Followers

Sunday, April 13, 2014

Ang Aking Journal -- Abril, 2014

Abril 1, 2014

           Pasado alas-9:30 ay nasa school na kami ni Ion. Trabaho agad ako. May kumuha na ng cards gayong ala-una pa sila pinapupunta. Ibinigay ko na lang din dahil naroon na sila.

           Maghapon ang dating ng mga magulang at pupils. Okey lang. Kaya lang na-stress ako sa Reading Comprehension result na ipapasa ko. Nainis din ako sa kahihintay ng text ni Emily. Alas-3:30 ay tinext ko siya kung kukunin niya si Ion o hindi dahil iuuwi ko na siya sa Antipolo. Walang reply. Nagdesisyon akong iuwi si Ion sa Antipolo dahil may gagawin pa akong LP sa Filipino na ipapasa kay Mam Silva. Nagdalawang-isip lang ako dahil sobrang pagod na namin ni Ion. Ako sa pagtanggap ng mga magulang. Si Ion ay sa kakalaro. Kaya, nauwi ako sa pag-uwi sa Paco.

          Plakda na agad si Ion sa dyip. Mabuti na lang ay ang umuwi sa Paco ang desisyon ko. Blessing in disguise din dahil nagtext si Emily na kukunin niya daw si Ion ngayon. Nakatulog lang daw siya kaya 5:30 na siya nakareply.

          Tulog pa rin si Ion nang nilapag ko sa kutson, hanggang sa dumating si Emily ng mga bandang alas-siyete y medya. Ginising lang namin.

           Natuwa si Emily sa gupit ni Ion at sa suot nitong pantalon at damit. Napansin niya rin ang pagbigat ng anak namin. Sana naman ay magaling na ang ubo niya para lalong maisip ng ex-wife ko na napabuti ang bata sa amin.

           Solo ko ang kuwarto ngayon dahil nagpaalam si Eking na may overnight swimming sila ng mga blockmates niya. Ayos! Matagal na rin nang huli kong masolo ang room na ito. Sarap!
     

Abril 2, 2014

          Maaga akong nagising. Gusto ko pa sanang matulog kaya lang di na ako makatulog sa sobrang ingay at init. Kaya, gumayak akomsa pagpunta ng school. Tiyempo naman na kailangan ko palang pumunta ng maaga sa school dahil pupunta si Sir Socao sa DO para makaharap ang complainant na si Willy Rodriguez, GPTA Federation President daw. Bilang suporta, kailangan naming dumalo. Salamat at tinext ako ni Mam Diana.

           Eight-thirty, nasa school na ako. Andun pa sila. Ramdam ko ang stress ng mga kaguro lalo na ng principal na pinararatangan ng pangungulekta ng pera sa mga magulang, na wala namang katotohanan.
       
          Pasado alas-nuwebe ay nasa DO na kami. Nakakabuwisit ang asta ng accuser. Ang taas ng tingin niya sa sarili niya. Pero, ininsulto siya ni Sir Junio, ang lupon ng division, dahil sa wrong spellings at grammar ng affivadit niya, na ayaw niyang basahin dahil wala daw siyang salamin. Nakakahiya siya. Pa-English-English pa, mali naman.

          Puro accusation lang ang sulat na binasa ni Sir Junio. Pero, nang si Sir Socao na ang nagbasa, ramdam ko, namin ang katotohanan at ng kanyang galit sa taong mapanghimasok. Halos, maluha kami sa awa kay Sir at sa mga paratang sa Gotamco at sa lahat ng guro.

          Binigyan din ng chance na magsalita ang mga GPTA officers. Nakakapagtaka lang dahil wala doon ang president. Pinatunayan lang niya na kasabwat siya ni Rodriguez. Hudas not pay!

          Sunod, teachers naman ang binigyan ng pagkakataong magsalita. Wala pa akog lakas ng loob magsalita. Ayokong mauna. Si Mam Vi ang nauna. Sumunod si Alberto, Sir Joel, Mam Diana, Mam Joan at Mam Loida.

          Mahinahon pa si Mam Vi. Sinabi niya lang kung gaano pinahahalagahan ng mga guro ng Gotamco ang mga bata at kung paano iningatan ang aming reputasyon. Nabagbag kami. Humanga ako sa tibay ng loob ni Mam. Nagpalakpakan kami.

          Si Hermie naman ay napabilib ako. Matatas din siya magsalita. Malaman.

          Although, hindi masyado nag-impact sa akin ang mga sinabi nina Pareng Joel at Mam Diana, pinahanga din nila ako, Naidepensa nila ang buong paaralan at si Sir.

          Ang talagang nagpahanga sa akin ay sina Mam Joan V at Mam Loida. Si Mam Joan ay sinabi niyang galit na galit siya sa taong iyon. Ipinakita niya talaga ang kanyang emosyon. Natanong pa niya ang intensyon niya sa panghihimasok sa Gotamco gayong di naman siya parent o alumnus ng school namin. Walang nasabi ang mokong. Mas nag-react pa ito sa statement ni Mam Joan na sinira niya ang reputasyon namin.

          Si Mam Loida naman ay nagkuwento tungkol sa pangyayari o naging usapan nila ng hudas. Habang hindi pa nagsisimula ang meeting, tinanong daw si Mam ng "Who are you?" Sabi niya, "I'm a teacher... of Gotamco," Tapos, sinabi na nito na galit na galit siya sa principal namin dahil dinedma siya nito sa proposal na magkaroon ng dance troupe sa Gotamco, which is wrong timing naman dahil kasagsagan ng practice ng graduating pupils siya pumunta ng school.

          Natamimi ang walanghiya. Nagdiwang kami dahil na-corner siya ng anekdota ni Mam Loida. Nagkamali siya na sinabi niya iyon. Mabuti na lang ay malakas din ang loob ni Mam.

