Inihinto ni Nixon ang kotse, at binuksan ang salamin nito sa kaniyang kaliwa. "Kuya, may nakita o napansin po ba kayong isang babae?" tanong niya sa hardinera na nasa harap ng malaking bahay. "Naka-pink siyang uniporme ng maid."
"Wala
po, Sir!" sagot nito. “Dito po ako nakapokus sa ginagawa ko. Doon po kayo
magtanong sa DSWD."
"Salamat
po sa katarayan ninyo, ah!" Naiinis na pinaharurot ni Nixon ang kaniyang
sasakyan. "Ano bang klase ng mga tao, meron ang panahon ngayon? Kung hindi
pakialamera, suplada. Kung hindi makitid ang utak... hay buhay!"
Nag-isip
siya kung saan siya pupunta. Gusto niyang pumunta sa opisina ng kuya niya, pero
naisip niyang maaabala lamang niya ang kapatid. Gayunpaman, nagtalo ang isip
niya. Nais niyang ipaalam ang pag-alis ni Yaya Muleng.
Bigla
siyang lumiko sa kanto. Muntik na niyang maararo ang cart ng fish
ball vendor na nasa gilid ng daan.
Nagmura
at nag-bad finger pa ang lalaki. Napangisi na lamang siya.
"Dukha! Diyan ka nagtitinda, e. Next time, sasagasaan na
talaga kita!"
Nag-aalala
siya sa bahay nila. Kung umalis nga si Yaya Muleng, maaaring mapasok ito ng mga
kawatan. Binilisan niya ang pagmamaneho para makarating agad siya sa opisina ng
kuya niya bago pa ito makauwi.
Isang
itim na itim na aso ang bigla na lang tumambad sa harapan ng kotse. Agad niyang
tinabig ang manibela upang iwasan ito, ngunit huli na ang lahat.
Mula
sa side mirror, nakita niyang tumatakbo palapit sa kaniya ang mga
lalaking may hawak na dos por dos at tubo. Nanginginig niyang muling
pinaharurot ang kotse. Hindi na nagawa pang makalapit ng mga nangangalit na mga
mama.
Tila
nabunutan siya ng tinik sa dibdib nang nakaliko siya sa kanan, kaya lang
biglang tumirik ang sasakyan niya sa kalagitnaan ng kalsadang papunta na sa
opisina ni Kuya Kennedy niya. Twenty meters na lang ang layo.
Nahampas niya ang manibela sa sobrang kamalasan.
Nakagawa
na ng traffic ang pagkakabalahaw ng kotse. Pinagsisigawan na
siya ng mga motorista.
"Tumirik
ang kotse ko," sagot niya sa isang matabang driver ng van.
"Anong magagawa ko?"
"Driver ka,
'di mo alam! Dig a hole!" sabi nito bago dumiretso.
May
nagturo kay Nixon sa isang talyer, kaya pinuntahan niya ito. Asar na asar man
sa mga naganap sa kaniya nang araw na iyon, nagawa pa rin niyang pakiusapan ang
mekaniko na unahin ang awto niya. Nakitawag pa siya rito.
"Hello?
Can I talk to Mr. Kennedy Robles please?" malambing niyang tanong sa
nakatanggap ng tawag niya.
Pinaghintay
siya nang saglit.
"Hello,
Kuya? Nasa talyer ako."
"Ano
na naman ang ginawa mo sa kotse ko? Nixon naman! Ginawa mo na lang hobby ang
pagsira diyan. Sana sinabi mong kailangan mo ng toy car."
"Sorry,
Kuya."
"Sorry?
Is that all? As always? Tuwing makaperwisyo ka, magso-sorry ka
lang, ayos na? Nixon naman, hindi ka na bata. Grow up!"
Natigalgal
si Nixon. Naisip niyang napuno na sa kaniya ang kuya niya. Dati-rati naman,
kahit nagkakasala siya, malambing pa rin sa kaniya ang kapatid niya.
Nag-echo sa
tainga niya ang mga salitang huling tinuran ni Kennedy. "Hindi ka na
bata. Grow up!"
"Hello!?
Hello, Nixon?! Saan ka? Saang talyer ka?"
Saka
lamang siya natauhan.
---------
Alas-sais
na nang dumating si Kennedy sa talyer. Hindi pa rin ayos ang sasakyan.
Naipaliwanag
na ni Nixon sa kuya niya ang buong pangyayari. Hindi na niya sinabi ang tungkol
sa kaniyang propesor. Sinimulan niya ang kuwento tungkol sa paglalayas ni Yaya
Muleng.
"Why
did you leave the house? Are you crazy? Lumayas pala, umalis ka
rin!" Mataas na ang boses ng kuya. Hindi na ito mapakali.
"Sinundan
ko nga siya at hinanap."
"Damn!
Hinanap? Nakarating ka pa rito? You are not acting your age, Nixon!"
Tumalikod na ito at nagmamadaling binuksan ang kotse. "I've gotta go!
Malilintikan ka na naman nito kay Daddy!"
Hindi
siya natakot sa tinuran ng kuya. Mas natakot siya sa pagkayamot nito. For
the first time, ginanon siya ng kapatid. Naisip niya tuloy na may LQ rin
ito sa girlfriend nito.
Isang
oras pa siyang naghintay bago naayos ang kotse.
Bukod
sa gutom, iba ang nararamdaman ni Nixon sa mga oras na iyon. Tila nangangati
ang mga paa niya. Gusto niyang takasan ang mga kaguluhang dinulot niya sa bahay
nila. Bantulot naman siyang tawagan ang kuya niya sa bahay dahil sigurado na
siyang makakatikim na naman siya ng pagalit.
Habang
kumakain, nagdesisyon siyang magpalipas ng gabi sa kung saan siya datnan ng
antok, tutal may laman pa naman ang credit card niya.
Sa
isang karaoke bar sa Antipolo siya dinala ng manibela niyang
walang direksiyon. Pipitsugin lamang iyon kung ikukumpara sa mga night
club na pinunpuntahan niya kapag gusto niyang mag-unwind.
Pagkababa
pa lamang niya sa kotse, sinalubong na agad siya ng mga babaeng maiiksi
ang damit at makakapal ang makeup.
"Sir,
sa akin ka liligaya," bati ng isa. Ikinalawit pa nito ang kamay sa baywang
ni Nixon.
"Hayaan
mo siyang mamili!" sabi naman ng isa, na medyo mataba. " Bakit ikaw
lang ba ang puwedeng magpaligaya sa kan'ya?" Tinanggal nito ang kamay ng
kasama sa baywang ni Nixon.
"P*ta!
Mang-aagaw!" Sinabunutan nito ang chubby na kapwa GRO.
Nagsabunutan
ang dalawa.
Natawa
na lang si Nixon bago siya pumasok.
Sinalubong
at inistima naman siya ng baklang floor manager habang
paminsan-minsang nananantsing. Sa pandalawahang table siya
nito dinala at pinaupo.
"Sir,
anong brand niyo? Marami rin akong babae rito. May
sariwa," sabi nito na tila nakakapang-engganyo.
"Dalawang beer lang."
Sa
sobrang lakas ng volume ng karaoke, halos hindi
siya narinig ng floor manager. Inulit niya pa iyon.
"Dalawang beer?
Okay! Kung gusto mo ng ligaya, sabihin mo lang, ha?" Hinaplos pa ng
bakla ang panga ni Nixon, gayundin ang kaniyang dibdib.
Ilang
minuto lang ang lumipas, nilapag na ng isang mahinhin at mahiyaing GRO ang
dalawang bote ng beer, baso, tissue, at bucket ng ice
tubes.
"Anything,
Sir?" tanong ng babae. Pilit pa nitong ibinababa ang laylayan ng
maiksing palda nito.
Tiningnan
siya ni Nixon mula mukha hanggang binti. Makinis. Maputi. Mukhang sariwa.
Naisaloob niya. Bata pa. Ang tantiya niya ay nasa dise-otso pa lang.
"Ikaw."
"Po?"
"Gusto
kitang i-table," malakas na sambit ni Nixon. "Puwede ka
ba?"
No comments:
Post a Comment