Followers

Friday, September 30, 2016

Memwa 3: Carnival

Kahit wala na akong trabaho noon, dahil napilitan akong mag-resign, inilabas ko kayong mag-ina. Pumunta tayo sa isang carnival.

First time natin iyon, kaya hindi ko inaksaya ang pagkakataon. Sayang nga lang dahil hindi nakasama ang bunso mong kapatid. Masyado pa kasi siyang bata para sa ganoong lakaran.

Sa carnival, isinakay kita sa isang 'Kalesa' ride. Ayaw kasi ng Mama mong sumakay kaya tayong dalawa lang. Nagkasya na siya sa pagkuha ng larawan sa atin, kapag tumatapat tayo sa kanya.

Hindi mo man alam kung ano ang pakiramdam nang nakasakay doon, masayang-masaya naman kami ng Mama mo dahil kahit paano ay naaliw ka. Kitang-kita iyon sa mga mata mo. Sapat na iyon para masabi kong hindi nga nabibili ng pera ang kaligayahan.

Nang nakababa na tayo, naglibot naman tayo sa tiangge doon. Binilhan kita ng laruan, na iyo ring nagustuhan, kahit na mumurahin lang. Hindi naman kasi kailangang mahal ang laruan. Ang mahalaga ay kaya nitong magpasaya.

Binilhan ko rin ng damit ang kapatid mo, siyempre. Mumurahin din iyon. Ang mahalaga, komportable siya.

Nagpabili rin ng hikaw na tiglilimang piso ang Mama mo. Tuwang-tuwa na siya nu'n.

Hindi niyo lang alam, mas natutuwa ako, sapagkat napasaya ko kayo. Sa maliit na halaga ay natumbasan nito ang kasiyahan na bihirang makamit ng mahihirap na pamilya.

Kaya lang, pag-uwi natin, nakasimangot ang mga biyenan ko, na mga lola at lolo mo. Kahit hindi sila nagsalita, alam kong ang sinasabi nila ay "Inuna niyo pa ang luho kaysa sa tiyan nating kumukulo." Wala pa kasing ulam sa oras na iyon.

Hindi ko sila pinansin. Ayaw kong sayangin ang nararamdaman ko sa mga sandaling iyon. Hindi ko kasi kayang bilhin ang kaligayahang iyon. Pero, salamat, nagkaroon ako.

Paano Na Kapag...


Paano Na Kapag...

Kapag ako'y 'di na ngumiti sa 'yo,

Baka gusto ko lang ng 'sorry' mo.

Kapag hindi na kita kinibo,

Malamang ako'y nagtatampo.

Kapag hindi na kita biniro,

Sigurado akong galit ako sa 'yo.

Kapag hindi na ako nakihalubilo,

Tiyak, mga kaibigan ko'y bago.

Kapag natanaw kita't lumiko ako,

Sa 'yo'y tuluyan na akong lalayo.

Kapag ako'y nag-reply ng "Hu u?"

Burado ka na sa phonebook ko.

Kaya 'wag mo akong pinagloloko,

Baka mawala ka na sa 'king puso. 

 


Thursday, September 29, 2016

Di Ka Nag-iisa

Kung sa iyong pagkadapa, susuko ka na,
Para mo na ring inaming ika’y mahina .
Kung sa iyong pagbagsak, tatangis ka
Para mo na ring sinabing ika’y nag-iisa.
Mga kaibigan mo’y narito, aalalayan ka.

Hanggang sa dulo, kami ay aagapay pa. 

Binarubal

Nilapirot, nilamutak, niyugyog,
Inapakan, pinilaya't binugbog
Ako.
Oo, ako!
Buhay ay kay lupit!
Puno ng mga pasakit,
Mapanghusga, mapang-api,
Masama, Salbahe't makasarili,
Gaya nila.
Oo, nila!
Ako'y kanilang sinakal,
Binusabos, binarubal.
Masisisi mo ba
Ang angkan ni Sisa?
Magdalena na nga'y
sa putikan pa nilagay.
Silang nasa alta-sosyedad,
Na tumatakas sa realidad,
Ako, ako na 'di sumuko
Sa kanilang kamao,
Sa akin... Oo, sa akin,
Sila ay yuyukod din
Upang mapait kong nakaraan
Maalala't maramdaman.
Sa kanila'y ipapabatid,
Salimuot na hatid
Sa aking nakaraan
Sa aking kaibuturan,
Hanggang ang hagupit
Ng nasa langit,
Kanilang matikman,
maranasan.

Upuan

Katatapos pa lamang ng eleksiyon noong Mayo,
Sumadya kami sa simpleng tanggapan mo,
Upang humingi ng tulong pinansiyal mula sa’yo,
Bilang bahagi ng Brigada Eskwela sa taong ito.

Hindi ka man namin naabutan sa opisina mo,
Sekretarya mo’y kami’y pinatuloy at pinaupo
“Naka-leave po ngayon si Madam,” anito.
Katulad mo, siya ay mabait at makatao.

Hindi ka man nakapaupang-palad, aking idolo,
Mapalad ako dahil naranasan kong umupo
Sa upuan ng tanggapan mo doon sa Senado,
At nakita ang mga koleksiyon mong telepono.

Ang pagkakataong iyon ay itatatak sa’king puso.
Di mo kami nabigyan, ngunit ‘di mo kami binigo.
Nabigay mo sa bansa, walang katumbas sa piso.
Di ‘Stupid’, kundi ‘Forever’ ang mga ambag mo.

Madam, hindi nasayang ang isang boto ko
Dahil ang buong Pilipinas ay tunay na panalo.
Nang ikaw ang naupo sa lahat ng puwesto,
Natuwa at nakinabang ang bawat Pilipino.

Upuan mo'y walang kapares, walang kapareho,
Pagkat ikaw ang nag-iisang pambihirang pinuno.
Pag-upo mo'y walang katulad, malayong-malayo,
Ni sa kalingkingan, hindi maihahambing sa'yo.

Salamat, Madam!


Sa husay at galing mo, wala talagang makakatalo—
Sa Inglesan man o mga hearing sa korte o senado,
Sa mga pick-up lines mong patok sa mga Pilipino,
At sa mga banat at pasaring mo sa kapwa pulitiko.

Mga kabataan noon at ngayon, ikaw ang iniidolo--
Sa talino at katapatan, kami ay napahanga mo,
Sa bagsik at katapangan, lahat ay mapapasaludo,
At sa ambag mo sa gobyerno, ikaw ang numero uno.

Sa iyong pagpanaw, mananatili ka sa aming puso,
Mga pamana mo’y mananalaytay sa aming dugo,
Ang mga aral mula sa’yo, gagamitin sa pagbabago,
At ang mga salita mo’y sa katauhan nami’y titimo.

Madam, sa bayang ito, ikaw ay tunay na ehemplo,
Ikaw ay ikinararangal at dinadakila ng mga Pilipino,
Ikaw, ang nag-iisang Miriam Defensor-Santiago.

Salamat sa’yo, Iron Lady of Asia, salamat po!