          Pagkatapos ni Mam Loida, ipinatigil na ni Mam Puti-an ang pagpapasalita sa mga teachers. Bagkus, pinuri niya kami sa pagiging supportive namin sa aming principal. Alam namin na nasa amin ang simpatiya niya kasisimula pa lamang magsimula ang hearing. Nabanggit pa nga niya na gali na galit din siya dahil dito. First time daw siyang tawagan ng Regional Director. Negative pa. Sayang daw ang papuri na MANCOM sa Pasay kung sa isang reklamo lang ay nawala at dahil lang sa iilang walang respetong tao ay nabalewala.

          Pinalabas na kami ni Mam Puti-an. Naiwan sina Sir Junio, complainant at si Sir Socao. Naghintay kami sa baba. Bilang suporta kay Sir ay nalimutan namin ang gutom. Excited kaming malaman ang resulta. Halos isang oras din kaming naghintay. Naunang lumabas ang mayabang na accuser. Payabang pa siyang nag-drive palabas ng DO. Di man lang isinara ang bintana ng kotse niya. Bagkus, taas noong umalis. Ang yabang! Ang sarap barilin.

          Nang lumabas si Sir Socao, sinabi niya na tila ayaw pa makipag-reconcile si Rodriguez. Kaya, tigilan daw muna namin ang pagsasalita para maiwasan ang dagdag issue. Alam naming lahat na hindi iyon titigil hanggat walang mapala kay Sir. Dapat magreklamo din kami sa kanyang mga accusations para mabigyan ng katarungan ang ginawa niya sa amin.

          Kakaibang tao siya. May saltik.

          Nag-stay pa kami sa school. Kaming Grade 5 teachers ay gumawa ng kanya-kanyang gawain. Ako, sinimulan ko ang Teaching Guides na hinihingi ng Filipino Department. Nai-stress ako. Mabuti na lang at kinuha na si Ion.

           Past 4, umuwi na ako. Dumating na si Eking. Naidlip muna ako saka ko pinagpatuloy ang paggawa ng teaching guide. Okey naman. Nakatapos ako ng isa. Apat pa. Tapos, kailangan ko ng internet para makapag--download ng mga pictures na isasama ko sa Learners' Materials.


Abril 3, 2014

          Hindi ko talaga magawang magtagal sa higaan. Bukod sa maingay, mainit na kahit alas-siyete pa lang. Kaya, no choice ako kundi bumangon na at magsimulang gawin ang tearcher's guides at learners' materials.

          Bago, mag-alas-diyes, nag-text si Ate Ningning. Tanungin ko daw si Aileen kung nakapagpadala na sa akin. Ialjg minuto lang ang lumipas, magka-text na kami ni Aileen.Nagpadala na daw siya ng 7k. Natuwa ako dahil nagpadala pa sila kahit pauwi na si Eking. At least, sila pa ang magbabayad ng upa at kuryente. Okey lang kahit sa April 11 pa uuwi si Eking. Mapagtitiyagaan ko pa. Ang mahalaga ay galing sa kanila ang budget. Mahirap naman kasi kung nahihirapan na nga ako sa pag-iintindi sa kanya at paglalaba ng mga damit niya ay sa akin pa manggagaling ang kakainin niya. Ayos sana kung malaki pa ang take home salary ko. E, alam naman nila na malaki ang loan ko at may binubuhay akojg mga anak at ina.

          Gayunpaman, nagpapasalamat ako sa Panginoon. Hindi pa nga ako humihiling ay ibinigay na niya.

          Tinanong ako ni Aileen kung uuwi ako sa Bulan. Hindi ako nag-confirm. Sabi ko, baka makasabay ako kay Ate Ningning. Ang totoo, gustong-gusto ko. Ayaw ko lang magplano.

          Nakadalawang lesson plan ako ngayong araw. Nakaidlip pa ako. Kaya lang sa sobrang init ay hindi ako nakatulog. Naglaba na lang ako. At nang alas-sais na, nag-grocery ako.

          Na-miss ko si Ion. Kailan ko kaya uli siya makakasama. Okey lang kahit matagal basta mapabuti siya at tumaba man lang. Alam ko, mahihiyang at magugustuhan niya doon sa Aklan. Gusto ko rin ngang makarating doon...



Abril 4, 2014

          Alas-otso, nasa school na ako. Halos sabay kami ni Sharon na dumating. Wala pa ang mga kasamahan namin, kaya nakapagkuwentuhan pa kami. Tinanong niya ako tungkol sa nangyari noong April 2. Kinunwentuhan ko siya ng konti.

          Ang sigla ko nitong umaga. Panay ang tawa ko. At, bentang-benta. Panay ang punchline ko at panay din ang tawa nila. Lalo pa at napagtitripan kong biruin si Sharon. Kilig na kilig ang mga kasamahan namin.

          Nine na yata nang magsimula ang Professional Meeting. Photographer ako. Natuwa ako sa grade assignment namin, Hindi nagalaw ang Grade 5. Kami pa rin ang magkakasama. Ako pa rin ang Filipino Coordinator. Magiging Assistant Math Coordinator pa ako pang nag-leave si Mam Julie. Kaya lang nabigo ako na maging Faculty Officer. Gusto ko sanang maging presidente. Kaso walang may nag-nominate sa akin. Kahit mababang position ay di ako naiboto. Pero nang nag-elect ng committee sa coop, binoto ako as one of the three members of Audit Commitee. Ako daw ang may pinakamataas na boto sa aming tatlo nina Karen at Mareng Lorie. At least, nakabawi ako...

          Nag-usap-usap din kami tungkol sa outing. Aalis na kasi si Sir Socao. May bago na kaming principal sa April 22. Hindi ako excited. Mas gusto ko kasi sa beach. Ayoko na sana swimming pool. Bahala na. April 12 pa naman iyon. Mabuti na napaaga., kung hindi, baka di ako makasama kasi kasabay ng pagdating ni Ate Ningning.

