Followers

Sunday, January 26, 2025

Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Jess #4

 “Hindi na ako puwede,” tanggi ni Jess nang tumawag si Ram. “Ihahatid na lang kita sa airport bukas. Anong oras ba ang flight mo?”

 

“Kailangan ko ang prayers mo, Jess. Bakit hindi ba puwedeng pumunta riyan sa inyo?”

 

“Galit pa rin sa ‘yo si Rochelle, `di ba? Kapag nagpakita ka pa sa kaniya, ano na lamang ang iisipin niya? Na hindi pa talaga ako nagbago? Tama na, Ram. Hayaan mo na ako. Gusto kong bumawi sa mag-ina ko… Ngayon ko lang makakasama ang anak ko.”

 

“Hindi ko naman sisirain ang pagbabago mo. Pupunta ako para humingi ng apology kay Rochelle. Para bago man lang ako umalis sa Pinas ay mawala ang galit niya sa akin.”

 

“Ako na ang magpapaliwanag sa kaniya. Okey na kahit hindi ka na magpakita. Time heals na lang siguro.”

 

“Kung talagang nagbago ka na, Jess, hayaan mong ipakita at iparamdam mo sa akin ang Holy Spirit na dumapo sa ‘yo baka-sakaling ma-possess din ako. Please payagan mo na ako. Gusto ko lang ding makita ang inaanak ko.”

 

Napalunok si Jess sa tinuran ni Ram. “B-bakit bigla-bigla naman `yang desisyon mong umalis? Kamakailan lang, niyaya mo akong rumaket. Ngayon, aalis ka kamo? Bakit?”

 

Kakaibang tawa ang una niyang narinig na sagot ni Ram. “Parang ikaw, ginulat mo rin ako sa pagbabago mo,” sabi nito.

 

“Magkaiba tayo, Ram.”

 

“Well, istorya ng buhay mo `yan, at istorya ng buhay ko `to… Ang mahalaga ngayon, we’re both moving away from the dark side.” Tumikhim muna ito. “Hindi na kita pipilitin dahil puwede naman kitang puntahan diyan. See you, Jess.”

 

“Huwag na, Ram… Ram? Hello, Ram? Hello?” Halos maitapon niya ang cell phone dahil sa inis.

 

“Oh, why? Sino ba `yong kausap mo? Tama ba ang dinig ko—si Ram?” tanong ni Rochelle pagbaba nito mula sa hagdan.

 

Nakaupo na si Rochelle sa katapat na couch nang sumagot siya. “Gustong bumisita rito ni Ram.”

 

Napatayo ang kaniyang asawa. “Hindi siya puwedeng magpakita sa akin, Jess! Sinira niya ang buhay mo. Sinira niya ang buhay natin. Nagsisimula pa lang tayo, tapos darating na naman siya. For God’s sake, Jess! Pigilan mo siya.”

 

“Ayaw niya ngang makinig sa akin. Aniya, gusto niyang mag-apologize sa ‘yo, gusto niyang makita si Jesrelle, at gusto niyang magpa-pray over sa akin.” Mahinahon siya, pero punong-puno ng pangamba ang puso niya. “Flight niya bukas patungong California.”

 

“Sa laki ng kasalanan niya sa atin, hindi ako naniniwala sa mga drama niya.”

 

Hindi na kumibo si Jess, nagtatalo kasi na ang isip at puso niya. Sang-ayon ang isip niya kay Rochelle. Ang puso naman niya ay naniniwalang may karapatan namang magbago si Ram, katulad niya. Dati naman siyang walang direksiyon, pero ngayon ay may isang landas nang tinatahak dahil sa binuo niyang pamilya.

 

“Bakit kasi may communication pa kayo?”

 

“Hindi ko nga alam, e. Blocked na siya sa social media accounts ko. Nagpalit na ako ng cell phone number.

 

“Gusto ka talaga niyang hilain sa kasamaan. Umaayos na ang buhay natin, Jess. Huwag ka nang magpabuyo sa kaniya.” Mahinahon na rin sana si Rochelle, kundi lamang nila narinig ang busina ng sasakyan.

 

“Siya na `yan, Rochelle,” tarantang sabi ni Jess.

 

“Oh, my God! Bakit ang bilis niya? Akala ko ba, pinagbawalan mo?”

 

Hindi na niya sinagot ang asawa. Mabilis at galit niyang tinungo ang gate. “Ang tigas naman ng ulo mo, Ram! Bakit pumunta ka pa?” Singhal niya habang bumababa si Ram sa sasakyan. “Umalis ka na. Ayaw kang makita ni Rochelle.”

 

Walang tugon na narinig mula kay Ram. Sa halip, pinagbuksan nito ng pinto ang babaeng buntis.

 

“Hello! Good evening!” masiglang bati ng babaeng hindi kilala ni Jess. Inalalayan ito ni Ram.

 

“Hello,” matabang niyang sagot. “Ram, who is she?”

 

“Meet my fiancée—Judith. Meet my bestfriend—Jess,” pakilala ni Ram sa dalawa.

 

Parang natuka ng ahas si Jess.

 

“Hindi mo ba kami patutuluyin?” natatawang tanong ni Ram, habang nakaakbay kay Judith.

 

Limang segundo pa ang lumipas, bago natauhan si Jess. “Come in, come in!” Binuksan niya nang malawak ang maliit na gate upang makapasok ang dalawa. Napabuntong-hininga siya nang makapasok na ang dalawa. “Bahala na,” naisaloob niya.

 

---

 

“It’s past nine… Bakit ngayon niyo pa naisipang bumisita?” sarkastikong tanong ni Rochelle kina Ram at Judith. Nakatiklop ang mga kamay nito sa may tiyan.

 

“We’re sorry, Rochelle. Ito kasing si Ram, pinakiusapan akong samahan siya. Alam niya raw kasi na hindi kayo maniniwalang nagbago na siya,” paliwanag ni Judith.

 

“That’s true, Jess, Rochelle,” sabad ni Ram. “Believe it or not, si Judith at ang magiging baby namin ang dahilan ng pagbabago ko. Thank you dahil na-inspire niyo ako.”

 

Nanatiling nakatayo lang si Rochelle. Si Jess naman, tila kumbinsido na.

 

Hinipo ni Ram ang tummy ni Judith. “Ang suwerte ng angel na ito kasi nagbukas ng opportunity para sa akin.”

 

“Bukas ang flight niya,” sabad ni Judith.

 

“Yes, nasabi na niya sa akin,” tugon ni Jess. “Ikaw? Hindi ka kasama? Kayo.”

 

“Hindi. Employment iyon. Maghihintay na lang kami ni Baby sa kaniyang daddy,” sagot ni Judith. Hindi mawala-wala ang ngiti nito.  

 

“Paano kayo nagkakilala?” tanong ni Rochelle. Umupo na ito sa tabi ni Jess. “Alam mo ba ang nakaraan niya?” Itinuro pa nito si Ram.

 

Ngumiti at tumango si Judith. “If you love the person, you will accept his past.”

 

Nakita ni Jess na masuyong pinisil ni Judith ang kamay ni Ram, na noon ay napayuko at tila naluluha.

 

He told me everything, gaya ng galit ninyo sa kaniya. That’s why I’m here… Jess, Rochelle, for the sake ng dati ninyong pagkakaibigan, sana mapatawad niyo na si Ram.”

 

“Hindi ganoon kadali iyon, Judith,” ani Rochelle.

 

Saglit na dumaan ang anghel sa pagitan ng apat.

 

“Nasaan ang inaanak ko, Jess?” tanong ni Ram.

 

“Tulog na siya.” Si Rochelle ang sumagot.

 

“Oh, I see… Sayang, hindi ko siya makikita.”

 

“It’s okay, Honey. Pagbalik mo, sigurado magkikita kayo ng inaanak mo. Invited sila sa birthday party ni Baby,” sabi ni Judith habang hinihimas-himas ang tummy.

 

Napangiti si Jess sa ideyang iyon. Sa puso niya, nakakubli ang excitement. Matagal na niyang pangarap na magkaroon din ng sariling pamilya si Ram.

 

____

 

Habang nagkukuwentuhan pa ang apat, naramdaman na lamang nina Jess at Rochelle na parang naglaho na ang galit nila kay Ram. Sa tulong ni Judith at ang sanggol sa sinapupunan nito, unti-unti nilang nakakalimutan ang madilim na nakaraan. Nagtagpuan nila ang isa’t isa na nagtatawanan, at nagsasalo sa mga pagkaing inilabas ni Rochelle.

 

So, hindi ka na talaga umiinom, Jess?” tanong ni Ram.

 

“Hindi na.”

 

“Kahit wine?”

 

Tumingin siya kay Rochelle na animo’y humihingi ng permiso.

 

“Wala kaming wine, Ram,” tugon ni Rochelle.

 

“Yown!” bulalas ni Ram. “Puwede ko bang kunin sa sasakyan ang wine na binili ko?”

“Aba, ready ka, ha!” ani Jess.

 

“Sige na. Wine lang naman pala. Isa pa, flight mo bukas. Despideda party kumbaga,” sabi naman ni Rochelle. Iinom din ako. Ikaw, Buntis, hindi ka puwede.”

 

“Ay, bakit? Red wine lang naman iyon,”

 

Natawa na lamang silang apat.

 

Tumayo na si Ram para lumabas at kunin ang wine sa sasakyan nito. Nagpatuloy sa biruan ang tatlo.

 

___ 

 

“Ang tagal mo naman, Honey!” sabi ni Judith pagdating ni Ram.

 

“Sorry... Tumawag kasi si Papa. Hinahanap tayo.”

 

“E, sana sinabi mong nandito tayo.”

 

“Sinabi ko na… Let’s party! Inilabas pa nito mula sa paper bag ang dalawang red wine, saka itinaas. “And let’s celebrate the new beginning!”

Friday, January 17, 2025

Ang Pinakamasamang Kuya

 

Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo.

 

Isang araw, ang akala ni Arnel nakinig naman sa kaniyang sinasabi  ang kaniyang  dahil kumilos naman ito at tumulong  sa mga gawaing-bahay.          

 

Nagpatuloy si Arnel sa pagsesermon. "Isusumbong na kita kay Mama, pagdating niya. Sasabihin kong wala kang naitutulong sa bahay. Pagkagising mo, mag-aalmusal ka lang at maglalakwatsa na. Pag-uwi mo, tanghalian na. Kakain ka lang, tapos, aalis ka na naman. Pati ba naman paghuhugas ng pinagkainan, ako pa rin ba? Ako na nga ang nagluto, naglinis, at nagpakain ng aso."

 

Narinig ni Arnel ang tunog ng nabasag na plato. "Ano ‘yan? Nagdadabog ka? Ayusin mo ang ugali mo ha!"

 

Hindi na nilapitan ni Arnel ang kapatid. Hindi na rin ito nagsalita.

 

Kinagabihan, nang dumating ang kanilang ina, pareho silang tahimik. Tahimik din silang naghapunan.

 

Gusto sana niyang isumbong sa Mama niya ang kapatid, ngunit naisip niyang bigyan pa ito ng pagkakataong magbago. Naniniwala siyang magbabago rin ito.

 

Kinabukasan, napansin  ni Arnel na wala na sa kaniyang kuwarto si Carmela. Naisip niyang naglakwatsa na ito. Tanging ang diary nito ang nakita niya sa kama nito. Lalabas na sana siya nang naisip niyang buklatin iyon.

Abril 5, 2024

 

Dear Diary,

Inis na inis na talaga ako sa kuya ko! Siya na ang pinakamasamang tao sa mundo. Hindi ko na siya maintindihan. Hindi rin niya ako maintindihan. Mabuti pa ang mga kaibigan ko...

Carmela

 

Iyan ang nabasa ni Arnel. Bigla siyang nalungkot at kinabahan dahil dito. Gusto niyang makausap agad ang kaniyang kapatid. Naisip niyang may mali rin siya. Nais niyang humingi ng tawad. Kung hindi man siya nito pansinin o kausapin, handa siyang maghintay kung kailan siya nito patatawarin. Plano niyang maging maunawaing kuya sa kaniyang kapatid upang hindi na siya matawag na ang pinakamasamang kuya sa mundo.

Panghalip Panao Song (Bahay Kubo)

 Ang Panghalip Panao

Sa pananalita, ito’y bahagi

Ito ay pumapalit

Ito’y humahalili

Sa pangalan ng tao.

At ang mga halimbawa nito ay

Ko, ako, ninyo, mo

Ka, Amin, ko, atin,

kaniya, kanila, tayo at niya,

Kita, tayo, namin, mo, at iba pa.

Monday, January 13, 2025

Tibok ng Puso (Dula)

 

Tibok ng Puso

 

 

Mga Tauhan:

    *Lydia

    *Brad

 

Tagpuan:

    * Sa isang pamantasan

 

Eksena 1: Labas. Sa mapunong bahagi ng pamantasan. Hapon.

 

Brad: "Miss, kanina pa kitang pinagmamasdan." (Nakaupo sa bench) "May problema ka rin ba?"

Lydia: (Malungkot at tila humihikbing sa katapat na bench. Umangat ang mukha. Namumugto na ang mga mata. Tumango lamang at muling yumuko.)

Brad: "Maaari ba akong tumabi sa'yo?"

Lydia: (Tahimik na umusog)

Brad: (Saglit na nag-isip ng sasabihin) "May mga taong hindi ka kayang mahalin, kung ano at sino ka talaga..."

Lydia: (Nagpunas ng luha)

Brad: "Bakit kailangan nating masaktan kapag nagmahal tayo? Bakit kung sino pa ang tunay na nagmamahal ay siyang nasasaktan?"

Lydia: "Bakit kailangang may pagitan sa gitna ng langit at lupa? Kailan ba tayo puwedeng maging malaya?" (Mabilis na sinulyapan ang binata)

Brad: "Lagi kong itinatanong sa Diyos, kung ano ang kahulugan ng pag-ibig, ngunit ang sagot niya sa akin ay kabiguan."

Lydia: "Hindi ko na rin alam ang kahulugan ng salitang pag-ibig. Ang alam ko, umibig ako. Nasaktan." (Tumayo at marahang lumayo)

 

 

 

 

Eksena 2: Labas. Sa mapunong bahagi ng pamantasan. Iba’t ibang araw at oras

 

MONTAGE

 

Sa sumunod na araw, bumalik si Brad sa paborito niyang lugar sa kanilang campus, kung saan niya nailalabas ang kaniyang emosyon. Subalit blangko ang dalawang magkaharap na bench. Tahimik ang lugar na iyon, kaya nakaramdam siya ng kabiguan. May nais sana siyang makita. May taong gusto niyang makausap.

Araw-araw pumupunta roon si Brad upang magbaka-sakaling maabutan niya si Lydia, subalit tanging ang mga tuyong dahon lamang ang mga nakaupo sa bench, na minsang kanilang pinagsaluhan.

 

Eksena 3: Labas. Sa mapunong bahagi ng pamantasan. Hapon.

(Naabutan ni Brad si Lydia, na umiiyak.)

Brad: "Lydia?" (Masaya ngunit naaawa) "Kamusta ka na? Kay tagal kitang hinintay..."

Lydia: (Kusang umusog upang makaupo si Brad)

Brad: "Hanggang ngayon ba'y hindi ka pa rin malaya?"

Lydia: (Tumango lamang)

Brad: "Kailan ka lalaya? Ako kasi ay nakahanap na ng kasagutan sa aking katanungan."