HIMALA 1: JESS

"Welcome back, Brother Jess!" bati sa kanya ng matandang pastor. Nakipagkamay pa ito sa kanya. Nahihiyang siyang ngumiti, kaya ang asawang si Rochelle na lang ang nginitian niya. At, ginulo-gulo pa niya buhok ng pitong taong gulang na anak. "God loves you, Jess. That's why He showed you the path back to His house of worship," tila pabulong na lamang ang dinig niya sa tinuran ng pastor, pero malinaw na malinaw niya itong nasa naulinig. Mula sa pagbati ng pastor hanggang sa pagbati sa kanya ng mga dating kapanalig, kinainisan niya. Nais niyang magsisi kung bakit sumama pa siyang magsimba. Kung hindi nga lamang siya nangakong magbalik-loob, hinding-hindi siya babalik sa simbahang iyon na walang ginawa sa buhay niya kundi diktahan siya ng mga nararapat gawin. Umupo ang mag-anak sa pinakaunahang upuan. Labag man sa kalooban ni Jess ay pinilit na lamang niyang tanggalin ang kaba sa kanyang dibdib. Inaasahan na niyang pariringgan na naman siya ni Pastor Noel. Tiyak siyang ikatutunaw niya kapag binanggit niya ang pangangaliwa niya kay Rochelle. "Brother Jess, mabuti naman at nakabalik ka," ani ng kapatiran nilang matanda na nasa kanilang likuran. "Makapangyarihan talaga ang panalangin." Tumango-tango lamang si Jess upang ikubli ang pagkairita. Ramdam naman niya ang kasiyahang nadarama ni Rochelle sa mga oras na iyon. Limang taon rin kasi halos silang nagkahiwalay dahil mas pinili niya na makisama sa ibang babae, na kinakalaunan ay pinindiho rin siya. Tiningnan niya si Rochelle. Nagtama ang kanilang mga paningin. Nginitian niya ang kanyang maybahay. "Salamat sa pagtanggap mo akin." Naisaisip niya lamang. Nagkamali si Jess. Hindi naman kasi siya pinasaringan ng kanilang pastor. Malayo ang teksto sa kanyang kasalanang nagawa. Sa unang pagkakataon, noon lamang siya hindi naghinanakit kay Pastor Noel. Naipangako nga niya sa sarili na iiwasan na niya, sa susunod na Linggo, ang mayamot kapag kinukumusta siya ng mga co-members ng church. Tutal, hindi na siya inuusig ng mga ito. Natutuwa lamang sila marahil sa kanyang pagbabalik sa pamilya at sa pagsimba. Masayang nananghalian ang mag-anak sa isang pambatang fast food chain. Noon niya lamang nadama ang labis na kasiyahan. Ang makita ang anak at asawa na masayang-masaya ay hindi kailanman matutumbasan ng anumang halaga. "Daddy, Daddy, sabi po ni Mommy, nasa ibang bansa ka raw lagi po. Maganda po ba doon?" tanong ng bibong-bibong si Jesrelle. Tinanggal muna niya ng tissue ang spaghetti sauce sa labi ng anak. "Hindi maganda roon, anak." Malungkot na tumingin ang ama kay Rochelle. "Hindi ka na po babalik doon?" Umiling lang si Jess at pinilit na ngumiti. "Yehey! Hindi na babalik si Daddy sa abroad!" Nagtaas pa ng mga kamay ng bata habang sinasabi ang mga ito. Pinagtinginan tuloy sila ng ibang kumakain doon. "Sige na, Jesrelle, tapusin mo ang kinakain mo," malambing na utos ng ina upang tumigil na ang anak. Lalo namang naragdagan ang paniniwala ni Jess na unti-unti na niyang mabubuo ang kanyang nawasak na pamilya. Alam niyang lubusan na siyang napatawad ni Rochelle. Kaunting panahon na lamang ay maghihilom na ang sugat sa puso ng kanyang asawa. Paglabas nila sa fast food chain, isang matandang lalaking pulubi ang sumalubong at naglahad ng palad sa kanila. Kapansin-pansin ang karatulang nakasabit sa kanyang leeg. Anito'y "Malapit na ang pagdating Niyang muli. Magbigay ka na sa pulubi." Agad namang dumukot ng singkuwenta si Rochelle sa kanyang wallet at ibinigay sa pulubi. "Salamat po!" anang pulubi at kagyat namang lumayo. "Jess, nabasa mo ba ang placard sa leeg ng pulubi kanina?" tanong ni Rochelle sa nagmamanehong asawa. "Oo. Nakakapanghilakbot nga, e." "Huh? Bakit? Hindi naman dapat katakutan ang second coming, a." Hindi na kumibo si Jess. Alam niyang mapapalayo na naman ang usapan nila, gaya ng mga dati. Nag-concentrate na lamang siya sa pagmamaneho, hanggang sa makauwi sila. "Jesrelle, brush your teeth now. Then, go to your room and sleep," utos ni Rochelle, saka sumalampak sa sofa. Hindi tumalima ang anak. Hindi yata nito narinig dahil abala ito sa paglalaro ng laruan na galing sa fast food chain. Si Jess ay mabilis na nagpakaama. "Come, Jes. Samahan kita." Sumama naman agad ang anak. Nagpakarga pa. Pagbalik ng mag-ama sa sala, humihilik na si Rochelle. "Wait lang, Jes," ani Jess sa anak. Kinuha niya ang remote control ng telebisyon. Hindi agad napatay ni Jess ang tv. "Walang himala! Ang himala ay nasa puso ng tao... Ang himala ay nasa puso nating lahat!" Iyan ang eksenang naka-play sa tv. Matagal na niyang naririnig ang sikat na linyang iyon, pero ngayon niya lamang napanuod. Nang matapos ang eksenang iyon, saka lamang pinatay ni Jess ang telebisyon at iniakyat si Jesrelle. Tinabihan niya ang anak sa pagtulog. Muli, naramdaman niya ang ligayang hindi nabibili saanman. Naisip niya ang linyang iyon ni Nora Aunor sa pelikula. Aniya, tama siya, walang himala. Hindi himala ang nangyari sa buhay niya at buhay nilang mag-anak. Kagustuhan niya iyon. . Kagustuhan ng puso niya na ipagpalit ang asawa. Mas pinili niya ang likong daan, kaya kabiguan ang kanyang kinasadlakan. Ngayon, ang puso niya ang muling gagamitin upang buuin ang kanyang winasak na tahanan. Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil hindi pa huli ang lahat. Madilim nang maalimpungatan si Jess dahil sa cellphone ring. "Hello, Ram?" mahinang sagot ni Jess sa tumawag. "Sa'n ka? Tuloy ba tayo mamaya? Matagal na nating plano 'yun..." sabi ng nasa kabilang linya. "Kayo na lang... Hindi na ako puwede." Malakas na tawa ang narinig ni Jess. Inilayo niya nga ang cellphone sa kanyang tainga. "Putang ina! Mukha yatang tinamaan ka ng himala!" Tumawa na naman ang kaibigan ni Jess. "Kailan pa, p're?" Sarkastiko ang dating niyon kay Jess, pero sanay na siya kay Ram. Isa pa, kailangan niyang magpakatatag, kung nais niya ng mabuting pagbabago sa buhay nilang mag-anak. Ngayon pa ba siya magpapadala sa sutsot ng demonyo? "Walang himala, pare. Change has come.Ito na ang tamang panahon." Lalong pumulanghit ng tawa si Ram. "Puta! Ang sarap mong murahin! Drama mo, gago! Sige na, sumama ka na. may ipapakilala ako sa'yo. Hanep, p're ang katawan!" Si Jess naman ang natawa. "Pass ako, p're. Unahin ko muna ang mag-ina ko. It's been five years since inabandona ko ang sarili kong pamilya. It's time siguro na ayusin ko na ang buhay ko, Ram, pare... pasensiya na." Tatlong segundong natahimik ang magkabilang linya. "A, sige, p're. Notify mo lang ako kung kailan." Malungkot na masayang ibinaba ni Jess ang kanyang cellphone, pagkuwa'y tiningnan niya ang nahihimbing na anak. Maingat niyang hinawi ang buhok ni Jesrelle na tumatabon sa mga mata nito. "I love you, anak. Sorry sa nagawa ko sa inyo ni Mommy. Babawi ako sa inyo. Pangako ko." bulong niya. Sa ikalawang linggo ng kanilang muling pagsama-sama, sinikap ni Jess na maging mabuting kabiyak at ama sa kanyang ina. Umuwi siya nang maaga mula sa kanyang trabaho. Nagluluto siya ng pagkain. Hinaharap rin niya ang anak sa mga paggawa ng mga takdang aralin at proyekto sa paaralan. Sinisigurado niyang masaya ang kanyang asawa at anak bago matulog. Sa opisina, nilayuan niya ang mga negatibong bagay na makakasira sa kanyang pangarap na matatag na pamilya. Si Luna, na matagal nang nahuhumaling sa kanya ay iniwasan niya. Ipinakikita rin niya sa mga kaopisina na naiinis siya, kapag tinutukso silang dalawa. "Sir, pinatatanong po ni Mam Luna, kung puwede siyang makisabay sa'yo pag-uwi mamaya," tanong ng janitress kay Jess. Mabilis munang sinulyapan ni Jess ang bank teller. Nagkasalubong ang tingin nila. Nakita pa niyang inililis nito ang palda upang ipakita ang kanyang mapuputing hita. "Hindi." "Opo, Sir!" Hindi na sinundan ng tingin ni Jess ang janitress, kaya hindi na niya alam ang sumunod na nangyari, ngunit batid niyang nagpupuyos na naman ang damdamin ni Luna. Nakorner ni Luna si Jess, bago nag-uwian. "Hello, lover boy!" Animo'y GRO na umupo siya sa mesa ng kanyang manager. Inililis niya ang kanyang palda. "Can I have a ride with you tonight?" "Wala ka na ba talagang respeto sa sarili mo, ha, Luna?" Mataas ang tono niya. Sapat iyon upang mapansin sila ng mga kaopisina. "Respeto? Hindi ba't hindi mo rin iyon alam?" Tumayo na si Luna. Lumayo nang kaunti, saka muling hinarap si Jess. "Shut your mouth, Honey... Masyado ka namang seryoso. Bakit, may himala bang nangyari sa'yo?" Hindi nakasagot si Jess, nang marinig ang himala. Ayaw niyang pag-usapan ang salitang iyon. Pagmamahal sa pamilya ang ugat ng kanyang pagbabago. "Or should I say..." patuloy ni Luna, "may sakit ka na." Nakalapit na siya kay Jess. "Nakakahawa ba? You're so pathetic. My gosh!" pabulong nitong tanong, bago paseksing lumayo sa boss. Nakita ni Jess ang mga reaksiyon ng mga kaopisina niya. Alam niyang nagtatawanan ang mga puso niyon. Ayaw lamang ipakita sa kanya. Alam niyang naging tampulan siya noon ng usapan. Hindi lingid sa kanila ang buhay niya. Subalit, wala siyang magagawa. "Hello, Daddy!" masayang salubong ni Jesrelle sa ama. "Hello, jesrelle. How's your school?" anang ama, pagkatapos pupugin ng halik ang anak. "Okay lang po, Dad. Kanina ko lang po nasabi kay Teacher na umuwi na po kayo at ayaw niyo na po sa ibang bansa." Natawa na lamang si Jess.Nagkatinginan silang mag-asawa. "Hindi na tayo iiwan ng Daddy mo. Di ba, Daddy?" makahulugang tanong ni Rochelle. "O, yes. Hinding-hindi na tayo magkakahiwalay." Kinarga na ni Jess ang anak paakyat. Mabilis na nalampasan ni Jess ang pagkailang kay Rochelle. Nanumbalik na ang dati nilang malambing na pagtrato sa isa't isa. Nasasabi na ni Jess sa asawa ang mga salitang 'I love you', bago matulog o kahit bago siya umalis sa bahay. "Thank you, Chelle..." pabulong na sambit ni Jess sa asawa. "For what?" "For the forgiveness," pakli ni Jess. Binalot niya si Rochelle sa kanyang mga braso. "It's easy to forgive, but it's hard to forget." "Huwag kang mag-alala... Minsan na akong nalunod sa kasalanan at alam kung inilubog lamang ako niyon. Ngayong nakaahon na ako, hindi-hindi ko na hahayaang gumuho ang tahanan natin..." "Salamat naman kung ganu'n, Jess. Matagal kong inasam ang sandaling ito... Matagal nang kong hiningi sa Diyos ang himala, na sana ay matauhan ka. Hindi nga Niya ako binigo... Thank you, Lord!" Mas mahigpit na niyakap ni Jess ang asawa. Matagal nilang dinama ang pag-ibig nila sa isa't isa. Maya-maya, narinig nila ang kulog.—sunod-sunod na kulog at manaka-nakang pagkidlat. Lumiliwanag ang kuwarto nila. "Jess, puntahan ko lang si Jesrelle. Baka matakot sa kulog at kidlat kapag nagising," ani Rochelle. "Matulog ka na. Okay lang ako. Kapag nakatulog ako sa kuwarto ni Jesrelle, huwag mo na akong gisingin." "Sige." "May low pressure kasi, sabi sa balita..." "A, kaya pala... Good night! I love you!" "Good night and I love you!" Pag-alis ng asawa, hindi na dinalaw ng antok si Jess. Inalala na lamang niya ang magagandang nangyari nitong mga huling araw. Masaya siya sa lubusang pagkaayos ng tahanan nila. Bumagsak ang malakas na ulan. May hangin pa itong kasama. Bumangon si Jess. Sumilip sa bintana. Naisip niyang walang bagyo ang sisira sa pagmamahal niya sa kanyang pamilya. Pinagmasdan niya ang paligid. Masasabi niyang malakas ang hangin dahil ang puno na nasa tapat ng bintana ng kuwarto ni Jesrelle ay waring iwinawasiwas. Bigla tuloy siyang natakot para sa kanyang mag-ina. Kaya, nagdesisyon siyang puntahan ang mag-ina. Pero, bago siya nakapihit palikod, gumuhit ang liwanag mula sa kalawakan patungo sa punong kanyang tinanaw kani-kanina lamang. "O, God, please don't!" sigaw ni niya. Gayunpaman, tumama ang kidlat sa malaking sanga. Alam niyang babagsak iyon sa sliding window. Bugso ng damdamin ang tumulak sa kanya na puntahan ang kabilang kuwarto. Nakahinga siya nang maluwag pagpasok niya. Mahimbing pa rin ang anak niya. Nakatulog na rin ang asawa. Lumapit siya sa bintana at sinuri ang lagay ng sanga ng puno, na tinamaan ng kidlat. "Rochelle, bangon! Dali!" tarantang sigaw ni Jess. Nakita niyang unti-unting yumuyuko ang malaking sanga na nasugatan ng kidlat. "Rochelle, ilabas mo si Jesrelle. Dali!" "Bakit?" Gulantang man, ginising niya ang anak. "Ang sanga, babagsak dito!". Mabilis na nabuhat ni Rochelle si Jesrelle. "Jess, umalis ka na diyan!" sigaw naman niya nang sila'y nakalabas na sa kuwarto. Napako ang tingin ni Jess sa sanga. Tila nais niyang protektahan ang salamin ng bintana Kitang-kita naman ni Rochelle ang mabilis na pagyuko niyon, na maaaring ikasugat ng asawa. Isang pang kidlat ang bumaba. Lumiwanag ang paligid. Tanaw na tanaw ni Rochelle ang tuluyang pagkakapigtas ng sanga at tatama iyon sa bintana. "Jess!" "Stop!" tanging nasambit ni Jess, bago niya nagawang iharang ang kanyang braso sa kanyang ulo. Ilang segundo ang lumipas, natauhan si Jess. Nanlaki naman ang mga mata ng asawa sa nakita. "Oh, my God, Jess! Thanks, God!" Hindi na nakatulog ang mag-asawa dahil sa pangyayaring iyon. Samantalang ang kanilang anak ay walang kaalam-alam. Hindi naniniwala si Jess na may kakayahan siyang pigilan ang paggalaw ng mga bagay na gaya ng paniniwala ni Rochelle. Aniya'y nagkataon lamang. "Kitang-kita ko, Jess. Kitang-kita ko ang biglang pagtigil ng sanga sa pagtama sa salamin nang sabihin mong stop," giit ni Rochelle. "Matulog na nga tayo. Kung ano-ano ang iniisip mo. Hindi naman ako Diyos para gawin iyon. Nagkataon lang." "It's up to you... Basta ako..." Natigil ang pagsasalita ni Rochelle dahil dumampi na ang mga labi ni Jess sa pisngi niya. "Good mornight!" Nagkatawanan na lang sila. "Papasok ka pa rin ba bukas?" "Oo. May bagyo, sa wala, may pasok kami." "E, paano ang mga naputol na sanga? Maghanap na lang siguro ako bukas ng magliligpit at mag-aayos..." Hindi kumibo si Jess. Natahimik na rin si Rochelle. Ang hangin at ulan ay huminto na.