          Nag-blowout si Mam Glo ng pansit at coke. Sa retirement pa niya iyon. Sulit tuloy ang meeting. Nakatipid ako.

          Pagkatapos ng meeting, hinaharap ko naman ang portfolio ko na dapat ng ipasa. Tapos, medyo nagligpit na rin ako ng mga gamit ko dahil babaklasin ang kisame ng lahat ng classroom. Kainis kasi nakakapagod. Andami ko pa namang gamit. Tiyak mahihirapan ako.

          Pag-uwi ko, hinaharap ko kaagad ang pagtapos sa teacher's guide na ginagawa ko. Natapos ko ito bago mag-alas-10. Konting edit na lang at dagdag ng photos para maging interesting para sa Grade 5 pupils.
 

Abril 5, 2014

          Alas-otso, nagpaalam ako kay Eking na pupunta ako sa Antipolo. Tapos, bumiyahe na ako. Hindi pa masyadong mainit. Tapos, mabilis ang biyahe ko. Kaya, mga alas-onse ay nasa Gate 2 na ako. Kung nag-LRT lang sana ako ay mas maaga pa sana akong nakarating. Pero ayoko na, nadala ako sa pagkadukot ng cellphone ko.

          Nag-grocery muna ako sa Puregold Gate 2 bago ako sumakay papuntang Bautista. Kailangan kong i-provide si Mama ng kailangan niya. Walang gagawa niyon kundi ako, maliban sa mga kapatid ko. Ako ang mas may higit na kakayanan para gawin iyon kumpara kina Taiwan, Flor and Jano. Masaya din naman akong gawin ito dahil patuloy naman akong binibiyaan ng Panginoon dahil sa pag-iintindi ko sa aking nag-iisang magulang. Kaya hangga't meron ako o hanggang kaya ko ay gagawin ko ito ng buong puso..

         Pasado alas-onse y medya na ako nakarating sa Bautista. Hinanap agad ni Mam si Zillion. Na-miss niya din ang anak ko. Kaya, ipinarinig ko na lang sa kanya ang recorded na pagkanta niya ng 'Munting Tinig', 'Lupang Hinirang' at 'Bahay Kubo'. Nakaka-miss talaga ang batang iyon.

          Pagkatapos kung kumain at manuod, umidlip ako sa taas kahit napakainit. Mabuti nabawasan ng hangin mula sa electric fan. In fact, 5:30 na ako bumangon. Nakapagpahinga din kahit paano.


Abril 6, 2014

           Hindi naman ako nakatulog ng matagal dahil sa panaginip ko. Nagising ako nito dahil medyo nakakatakot. Pinilit kong pumikit uli pero nabigo lang ako.

          Pagkaalmusal ko, nanuod ako ng TV, hanggang lunch at hanggang bago ako naligo. Wala kasing mapuntahan o magawang iba. Di tulad noong hindi pa inangkin ng mga Diokno ang compound at di pa nila tinayuan ng business establishment (daw) ay nakakalakad-lakad ako sa bakuran, nakakapagtanim at nakakapagdilig. Nagagawa ko rin noon na i-develop ang photography skill ko. Ngunit ngayon, wala na. Iba na. Boring na. Sa sobrang init pa ng panahon ay lalo akong naburyong. Kaya pinilit kong makatulog pagkatapos maligo.

          Alas-kwatro, umalis na ako ng Bautista. Nakarating ako ng boarding house ng bandang alas-7:30. Traffic sa Quiapo eh.
     
          Bukas ay maaga akong pupunta ng school para sa kick-off ng Summer Camp.


Abril 7, 2014

          Nauna pa ako sa alarm clock. Five-forty-five ko sinet ang orasan pero nagising ako ng alas-singko. Di naman ako excited sa summer camp. Nagising lang ako sa panaginip ko na medyo nakakatakot.

          Ang resulta: napakaaga ko sa school. Ako ang pinakaunang guro na dumating. Para may magawa ako, nagligpit na lang ako ng gamit ko sa classroom. Tamang-tama naman dahil babaklasin na pala ngayong araw ang kisame nito.

          Pasado alas-dose na nagsimula ang camp. Kakaunti ang bata. Nakakawala ng drive. Pero, dahil ako ang may hawak ng camera ng school, pinilit kong maging makulay at masaya ang araw ko.

          Alas-onse na natapos ang unang araw ng camp. Agad naman akong nayaya ni Mareng Lorie na kumain sa Razon's MOA dahil nakakuha siya ng flat 1 na grade sa subject na kung saan nagpagawa siya ng take home final exam sa akin. Natuwa naman ako sa nakuha niya dahil parte ako ng grade niya. Alam kong tuwang-tuwa din siya.

          Bumalik kami ni Mam Julie sa school. Napakainit pa kasing umuwi sa Paco.

          Naipagpatuloy ko ng teacher's guide. Nalagyan ko ng mga pictures. Tapos, nakapag-scan ako ng certificates ko.

          Alas-singko na ako umuwi. Ipinagpatuloy ko ang teacher's guide. Natapos ko ito kahit nagkaba pa ako. "Thank you, God!" Anytime, pag tinext ako ni Mam Vale ay maipapasa ko na. Blank CD na lang ang kailangan ko.


Abril 8, 2014

          Ako uli ang pinakamaagang dumating sa Gotamco. Halos magkasunod lang kami ni Mam Vi kaya sinimulan namin ang pagwelcome sa mga bata. Pinasulat namin sila sa attendance sheet.

          Medyo okey na ang second day ng summer camp. Marami na kaming activities. Nag-filmshowing. Nagpa-drawing. Nag-lesson ako sa Math. Nagpagawa ng human tree. Ako pa rin ang photographer. Tapos, naging tuksuhan uli kami ni Sharon. Ang saya!

          Nag-stay ako sa school hanggang five. Nakapag-print ako ng certificates ko at teacher's guide. Nakagawa din ako ng activity sheet para sa 3rd day ng camp. Kaya, nang nasa dyip ako, halos magsara ang nga talukap ng mga mata ko dahil sa antok. Pero, nang nakauwi ako, di naman ako makatulog.

