"Ang kapal ng mukha mong manligaw!" hiyaw ni Gina kay Eduardo, sa harap ng mga kaklase nila. "Heto ang sulat mo! Saksak mo sa baga mo!" Idinuldol niya pa ito sa dibdib ng binata, saka padabog na tumalikod. Bumuntot naman sa kanya ang mga kaklaseng nakangisi.
Malungkot na tiningnan ni Eduardo ang stationery. Inamoy-amoy niya pa ito. Isinilid niya ito sa kanyang bag, bago laylay-balikat na sinundan ang mga kaklase.
Ikalawang beses na siyang sinulian ng sulat ni Gina. Maraming beses niya na ring binalak na kausapin ang dalaga nang sarilinan, pero hindi niya natitiyempuhang nag-iisa. Madalas pa nga, ang mga kaibigan niya pa ang nagiging hadlang para magkausap sila. Nais na niyang panghinaan ng loob. Gusto na niyang sumuko.
"Ano ka ba, Bro? Hindi mo makukuha 'yang si Gina sa katorpehan mo," sabi ni Alexis, ang matalik na kaibigan ni Eduardo.
"Nagawa ko na ang lahat ng kaya ko..."
"Lahat? Sigurado ka?"
"Oo naman!"
Labas ang gilagid na tumawa si Alexis. Nailuwa naman ni Eduardo ang nginunguya niyang sandwich.
"Tinitigan mo lang, akala mo magugustuhan ka na..." ani Alexis.
"Hindi, a! Sinulatan ko siya. May tula pa nga ako sa kanya doon. Tapos, niyaya ko siyang magkita kami sa tabing ilog." Nalungkot bigla si Eduardo.
Lalo namang natawa si Alexis. Halos pumasok na sa ilong niya ang softdrink na hinigop.
"Hindi ka sinipot, 'no? Kupal ka kasi, e! Bakit naman kasi sa ilog? Puwede naman sa park."
"Ang yabang mo! Bakit ikaw? Nagkasyota ka na ba?" Pinilit niyang tumawa.
Si Alexis naman ang sumimangot. "Ayan ka na naman, e. Alam ko namang wala akong panama sa kapogian mo..."
"Tara na nga! Tapos na ang recess."
Tahimik silang bumalik sa silid-aralan. Doon ay nasilayan ni Eduardo si Gina. Inirapan siya nito, pagkatapos magsalubong ang mga mata nila. Ang ganda pa rin niya kahit mataray, naisip ng binata.
Kinagabihan, hindi dalawin ng antok si Eduardo. Paulit-ulit niyang naririnig ang mga salitang binitiwan ni Gina.
"Ang kapal ng mukha mong manligaw!"
"Ang kapal ng mukha mong manligaw!"
"Ang kapal ng mukha mong manligaw!"
Pabilis nang pabilis. Palakas nang palakas.
Tinakpan niya ang kanyang mga tainga, ngunit naririnig pa rin niya.
Mayamaya, bumangon siya at nagsindi ng gasera. Desidido na siyang sumuko sa panliligaw kay Gina. Pero, hindi niya iyon sasabihin sa personal. Natotorpe pa rin siya.
Kinuha niya ang mabangong papel sa kanyang bag, saka nagsimulang magsulat.
Ala-una na nang gabi nang matapos niya ang sulat. Bukas ipapaabot niya iyon kay Alexis.
Binasa niya ang sulat bago niya inipit sa kanyang aklat.
Dear Gina,
Alam kong nasa mabuti kang kalagayan, kaya hindi na kita kukumustahin. Gusto ko lang malaman mo na sumusuko na akong manligaw sa'yo. Kahit kailan ay hindi mo ako magugustuhan. Tanggap ko naman na makapal ang mukha kong abutin ang langit na katulad mo. Pasensiya na kung pinangarap kitang maging kasintahan. Patawad kung minahal kita.
Hindi mo man ako sinisipot sa tabing-ilog, madalas naman akong naroon para alalahaning minsan ay naging malapit tayo sa isa't isa. Masaya na akong maalala na minsang nagpaturo kang lumangoy sa akin doon. Naalala mo ba ang araw na nag-picnic tayong magkakaklase? Ang saya ko noon. Sobra. Sapat na iyon para patuloy mo rin akong maalala.
Hanggang dito na lang. Lagi kang mag-iingat. Salamat sa inspirasyon.
P.S.
Hindi nga pala ako marunong lumangoy. Nagkunwari lang akong marunong dahil gusto ko lang mapalapit sa'yo. Pero, mamaya, pagkatapos ng klase, ay didiretso ako sa ilog para magsanay lumangoy.
Ngumiti si Eduardo bago niya hinipan ang sindi ng gasera at bago siya pumasok sa kulambo.
Kinabukasan, tahimik lamang si Eduardo sa klase. Alam niyang nabasa na ni Gina ang sulat niya.
Pagkatapos ng klase, tinungo niya ang ilog. Masama ang panahon sa mga oras na iyon, subalit buo na ang loob niya.
Naghubad siya ng polo, sando, at pantalon, saka siya tumalon sa tubig mula sa malaking bato. Hindi tama ang bagsak ng katawan niya, kaya nahirapan siyang makaahon kaagad. Kumawagkawag siya na animo'y aso. Pinilit niyang ipadyak ang mga paa patungo sa mababaw na bahagi ng ilog, ngunit tila lalo siyang lumalayo. Pasinghap-singhap na siya dahil sa pumapasok na tubig sa kanyang bibig.