Umiibig. Nananampalataya. Umaasa.

Pag-ibig Mo, Ina

Pag-aaruga mo, kay sarap talaga!

Napabuti kaming iyong kapamilya--
ipinakilala mo kami sa Kanya
at inilayo sa mga gawaing masama.

Mahal naming ina, salamat po
sa wagas na pagmamahal mo!
Pag-ibig mo'y hindi naglalaho
kahit mga mata mo'y lumabo.

Nakikita mo, laman ng aming puso,
Naririnig mo ang mga tibok nito,
Nababasa mo aming mga gusto,
Dama mo kapag kami'y sumusuko.

Pamilya, mag-isa mong itinayo,
nang aming ama, hininga'y huminto.
Di mo hinayaang pangarap ay gumuho,
bagkus inalagaan hanggang lumago.

Sa amin, pag-ibig mo'y sumentro
At ni minsan 'di inisip ang sarili mo.
Binuhos mong lahat, pati iyong dugo
para lamang, buhay nami'y magbago.

Nagdaang mga unos, iyong sinalo,
itinaboy ang hangin, upang lumayo,
nang kami ay manatiling kalmado
at ang mga pangarap ay laging buo.

Nang ikaw na ang bugbog-sarado
at nang halos hindi ka na makatayo,
'di ka pa rin sumusuko't yumuyuko
hanggang kabutihan nami'y masiguro.

Aming ina, maraming salamat po
sa pagtataguyod at pag-ibig mo---
walang kondisyon at hindi de-metro.
Sa'yong pagtanda, kami'y lilingap sa iyo.



Pananampalataya Mo, Ina

Nang ika'y nasa bukana ng takipsilim,
mga mata mo'y tuluyang dumilim.
Kami lahat ay napuspos ng panimdim,
hindi malaman aming gagawin.

Ang iyong hiling noong iyong kaarawan
ay nasa isipan pa rin, 'di makalimutan.
Sabi mo, buhay mo sana'y dugtungan
at mata mong malabo, 'wag matuluyan.

Lumipas ang mahigit isang buwan,
Paningin, ika'y lubusang binawian.
Sambit mo, "Hindi ito isang kasawian.
Hangga't kaya kong Diyos ay papurihan."

Pananapalataya mo'y 'di matatawaran.
Batid mong Diyos, ikaw ay sinusubukan,
kaya nais mong liwanag ay masilayan
upang lalo mo Siyang mapapurihan.

Ngunit kung hindi na pahihintulutan
na mata mo'y masuri at maoperahan,
hindi mo magagawang Siya'y kamuhian,
dahil buhay dapat nang pasalamatan.

Binawi ang bahagi ng iyong katawan,
subalit ang pananalig mo'y nariyan---
mga panalangin mo'y pinakikinggan,
hindi man agad-agad ay kadalasan.

Mga mata mo'y mensahe ang hatid
sa iyong mga anak, kaibiga't kapatid,
na ang kakulangan ay hindi balakid,
kundi isang biyaya para sa kumakapit.

Pagsubok na ito'y 'di mo uurungan
dahil lakas mo'y mula sa kaitaas-taasan
at sa maylikha nitong sangkatauhan.
Wala ka na ring takot sa kamatayan.

Mula dose anyos ka'y bulag ka na,
kaya aanhin mo pa ang mga mata,
kung pagpupuri, iyo pang nagagawa,
kahit paningin mo'y wala na talaga.



Pag-asa Mo, Ina

Paningin mo'y talagang lumamlam,
kung makakakita pa'y 'di mo alam,
basta batid mong Diyos ay paham.
Pagkabulag mo'y 'di ka nasusuklam.

Muling makakita, ang lagi mong asam,
nang pag-asa't pangarap, 'di mabalam,
mabanaag, magandang kinabukasan,
at mailapit kami sa iyong kaharian.

O, ina, ilaw ka nga ng ating tahanan!
Liwanag mo, pilit kaming tinatanglawan,
kahit na humihuna't paandap-andap.
Ningas mo'y patuloy na nagliliyab.

"Sa Kanya ako, nagtitiwala nang husto,"
minsan, sa akin ay ipinagtapat mo,
sapagkat buo ang iyong loob at puso
na matanaw muli ang ganda ng mundo.

Kalusugan mo ma'y maging hadlang
sa ikalawang operasyong pagdadaanan,
subalit, nais mong ipagpasapalaran
ang paggaling mo na pangmatagalan.

Hindi pa huli ang lahat, sabi mo pa
dahil habang ika'y nananampalataya,
ikaw ay maghahangad, umaaasa
na sa kadiliman, ikaw ay makawala.


(Lahok para sa Saranggola Blog Awards 8)
http://www.sba.ph/























http://www.dmcihomes.com/
http://www.device.ph/
http://www.thedailypedia.com/
http://radyo.inquirer.net/
www.lionheartv.net/



Wednesday, September 28, 2016

Kapag

Kapag wala na akong maisalaysay,
Sa iyo, ako pa ba ay may saysay?
Kapag tumigil na ako sa pagtipa ng tula,
Sa iyo, ako pa ba ay may halaga?
Kapag wala na akong maikuwento,
Makikinig ka pa ba o kakausapin ako?

Kapag wala na talaga akong saysay,
Hindi na ako susulat ng sanaysay.
Kapag wala na akong halaga,
Titigil na ako sa pagtipa ng tula.
Kapag wala nang nakikinig sa akin,
Mga kuwento ko'y 'di ko na susulatin.

Tuesday, September 27, 2016

Classroom Dialogue: Memorize

Sir: Mag-memorize na kayo. Mamaya, after recess, mag-rerecite na kayo.
Glenda: Sir, hanggang dito na lang kasi.
Sir: Ay, hindi! Magkakasama 'yan. Dapat buo.
Glenda: Sige nga po, ikaw!
Sir: Bakit, ako ba ang nangangailangan ng grade?Ako ang bigyan niyo ng grade.
Glenda at mga kaklase: Sige!

(Sir walked out. He could hear the pupils memorizing loudly.)

Classroom Dialogue: Graduating

Tatay: Sir, good afternoon po!?
Sir: Good afternoon din po! Kayo po ba ang tatay ni Carlos?
Tatay: A, e... Ako po. Kailan po ang kuhaan ng card?
Sir: Wala pa nga pong card. Ying susulatan, kaya 'di pa makapag-issue. Saka po walang pong grades ang anak niyo. Sa style ng anak niyo, lulubog-lilitaw, hindi po siya makakapasa. Hindi lang po isa ang subject.
Tatay: Ano pong problema sa kanya?
Sir: Yun! Laging absent. Minsan isang buong linggo, wala siya. Hindi po siya papasa sa ganyan.
Tatay: Ano po bang nangyari kay Carlos?
Sir: Ano nga po ba?
Tatay: Pumunta ako rito baka pinapapunta niyo ako.
Sir: Aanhin ko naman ang magulang kong ang anak mismo ay wala rito?
Tatay: Kaya nga po, e. Sabi ko naman sa kanya na pumasok siya, e. Eqan ko ba doon sa batang 'yun!
Sir: Tulungan niyo po akong hikayatin siya. Gawin natin ang lahat na makapasa siya. Graduating pa naman.
Tatay: Sige po, Sir. Salamat po!