          Natapos kong gawin ang tula para kay Sir Socao bandang alas-7 ng gabi. Sana, matuwa sila..


Abril 9, 2014

           Araw ng Kagitingan ngayon. Holiday. Dapat wala muna kaming summer camp, pero dahil may outing kami sa Sabado at ayaw naming mag-camp sa April 12 ay pumasok kami ngayon.

           Pangatlo ako sa mga dumating. Nasanay na yata ako sa maagang pasok. Kaya lang, inaantok ako. Mabuti na lang ay konti lang ang pumasok na bata.

           Nagturo ako ako ng line graph. Nagamit ko ang ang activity sheets na ginawa ko kahapon.

           All in all, successful na naman ang third day ng summer camp. Ang saya namin habang nagkakainan, na masyado ng late dahil natagalan sa pamamalengke at pagluto. Marami akong nakain dahil masarap kumain at makipagtawanan.

          Alas-tres pasado, nakauwi na ako. Umidlip muna ako, saka ako nag-computer. Inaayos ko ang blog site kong Poroy. Kinopya ko ang ibang blogs ko mula sa All About Pores. Ngayon, kampante na ako na unti-unti ko ng natitipon ang mga literary pieces ko. Pero, marami pa rin akong ita-type.
 


Abril 10, 2014

          Ako na naman ang pinakamaagang dumating sa school. Mabilis kasi ang biyahe.

          Dumating ang mga supervisors bandang alas-diyes ng umaga. Mabuti ay may pinagagawa ako sa mg bata. Nakapagturo na rin ako ng parts of a circle. Kaya lang naputol ang paghahanap namin sa net ng airline na nag-o-offer ng low airplane fare. Pagkakain naman, nag-emaik kami sa VP ng AirPhil, na kakilala ni Sir Socao para magpareserve. Antgal naming naghintay pero dimpa rin kami nakareserve dahil kailangan pa ng ID ng mga senior na kasama namin sa Bora. Oo, sa Bora. Isinama lang ako. Si Mam Nelly at Mam Elardo talaga ang imbitado ni Mam Cleofe daw. Niyaya lang ako. Since, di pa ako nakarating doon, sasama ako. Isa pa, gusto ko rin makapunta sa Altavas.

         Excited ako kanina kaya nabigo kaming makapagpareserba. Sana bukas ay maayos na namin.

         Nag-rank ng teachers sin Sir Socao kanina. Katulong niya si Mam De paz, Mam Elsa at Sir Erwin. Binulungan na ako ni Sir Erwin. Alam ko tutulungan niya ako. Ramdam ko iyon. Isingit niya rin ang sinalihan kong contest sa Canvas Stories. Kaya,nag-print ako. Ipinakita niya rin ang points ko sa outstanding something na factor. Zero ang iba. Ako, 4 points. Ayos! Sana teacher 1 na ako this time.

         Hinatid ko si Eking kay Kuya Jape bandang 8 ng gabi. Andami niyang kasing dala kaya nagpahatid siya. Saglit lang ako doon. Umaalis agad ako.

          Solo ko na ang bahay. Ayos!


Abril 11, 2014

          Hindi ako ang unang dumating sa school. Nauna si Mam Vi.. Nagkuwentuhan kami tungkol sa paghihiwalay namin ng asawa ko. Sinabi ko ang ilan sa mga naging dahilan nito, pati ang pinakamabigat na dahilan. Sayang kasi naputol ang usapan namin dahil nagsidatingan na ang mga bata.

          Ikalimang araw na namin. Nakakapagod na. Pero, mas pinagod ko pa ang sarili ko dahil nag-mop ako sa sahig ng covered court. Trip ko lang dahil masaya ako.

          Andami kong commitment. Kahapon, umuo ako sa planong pumunta ng Boracay at Iloilo. Sinimulan na nga naming magpahanap ng murang air fare. Kanina naman, tinanggap ko ang pagpa-facilitate ng 1st Kindergarten Summer Camp, na nagsimula na kaninang hapon. Tapos, sasama din ako sa seminar sa Baguio. Nalaman ko kasi na hjndi na-credit ang mga seminars at training ko sa ranking dahil hindi ito mga 3-day seminars.

          Magastos man ang seminar sa Baguio ay okey lang. Gusto kong mamasyal at makaipon ng certificates.

          Nalungkot ako nang malaman ko na kasama ako sa Top 10 na ni-rank. Gusto kong rank 1 ako para ako na ang promoted as Teacher 2. Pero dahil mas lamang sa akin ang graduate ng masteral, siya ang 1st.

          Hindi pa rin kami nakabili ng tickets o nakareserve dahil namahalan kami sa offer ng kakilala ni Sir Socao. Bukas ko pa malalaman kopung matutuloy kami o hindi. Five-thirty na nga kami nakalabas ng school.

          Dumaan ako sa HP para magbayad ng credit card bill at bumili ng towel at shorts para sa outing bukas. Mabuti na lang ay pumasok na sa ATM ang clothing allowance namin.

          Na-traffic ako sa Paco. Natagalan ako sa dyip. Kakainis! Andami kong hindi nagawa. Hindi na ako nakakuskos ng tsinelas na isusuot ko bukas. Di na ako nakalinis sa kuwarto. Pero, nakatawag ako kay Paz. Nakipagkuwentuhan din siya sa akin. Isang oras din yata kaming nag-usap at nagpalitan ng ideya. Enjoy naman..


Abril 12, 2014

          Pasado alas-4 ay gising na ako. Hindi na ako nakatulog kaya naghanda na ako sa pagpunta sa meeting place--Mc Do Baclaran. Ngunit, napakaaga ko pa. Ako ang pinakaunang dumating. Nagkapag-almusal na akong lahat-lahat ay wala pa sila. Eight na kami nakaalis.

