Followers

Saturday, September 3, 2016

Ang mga Puting Lobo at ang Singsing

Nang niyaya kitang magbakasyon, hindi ka nagdalawang-isip. Sabi mo pa nga'y nais mo rin talagang magpahinga dahil nai-stress ka na sa inyong opisina.

"Talaga?" pakumpirmang tanong mo.

"Oo nga! Kulit naman ng lovey ko.

"Siguro... siguro..." Narinig pa kitang humagikhik sa kabilang linya.

"Siguro ano?"

"Siguro, may balak ka sa akin, no?" Naggalit-galitan ka pa nga.

Mas galit ako, hindi ko lang sa'yo pinahalata. "Uy! Ibahin mo ako, Lovey. Kapag nangako ako, tinutupad ko. So, no to pre-marital sex. Pinag-usapan na natin 'yan, 'di ba?"

"Joke lang naman. Di ka na mabiro. O siya, payag na ako. Kailan ba tayo aalis?"

"Next week."

"Next week pa? Akala ko this Friday na." Ramdam ko ang pagkadismaya mo. Ayaw na ayaw ko pa naman na nalulungkot ka.

"Wala pa tayong plane ticket, e." Ang totoo, wala pa akong budget. Hinihintay ko pa ang sahod. Ang ipon ko kasi ay naibili ko na ng engagement ring. "Saka, ang pagbiyahe ay dapat pinaghahandaan. Parang ang buhay natin..."

"Ang lalim mong mag-isip, Lovey... Ang gusto ko lang naman ay matuloy tayo agad."

Natigilan ako ng ilang sandali. Nagdalawang-isip. Sana pala ay hindi muna kita niyaya o hindi ko muna sa'yo sinabi hangga't hindi pa ako nakakabili ng plane ticket.

"O, sige na nga!" Pinilit kong pasayahin ang boses ko, mapasaya lang kita.

Hindi nga ako nabigo. Parang bata ka pang nag-yehey. Kahit hindi kita nakikita, alam kong tunay ang tuwa mo. Dahil dito, mas natuwa ako. Hindi ko na rin yata kayang maghintay nang matagal para alukin kang makipag-isang-dibdib sa akin. At, gusto ko sa malayong lugar ko iyon isagawa, sa lugar kung saan maraming tao ang maaaring kiligin.

Pagkababa na pagkababa ko ng telepono, sinikap kong makahanap ng flight sa petsang nais mo. Gusto ko rin namang tumakas pansamantala sa trabaho ko. Nakakasawa nang maging reporter sa Metro Manila. Pulos na lang patayan, extra-judicial killings, at drug-related crimes ang nairereport ko. Nais ko munang magpaalam sa media. Kailangan ko ring harapin ang pag-ibig ko. Ikaw iyon, Lovey. Ang balita ay unlimited, pero ang oras natin sa isa't isa ay de-metro lang. Kaya, ito na marahil ang pinakamagandang pagkakataon...

Kinagabihan, tinawagan kitang muli. Pinag-empake na kita. Three days at two nights tayo doon, sabi ko sa'yo.

Sobra ang saya at excitement mo. Halos gusto mo nang pumunta sa bahay para tulungan akong mag-empake. Hindi ako pumayag. Baka kasi ma-excite ka rin at masuway natin ang promise nating 'No to PMS'. Ayaw kong magkatabi tayo sa pagtulog. Buong-buo ang respeto ko sa'yo.

"Lovey, hinding-hindi ko ito makakalimutan," masayang sabi mo habang papalapag na ang eroplanong sinasakyan natin. "Ito ang una nating out-of-town together. Salamat sa oras!"

Hinalikan kita sa noo, bago mahigpit na niyakap. "Salamat din sa pang-unawa. Hindi ka bumitiw, kahit halos hindi na kita makasama..."

"Mahal na mahal kasi kita."

"Mahal na mahal din kita, Lovey!"

Maya-maya pa'y nasa Davao na tayo.

Namangha tayong pareho sa ganda nito. Naisip ko ngang magsulat ng article, kaya lang hindi pala trabaho ang sadya natin doon, kundi ang ating pagmamahalan.

Maghapon tayong namasyal. Walang nakalistang destinasyon. Kung saan lang tayo ipadpad ng ating mga paa.

Napakasaya!

Hiniling ko sa Diyos na sana ay bigyan uli ako ng panahon para
makasama kita uli.

