp. Okey na sana, may karugtong naman.

Dahil hindi agad ako nakatulog, nahimbing naman ako nang husto. Tanghali na yata iyon nang dumilat ako.

Nag-isip ako. Uuwi ba ako o hindi?

Bago ako nakapagdesisyon, dumating sina Mama at Papa, kasama ang kapatid ko at ang kalaro ko, na nakakita sa akin nang pumasok ako sa pabrikang iyon. Awa at pag-aalala ang nakita ko sa kanilang mga mukha, lalo na ang aking mga magulang.

"Sonia, umuwi na tayo," mahinahong wika ni Papa. Inalalayan niya ako sa pagbaba.

Hindi kumibo si Mama. Hindi na rin nagsalita si Papa.

"Ang tapang mo pala, Ate! Hindi ka natakot mag-isa rito kagabi." Tunay na humanga ang aking siyam na taong gulang na kapatid na lalaki. Tiningnan at nginitian ko lang siya.

Nanibago ako. Dalawang araw na kasi akong hindi pinapagalitan ni Mama. Kaya lang, hindi na rin niya ako kinikibo. Hindi na rin nila inuungkat ni Papa ang paglalayas ko. Sa mga kaibigan ko pa nga nalamang nagpa-blotter pala kaagad si Mama dahil sa pagkawala ko. Wala pa kasi noon si Papa. Nag-overtime siya.

Ang kapatid ko naman ang nagkuwento sa akin na iyak daw nang iyak si Mama nang gabing wala ako sa bahay.

Napagtanto ko, mahal na mahal pala ako ni Mama. Nagsisisi ako sa ginawa ko. Hindi na ako magtatampo kapag papagalitan niya ako at sesermunan. Iisipin ko na lang na mali talaga ang mga kilos at gawa ko. Pagbubutihin ko na lang para matuwa na siya sa akin. Susundin ko na rin siya palagi. Ang bawat kurot niya sa akin ay ihahalintulad ko na lang sa haplos ng pagmamahal at lambing ng ina sa anak.

Nag-isip ako ng paraan para humingi ng tawad sa kaniya. Mahal na mahal ko siya.

Pumitas ako ng rosas sa hardin niya. "Mama, you’re the best mother po!" Masaya kong inabot sa kanya ang bulaklak, habang naghahanda siya ng lulutuin. Medyo nagulat siya, pero mas nagulat ako nang lapitan niya ako at niyakap, hawak na ang rosas.

"Salamat, Sonia!" bulong ni Mama. "Kayo ng kapatid mo ang dahilan ng aking pagiging ina."

"Sorry po, `Ma."

Tiningnan ako ni Mama. "Huwag mo nang uulitin 'yon ha, kundi kukurutin kita."

"Hindi na po."

Nagtawanan kami. Nakita kami nina Papa at Bunsoy.

 

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...