Lydia: "Kung lumaya ba ako'y may ligaya akong masusumpungan?"

Brad: "Oo, Lydia. Minsan, ang kaligayahan ay nasusumpungan sa malapit lamang. Madalas tayong mabigo dahil akala natin sa malayo pa natin iyon matatagpuan, ngunit mali. Tumingin ka sa paligid mo..." (Naghintay na sumunod si Lydia)

Lydia: (Umangat ang ulo. Inikot ang paningin. Nakita ang mga estudyanteng naglalakad sa malayo, ang mga punong tila nakangiti, at ang mga tuyong dahon sa lupa. Umiling-iling.)"Wala..."

Brad: (Bantulot na pinatong ang kamay sa kamay ni Lydia) "Pakiramdaman mo..."

Lydia: (Hindi nagalit sa ginawa ni Brad, bagkus ay pumikit at pinakiramdaman ang kamay ng binata.) "Wala..." (Umiling pa, bago muling yumuko)

Brad: (Walang ano-ano, kinuha ang kamay ni Lydia at itinapat niya sa kaliwang dibdib) "Ngayon ay tingnan mo ako..."

Lydia: (Animo'y nahipnotismo. Nasilayan sa unang pagkakataon ang malalamlam, ngunit magagandang mata ni Brad.)

Brad: "Pakiramdaman mo."

Lydia: (Pumikit at pinakiramdaman ang tibok ng puso ng binata.)

Brad: "Lumaya ka na sa nakaraan mo. Lumaya ka na sa sakit na nagpapahirap sa'yo. Ang pag-ibig ay biyaya ng Diyos. Tanggapin mo ito. Tanggapin mo ang puso ko, Lydia..." (Gumaralgal ang boses) "Nang una kitang makita, alam ko, ikaw ang kasagutan sa aking tanong. Ikaw, ang pag-ibig ko."

Lydia: (Tumulo ang luha.)

Brad: "Kailangan nating masaktan upang ating malaman na may tao pa ring nakalaan para sa atin. May nakalaan para sa'yo..." patuloy ni Brad. "Damhin mo, kung ako ba iyon."

Lydia: (Muling umagos ang mga luha, saka kumawala sa kamay ng binata at tumakbo palayo.)

Brad: "Lydia!" (Maluha-luhang sigaw) "Lydia, hindi mo ba naramdaman?"

 

Lumipas ang mga araw at ang linggo, hindi pa rin niya matagpuan ang babaeng kumurot sa puso niya. Kung kailan niya natagpuan ang sagot sa kaniyang katanungan, saka naman sa kaniya ipinagkait ang kanilang pagtatagpo.

 

Disconnected (SciFic)

Disconnected

 

“Mariano, ikaw na ang magsulat tungkol dito,” sabi ni Sir Goroglan, sabay abot sa isang larawan.

 

Tiningnan muna iyon ni Mariano, saka napakunot ang noo. “Sir, fake news lang ito. Walang ganito.”

 

“Kabago-bago mo, tumatanggi ka kaagad sa posibilidad.” Binawi ang larawan kay Mariano. “Ayaw mo bang makilala bilang journalist?”

 

Matagal siyang nakatitig ka kaniyang editor. Pagkatapos, muli niyang kinuha ang larawan. “Susubukan ko, Sir.”

 

"Ang pag-akyat sa bundok ay nagsisimula sa isang hakbang." Tinalikuran na siya ng kaniyang boss.

 

Narinig niya ang huling pahayag nito, ngunit hindi niya iyon binigyang ng pokus dahil okupado ng pagdududa at pag-aalangan ang isip at puso niya.

 

Nang gabing iyon, hindi niya alam kung paano sisimulan ang proyektong iniatang sa kaniya ni Sir Goroglan. Nakaharap lamang siya sa kaniyang laptop, ngunit wala pa siyang nasisimulan. Naghahari sa puso niya ang paniniwalang hindi totoong may nakapasok na alien sa Pilipinas. Naghuhumiyaw naman ang kagustuhan ng puso niya na makilala sa mundo ng journalism. Isang taon na siyang mamamahayag, ngunit wala pa siyang pangalan sa industriya. Pangarap niyang makagawa ng isang dokumentaryo, na magbibigay sa kaniya ng kislap.

 

           Sa wakas, may kumislap na ideya sa kaniyang utak. Dali-dali niyang itinanong sa paborito niyang AI application sa internet ang tungkol sa nilalang na naghihikayat ng mga tao na manirahan sa isang maliit na planeta.

 

           Hanggang sa kasalukuyan, wala pang mga scientific studies o documented cases na nagpapakita ng aktuwal na pakikipag-ugnayan ng mga tao sa mga extraterrestrial beings,” sabi ng AI.

 

           Muli siyang nag-type ng tanong, pagkatapos ay hinintay niya ang sagot ng AI.

 

     Maraming Pilipino ang naniniwala sa unidentified flying objects (UFO) at alien abductions, subalit kadalasang hindi napatunayan at nananatiling bahagi lamang ng mga alamat at kuwentong-bayan,” sagot ng AI.

 

     Gusto na niyang sumuko kundi lang niya naalala ang kaniyang ina, na nasa probinsiya.

 

"Anak, ang bawat tagumpay ay may kasamang pagsubok." Laging sinasabi ng kaniyang ina.

