Si Manoy Arman
Sabado na naman! Nagmamadali na naman si Arman. Mayroon siyang dalawang
kalaro na tuturuan. Mabilis siyang nagwalis ng mga tuyong dahon sa bakuran.
Isinunod niya ang pag-igib ng tubig na inumin kina Aling Maryan. Nagsalok din
siya ng tubig sa ilog, na panghugas naman. Nakaligo na rin siya bago bumalik sa
kanilang tahanan.
“O, naka-isputing ka, Arman,” pansing-bati ng kaniyang ina, na nag-aayos
ng mga labahan. “Saan ang punta mo niyan?”
Ang pagsusuklay ay itinigil niya nang panandalian. “Magiging maestro po
ulit ako kina Monang at Mayang.”
“Ay, oo nga pala, Maestrong Arman… Sige na, iyong pagbutihan!”
Sa isang kubo, sina Tio Umpong, Monang, at Mayang ay naabutan. Sila muna
ay nagbatian. Dalawang babaeng kalaro ay sabik na nag-aabang.
“O, ikaw na ang bahala sa kanila, Arman. Ako’y tutungo muna sa niyugan.
Maghahanap ng mga niyog na mapagkakakitaan,” paalam ng ama nina Monang at
Mayang.
Nang araw na iyon, tinuruan niyang magbasa, magbilang, at magsulat ang
dalawa. Kitang-kita ni Arman sa magkapatid ang ligaya. Alam niyang maraming
natutuhan ang mga ito sa kaniya.
Si Monang ay nakasusulat na ng sariling pangalan. Mula isa hanggang
sampu ay kaniya nang nabibilang. Iba’t ibang hugis at kulay ay nakikilala at
napapangalanan.
Si Mayang naman ay nakababasa na ng mga pangungusap at talata. Kaya ang
dalang komiks ni Arman ay gustong-gusto nitong binabasa. Nakasusulat na rin ito
simpleng tula, na may tugma.
“Salamat, Manoy Arman!” sabay na sambit nina Monang at Mayang.
“Walang anoman! Sa Sabado ulit,” kaniyang paalam.
Paalis na siya nang dumating sina Aga, Hali, at Gabby. Sabay-sabay
nilang tanong, “Puwede pa ba kaming sumali?”
Hindi na nagulat si Arman, kaya siya’y napangiti na lamang. “Oo naman!
Sa susunod na Sabado, pumunta kayo rito. Ako ang magiging maestro ninyo.”
Nang dumating ang araw na iyon, lima na ang estudyante ni Arman— sina
Aga, Hali, Gabby, Monang, at Mayang. Iba-iba ang kanilang kakayahan, pero hindi
iyon naging hadlang kay Arman. Ang pagtuturo ay lalo niyang ginalingan. Kaya
ang limang kalaro at kaibigan ay maraming natutuhan.
“Maraming salamat, Manoy Arman!” Ang lima ay sabay-sabay na nagwika at
nagpaalam.
Para kay Arman, iyon ang pinakamasayang paalam. Alam niyang pagkatapos
ng pagtuturo niya, ang lima ay naging maalam. Maraming napulot na kaalaman sa
Filipino, Ingles, Sipnayan, at Agham.
Isang Sabado, naabutan ni Arman na malulungkot ang kaniyang mga
kaibigan. “Bakit ang lulungkot niyo naman?”
Nagtinginan sina Monang at Mayang. Samantala, ang tatlo ay yumuko na
lamang.
“Sabi ni Papay, hindi na niya maipapasok si Monang sa eskuwela sa
pasukan,” sabi ni Mayang.
“O, bakit?” Si Arman ay nagtataka at naguguluhan. “Marunong na siyang
magsulat ng kaniyang pangalan. Nakakabasa na rin ng Abakada at
nakakapagbilang.”
“Lilipat na kami ng tirahan,” sabi ni Mayang.
“Saan? Baka malapit lang naman dito o sa paaralan,” tanong ni Arman.
“Sa ibang probinsiya, Kuya Arman.”
Noon din, ang mundo ni Arman ay parang gumuho at nabagsakan ng buwan.
Ang
magkapatid ay kaniyang kinaawaan. Apektado ang edukasyon ng sitwasyon at
kahirapan, simula nang sila’y iwanan ng ilaw ng tahanan. Ngayon, lilipat na
naman ng tirahan upang si Tio Umpong ay makahanap ng kabuhayan.
“Salamat, Manoy Arman! Mahusay kang maestro at mabuting kaibigan,” sabi
ni Mayang.
“Hindi ka naman makakalimutan. Hindi namin kakalimutan ang aming mga
natutuhan,” sabi naman ni Monang.
“Sikapin ninyong makapasok at makabalik sa eskuwelahan. Mag-iingat
kayong palagi. Paalam!” Iyon ang pinakamalungkot na paalam para kay Arman.
Simula noon, ang dating kubo ng mag-aamang Tio Umpong, Monang, at Mayang
ay ginawang munting eskuwelahan nina Manoy Arman. Siya ang tumatayong maestro
sa kaniyang mga kalaro at kaibigan. Hindi na lang sina Aga, Hali, at Gabby ang
kaniyang tinuturuan. Sumali na rin sina Mariya, Ali, Liit, Neneng, at Gurang.
Tuwing Sabado, minamadali niya ang mga gawaing-bahay. Sabik siyang
turuan ang mga kaibigang naghihintay. Saksi ang lumang kubo sa kanilang
pagtuturo at pag-aaral. Nagpatuloy iyon hanggang ang lahat ay natututo at
nagkaroon ng sari-sariling buhay.
“Happy Teachers’ Day, Sir Armando!” sabay-sabay na bati ng mga
estudyante at mga magulang nito.
Saglit siyang huminto sa pagtuturo. Nagpunas ng mata upang luha ay hindi
tumulo. “Maraming salamat sa inyo!”
“Sir Armando, may mga bisita po kayo,” sabi ni Ricco.
“Sino?” nagtatakang tanong ni Sir Armando, saka tumingin sa may pinto.
Isa-isang pumasok ang mga pamilyar na mukha ng kaniyang mga unang
estudyante.
Nauna si Aga, sumunod sina Hali at Gabby. Bitbit nila’y nakabilaong
pagkain, at suot ang malalapad na ngiti.
Pumasok din ang mga masisipag niyang HRPTA officers na sina Mariya, Ali,
Neneng, Gurang, at Liit. Ang bawat isa ay may hawak na lobo, prutas, at gulay
na nakabasket.
“Maraming salamat sa sorpresa!” Si Sir Armando ay naluluha na. Pero nang
makita ang dalawang pamilyar na mukha, tuluyan nang umagos ang kaniyang mga
luha.
“Happy Teachers’ Day, Manoy Arman!” bati ng magkapatid na Monang at
Mayang.
“Diyos ko! Maraming salamat sa tagumpay nilang ito,” usal ni Sir
Armando.
Niyakap siya ni Monang na isa nang abogado. “Hindi ka namin
makakalimutan, Maestro.”
Yumakap din sa kaniya si Mayang, na isa na ring guro. “Hindi namin
kinalimutan ang iyong mga itinuro.”
Nagpalakpakan ang mga estudyante at mga magulang.
Iyon na ang pinakamasaya at huling beses na ‘Araw ng mga Guro’ na
mararanasan ni Manoy Arman. Magreretiro na siya sa susunod na buwan. Subalit
magpapatuloy siyang magiging maestro kahit hindi na sa eskuwelahan.
No comments:
Post a Comment