Followers

Friday, October 4, 2024

Huwag Na Lang

Huwag mo na lang akong batiin

Kung sa mga araw na darating

Ay hindi mo ako kayang respetuhin

At hindi ka makikinig sa akin.

 

Huwag ka nang gumawa ng kard

At magsulat ng mensaheng huwad

Ang mabubuting salita'y walang bayad

Kaya iyon ang aking hinahangad.

 

Huwag mo akong regaluhan

Sa araw ng mga kaguruan.

Ibibigay mo'y `di ko kailangan

Badyet mo pa'y mababawasan.

 

Huwag mo na lang akong bigyan

Kung plastik na bulaklak lang naman

Nais ko'y tunay-- gaya ng kabutihan

Huwag ding tsokolate, na kay tamis naman.

 

Huwag ka nang magdala ng kung ano-ano

Gaya ng cake, mamon, biskwit o pabango

Katotohanan ay hindi kailanman magbabago

Iyong ihahandog ay hindi katumbas ng grado.

 

Huwag mo na ring pag-isipan

Kung anong regalo ang babalutan

Lalo na kung baso o tasa na naman

Mabuti pa ay kape na lang at kuwentuhan.

 

Nais ko'y matuto ka ng mabubuting asal

Ng mga araling akademiko at praktikal

Higit mong kailangan ang aking gabay

Tungo sa malayo pang paglalakbay.

 

Huwag mo nang pagtuunan ng pansin

Araw ng mga Guro'y 'di mahalaga sa akin

Ang mahalaga ay ang ating mga aralin.

Gusto kong magpokus tayo sa mga layunin.

 

Hangad ko ang iyong lubos na pag-unlad

Sa mga nagtagumpay na, ikaw ay matulad

Bilang guro mo, ito lang ang aking dinarasal

Maging mabuti at responsable kang mag-aaral.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...