Plano

Hindi ko pangarap maging guro,
'pagkat nais kong mag-arkitekto.
Gumuhit, magdisenyo ng plano
ng mga gusali't ng bahay ko.

Ang magturo ay hindi ko plano,
dahil ang nais ko'y magnegosyo,
sariling kompanya'y maitayo,
kumita, makaipon sa banko.

Mga pangarap ko'y binigo ako,
Tahanan nga'y 'di ko naitayo,
at puhunan hindi ko natamo,
kaya ako talagang nanlumo.

Ngunit, ako ay determinado,
kaya bumangon ako't tumayo.
Panibagong plano ay binuo.
Puhunan ko'y talino at puso.

Ngayon nga'y ako ay arkitekto,
ang paaralan ang tahanan ko,
kabataan ang dinidisenyo
upang bukas nila maitayo.

Di man ako maging milyonaryo
sa propesyon na tinatahak ko,
kayamanan naman ang turing ko
sa mga kabataang nahulma ko.


Monday, September 26, 2016

Palabra de Honor

Sa mabulaklak mong dila
ang puso ko ay tumaba,
ang kaisipan ko'y nadala,
buong-buong nagtiwala.

Matatamis mong salita,
ako'y naantig talaga,
alinlanganan ay wala,
sa'yo ako'y 'di nagduda.

Subalit, nang tumagal na,
ako pala'y pinaasa,
naloko't pinaghintay pa,
habang ika'y nagpasasa.

Wala kang isang salita,
sinungaling ka talaga!
Tiwala ko'y naglaho na,
Di na maibabalik pa.

Tunay na Kaibigan

Tunay mong kaibigan,
‘di ka niya iiwan,
kahit sa kalungkutan.
lalo sa kasiyahan.

Maaaring sandalan,
balikat ay iyakan,
oras ay ilalaan,
mapasaya ka lamang.

Siya’y maaasahan
sa tawana’t kulitan,
maging sa kalokohan,
at mga kadramahan.

Tunay mong kaibigan,
siya’y laging nariyan.
Sa buhay mo at laban
siya’y iyong katuwang.


Sunday, September 25, 2016

Muling Sisibol

Ako'y ipinunla, ngunit walang nag-alaga,
Nakatiwangwang, naulanan, naarawan,
Nangalirang, naglagas, nilunod ng baha,
At binayo ng hanging habagat' amihan.

Ngayon, munting dahon ay umuusbong,
Habang ang mga peste'y paligid-ligid.
Kunwa'y dadapo, pero manira ang layon,
Aking mga sanga'y kitilin, wasaking pilit.

Malakas kumunyapit, aking mga ugat,
Kaya puno ko ma'y hampas-hampasin
O 'di kaya'y sa lupa'y tuluyang iangat,
Ako'y muling sisibol, aking pipilitin.

Anumang puwersa, anumang elemento,
Kahit walang mag-alaga't magdilig,
Walang makakapigil sa aking pagtubo,
Ako'y sa Kanya, patuloy na nananalig.

Saturday, September 24, 2016

Ugaliin Mo, Bata

Bata, bakit ganyan ka?
Respeto ika'y wala.
Opo at po, 'asan na?
Nagmamano ka pa ba?

Ang ating matatanda,
sa buhay mahalaga,
kaya igalang sila.
Respeto'y ipakita.

Pa'no kung wala sila?
Paano ang pamilya?
Ginagabayan nila
ang tahanang masaya.

Sila ay paupos na,
buhay' limitado pa.
Dapat lang na ligaya
ang natatanggap nila.

Respeto sa matanda,
ugaliin mo, bata.
Ika'y kahanga-hanga,

kapag iyong nagawa.

#ambahan

Pinagmulan ng Tagumpay

Lahat daw ng kaganapan ay laging may pinagmulan.
Hindi naman basta na lang tumutubo ang halaman.
Gaya ng pagtatagumpay, dapat pinaghihirapan.
Ang binhing ipinunla mo, diniligan, inalagaan,
ay magiging isang puno, na iyong masisilungan.

Ang tagumpay ay nagmula sa tiyaga't kasipagan.
Hindi ito nakukuha sa magdamag na tulugan,
bagkus mga sakripisyo't nalampasang kabiguan.
Ang tagumpay raw ay alak, na binuro sa tapayan.
Pag hininog sa panahon, mas lumilinamnam pa nga.

At, ang lahat ng tagumpay, dapat may pasalamatan.
Ang halama'y 'di lalago, kung hindi naaarawan.
Kaya nga'y kapurihan, sa Kanya'y dapat ilaan,
tuwing tugatog naabot at langit nasisilayan.

Thursday, September 22, 2016

Pangakong Napako

Tuwing naririnig o nababasa ko
ang bugtong tungkol sa pako,
ang mga luha ko'y tumutulo.
Sa'king pagkatao ito'y tumitimo.

Ako noon ay isa nang gradwado
at matagumpay sana sa komersiyo,
ngunit nasadlak sa dusa, nabigo,
Imbes negosyo, pamilya ang nabuo.

Araw, gabi, hangad na magkatrabaho,
subalit mapang-api talaga ang mundo.
Diskriminasyon ang namumuno
sa bawat aplikanteng 'di naman bobo.

Ako'y minartilyo, katulad ng pako.
Buhay ko'y lumubog, humina ang ulo,
pinasok pa ang kahit anong trabaho,
at mga sikmura'y kumalam, kumulo.

Sa iyak ng anak, puso ko'y dumugo,
gatas niya lang ay am na pinakulo
at sa mumurahing gatas ang halo.
Nanay niya'y wala ring maipasuso.

Isang araw, tumanaw ako sa malayo,
at nakakita ng mga kalawanging pako.
Gatas ng bata, biglang naisip ko,
kaya dagliang pinulot ko ang mga ito.

"Anak, tahan na, anak," nasambit ko.
"Heto ang mga pako, na aking ipakikilo
upang makabili ng pagkai't gatas mo."
 Anak ko'y natuwa't nginitian ako.

Bitbit ang kalakal, junkshop ay tinungo,
"O, Diyos, sumapat sana ito," dalangin ko.
Ngunit pag-asa ko'y biglang naglaho,
nang timbang nito, wala pang pito.

Habag na habag ako sa aking bunso,
hindi ko kasi nabili ang aking pangako.
Iyak ng anak ko'y dinurog aking puso.
Diyos, aking natanong, "Bakit ganito?"

Ngayon, 'di na namumulot ng pako,
ngunit nangangailangan ako nito
upang ang tahanan ko'y maitayo
at maging inspirasyon sa buhay ko.

Wednesday, September 21, 2016

Isipin Mo

Kung nahihirapan ka sa buhay,
paano pa kaya ang walang bahay?
Hindi ba't ikaw ay mas mapalad
sapagkat may kama ka o papag?
Isipin mo na lang ang nasa kariton
o kaya ang natutulog sa karton.

Kaya, huwag kang magrereklamo,
na may mahirap kang trabaho
o kaya'y may pinagdadaanan ka,
na akala mo'y hindi mo na kaya.
Tingnan mo ang mga taong grasa.
Nahihirapan sila, pero sumuko ba?

Bakit 'di ka na lang magpasalamat?
Hindi ikaw ang taong pinakasalat.
Dapat makuntento ka na lamang
kung ano ang iyong nakayanan.
Hindi nasusukat ang kaligayahan
ng mga bagay na kinahuhumalingan.

Tuesday, September 20, 2016

Sa Ilalim ng Buwan

Nais kong lumabas sa Kamaynilaan,
Kahit isang gabi't dalawang araw lang
Upang takasan ang aking kalungkutan
At sa malayo, kapayapaa'y maranasan.

Kung sinuman ang nais akong samahan,
Basta siya ay handa akong damayan
At sabayan sa aking mga kadramahan
At aking paglaya, kahit na panandalian.

Doon sa ilang, malayo sa kahungkagan
Ay maglalatag ng banig sa damuhan,
Sabay na hihiga, titingin sa kalangitan,
Pasasalamatan ang ganda ng kalawakan.

