Followers

Saturday, October 26, 2024

Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Aling Mila #1

 "Breaking News. Lalaki, natagpuang patay," narinig ni Aling Mila sa telebisyon.

Biglang dumaloy sa buo niyang katawan ang pangamba. Hindi na niya pinakinggan ang buong balita. Alam niyang drug-related crime na naman ito. Tumayo na siya at sumilip sa bintana. "Mahabaging Diyos, nasaan na kaya si Bentong?" Pagkatapos ay mabilis siyang umakyat ang tinungo ang nahihimbing na asawa. "Kinggoy, gising! Gising, Kinggoy!"

"Ano ba!? Natutulog na ako, e!" singhal ng asawa.

"Si Bentong, wala pa! Hindi ka ba nag-aalala?"

"Punyeta naman, e!" Napilitang bumangon si Kinggoy "Kagabi lang, inaway mo siya, ngayon, nauulol ka sa pag-aalala. Pati tulog ko, naabala."

"Manang-mana talaga sa 'yo ang anak mo!" labas-litid na bulyaw ni Aling Mila kay Mang Kinggoy. "Ay, naku, Kinggoy! Kelan ka pa ba tutubuan ng concern para do'n sa panganay mo? Mas mahalaga pa nga yata sa 'yo ang mga barkada mo, e!"

"Kailan ka rin ba tutubuan ng kulugo sa bunganga? E, hatinggabi na, ngawa ka pa nang ngawa! Mahiya ka naman sa mga kapitbahay?" Muling nahiga si Kinggoy at nagtakip ng unan.

"Mahiya? Ikaw ba, meron no'n?" Pilit na tinatanggal ni Mila ang unan sa ulo ng asawa. "At, huwag na huwag mong ipagmalaki sa akin ang inaakyat mong pera sa bahay na 'to. Baka nagkakalimutan tayo..." Akma na siyang tatalikod nang tumama sa kanya ang unan ni Kinggoy.

"Puta! Subukan mo! Subukan mo! Madadamay ka."

Tahimik na lumabas ng kuwarto si Mila. Bumaba siyang hindi lang pangamba para kay Bentong, kundi ang takot para sa asawa at pamilya.


"`Ma, ano na naman po ba ang pinag-aawayan ninyo ni Papa?" Ikinagulat ni Mila na makita si Laleng sa sala.

"Matulog ka na. May pasok ka pa bukas. Huwag mo nang usisain. Hindi ka na masanay sa amin ng Papa mo..." Umiwas ng tingin ang ina.

"Si Kuya, wala pa rin po ba?" Paakyat na sana si Laleng.

"Wala pa nga, e. Nag-aalala na ako. Napagalitan ko pa naman siya kanina." Nais kumawala ng mga luha niya.

"Asus, si Mama, hindi na nasanay kay Kuya. Uuwi din 'yon." Nilapitan ni Laleng ang ina at inakbayan. "Sleep na po tayo..."

"Sige na, akyat na. Susunod na ako. Hihintayin ko pa siya hanggang..." Tumingin muna sa wall clock. "...hanggang alas-dos."

Tahimik na pumanhik ang bunsong anak ni Aling Mila. Kumakabog naman ang dibdib niya na naupo sa sofa at panaka-naka ang tingin sa pinto.

Maya-maya, narinig ng ina ang kalabog ng mga paa ni Laleng. "`Ma… `Ma..."

"Bakit?" sagot niya nang nasa hagdan na anak.

"Si Kuya, andiyan lang pala sa kuwarto niya."

"Ha?" Agad na napatindig ang ina at sinundan si Laleng. "Ay, Diyos ko. Walang hiyang batang 'to!" Nais naman niyang matawa.

"Emote po kasi kayo nang emote, e." Itinago ni Laleng ang pagtawa.

"Wala siya diyan kanina. Ang damit niyang 'yan ang suot-suot niya kanina nang nagpaalam siya sa akin."

"E, ewan ko po..." Natatawang pumasok sa kuwarto si Laleng.

Hindi agad lumabas si Aling Mila sa kuwarto ni Bentong. Iginala muna niya ang paningin.

Maayos at malinis ang kuwarto ni Bentong. Sa ibabaw ng mababang kabinet, natanaw niya ang mga tropeo. Naka-post din ang naka-frame na mga medalya at ilang sertipiko. Hindi niya alam na ganoon na karami ang napanalunan ng anak sa athletics. Hindi niya napigilan ang sarili na lumapit doon at binasa niya isa-isa ang mga nakasulat. Natatandaan niya ang ibang competition, pero ang pinakabagong tropeo ay ngayon niya lamang nakita.

"Mag-aral kang mabuti. Hindi 'yang sports ang inaatupag mo. Ano bang mapapala mo riyan? Pilay? Sakit sa katawan? O 'di kaya'y sakit? Wala kaming pansuporta sa kalokohang mong 'yan, Bentong. Magtigil ka!" Naalala niya ang litanya ng asawa, nang minsang humingi ang anak sa ama ng allowance para sa laban nito sa Palarong Pambansa. Naalala niyang nakaalis pa rin ang anak nila, kahit hindi nila nabigyan ng kahit singkong duling.

"Ito pala 'yon, Anak. Patawarin mo kami ng Papa mo," bulong ni Aling Mila. Nais niyang lapitan ang nahihimbing na anak, ngunit nagkasya na lamang siya sa pagtanaw rito.

Isang minuto niya ring pinagmasdan ang anak. Tinanong niya ang sarili. Kailan niya ba masasabi sa anak na mahal na mahal niya ito? Kailan niya kaya masasabing "Galingan mo anak. Proud na proud kami sa 'yo!"

Bago bumagsak ang mga luha niya, pumihit na siya palabas ng kuwarto, ngunit isang personalized note ang napansin niya na nakaipit sa salamin sa may tabi ng pintuan. Kinuha niya ito. "Dad: A son's first superhero, a daughter's first love." Iyan ang nakasulat.

Yumuyugyog ang mga balikat na ibinalik ni Aling Mila ang note. Tinanaw niyang muli ang anak, saka pinatay ang ilaw.

Kinabukasan sa hapag kainan, magkasalubong ang mga kilay ni Mang Kinggoy na pinagmasdan ang pag-aalmusal ni Bentong. Nang matapos ang anak, saka lamang siya nagsalita. "Napuyat kami ng Mama mo kakahintay sa 'yo kagabi." Pataas ang tono ng ama.

Sumabat agad ang ina. "Kinggoy, nagkamali ako. Nasa kuwarto lang pala siya."

"Nasa kuwarto? `Asan siya nang naghapunan tayo? Saan siya dumaan? Sa bintana? Si Antman ba siya? `Sus, Mila! Pinagtatakpan mo naman ang kalokohan ng kupal na 'yan!"

"Iyon ang totoo, Kinggoy. Hindi ba, Laleng?"

Tumango lamang si Laleng. Ayaw nitong tumingin sa mabalasik na ama.

"Ano 'to? Sabwatan? Litse! Puro kayo mga sinungaling. Magsama-sama kayo!" Padabog na tumindig si Kinggoy at binuksan ang telebisyon.

Nagkatinginan na lamang sina Aling Mila at Laleng, habang tahimik naman si Bentong.

Nilakasan ni Mang Kinggoy ang volume ng TV, gaya ng madalas nitong gawin tuwing naiinis at nang-iinis.

"Nahuli-cam sa CCTV ang lalaking itinali sa poste ng kuryente ng misteryosong lalaki." Umagaw iyon sa atensiyon ng mag-iina. Sabay-sabay nilang pinanood ang video.

Nagligpit na ng pinagkainan niya si Bentong. Pasalit-salit ang tingin niya sa pinapanood at sa anak. "Parang siya 'yon." Naisip niya.

"Walang kuwentang balita!" bulalas ni Mang Kinggoy. Pagkuwa'y inilipat na nito iyon sa ibang channel.

"Bakit mo nilipat? Ibalik mo doon. Gusto kong malaman kung ano ang dahilan ng misteryosong lalaki." Nakalapit na si Aling Mila sa asawa para agawain ang remote control.

"Kabulastugan! Gawa-gawa lang nila ang ganyang balita para kumita sila. Ikaw..." Dinuro pa niya sa sintudo si Aling Mila. "Kalaki mong tanga! Parang hindi mo alam ang kalarakan sa media."

"Nagmarunong ka na naman, Kinggoy! Ikaw na ang matalino."

"Bobo ako. Hindi ako matalino. Kaya nga pumatol ako sa 'yo." Seryoso pa rin ang asawa.

"Mas lalo ako..." Tinalikuran niya si Kinggoy, saka nagtatalak sa may lababo. "Huwag na huwag ka lang magkakamali... Naku, Diyos ko. `Di bale nang magdildil kami ng mga anak mo ng asin."

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...