          Sa Circle Island Resort kami pumunta. Okey naman ang resort. Solo naman ang lugar. Naka-elevate ang cottage namin. May videoke silang nirentahan, kaya kumanta agad ako, bago naligo. Nagsawa ako. Sulit ang gastos ko. Marami ding pagkain. Nag-enjoy din ako sa swimming, kahit madumi ang tubig. Sulit na sulit talaga ang gastos ko.

          Malapit nang mag-alas-7 nang makauwi ako ng bahay. Tinawagan ko agad si Paz. Nag-usap kami ng matagal. Halos mag-iisang oras. Itinigil ko lang dahil maglalaba pa ako.

          Sa wakas, makakapagpahinga ako bukas ng maghapon. Kaya lang, naaawa ako kay Mama dahil di ko nabisita. Baka wala na siyang pera o pagkain. Linggo ng gabi pa yata uuwi si Taiwan. Sana bisitahin naman siya nina Jano.

          Hindi na kami tuloy sa Bora at Iloilo. Mahal kasi ang tiket. Sana hindi mapurnada ang seminar sa Baguio sa April 23.

         

Abril 13, 2014

          Nagising ako ng alas-siyete. Gusto ko pa sanang matulog kaya lang naisip ko ang mga dapat kong gawin. Maglalaba ako. Kailangan ding maglinis. Kaya, pagkatapos kong mag-almusal, sinimulan ko kaagad ang maglinis sa kuwarto ko. Naglipat ako ng mga gamit kaya medyo naiba na naman ang ambience.

          Kung di nga lang masakit ang likod at masikip ang dibdib ko, mas marami pa sana akong natapos. Idagdag pa ang sobrang init. Di rin naman ako nakaidlip ng matagal. Pero, okey lang. At least, may natapos din ako kahit paano. Hindi nga lang ako nakauwi sa Bautista para dalawin si Mama. Naawa ako, baka wala ng pagkain. Mabuti na lang ay nalaman ko kay Flor na pinadalhan siya ng package ni Tito Sam. Ayos! Tiyempo naman.


Abril 14, 2014

          Nagpa-late na nga ako, nauna pa rin ako sa ibang teachers. Grabe! Unfair naman sila lagi.

          Ikaanim na araw na ng Summer Reading Camp. Nakakapagod na. Nagsasawa na rin ang mga bata. Kokonti na nga lang ang pumasok. Gayunpaman, nagpa-activity pa rin ako. Since, tungkol sa ibon ang springboard, ay nagpa-origami ako ng ibon. Enjoy naman ang Grade 5 pupils. Nagkaroon pa ako ng time para makipaghuntahan kina Mareng Lorie at Mia, gayundin kay Mam Joan R.

           Alas-dos, umuwi na ako, kahit sobrang init. Hindi naman ako nakatulog. Nag-internet lang ako. Gumawa ako ng bagong blogsite sa Wordpress.com. Tinawag ko ang blog ko na "zilyonaryo" at may description na "the power of words". Nag-post na rin ako.

          Desidido akong mag-post doon ng mga English articles kasi mukhang mga banyaga ang mga magiging followers ko kung sakali.

          Nag-try din ako sa Adsense. Gusto ko kasing kumita ng pera habang nagba-blog. Kaya lang, nagkaproblema na naman ako. Nire-review pa ang application ko dahil dalawa na ang account ko. Sabi sa email, one week pa daw maaaring ma-activate. Sana...

          Nag-text si Epr. Baka sa Miyerkules pa daw siya makakauwi. Okey lang..


Abril 15, 2014

           Ako na naman ang naunang dumating sa school. Sumunod si Mam Joan R. at Mam Vilma. Dahil maaga pa, nakapagkuwentuhan pa kami ni Mam Vi tungkol sa teaching practices noon at ngayon sa Gotamco. Nagbigay siya ng mga kaibahan, which are, napakalayo. Sabi ko nga, babaguhin namin o ibabalik namin ng pakinti-konti.

          Last day na ito ng summer camp. Nakakapagod man pero nakapagpa-activities ako. Tatlo. Hanggang namalayan ko na lang na uwian na. Pero, bago nag-uwian, namigay muna ng certificates sa mga bata, gayundin sa aming mga teachers. Nadagdagan na naman abg mga sertipiko ko, but this time, Certificate of Commendation. Mas mabigat ang bearing kumpara sa mga sertipiko sa mga seminar.

          Bago nagkainan ng lunch, nakakuwentuhan ko sina Mam Vi, Mam Joan V at Mam Edith. Tungkol sa mga kuwentong babae ang usapan namin. Naikuwento ko sa kanila ang ilan sa mga ex-girlfriends at ex-wives ko.

           Pasado alas-3, nasa boarding na ako. Umidlip ako saka nagsimulang gawin ang accomplishment report ng summer camp. Tinanggap ko ang gawing ito ni Sir Erwin dahil alam ko, makakatulong din siya sa akin pagdating ng araw.


Abril 16, 2014

          Maaga akong nagising kahit napuyat ako sa ingay ng lasing na naglalabas ng sama ng loob.

          Pagkaalmusal ko, sinimulan kong muli ang paggawa sa report ng Summer Camp. Nakatatlong page ako. Kaya lang, bumigay na ang laptop ko. Nag-hang tapos, ayaw na mag-open ang window. Wallpaper na lang ang nakikita. Tapos, nabasag na ang takip sa may screw. Nang i-reboot ko, no operating system found daw. Ang sama ng loob ko dahil di ko na-save ang pinaghirapan ko.

          Ala-una, pumunta ako sa Robinson's. Napagdesisyunan ko kasi na hindi ko nanlang ipapaayos ang laptop ko. Tutal, luma na rin. Marami na ring pakinabang sa akin ang Lenovo ko. Bawi na ako. At dahil, matatapos na rin sa June ang utang ko sa credit card nang kumuha ako ng Samsung Galaxy Tab 2, okey na sigurong kumuha na naman ako.

          Nang makautang ako ng Acer Aspire E sa Abenson sa halagang P23, 900 ay halos nawala na ang panghihinayang ko sa laptop ko at sa mga files. Mahalaga sa akin ngayon ay matapos ko ang report na ipinagawa sa akin ni Sir Erwin.

          Hindi talaga ako pwedeng mawalan ng laptop dahil marami akong ini-encode. Marami din akong activities, plans at projects na dapat gawin ng may laptop. Isa pa, sayang ang printer namin kung wala nito.

          Dumating si Epr, bandang alas-tres. Kasalukuyan akong nagda-download ng Office.
 
          Agad kung sinimulang muli ang report. Bago mag-alas-nuwebe, natapos ko na ang first day ng camp. Anim pang araw. Mabilis ko na lang iyon matatapos, ngayong may bago akong laptop.

          Tumawag si Kuya Jape bandang alas-5:45. Kinumoirma niya ang pagdating ni Ate Ningning sa Sabado. Siya na rin ang nagsabi na magpapasama ito sa akin sa paglakad ng papeles. Umuo ako. Sabi ko, di ako okupado. Sa 23 pa ako aalis.



Abril 17, 2014

          Buong araw ay ginawa ko ang summer camp report. Pinapahinga ko lang ag kamay ko sandali, tapos balik na naman sa laptop. Mabuti nga at mabilis na ang Acer ko. Halos matatapos ko na..

          Alas-nuwebe, dumating si Kuya Jape. Tiningnan niya ang mga pantalon ni Eking. Kukuha sana siya kaya lang walang nagkasya. Di na siya kumuha.

          Kinumpirma ko sa kanya ang pagdating ni Ate Ningning. Sa Sabado na nga. Nanunumblema lang ako dahil nandito si Epr. Ayoko sanang makita pa niya. Kaya lang saan naman siya pupunta? Ayaw ngang umuwimsa Ilocos. Katunayan, ka-text ko ang Mommy niya nitong alas-dos. Inaanyayahan kaming bumisita. Kaya lang, nang tinanong ko si Epr, hmp lang ang sagot niya. Ibig sabihin, ayaw niya. Wala kaming magagawa. Gusto ko pa namang makarating sa Ilocos.

          Alas-diyes, natapos ko na ang report ni Sir Erwin. Ready to print na. Sana magustuhan niya.



Abril 18, 2014

          Biyernes Santo. Muntik na akong malasin. Muntik ko na kasing di ma-open ang mga blog sites ko (POROY at zilyonaryo), gaya ng nangyari sa "All About Pores" ko. Mabuti na lang ay tiniyagaan ko. Ayun, nabawi ko.

          Malas lang dahil mahina ang signal ng net. Hindi tuloy ako magkapag-post ng mga articles sa blogs ko. Nanuod na lang ako ng Siyete Palabras. Blessings naman dahil nag-enjoy ako sa pinanuuod ko. First time ko manuod niyon. Maganda pala. Life-changing, Naiyak ako sa mga pagninilay at mga patotoo. Natutuhan ko at ipinost ko pa isa-isa sa FB ang seven last words ni Hesus.

          Sobrang init maghapon, nakakatuyo ng utak.. Hindi ako nakatulog. Patuloympa rin ang mangangati komat pangangamot sa mga pantal, na dulot marahil ng mainit na panahon. Sana lang ay hindi tigdas o anuman. Mas malalaki kasi kesa sa mga natural na bungang-araw, kaya natatakot akong isa palang skin disease.

          Alas-sais y medya nang lumakas ang internet, kaya nakapag-post ako ng isang kabanata ng "Pahilis". Natapos ko na rin ang chapter 3 ng "Dumb Found" at nasimulan ko pa ang chapter 4. Sana matapos ko ngayong summer vacation ang lahat ng mga ito dahil gusto ko namang masimulan ang iba pang journal entries ko pati ang mga movie script ko.


           
Abril 19, 2014

          Black Saturday. Sobrang init. Maaga pa lang ay pinagpapawisan na ako. Kakaligo ko nga lang at naiinitan nanuli ako. Gayunpaman, kailangang pagtiisan dahil wala naman akong magagawa o mapupuntahan. Ayoko namang umalis. Nagtitipid ako sa pera para sa seminar namin sa Baguio. Isa pa, marami akong dapat i-encode. Gusto ko ng matapos ang mga articles ko. Kaya, kahit mainit ay panay ang type ko. Diretso post sa mga sites ko. Tapos, nag-sign up pa ako sa Wattpad. Successful. Nakapag-post na rin ako. Nakasali pa ako sa haiku writing contest doon. Sana manalo ako.

          Sa kahihintay ko sa pagdating ni Ate Ningning ay marami akong natapos. Tapos ko na ang "Pahilis". Posted na lahat nga kabanata nito. Naubos na rin ang journal entries ko sa isang notebook. Kaya kailangan kong makuha sa school ang karugtong ng April 21, 2006 entry ko. At, natapos ko na ring basahin ang "Ang Paboritong Libro ni Hudas". Inspired na naman akong magsulat ng magsulat.

          Inisip ko na lang na bukas pa ihahatid dito ni Kuya Jape si Ate Ningning, kasi sa Lunes ko pa naman siya sasamahan sa paglakad ng papeles niya. Maigi nga iyon.

       

Abril 20, 2014

           Pinuyat ako kagabi ng sakit ng bagang ko. Grabeng tindi! Hindi tumalab ang Mefenamic. Ang resulta, napuyat ako. Alas nuwebe ay nakahiga pa rin ako. Kung di nga lang tumawag si Kuya Jape ay di ako bumangon.

           Inihatid niya si Ate Ning. Akala ko ay gabi pa siya ihahatid. Okey lang naman. Ayoko lang sana maranasan niya ang sobrang init. Kaya lang, wala na ako magagawa. Kaya ayun, ramdam niya rin ang init.

            Sa pagkukuwentuhan namin ni Ate Ning, napag-usapan namin ang pag-uwi. Gusto niya akong isabay sa pag-uwi nila ni Kuya Jape. Kaya lang may seminar pa ako. Sabi ko na lang na baka sa first or second week ng Mayo. Sabi naman niya, tama, para sabay kami pagbalik dito. Bahala na.



Abril 21, 2014

          Pasado alas-7, umalis kami ni Ate Ning, patungong POEA. Isa't kalahating oras lang ang naging biyahe namin kahit commute lang kami. Tapos, naghintay lang ako doon ng kulang-kulang dalawang oras para malakad niya ang papeles na kailangan niya. At nang matapos niya, kasama na niya ang isang kasamahan niyang babae sa Afghanistan. Nag-Robinson's kami. Kumain. Nag-shopping sila. Enjoy naman ako. Nalamigan sa mall.

          Past 1:00 na kami umuwi at 2:30 kami nakabalik sa bahay. Naabutan pa naman si Epr. Sabi niya kasi ay pupunta siya sa Antipolo. At umalis nga siya, pagkatapos maligo. Mabuti naman pala at naabutan ko kasi nakapagpadala ako ng pera kay Mama.

          Para akong lalagnatin ngayong gabi. Di kaya, dahil ito sa mga pantal at kati-kati ko? O baka napagod lang ako kanina? Bahala na. Pag di ito nawala hanggang bukas, baka di ako makasama sa Baguio.
     

Abril 23, 2014

         Alas-singko ay ginising ako ng alarm clock. Kahit napuyat ako sa pagkamot ng katawan ko dulot pa rin ng mga pantal na tumubo sa aing katawan ay bumangon pa rin ako agad upang di ako mahuli sa usapang alas-7 sa Mc Do-Harisson. At pagkalipas ng kalahating oras, nakaalis na ako ng bahay. alas-sais ay nasa tagpuan na ako. Ako ang nauna. Ilang minuto akong naghintay. Pero sulit naman ang paghihintay dahil nilibre ako at ni Sir erwin ng almusal ni mam Joan V.

       Habang naghihintay naman kay mam Edith at sa kanyang asawa, na siya namang aming driver at may-ari ng sasakyan, ay nagkuwentuhan at nagtawanan kami. grabeng saya. Naramdaman ko na ng kakulitan namin sa Baguio.

       Hindi nga ako nagkamali dahil sa sasakyan pa lang ay panay ang tawanan namin. Ang saya talaga!No dull moment.

       Ng stop-over kami sa Balagtas para mag-ice cream. Nag-selfie kami doon.

       Sa Mang Inasal-Pangansinan naman kami nag-lunch. Di kami nakapag-selfie o picture-picture doon. Okey lang dahil gutom na gutom na kami.

       Alas-tres, narating na namin ang Blue Mounatin Hotel kung saan kami titira. Salamat kay Mam Joan dahil siya ang nagpa-reserve niyon.

       Maganda ang unit namin, maliban sa mabahong amoy mula CR.

       Umulan ng bahagya sa Baguio. Kaya di agad kami nakaalis para gumala. nag-upload na lang kami ng pictures namin.  At apsado alas-4, pumunta kami sa Baguio Cathedral. Nag-picture kami doon. nakabili rin kami ng pangkamot. Saya!

       Maganda talaga pag sarili ang sasakyan. Kahit maligaw ay mahahanap pa rin ang destinasyon. Ang mga magagandang attraction ay mahihintuan at mapupuntahan.

       Kumain kami ng dinner sa isang karinderya. Ang sarap ng kainan namin. Inihaw na talong, hito at liempo ang ulam namin. tapos may ensalada . Panalo! Nakadalawang rice ako. sarap balikan ng kainang iyon!

       At kahit bundat pa. Agad kaming nag-ikot-ikot sa Burnham Park. Maganda na ito dahil dinagdagan ng mga fountians at pinuno ng mga mga roses. Na-appreciate namin lahat. Kaya, bukas, baka balakian namin ito.

       Nag-inom kami ng tig-isang red Horse Mucho ni Kuya Driver, na asawa ni mam Edith.Inantok ako kaya nauna akong nahiga kesa sa kanila dahil nagpa-massage sila.

       First day in Baguio is really fun!!



Abril 24, 2014

       Nanuod muna kami ng TV bago nag-almusal. Di naman kami nagmamadali dahil regisration pa lang naman. Ala-una pa magsisimula ng seminar.

        Pagkaalmusal, dumiretso na kami sa  Baguio Convention Center. Nag-register at nagbayad na kami. Kahit P3000 ang bayad ay ayos lang dahil international ito. Malaki ang puntos sa pagpapa-rank. First time ko ito. May bonus pang gala.

          Pagkatapos namin magpalista, nagpicturan kami doon. Sinimulan namin ang araw ng masayang tawanan at picturan. Kailangang sulitin ang pagkakataon at gastos. He he

          Dumaan din kami sa 'The Mansion'. Nagpicturan lang kami doon. Ayos naman! Tapos, tinahak namin ang PMA. Nasayang lang ang effort at gasolina namin dahil hindi pa kami pwedeng pinapasok dahil may drill pang nagaganap.

          Sa 'Mines View Park', kumain at bumili lang kami ng souvenirs. Nakabili ako ng balabal na tie-dyed. Napalitan na ang balabal kong pula na naiwan ko sa Polot noong Hunyo.

          Sa convention center.. Naabutan pa namin ang pagpapakilala sa unang speaker. Foreigner na babae siya. Hindi niya kami na-motivate na makinig sa kanya dahil mahina ang boses niya, hindi dahil sa English ang salita niya. Isa pa, out of the topic ang sinasabi niya. Wala na ngang humor. Sayang ang oras namin, gayundin ang bayad. Kaya, nagsilabasan kami. Nagkape habang naghihintay ng snacks. Nagkuwentuhan at nagtawanan kami sa labas. Ang saya-saya! Marami kaming natutunan sa bawat isa.