Ilang sandali pa ay wari'y hinihila na ng tubig si Eduardo. Bago siya tuluyang umilalim ay nakita niyang tumatakbo palapit si Gina.
"Eduardo!" tarantang sigaw nito. "Eduardo!"
Kasunod niyon ay ang pagbuhos ang malakas na ulan. Halos hindi na makita ni Gina ang katawan ni Eduardo dahil sa malalaking patak nito. At ilang segundo pa ang lumipas, nag-alala na ang dalaga.
"Eduardo, nasaan ka na? Umaahon ka na, please... May sasabihin ako sa'yo."
Kasunod niyon ay ang pagpalo ng malakas na hangin. Napaupo si Gina at napayakap sa sarili.
"Eduardo, nasaan ka na ba?" Tumayo siya at lumusong sa tubig. Nilangoy niya ang bahagi ng tubig na nilundagan ni Eduardo. Hinawi-hawi niya doon ang tubig, ngunit hindi niya nahanap ang kaibigan.
Naghalo na sa ulan ang kanyang mga luha, habang umaahon siya. Gusto niyang sisihin ang sarili dahil napagsalitaan niya nang masakit si Eduardo.
Lalong lumakas ang ulan at ang hangin at wari'y binabayo ng bagyo ang paligid.
"Diyos ko, tulungan Niyo po si Eduardo..." Nakaluhod sa pampang si Gina. Umaasa pa rin siyang lulutang ang katawan ng binata.
Nang mawalan ng pag-asa, tinalunton niya ang ilog. Nais niyang makita ang katawan ni Eduardo. Alam niyang sa 'di kalayuan ay may mababaw na bahagi, kaya makikita at makikita niya ang bangkay ng kaibigan, kung tama nga ang hula niya na nalunod na nga ito.
"Eduardo!" buong lakas niyang sigaw. "Sorry na. Sorry kong nasaktan kita..."
Paulit-ulit siyang tumawag, habang naghahanap. Hindi niya ininda ang lamig ng hangin, hanggang marating niya ang posibleng kabarahan ng bangkay ni Eduardo.
Sa gitna ng kabatuhan, habang patuloy ang pagbuhos ng ulan at ang pag-ihip ng hangin, sumuko na si Gina. Napaluhod na lamang siya doon. Sinisi niya ang kanyang sarili.
"Lord, patawarin Niyo po ako. Hindi ko po hangad na mangyari ito. Gusto ko rin siya. Kaya lang, hindi ko po alam kung bakit hindi siya sumipot noong nais niyang makipagkita. Ang sulat niyang isinauli ko ay may sagot doon. Ayaw ko kasing tinutukso ako ng mga kaklase namin. Ang totoo po, mahal ko rin po siya... Ngunit, huli na ang lahat... Patawad, Eduardo. Patawad, Diyos ko..." Nanginginig siyang tumayo at muling tinanaw ang agos ng ilog. Wala siyang nakita. "Eduardo!" Muli siyang sumigaw. Humina na ang ulan at hangin. Eduardo, mahal din kita! Ang kapal ng mukha mong manligaw, pero hindi mo naman ako sinipot sa tagpuan!"
"Sumipot ako." Mula sa likuran ni Gina, narinig niya ang boses ni Eduardo.
"Eduardo?" masayang tanong ni Gina. "Buhay ka?"
Sumilay ang magandang ngiti sa namumutlang pisngi ni Eduardo. "Tama ba ang narinig ko?"
Napayuko si Gina bago nakasagot. "Nalunod ka ba talaga o ano?"
"Nalunod ako ng pag-ibig mo. Nalunod ako sa mga narinig ko " Nakalapit na si Eduardo kay Gina.
"Narinig mo?" Kinurot niya ang tagiliran ng binata.
"Hindi ko man narinig ang mga sinabi mo habang nakaluhod ka kanina, nabasa ko naman ang nasa puso mo. Kitang-kita ko kung paano mo ako hanapin..."
"Hala!" Nagtakip ng mukha si Gina at muling binuksan. "Mabuti pa ang puso ko, nabasa mo. Bakit ang response ko sa sulat mo, 'di mo nabasa?"
"Meron ba?"
"Meron! Nilagay ko sa sobre mo. Iyon lang ang paraan para hindi nila mahalatang sinasagot ko ang sulat mo."
"Ay, tanga ko! Hindi ko alam. Ano'ng sabi mo doon?"
"Narinig mo na, 'di ba?" Naggalit-galitan si Gina. "Ang kapal mong manligaw, 'di mo naman ako kayang...."
Ngumiti si Eduardo. Niyakap niya si Gina. "Salamat! Mula bukas, sabay nating ipapakita sa kanila na mahal na natin ang isa't isa..."
"Oo, Eduardo... Basta huwag mo na ulit susubukang lumangoy, ha?"
Tumawa si Eduardo. "Marunong akong lumangoy. Diskarte ko lang 'yon."
Kinurot-kurot uli ni Gina ang kasintahan. "Manloloko! Break na tayo!" Tumawa na rin siya.
Tumigil na ang ulan. Muling nanumbalik ang normal na linaw at agos ng ilog. Maya-maya pa, magkahawak-kamay silang naglakad pauwi. Pareho silang nagpapasalamat sa ilog.
Followers
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment