"Welcome back, Brother Jess!" bati sa kaniya ng matandang pastor. Nakipagkamay pa ito sa kaniya.
Nahihiyang
siyang ngumiti, kaya ang asawang si Rochelle na lang ang nginitian niya. At ginulo-gulo
pa niya buhok ng pitong taong gulang na anak.
"God
loves you, Jess. That's why He showed you the path back to His house of
worship,"
tila pabulong na lamang ang dinig niya sa tinuran ng pastor, pero malinaw na
malinaw niya itong naulinig.
Mula
sa pagbati ng pastor hanggang sa pagbati sa kaniya ng mga dating kapanalig,
kinainisan niya. Nais niyang magsisi kung bakit sumama pa siyang magsimba. Kung
hindi nga lamang siya nangakong magbalik-loob, hinding-hindi siya babalik sa
simbahang iyon na walang ginawa sa buhay niya kundi diktahan siya ng mga
nararapat gawin.
Umupo
ang mag-anak sa pinakaunahang upuan. Labag man sa kalooban ni Jess, pinilit na
lamang niyang tanggalin ang kaba sa kaniyang dibdib. Inaasahan na niyang
pariringgan na naman siya ni Pastor Noel. Tiyak siyang ikatutunaw niya iyon
kapag binanggit nito ang pangangaliwa niya kay Rochelle.
"Brother
Jess, mabuti naman at nakabalik ka," sabi ng kapatiran nilang matanda na
nasa kanilang likuran. "Makapangyarihan talaga ang panalangin."
Tumango-tango
lamang si Jess upang ikubli ang pagkairita.
Ramdam
naman niya ang kasiyahang nadarama ni Rochelle sa mga oras na iyon. Limang taon
rin kasi halos silang nagkahiwalay dahil mas pinili niya na makisama sa ibang
babae, na kinakalaunan ay pinindiho rin siya.
Tiningnan
niya si Rochelle. Nagtama ang kanilang mga paningin. Nginitian niya ang kaniyang
maybahay. "Salamat sa pagtanggap mo akin." Naisaisip niya lamang.
Nagkamali
si Jess. Hindi naman kasi siya pinasaringan ng kanilang pastor. Malayo ang
teksto sa kaniyang kasalanang nagawa. Sa unang pagkakataon, noon lamang siya
hindi naghinanakit kay Pastor Noel. Naipangako nga niya sa sarili na iiwasan na
niya, sa susunod na Linggo, ang mayamot kapag kinukumusta siya ng mga co-members
ng church. Tutal, hindi na siya inuusig ng mga ito. Natutuwa lamang
marahil ang mga ito sa kaniyang pagbabalik sa pamilya at sa pagsimba.
Masayang
nananghalian ang mag-anak sa isang pambatang fastfood chain. Noon niya
lamang nadama ang labis na kasiyahan. Ang makita ang anak at asawa na
masayang-masaya ay hindi kailanman matutumbasan ng anomang halaga.
"Daddy,
Daddy, sabi po ni Mommy, nasa ibang bansa ka raw lagi po. Maganda po ba roon?"
tanong ng bibong-bibong si Jesrelle.
Tinanggal
muna niya ng tissue ang spaghetti sauce sa labi ng anak.
"Hindi maganda roon, anak." Malungkot na tumingin ang ama kay
Rochelle.
"Hindi
ka na po babalik doon?"
Umiling
lang si Jess at pinilit na ngumiti.
"Yehey!
Hindi na babalik si Daddy sa abroad!" Nagtaas pa ng mga kamay ang
bata habang sinasabi ang mga ito. Pinagtinginan tuloy sila ng ibang kumakain
doon.
"Sige
na, Jesrelle, tapusin mo ang kinakain mo," malambing na utos ng ina upang
tumigil na ang anak.
Lalo
namang naragdagan ang paniniwala ni Jess na unti-unti na niyang mabubuo ang kaniyang
nawasak na pamilya. Alam niyang lubusan na siyang napatawad ni Rochelle.
Kaunting panahon na lamang ay maghihilom na ang sugat sa puso ng kaniyang
asawa.
Paglabas
nila sa fastfood chain, isang matandang lalaking pulubi ang sumalubong
at naglahad ng palad sa kanila. Kapansin-pansin ang karatulang nakasabit sa
leeg nito. Anito'y "Malapit na ang pagdating Niyang muli. Magbigay ka na
sa pulubi." Agad namang dumukot ng singkuwenta si Rochelle sa wallet
at ibinigay nito sa pulubi.
"Salamat
po!" anang pulubi at kagyat namang lumayo.
"Jess,
nabasa mo ba ang placard sa leeg ng pulubi kanina?" tanong ni
Rochelle sa nagmamanehong asawa.