 

Muli siyang nag-type ng tanong. Habang naghihintay sa sagot ng AI, nag-brew siya ng kapeng barako sa coffee maker niya. Aniya, hindi siya matutulog hangga’t hindi niya nakukuha ang sagot sa tanong niya.

 

“Patuloy ang pagsasagawa ng mga pag-aaral ng mga scientist sa ibang bansa ukol sa buhay sa ibang planeta, tulad ng mga misyon sa Mars at ang paghahanap ng mga exoplanets. Ngunit wala pang matibay na ebidensya na may buhay sa labas ng ating planeta.” Iyan ang nabasa niyang sagot ng AI.

 

Buo pa rin ang loob niya, sa kabila ng maramot na katotohanan. Kaya, bago siya muling nag-type ng tanong, humigop siya ng mainit at aromatikong kapeng barako, na binibili pa niya sa isang katutubong tao, na nakilala niya noon sa kaniyang paglalakbay sa isang bundok, bilang bahagi ng kaniyang dokumentaryo. Dahil dito, dumaloy sa katawan niya ang aktibong espiritu ng kape. Lalo siyang nagkaroon ng sigasig sa pagtuklas ng kasagutan.

“Kadalasang ginagamit sa mga pelikula, libro, at iba pang anyo ng sining upang galugarin ang mga tema ng pakikisangkot at paglalakbay sa ibang mga mundo ang mga kuwento tungkol sa alien recruitment. At kung ako ang tinatanong mo, totoo ang nais mong tuklasin. Gusto mo ba akong makilala?”

Tumayo ang mga balahibo ni Mariano, kasunod ang pagkatapon ng kape sa kaniyang dibdib. Napamura siya, hindi sa sakit na dulot ng mainit na kape, kundi sa katotohanang matagal na pala niyang kilala ang alien.

Top of Form

 

            Bunga nito, pumasok siya kinabukasan sa opisina nang kapos sa tulog. Animo’y plastik bag siyang palutang-lutang sa hangin, pero mistulang bakal ang kagustuhan niyang makita ang alien.

 

           Good morning, Sir!” masigla niyang bati kay Sir Goroglan.

 

           Bahagya itong nagulat pagkakita sa kaniya. “Good morning! Mukhang nakuha mo na ang mapa ng baul ng kayamanan, ah!”

 

           Nginitian lamang niya ang boss. “Sir, bigyan niyo ako ng ilang araw para mahanap ko ang mapa.”

 

           “Go, Mariano! Ganyan nga!” Tumayo ito, saka kinamayan siya. “Ngayon pa lang binabati na kita for the job well done. Noon pa lang, nakitaan na kita ng potensiyal… Our team will be very proud of your future achievement!”

 

           Maluha-luhang nagpasalamat si Mariano sa boss. Noon niya lamang iyon narinig mula sa bibig nito. Kahit hindi naman siya nito madalas pagalitan, inakala niyang wala itong tiwala sa kakayahan niya. Nagkamali siya. “Mauna na po ako, Sir Goroglan.” Bahagya pa siyang yumukod, kaya napansin tuloy ng boss ang malaking backpack.

 

           “Ilang araw kang mawawala?” Walang pag-aalalang tanong ng boss, pero may kasiyahan sa mga labi nito.

 

           “Hindi ako sigurado, Sir.”

 

           “Okay! Goodluck! Simulan mo sa isang hakbang ang pag-akyat patungo sa bundok. Ingat!”

 

           Bunga nito, humanga siya sa kaniyang boss. Noon niya lamang naunawaan ang palagi nitong sinasabi tungkol sa isang hakbang patungo sa bundok. At doon nga siya patungo.

 

           Hindi niya namalayan ang tagal ng biyahe at layo ng bundok dahil sa kagustuhan niyang maidokumento ang katotohanan sa likod ng kaniyang tinutuklas. At buo ang loob niyang sa bundok na una niyang narating, nakakubli ang mga kasagutan.

 

           Magdadapit-hapon na nang marating niya ang eksaktong lugar kung nasaan niya nakilala ang isang katutubo, na nakipagpalitan sa kaniya ng kape at pagkaing dala niya. Iyon ang mapa ng katotohanan, naisip niya. Doon, sisimulan niya ang pagtuklas at ang dokumentaryong magpapakislap sa kaniyang bituin, katulad ng mga bituing natatanaw niya sa kalangitan.

 

Naghanda na siya. Una, nag-pitch siya ng tent. Pangalawa, nag-set-up siya apat na hidden camera sa paligid ng kaniyang tent. Pangatlo, nagluto na siya ng hapunan, pagkatapos gumawa ng mainit na kape.

          

           Pagkakain, pumasok na siya sa kaniyang tent, hindi para matulog, kundi para kausapin ang AI. Hindi siya binigo ng dala niyang portable WiFi. Agad niyang tinanong ang AI, kung kailan sila magkikita.

 

           “Bukas bago tuluyang sumikat ang araw,” sabi nito. “Pakiusap, huwag kang magulat o matakot sa aking kaanyuan.”

 

           “Pangako ko iyan.” Saka muli siyang nag-type ng tanong.

 

           Subalit, tila nagloko ang koneksiyon. Hindi na niya iyon ma-troubleshoot. Gayunpaman, labis ang pananabik niya sa pagkikita nila ng alien.