Sa isang night market tayo nagawi upang kumain ng dinner. Wala kang arte sa katawan kaya game ka. Para sa iyo, iyon na ang pinaka-sweet na moment nating dalawa. Pareho tayo ng naramdaman.

Hindi natin pinansin ang mga nakapaligid sa atin. Basta, kumain tayo habang madalas ang titigan sa isa't isa. May nais kang sabihin. May nais naman akong ibigay at itanong sa'yo. Hindi ko alam kong doon na ang tamang lugar at iyon na ang tamang panahon na alukin kitang pakasalan ako.

Pagkatapos nating kumain, niyaya kitang tumayo sa gitna ng mga naglalakad na tao. "Wait lang, Lovey. Hintayin mo ako rito, may bibilhin lamang ako." Para kasing may nakita akong nagtitinda ng mga puting lobo. Nais kong bilhin lahat iyon at isabay sa aking proposal.

Agad akong tumakbo at hinanap ang nagtitinda. Tila isang kahiwagaan ang nangyari dahil ang tindero ng mga puting lobo ay natanaw ko sa malayo-- sa dakong wala nang masyadong tao. Kinailangan ko pa siyang takbuhin.

"Magkano po lahat ang lobo niyo?'' Hinihingal pa ako.

"Bibilhin niyo po lahat?"

"Opo."

Alam mo bang malungkot pa rin ang nagtitinda niyon kahit pinakyaw ko na? Akala niya raw kasi ay wala nang bibili. Uuwi na sana siya. Kung hindi man mabili, para na lang sana iyon sa anak niya na kinabukasan ay ikaanim na kaarawan na. Alam mo bang nakiusap pa ako para lamang mabili ang mga 'yon? Para pumayag, dinagdagan ko na lamang ang pambili niya ng panghanda.

Excited at masaya akong bumalik sa pinag-iwanan ko sa'yo. Alam kong naiinis ka na, pero batid kong mawawala iyon kapag naisagawa ko na ang plano ko.

Ngunit bago pa ako nakasampung hakbang, isang malakas na pagsabog ang narinig ko. Ang hula ko ay nanggaling iyon malapit sa kinatatayuan mo. Nabalot ng pangamba at takot ang buo kong katawan, subalit nagawa ko pa ring tumakbo upang balikan ka, hawak ang isang dosenang puting lobo sa kanang kamay at kuyom-kuyom ko naman ang maliit na box ng singsing.

Naghihiyawan, nag-iiyakan, at nagtatakbuhan na ang mga tao. Narinig ko pang may mga namatay raw. May nakita na rin akong mga duguan at sugutan. Tama ang hinuha ko. Explosion nga.

Hindi agad kita nakita. Nabibingi na rin ang puso ko. Hiniling ko sa Diyos na sana ay iniwan mo na lang ako, nang hindi mo ako nahintay.

Ngunit, Lovey ko, natagpuan kita sa lugar kong saan kita iniwan. Mahal na mahal mo nga ako. Hindi mo ako kayang iwan, kahit madalas kitang paghintayin.

Sana... sana pala, lumayo ka na lang at iniwan ako kaysa makita kitang nakabulagta--- duguan, at walang nang hininga.

Napaluhod ako sa bangkay mo. Niyakap kita. Hinagkan ko ang iyong noo. Naghalo sa dugo mo ang mga luha ko. Tumangis ako, pero tila ako lamang ang nakakarinig.

Matagal akong tumangis, bago ako itinayo ng dalawang pulis. Hawak ko pa rin pala ang mga lobo at ang singsing.

Tahimik kong itinanong sa Diyos kung ano pa ang silbi ng mga iyon. Narinig ko ang tugon niya, kaya humingi ako ng tawad. Saka, nagpasalamat ako dahil nakilala kita, Lovey ko, nakilala at nakasama kita kahit sa maikling mga sandali.

Ibinuhol ko ang singsing sa mga tali ng lobo. Nag-usal ako ng dasal at pinakawalan ko ang mga ito.

Hinding-hindi ko makakalimutan ang gabing ito, ika-2 ng Setyembre, at ang lugar na ito, Roxas Boulevard, Davao City.

Umuwi ako sa Manila na kasama ka, ang malamig mong katawan na tuluyan na ngang namahinga, at ang pinakamasakit na scope na isusulat ko sa buong buhay ko sa mundo ng pamamahayag.


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...