Mga bituing marikit, kami ay kikislapan,
Na animo'y mga tagakuha ng larawan--
magdodokumento ng aming kasiyahan
At ngingiti sa mga kulitan at tawanan.

Kung kami man, antok, doon ay abutan,
Walang dapat ipangamba't katakutan,
Pagkat ang Diyos kami ay kukumutan,
Sa paghimbing, kami ay babantayan.

Ngunit kung ang antok kami'y pagkaitan,
Doon sa ilalim ng maliwanag na buwan,
Magsasaya na lang, magkukuwentuhan
Tungkol sa buhay ngayon at nakaraan.

Sa aking kasama, nais kong malaman
Kung sa oras iyon, siya'y naligayahan,
Suliranin niya ba'y sandaling nalimutan,
At babalik ba kami, na may natutuhan.

Monday, September 19, 2016

Dalawang Tanga

May taong minsa'y sobrang tanga,
sa maliit na butas, sarili'y pinagkakasya.
Kaya, siya'y nasasaktan, hindi makawala.
Kapag siya ay nasa loob at naiipit na,
saka kakawala, luluha't hihingi ng awa.
Sisihin pa ang iba sa kanyang ginawa,
na dapat sana ay ikatututo na niya.

Tanga rin naman ang taong itinulak siya,
at tumulong upang makulong sa lungga.
Natuwa pa siya nang ito'y nasa loob na,
humihiyaw, kumakawag, at nagwawala.
Palibhasa siya'y manhid at sadista.
Kapag may nasasaktan, siya'y maligaya,
Kahit alam niyang ikapapahamak niya.

Sunday, September 18, 2016

Minsan, May Kalapati

Minsan, may isang kalapating puti
na sa tagapag-alagang lalaki
ay kumawala, lumayo't nagkubli.
Nang narinig nito ang kanyang huni,
"Paalam, mahal ko" kanyang nasabi.
"Kung saan ka masaya, ika'y sumige.
Umasang siya'y magbabalik muli.
Mga alaala niya'y kasama kahit gabi.
"Nasakal ko ba?" ang tanong sa sarili.
Lumipas ang malulungkot na sandali,
nagkaroon siya ng ibong kabigha-bighani,
na kanyang inibig, siya'y napangiti.
Nang bumalik ang kalapating puti,
ang hawla niya'y wala nang silbi.
"Malaya ka na. Hayaan mo na kami,"
ang pakiusap ng mabuting lalaki,
sa kabila ng pananabik niya dati.
Kulay man niya ay hindi na maputi,
at katawan niya man ay marumi,
ang mga ito ay hindi na bale,
'wag lamang siyang maging kulasisi.
Kaya, pagsamo niya'y iwinaksi,
dahil puso niya ngayo'y nakatali
sa isang ibon, na tiyak mamamalagi.


Saturday, September 17, 2016

Paano


Paano ba itago ang kalungkutan?
Nais ko'y walang makakaalam,
at dapat 'di nila maramdaman
na ako'y lumuluha at nasasaktan.

Paano ko bang maikukubli
sa mga tula kong hinahabi
ang mga luhang nasa pisngi
at magkunwaring nakangiti?

Ayaw ko kasing marinig
mula sa kanilang mga bibig
na ako'y talunan at nagpadaig
sa mga pagsubok sa daigdig.

Paano? Sino ang makakasagot
sa aking mga katanunga't hugot?
Nais kong isipin, ito'y bangungot
upang drama ko'y tuluyang malagot.










Friday, September 16, 2016

Ama=Ina

Ina... Ama? Ano'ng pinagkaiba?
Sino ang higit na mahalaga--
Ang nagdala, nag-aarugang ina
O ang naghahanap-buhay na ama?

Ama't ina, hindi ba't pinag-isa,
kinasal ng Diyos, pinagsama?
Bakit para sa inyo ay ang ina?
Bakit sa iba, matimbang ay ama?

Mabubuo ba ang bata, mag-isa?
Hindi ba'y kailangang silang dal'wa?
Sila ang magkatuwang sa tuwina,
Sa pagpapalaki at pag-aalaga?

Pareho dapat ang kanilang halaga,
Sapagkat misyon nila ay iisa---
Ang bumuo ng matatag na pamilya
At pagmamahala'y manatili sa kanila.

Panganganak, 'di man kaya ng ama,
May kakayahan naman siyang iba,
Na maipapantay sa abilidad ng ina
Sakripisyo nila'y 'di natin maikakaila.

Ama... Ina, parehong kahanga-hanga,
Sa bawat pamilya, sila ay biyaya.
Pag-ibig ng Panginoon, sa gitna nila
Upang ang mag-anak ay maligaya..

Thursday, September 15, 2016

Dakila Pa Bang Maging Guro?

Dakila pa ba ang maging guro,
kung mga mag-aaral, ayaw matuto?
Ginawa na ang lahat ng pinakamabuti,
tila kulang pa at lagi pa ring nasisisi.

Masarap ba pang maging guro
kung mga kabataan, iba ang gusto?
Mag-enjoy daw habang bata pa,
kaya pala dinadala nila sa eskuwela.

Bayani pa rin bang maituturing,
kung karapatan nila't mga hinaing
ay hindi man lamang pakinggan
at bigyan-pansin man lamang?

Nakaka-proud pa bang maging guro,
kung sa tingin ay 'di na sila masuweto,
kung mga bata'y kapos sa disiplina,
sa edukasyon, walang pagpapahalaga?

Maganda kayang mabalitaan
na ang isang guro ay pinaslang
dahil lamang nais niya'y disiplina?
Hindi ba'y nakakapanghina?

Pag-ibig sa Tamang Panahon

            "Magandang hapon po," bati ni Ma’am Serrano sa may-ari ng barumbarong.

           

            "Magandang hapon din," turan ng ale. Nataranta ito kung paano itatabi ang mga nakaharang na batya, timba, at mga basang damit.

 

            "Kayo po ba ang magulang ni Angelo?"

 

            "Opo, Ma’am! Naku, pasensiya na po. Hindi na po siya nakakapasok. Sinama kasi siya ng ama niya sa ginagawang building diyan."

 

            Alam ni Ma’am Serrano ang tinutukoy ng ina ni Angelo, kaya pagkatapos niyang magpaalam, tinungo niya ang underconstruction na condominium.

 

            Bilang guro ng ALS, kailangan niyang mahikayat si Angelo na ipagpatuloy nito ang pagpasok, lalo na't sa dalawang beses na pagpasok ng estudyante ay nakitaan na niya ito ng determinasyon at katalinuhan. Nanghihinayang siya.

 

            "Sir, good afternoon po!" nakangiting bati ni Ma’am Serrano sa bigotilyong security guard ng construction site.

 

            "Good afternoon, Miss!" nakangising bati ng sikyu.

 

            "May hinahanap po ako. Si Angelo Corrales. Puwede po ba siyang makausap?"

 

            Tumawa muna ang sikyu. "Miss, sa dami ng trabahador dito, hindi ko kilala ang hinahanap mo. Nandito naman ako." Kumindat pa ito at binasa ang mga labi.

 

            Naaasar man, hindi siya nagpahalata. "Sir, anong oras po ba ang uwian nila?"

 

            "Uwian? Boyfriend mo ba siya o asawa?" Tiningnan nito si Ma’am Serrano, mula mukha hanggang dibdib.

 

            "Teacher niya po ako. Dalawang Sabado na po kasi siyang absent."

 

            Tila napahiya ang manyakis na sikyu. Tumingala ito sa building. "Sorry, Ma’am... Hindi ko po alam kung mag-o-overtime sila o hindi."

 

            Nalungkot si Ma’am Serrano.

           

            "Pero, Ma’am, kung walang OT ngayon, pauwi na ang mga trabahador. Alas-singko na, e." Medyo naging pormal na ang pananalita ng guwardiya.

 

            Magpapaalam na sana si Ma’am Serrano, nang marinig at makita niya ang mga parating na construction workers. Natuwa siya.

 

            "Ma’am, labasan na pala sila. Sana nandiyan ang estudyante mo."

 

            "Sana nga." Ngumiti siya, saka pumuwesto siya sa gilid ng guard house.

 

            Bawat palabas na empleyado ay napapatingin sa kaniya. Ang iba ay may mga positive side comments pa. Nahiya tuloy siya.

 

            "Ma’am!" Narinig na niya ang malakas na boses ni Angelo.

 

            Nginitian niya ang estudyante. "Pinuntahan kita sa bahay ninyo. Nandito ka pala."

 

            Nahiya si Angelo sa pagharap sa guro. Itinapon nga niya ang kasisindi lamang na sigarilyo. Pinagpagan pa niya ang kaniyang maalikabok na uniporme. "Ma’am, sorry po kung napasugod pa kayo... Doon po tayo."

 

            Bago tumalikod si Ma’am Serrano, sumenyas muna siya sa sikyu. Nagpasalamat siya. Kumaway at ngumiti naman ang guwardiya at tila kinilig pa ang mga mata.

 

            "Si Papa ko pala. Pa, si Ma’am Serrano po... Siya po ang naikukuwento ko sa inyo," pakilala ni Angelo sa dalawa.

 

            Kagyat na napaisip ang guro. Naikukuwento, tanong niya sa isip niya. "Magandang hapon po, 'Tay!" Mabilis na nagmano si Ma’am Serrano.

 

            Tila naalangan pa ang ama, nang abutin ang kamay ng guro. "Magandang hapon po, Ma’am. Pasensiya ka na po rito sa anak ko, e, kailangan daw niyang kumayod."

 

            "Naunawaan ko po, kaya nga po ako nandito ako para..."

 

            "A, Pa, puwedeng mauna na po kayo?" sabad na tanong ni Angelo sa ama. Napakamot pa siya sa ulo.

 

            Pumayag naman ang ama at agad na nagpaalam sa dalawa. Sinundan naman nila ng tanaw ang ama.

 

            "Angelo, kailangan mong pumasok next week," simula ni Ma’am Serrano habang naglalakad na sila pauwi.

 

            "Angelo, hayop, a! Saan ang date niyo?" biro ng katrabaho niya na nasa kanilang likuran, kasama pa ang tatlo.

 

            Napangiti at napakamot muna si Angelo. "Sssh. Si Ma’am Serrano."

 

            "Hi, Ma’am!" bati ng kausap ni Angelo.

 

            Nagtawanan na lamang sila. Pagkatapos, nauna na sa paglakad ang mga iyon. Natahimik namang bigla si Angelo.

 

            "Angelo, humahanga ako sa determinasyon mong makatapos. Noong una pa lamang kitang makita, alam ko, makakapasa at makakatapos ka."

           

            "Salamat po, Ma’am... pero hindi ko na po yata kayang maipagpatuloy."

 

            Huminto si Ma’am Serrano. Napalunok. "Sabi mo, gusto mong maging pulis. Sa palagay mo, makakamit mo ang pangarap mo kapag sumuko ka?"

 

            Hinarap ni Angelo ang guro, ngunit agad ding yumuko. "Ma’am, suntok sa buwan ang pangarap ko. Sa kalagayan ng buhay namin, mas gugustuhin ko na lang maghanapbuhay kaysa mag-aral. Ma’am, tama na po ako sa ganito."

 

            "Walang masama sa trabaho mo. Marangal `yan. Kaya lang, mas maganda sana kapag nakatapos ka. Hindi naman mahirap maabot ang pangarap mo. Determinasyon lang. Tiyaga. Inspirasyon. Nariyan ang pamilya mo. Gawin mo silang inspirasyon. O kaya ang girlfriend mo."

 

            Napangiti na si Angelo. "Kung inspirasyon lang po, Ma’am... punong-puno ako niyan. Pero, girlfriend... imposible, Ma’am. Masasaktan lang ako, Ma’am. Wala namang gugusto sa hamak na construction worker lamang."

 

            "Huwag kang magsalita ng gan’yan, Angelo. Huwag mong maliitin ang sarili mo." Kusa na lang naipatong ni Ma’am Serrano ang kaniyang kanang kamay sa kaliwang balikat ni Angelo. "Angelo, tingnan mo ako."

 

            Nahihiyang tumitig si Angelo sa guro, pero tila nakuryente siya. Isang pambihirang karanasan sa kaniya ang ganoong tagpo. Pakiramdam niya'y napakapalad pa rin niya.

 

            "Kung susuko ka, para mo na ring isinuko ang obligasyon mo sa mga magulang at kapatid mo. Sabi mo noon, gusto mong mapag-aral ang mga kapatid mo sa private school. Paano mo magagawa iyon, kung ikaw mismo ay tumigil na sa pangangarap?" Saka lamang niya namalayang nakapatong ang kaniyang kamay sa balikat ng estudyante. Patay-malisya niya itong inalis. "Angelo, laki rin ako sa hirap. Sa probinsiya namin, kami na yata ang pinakasalat, pero nagsumikap ako. Nangarap, hanggang... hanggang heto ako."

 

            Nang nagtama ang kanilang mga paningin, parang matagal na silang magkakilala. Parang malalim na ang kanilang samahan.

 

            "Ma’am, napakabuti po ng loob ninyo. Alam kong hinanap at hinintay niyo pa ako para lang sabihin sa akin kung gaano kahalaga ang edukasyon at pangarap. Salamat, Ma’am!"

 

            Natawa si Ma’am Serrano. "Masyado ka namang pormal, Angelo. Ilang taon ka na ba? Hindi ba't magkasing-edad lang tayo?"

 

            "Opo!"

 

            Lalong natawa ang teacher. "Ayan, pinatatanda mo talaga ako."

 

            "Sorry, Ma’am. Ganyan kasi ang turo sa akin ng mga magulang ko. Sabi nila, kahit hindi rin sila nakapagtapos ng pag-aaral, malaki raw ang serbisyo ninyo sa bansa. Kayo raw po ang tunay na bayani."

 

            "Siguro... Ako, kasi, palibhasa unang taon ko pa lamang sa serbisyo, hindi ko pa iyan masasabi. Basta ang alam ko, nagmamalasakit ako sa `yo."

 

            "Sa akin, Ma’am?" inosenteng tanong ni Angelo.

 

            "Hindi lang sa `yo, kundi sa lahat ng estudyante ko." Namula ang pisngi ni Ma’am Serrano, kaya nagsimula na siyang maglakad.

 

            Natahimik sila nang ilang sandali.

 

            "Ma’am, saan ka po umuuwi ngayon? Ihahatid na po kita."

 

            "Gusto mong malaman?" Ngumiti ang guro.

 

            "Yes, Ma’am!"

 

            "Tapusin mo muna ang ALS. Ipasa mo. `Tapos, mag-aral ka sa kolehiyo. Saka ko sasabihin sa `yo."

 

            "Hala, si Ma’am! Ang tagal pa no'n!" Napakamot si Angelo sa ulo.

 

            "Sabi nga, kapag may tiyaga, may nilaga."

 

            "Ang lalim mo, Ma’am. Ganyan ka ba mangusap sa boyfriend mo?"

 

            "Palasak na ang kasabihang `yan. Saka, sinong boyfriend? Wala, `no!"

 

            Hindi makapaniwala si Angelo sa narinig. Lalong lumakas ang kabog ng dibdib niya, kaya lang bigla rin itong nawala. Naisip niya kasi ang kalagayan niya sa buhay.

 

            "Bakit parang tinakasan ka ng ligaya sa katawan?" Napansin ni Ma’am Serrano ang pagkahulog ng kasiyahan ni Angelo.

 

            "Ma’am, kasi... pareho tayo. Mahirap palang maging mahirap."

 

            Napatigil uli sila sa paglakad. Hindi rin agad nakasagot ang guro.

 

            "Ma’am, kung iibig ba ako sa katulad ninyo, may pag-asa ba akong sagutin?"

 

            Lalong napipi si Ma’am Serrano. Hindi niya natingnan si Angelo. Aaminin niya, kumurot sa puso niya ang binata. Isa marahil ito sa mga dahilan ng panghihikayat niyang magpatuloy sa pag-aaral ang estudyante. Bonus na lamang sa kaniya ang magandang panlabas na kaanyuan nito. Ang labis niyang binigyan ng pansin ay ang taglay nitong lambing at respeto. Gayunpaman, ayaw niyang lumampas sa limitasyon. Guro pa rin siya at mag-aaral niya lamang si Angelo. "Ang pag-ibig ay para sa lahat. Walang kasarian, edad, relihiyon, o katayuan sa buhay,'' ang tangi niyang nasambit.

 

            "Ma’am, hindi niyo po nasagot ang tanong ko."

 

            "Kapag pumasok ka sa Sabado, malalaman mo ang sagot ko."

 

            "Talaga, Ma’am?" parang bata niyang tanong.

 

            Tumango at ngumiti lamang ang titser, saka sila muling naglakad.

 

            Dumating ang Sabado, pursigidong matuto si Angelo. Hindi pa rin niya nakakalimutan ang usapan nila ni Ma’am Serrano. Kaya, nang uwian na, tinanong niyang muli ang kaniyang guro.

 

            "Sa tingin ko sa `yo, hindi ka mahirap mahalin," sagot ng guro. Pagkatapos ay nagligpit na siya ng mga gamit para makauwi na.

 

            Natahimik naman si Angelo, habang pinagmamasdan ang guro. Lalong tumaas ang paghanga niya kay Ma’am Serrano.

 

            "Ma’am, ihahatid na kita." Akmang kukunin ni Angelo ang mga gamit ng titser.

 

            Hindi binigay ng guro ang mga gamit. Kumurba pa ang kaniyang mga kilay. "Hindi ba't may usapan na tayo. Sana natandaan mo pa `yon."

 

            Kagyat na nag-isip si Angelo. "Magtatapos ako sa ALS. Mag-aaral sa kolehiyo... Okay. Matagal iyon, pero... pero, kaya ko `yon, Ma’am!"

 

            "Salamat naman kung gano’n! Mauna ka nang umuwi."

 

            "Yes, Ma’am! Ingat po kayo."

 

            "Ingat ka rin."

 

            Sa mga sumunod na Sabado, mas naging masigasig si Angelo na matuto. Labis namang ikinatutuwa iyon ni Ma’am Serrano. Pareho rin silang may itinatago at pinipigilang damdamin. Ang tangi lamang nangungusap sa kanila ay ang mga mata, pintig ng puso, at ang pag-alala sa bawat isa.

 

            Seryoso si Angelo na tapusin ang ALS at maipasa ito. Sinikap niyang magtrabaho kapag araw ng Lunes hangang Biyernes upang makatulong sa pamilya at makapag-ipon para sa kaniyang pagkokolehiyo. Ang kaniyang pamilya, ang kahirapan, at ang pangako ni Ma’am Serrano ang kaniyang pinanghahawakang inspirasyon. Aminin man niya o hindi, gusto niyang ibigin ang kaniyang guro.

 

            Pagkatapos na pagkatapos malaman ni Angelo na nakapasa siya sa test ng ALS, nagpaalam naman sa kaniya si Ma’am Serrano.

 

            "Gragraduate ka na sa Agosto... I'm sure, proud na proud sa `yo ang mga magulang at mga kapatid mo. Hindi ba't sabi ko sa `yo na matutupad mo ang pangarap mo? Hayan na, malapit ka na," malungkot na litanya ng guro. "Hindi na ako makakadalo sa graduation rite ninyo... Huwag kang mag-alala, may teacher naman na papalit sa akin."

 

            Hindi naitago ni Angelo ang kaniyang luha. "Ma’am, pinilit kong makapasa para marating ko ang tirahan mo, tapos ganito lang pala."

 

            Napangiti si Ma’am Serrano. "Uuwi ako hindi dahil ayaw kong tuparin ang usapan natin. Uuwi ako sa probinsiya dahil kailangan ako ng Mama ko. May sakit siya. Doon na rin ako magtuturo para may mag-aalaga na sa kaniya. Isa pa, ang bahay ko rito sa Manila ay inuupahan ko lang."

 

            Kumbinsido na si Angelo. "Ma’am, salamat sa inspirasyon!"

 

            "Walang anuman. Trabaho ko iyon. Proud ako sa `yo. Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya nang malaman kong pasado ka. Salamat din dahil isa ka sa nagpatunay kung gaano kahalaga ang papel ko bilang guro." Napaluha na rin siya. "Mauna ka nang umuwi, Angelo."

 

            Mabigat ang loob na umalis si Angelo. Pero, bago siya tuluyang lumabas sa silid-aralan, nagsalita siya. "Ma’am, magiging pulis po ako... And, I'll see you."

 

            "See you, Angelo..."

 

            Hindi napigilang bumuhos ng mga luha ni Ma’am Serrano, nang nakaalis na si Angelo. Hindi siya nasasaktan sa pagkakalayo nila, kundi sa katotohanang imposibleng magkita pa silang muli. Aniya, ang apat o limang taon ay sapat para magbago ang tao.

 

            Kumuha ng kursong Criminology si Angelo. Sinikap niyang kayanin ang pisikal at pinansiyal na pagsubok para lamang sa ikatutupad ng kaniyang pangarap. Simula nang makilala niya si Ma’am Serrano, malaki ang naging pagbabago sa kaniyang pananaw sa buhay. Naging positibo siya at nagkaroon ng tiwala sa sarili. Kung anuman ang katutunguhan ng kaniyang buhay, utang na loob niya iyon sa dating guro.

 

            Mahigit apat na taon ang lumipas, guro na ng Grade 3 si Ma’am Serrano. Mas kilala siyang Binibining Laarni sa kanilang paaralan.

 

            Isang Lunes ng umaga, sinimulan niya ang kaniyang aralin tungkol sa mga hanapbuhay o trabaho ng mga Pilipino. Tumawag siya ng mga bata upang sabihin ang trabaho ng kanilang magulang.

 

            "Joan," tawag niya sa estudyanteng nasa unahan.

 

            "Ang nanay ko po ay tindera. Ang tatay ko naman po ay magsasaka."

 

            "Salamat, Joan!" Isinulat niya muna ang sagot ng bata, saka nagtawag uli.

 

            "Ang Papa ko ay kapitan. Ang Mama ko naman po ay mananahi," sagot ng katabi ni Joan.

 

            Nang ang ikaapat na estudyante na ang sasagot, natahimik ang lahat ng bata.

 

            "O, bakit?" tanong ni Binibining Laarni.

 

            "May pulis po!" sagot ng nakatayong bata. Itinuro pa iyon sa may pinto.

 

            "Magandang umaga, Binibining Laarni!" seryosong bati ng bisita. "Ang tatay ko po ay construction worker. Ang nanay ko naman po ay labandera." 

 

            "Angelo?"

 

            "Ma’am, maaari ba kitang ihatid mamaya sa bahay ninyo?"

 

            Nag-uuy ang mga bata.

 

            Namula ang pisngi ng dalaga, saka nagsabing batiin nila ang bisita.

 

            "Magandang umaga po, Sarhento Angelo Corrales!" chorus na bati ng Grade 3.

 

            "Bakit niyo kilala si Sir?"

 

            Nagtawanan ang mga bata.

 

            Hindi na naitago nina Laarni at Angelo ang pagkasabik nila sa isa't isa. Mabilis na nagyakap sila sa harap ng mga bata. Pagkatapos, magkahawak-kamay silang nagpaliwanag kung ano ibig sabihin niyon. 

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...