 

           Dahil sa sobrang lamig at sa pagod at antok niya, nakatulog siya nang mahimbing. Ang tulog niya ay katulad ng mahabang paglalakbay niya patungo sa lugar na iyon. Kaya labis ang panghihinayang niya nang masilaw siya ng silahis ng araw. Napamura siya pagkalabas niya sa tent. Naisip niyang baka dumating na ang alien habang natutulog siya. Agad niyang tiningnan ang isa sa mga nakatagong camera, pero lowbat iyon. Tiningnan niya ang pangalawa. Lowbat din, gayundin ang pangatlo. Samantalang good for 12 hours ang battery life ng mga iyon. Pero may 10% battery pa ang pang-apat. Nang pinanood niya ang video, wala naman siyang nakitang alien. Naisip niya dahil sa anggulo niyon.

 

           Gayunpaman, umaasa siyang darating pa ang alien, kaya muli niyang nilagay ito sa damuhan nang nakatutok sa kaniyang tent. Pagkatapos, naglaga na siya ng kapeng barako at naglagay ng palaman sa tinapay.

 

           Nakadalawang higop pa lamang siya ng kape nang matanaw niya ang paparating na katutubo.

          

           “Magandang umaga, Tatay!” masiglang bati niya sa lalaki.

 

           Ngumiti ito, kaya nakita niyang muli ang mga ngipin nito na tila may kakaiba. “Umusal ito ng wika, na hindi pamilyar sa kaniya, pero naunawaan niya.

 

           “Halika, almusal po tayo.”

 

           Nang nakalapit ito, agad nitong inabot ang nakabilot na dahon.

 

           “Ay, salamat po! Tamang-tama, paubos na ang kapeng binigay mo sa akin last time… Sandali lang po, may ibibigay rin po ako sa inyo.” Pumasok siya sa tent upang kunin ang inihanda niyang mga pagkain para sa katutubo. 

 

           Ngumiti lang at bahagyang yumukod ang lalaki pagkatanggap sa paper bag ng mga pagkain.

 

           “Kain po.” Inabot ni Mariano ang isang peanut butter sandwich.

 

           Kinuha iyon ng lalaki bago umalis.

 

           “Salamat po, Tatay!” Kumaway pa si Mariano. “Ano nga po pala ang pangalan ninyo?” Nagulat siya sa kaniyang narinig, pero hindi siya sigurado kung tama ang pagkakarinig niya. Gusto sana niyang sundan ang lalaki, pero mabilis itong nakalayo hanggang tuluyang nawala sa paningin niya.

 

           Nang araw na iyon, puro kabiguan ang natanggap niya. Bigo siyang makita ang alien. Binigo rin siya ng kaniyang mga gadget. Lowbat ang lahat, kahit ang kaniyang powerbank. Kaya nagdesisyon siyang bumaba na sa bundok. Lubos ang kaniyang pangamba na baka magbago ang pakikitungo sa kaniya ni Sir Goroglan dahil wala siyang maiuuwing katotohanan.

 

           Sa condo unit niya dumiretso si Mariano. Sa halip na magpahinga, agad siyang nag-charge ng mga gadget niya. Sunod, pinanood niya isa-isa ang mga videos, na kuha sa apat na camera sa paligid ng pinagpuwestuhan niya ng tent.

          

           Muntik na siyang sumuko, kundi lang napansin niya ang bahagi ng video, kung saan tumalikod ang katutubong lalaki sa tent, at siya namang pagharap nito sa camera.

 

           Hindi ang pagngiti at pagkaway nito sa camera ang nagpatayo sa kaniyang balahibo, kundi ang pagpalit nito ng anyo.

 

           “Hello! Ikaw ba ang nagbibigay at nagbigay sa akin ang kape kanina?” tanong ni Mariano sa AI.

 

           Matagal bago naipadala ng AI ang sagot nito. “Kung naniniwala kang ako nga ang nagbibigay at nagbigay sa iyo ng kape kanina, mabuti. Kung hindi naman, hindi ako magdaramdam sapagkat, sa kabilang banda, masaya akong makilala ka. Naramdaman ko ang kabutihan mo bilang tao. Dahil dito, nagpapasalamat ako sa iyo. Masaya akong babalik sa aking planeta. Bigo man akong makapagdala ng nilalang, baon ko naman ang magandang karanasan mula sa inyong magandang planeta.”

 

           “Kailan ka babalik?” tanong uli ni Mariano.

 

           “Walang katiyakan ang aking pagbabalik dahil magkaiba ang mga mundo natin. Hayaan nating mamuhay tayo sa kani-kaniya nating planeta. Napakaganda ng inyong planeta. Mahalin sana ninyong mga tao ang paraisong wala sa aking planeta.”

 

           “Totoo bang nanghihikayat ka ng mga tao para sumama sa `yo?”

 

           “Walang katotohanan. Batid kong imposibleng mangyayari iyon sapagkat kayo ang katotohanan, at ako ang teorya. Maraming salamat! Paalam.”

 

           Nagta-type pa si Mariano ng isa pang tanong nang biglang lumabas ang salitang “DISCONNECTED!”