"Oo.
Nakakapanghilakbot nga, e."
"Huh?
Bakit? Hindi naman dapat katakutan ang second coming, a."
Hindi
na kumibo si Jess. Alam niyang mapapalayo na naman ang usapan nila, gaya ng mga
dati. Nag-concentrate na lamang siya sa pagmamaneho, hanggang sa makauwi
sila.
"Jesrelle,
brush your teeth now, then go to your room and sleep," utos ni
Rochelle, saka sumalampak sa sofa.
Hindi
tumalima ang anak. Hindi yata nito narinig dahil abala ito sa paglalaro ng
laruan na galing sa fastfood chain.
Mabilis
na nagpakaama si Jess "Come, Jes. Samahan kita." Sumama naman
agad ang anak. Nagpakarga pa.
Pagbalik
ng mag-ama sa sala, humihilik na si Rochelle. "Wait lang,
Jes," ani Jess sa anak. Kinuha niya ang remote control ng
telebisyon.
Hindi
agad napatay ni Jess ang TV. "Walang himala! Ang himala ay nasa puso ng
tao... Ang himala ay nasa puso nating lahat!" Iyan ang eksenang naka-play
sa TV. Matagal na niyang naririnig ang sikat na linyang iyon, pero ngayon
niya lamang napanood.
Nang
matapos ang eksenang iyon, saka lamang pinatay ni Jess ang telebisyon at
iniakyat si Jesrelle. Tinabihan niya ang anak sa pagtulog. Muli, naramdaman
niya ang ligayang hindi nabibili saanman. Naisip niya ang linyang iyon ni Nora
Aunor sa pelikula. Aniya, tama siya, walang himala. Hindi himala ang nangyari
sa buhay niya at buhay nilang mag-anak. Kagustuhan niya iyon. Kagustuhan ng
puso niya na ipagpalit ang asawa. Mas pinili niya ang likong daan, kaya
kabiguan ang kaniyang kinasadlakan. Ngayon, ang puso niya ang muling gagamitin
upang buuin ang kaniyang winasak na tahanan. Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil
hindi pa huli ang lahat.
Madilim
pa nang maalimpungatan si Jess dahil sa cell phone ring.
"Hello,
Ram?"
mahinang sagot ni Jess sa tumawag.
"Sa'n
ka? Tuloy ba tayo mamaya? Matagal na nating plano 'yon," sabi ng nasa
kabilang linya.
"Kayo
na lang... Hindi na ako puwede."
Malakas
na tawa ang narinig ni Jess. Inilayo niya nga ang cell phone sa kaniyang
tainga. "Putang ina! Mukha yatang tinamaan ka ng himala!" Tumawa na
naman ang kaibigan ni Jess. "Kailan pa, P're?"
Sarkastiko
ang dating niyon kay Jess, pero sanay na siya kay Ram. Isa pa, kailangan niyang
magpakatatag, kung nais niya ng mabuting pagbabago sa buhay nilang mag-anak.
Ngayon pa ba siya magpapadala sa sutsot ng demonyo? "Walang himala, Pare. Change
has come. Ito na ang tamang panahon."
Lalong
pumulanghit ng tawa si Ram. "Puta! Ang sarap mong murahin! Drama mo, gago!
Sige na, sumama ka na. May ipapakilala ako sa 'yo. Hanep, P're ang
katawan!"
Si
Jess naman ang natawa. "Pass ako, P're. Unahin ko muna ang mag-ina
ko. It's been five years since inabandona ko ang sarili kong pamilya. It's
time siguro na ayusin ko na ang buhay ko, Ram… Pare... Pasensiya na."
Tatlong
segundong natahimik ang magkabilang linya.
"A,
sige, P're. Notify mo lang ako kung kailan."
Malungkot
na masayang ibinaba ni Jess ang kaniyang cell phone, pagkuwa'y tiningnan
niya ang nahihimbing na anak. Maingat niyang hinawi ang buhok ni Jesrelle na
tumatabon sa mga mata nito. "I love you, Anak. Sorry sa
nagawa ko sa inyo ni Mommy. Babawi ako sa inyo. Pangako ko," bulong niya.
Sa
ikalawang linggo ng kanilang muling pagsama-sama, sinikap ni Jess na maging
mabuting kabiyak at ama sa kaniyang anak. Umuwi siya nang maaga mula sa kaniyang
trabaho. Nagluluto siya ng pagkain. Hinaharap rin niya ang anak sa mga paggawa
ng mga takdang aralin at proyekto sa paaralan. Sinisigurado niyang masaya ang
kaniyang asawa at anak bago matulog.
No comments:
Post a Comment