            

           Kahit paulit-ulit siyang sumubok, wala na talaga, subalit nagbigay iyon sa kaniya ng pag-asa. Ang video ang magsasabi ng katotohanan.

          

           Nang araw ding iyon, binuo niya ang kaniyang kuwento. Ginamit niya ang husay sa pamamahayag, gayundin ang kaalaman niya sa teknolohiya upang makabuo ng isang mahusay na dokumentaryo.

 

           “Mahusay ka!” sabi ni Sir Goroglan pagkatapos mapanood ang dokumentaryo. “Hindi mo lang inakyat ang bundok, inabot mo pa ang isang bahagi ng isang planeta. Congratulations!

 

           Maiyak-iyak na inabot ni Mariano ang kamay ng kaniyang boss. Noon niya lamang napatunayan kung gaano kahalaga ang bawat pahayag at kilos ng mga taong nakapaligid sa ‘yo, at kung gaano kahalaga ang pagtuklas sa katotohanan.

 


Si Malakas at si Maganda

 

Si Malakas at si Maganda

 

 

Habang nagpapahinga si Bathala sanhi ng ilang araw na pagdisenyo at paglikha ng mundo, sinulyapan niya ang napakatahimik na kalangitan. Pinagmasdan niya ang kalupaan, na pinamamahayan ng iba’t ibang uri ng hayop at halaman. Nakaramdam siya ng kakulangan at kalungkutan, kaya nagplano uli siya.

 

Kinabukasan, naghulma siya ang eskultura mula sa mahiwagang luwad, na hinugot niya mula sa kaniyang puso.

 

“Ikaw si Malakas. Magtataglay ka ng lakas at tapang upang protektahan ang mundo. Bibigyan kita ng hininga, gaya ng mga nilalang sa kalawakan, sa lupa, at sa tubig, na iyong pamamahalaan. Ipagkakaloob ko sa iyo ang pusong mapagbigay at magpagmahal,” sabi ni Bathala.

 

Sa isang kumpas ng kamay ni Bathala, naging tao si Malakas. “Salamat, Bathala, sa buhay na ipinagkaloob mo sa akin.”

 

“Sige na, mamuhay ka nang payapa at masaya sa ibabaw ng mundo.”

 

Lumipas ang mga oras, napansin ni Bathala ang kalungkutan ni Malakas sa kabila ng magagandang bagay sa kapaligiran. Naisip niyang lumikha pa ng isang eskulturang kawangis ni Malakas.

 

“Ikaw si Maganda. Magtataglay ka ng sipag at ganda upang pagyabungin mo ang mundo. Bibigyan kita ng hininga, gaya ng mga nilalang sa kalawakan, sa lupa, at sa tubig, na iyong pamamahalaan. Ipagkakaloob ko sa iyo ang pusong mapagkalinga at mapag-aruga,” sabi ni Bathala.

 

Sa isang kumpas ng kamay ni Bathala, naging tao si Maganda. “Salamat, Bathala, sa buhay na ipinagkaloob mo sa akin.”

 

“Sige na, mamuhay ka nang payapa at masaya sa mundo.”

 

Tuwang-tuwa sina Malakas at Maganda nang magkita sila

 

“Ito ang inyong mundo. Magmahalan kayo. Paramihin ninyo ang inyong wangis upang mas lalong sumaya ang mundo. Alagaan ninyo ito, protektahan at pagyamanin. Huwag kayong makakalimot sa aking tagubilin,” sabi ni Bathala.

 

Hindi na nakasagot sina Malakas at Maganda sapagkat abala sila sa paglibot sa mundo. Kumain sila nang kumain ng mga bungangkahoy. Lumangoy sa dagat at ilog. Nahalina sila sa magagandang bulaklak at maaamong hayop sa paligid. Nagmahalan silang dalawa, gaya ng iniutos sa kanila ni Bathala.

 

Lumipas ang mga araw, buwan, at taon, nagbunga ang pagmamahalan nina Malakas at Maganda. Natuwa si Bathala sapagkat tinupad nina Malakas at Maganda ang kaniyang utos. Unti-unting dumarami ang kawangis nila, na katuwang nila sa mga tungkulin sa mundo.

 

Subalit, isang araw, napansin ni Bathala na ibang-iba na ang mundo. Unti-unting nasisira ang mga kapaligiran dahil sa kapabayaan, katamaran, at kasamaan ng mga angkan nina Malakas at Maganda.

 

“Ipinatawag ko kayong dalawa upang dinggin ang inyong paliwanag,” sabi ni Bathala kina Malakas at Maganda, na noo’y nababakas pa rin ang lakas at ganda. 

 

“Patawad, Bathala, naging abala ako sa ibang bagay at gawain, kaya hindi ko nagabayan ang aming angkan,” sabi ni Malakas.

 

“Patawad, Bathala, naging abala ako sa pag-aalaga sa aking mga anak at apo, kaya hindi ko naalagaan ang kapaligiran,” sabi ni Maganda.

 

“Ang lahat ng pagsuway at pagkakasala ay may karampatang parusa. Kaya, ikaw, Malakas, ay binabawian ko ng pambihirang lakas. Mula ngayon, paghihirapan mo na ang bawat pagkaing ihahain mo para sa iyong pamilya. Kasabay ng iyong pagtanda ang panghihina, gayon ka rin Maganda. Hindi panghabambuhay ang iyong ganda. Mahihirapan ka sa iyong panganganak upang maging responsable sa iyong mga supling. Bibigyan ko kayo ng mga pagsubok na dapat ninyong malampasan.”

 

Sinubukang magmakaawa nina Malakas at Maganda, ngunit buo na ang pasiya ni Bathala.

 

“Bago ako magpaalam, nais kong malaman ninyo na hindi pa huli ang lahat para magbago.”

 

Hindi pinaniwalaan ni Malakas at Maganda ang sinabi ni Bathala, kaya nagpatuloy sila sa kanilang mga maling gawain. Subalit isang araw, nagkaroon ng malubhang karamdaman ang mga anak at apo nila. Sumunod pa ang mga kakaibang pangyayari, na noon lamang nila naranasan. Sumabog nang sabay-sabay ang mga bundok. Naglabas ang mga ito ng mga nakakasunog at nakakapasong likido. Dumagundong at gumuhit ng liwanag ang kalangitan. Kasunod niyon ang pagbuhos ng tubig at malakas na hampas ng hangin, kaya napuno ng tubig ang paligid. Hindi naglaon, umuga ang kalupaan.

 

“Bathala, patawarin mo na kami!” sabi nina Malakas at Maganda nang makita nilang nahihirapan at nangamatay na ang kanilang angkan.

 

Hindi nagpakita sa kanila si Bathala.

 

Kinabukasan, ibang-iba na ang mundo. Malayong-malayo ito sa unang mundo, na nilikha ni Bathala. Nagsisisi sina Malakas at Maganda sa hindi nila pagtalima sa mga kautusan.

 

Simula noon, naniniwala na sina Malakas at Maganda na pinarurusahan nga sila ni Bathala. Hanggang ngayon, patuloy na nag-iisip ang dalawa kung paano nila malalampasan ang mga pagsubok.

 

 

 

Si Luzviminda (Mito)

Si Luzviminda

 

 

Noong unang panahon, nabubuhay sa malaking pulo ang higanteng si Pilip. Simula nang namayapa ang kaniyang maybahay na si Inas, siya na ang nag-aruga at nag-alaga sa kaisa-isang anak nila, na si Luzviminda.

 

Bago nalagutan ng hininga si Inas, nangako si Pilip na poprotektahan niya si Luzviminda sa anomang sakit at kapahamakan.

 

Lumaking mabait, masipag, at mapagmahal na bata si Luzviminda. Lumitaw rin taglay nitong ganda nang nagsimula nang magdalaga.

 

“Anak, ipangako mo sa akin na iingatan mo ang iyong sarili. Maraming binata ang maaaring mahalina sa iyo. Pakiusap ko lamang na kilatisin mo nang mabuti ang lalaking pag-aalayan mo ng puso mo,” bilin ni Pilip sa anak, bago ito umalis upang magtrabaho sa malayong lugar.

 

“Opo, Ama, pangako pong iingatan ko ang aking sarili.”

 

Pagkaalis na pagkaalis ni Pilip, siya namang pagdating ng tatlong binata. Bawat isa ay may dalang handog para kay Luzviminda. Ang lahat ay naglahad ng pagnanais na maging kasintahan ang dalaga.

 

“Hindi ko maaaring suwayin ang aking ama. Patawad, pero wala akong tatanggapin sa sinoman sa inyo,” sabi ni Luzviminda.

 

“Hindi ako papayag na hindi ka maging akin,” sabi ng binatang si Tsin.

 

“Kailangang maging kasintahan kita!” sabi ng binatang si Brun.

 

“Kung hindi ka magiging akin, hindi ka rin dapat mapunta sa sinoman sa kanilang dalawa,” sabi naman ng binatang si Viet.

 

Napaurong si Luzviminda, at nayakap niya ang kaniyang sarili habang naglaban-laban ang tatlong binata.

 

“Tumigil na kayo! Wala akong pipiliin sa inyo, kaya nararapat na umalis na kayo,” sigaw ni Luzviminda, ngunit hindi siya pinakinggan ng mga binata.

 

Nagpatuloy ang madugong labanan. Nagtagisan sila ng lakas at diskarte hanggang sa hablutin ng mga ito si Luzviminda.

 

“Kung hindi ka magiging amin, mabuti pang paghatitian ka na lamang namin,” sigaw ni Tsin.

 

“Huwag! Huwag!” ang tanging naisigaw ni Luzviminda bago nagdilim ang kaniyang paningin.

 

Nang makabalik si Pilip, hindi na niya nakita si Luzviminda. Napaluhod siya habang tumatangis sa lupa.

 

“Patawad, Inas, hindi ko natupad ang aking pangako. Sana hindi na lang ako umalis. Buhay pa sana si Luzviminda,” nguyngoy ni Pilip.

 

Sa kalaunan, napansin ni Pilip ang pulo na tinitirhan niya ay nahati sa tatlo. Dahil sa pagpapahalaga sa alaala ng anak, tinawag niya ang mga pulong iyon na Luzon, Visayas, at Mindanao.

 

 

 

Ang Aking Journal -- Marso 2025

  Marso 1, 2025 Past 4 am, bumiyahe na ako patungong school para dumalo sa BSP Day Camp sa aming paaralan. Isa ako sa mga scouter na magha...