          Nang makuha namin ang free snacks, umariba na kami pauwi. Alas-tres pa lang naman. Pagdating namin sa hotel, nag-upload kami ng mga pictures. Nagkuwentuhan uli at nagtawanan ng konti. Solb!

          Alas-siyete, nag-dinner kami sa Jollibee. Balak din namin sanang nag-ukay-ukay, kaya lang di pa nakapagtayo ng tent ang mga tindero at tindera. Umuwi na lang kami, pagkatpos kong bumili ng gamot sa skin allergy.

         Pagkatapos naming magplano ng itineraries para bukas, nagkuwentuhan kami ng matagal. Hindi ko nakayanan ang antok kaya humiga na ako bago mag-alas-dose.


Abril 25, 2014

     
          Maaga kaming nagising para maaga kaming makaalis at marami kaming mapuntahang Baguio landmarks. Alas-singko y medya pa lang ay gising na kami. Alas-sais, nakapaligo na ako. Alas-siyete, nag-aalmusal na kami.

          Unang itineraryo: Bell Church. Para itong Chinese Temple. Maganda. Na-appreciate ko ang lugar, kahit hindi naman ako Intsik. Makapag-picture lang ako ay ayos na.

         Pumunta muna kami sa palengke para bumili ng mga pasalubong. Bumili lang ako ng native na bawang para kay Mama. Tiyak akong matutuwa siya.

         Sunod sa Baguio Convention Center na kami tumuloy. Kailangan naming makinig man lang sa seminar st syempre kailangan naming kunin ang free snacks at lunch namin. Nakuha na rin ni Sir Erwin ang mga certificates namin kahit may seminar pa bukas. At least, di na kami makikipag-unahan sa pila.

          Pagkatapos mag-lunch, tumakas na kami sa seminar. Dumiretso kami sa Botanical Garden. Kamimlang yata ni Sir Erwin ang umikot. Napagod na sina Mam Joan. Tapos, umulan pa. Hindi nila na-enjoy ang lugar. Ito pa naman ang pinakapaborito ko. Sinabi ko iyon sa kanila, sa unang araw pa lang. Di bale na. Ang mahalaga, may pictures kami.

          Sa Pink Sisters Convent naman kami sunod na pumunta. Nagdasal lang sina Sir Erwin at Mam Jo at umuwi na kami. Nakapag-picture din ako ng part ng simbahan. Nadagdagan na naman ang collection pictures ko ng mga churches sa Pilipinas.

          Pag-uwi namin, inantok ako, kaya pagkatapos kung ma-copy ang mga pictures sa digicam nila ay umidlip ako. Kahit paano ay nabawasan ang bigat ng ulo ko dulot ng sunod-sunod na puyat. Kaya lang, ginising ako ng grabeng kati ng mga pantal ko. Bumangon na lang ako.

          Nakita ko ang concern ng mga kasama ko sa lagay ng skin disease ko. Kaya si Mam Joan ay inalam ang gamot sa kati. Nalaman niya na ang Iterax ang pinainom sa kanya noon kaya pinayuhan niya akong uminom nito at ihinto na ang Benadryl. Kaya, pagkakain namin ay bumili kami. Sinamahan nila ako. Nag-joyride pamnga kami papunta sa sentro pero sa malapit sa hotel lang kami nakabili. Nakaka-touch naman. Kaya sana ay gumaling na ako.


Abril 26, 2014

            Huling araw na namin sa Baguio Pero masaya pa rin kami. Panay ang selfie. Panay ang kuwentuhn. Napakarami naming tawanan at kulitan. Ang hindi ko lang maiwasan ay ang pakamot ng makati kong mga pantal. Nakakasira ng araw!

            Lalo pa yatang dumami ang mga pantal ko. Habang kinakamot ko ay padami ng padami. Nanganganak pa yata. Nakakabagabag na ang kalagayang kong ito. Pati ang mga kasamahan ko ay nababahala na rin.

            Gayunpaman, innjoy ko pa rin ang huling araw naming sa Baguio. Nakinig kami sa lecture nin Dr. Roderick Aguirre. Ang husay kasi niyang speaker. May sense of humor. Fluent siya sa English. Matalino at malakas ang boses. I have learned a lot from him.

            Kaya lang, kailangan na naming bumaba ng bagiuo pagkatapos ng lunch. Hindi na namin matatapos ang lecture niya. Dadaan pa kami sa kasal na co-teacher naming si Divine sa Anduyan, Pugo, La Union.

            Pasado alas-dos ay nandoon na kami sa bahay ng bride. Hind naman kami nagtagal doon dahil sa presensya ng napakaraming langaw. Nagmadali nga kaming kumain. Grabe! Kawawa ang mga residente doon dahil sa libu-libong langaw na mula sa manukan malapit sa kanila.

            Di bale na. At least, nakarating kami at nakasuporta sa bride. Hindi ng lang kami umattend ng kasal. Naunawaan naman siguro kami.

             Kuwentuhan at tawanan sa biyahe ang sumunod na nangyari. No dull moments kahit antok na antok kami. Naghalu-halo pa kami sa Razon’s. Grabeng saya!

             Inihatid naman ng sasakyan si Sir Erwin sa bahay nila. Narating ko tuloy ang lugar nila.

             Pinagmeryenda kami siyempre. At sa pagkatapos ng konting minute, umalis na kami. Na-traffic lang kami sa may pier kaya, pasado alas-diyes na ako nakauwi. Okey lang, at least, safe akong nakarating sa boarding house. Hindi naman ako masyadong pagod.

             Maya-maya, umatake lang ang kati. Nag-half baath ako para maibsan ang kati.

             Napapagod at nangangamba na ako sa kalagayan ko. Sana gumaling na ito..



Abril 27, 2014

            Alas-sais ng umaga ay bumangon na ako upang maghanda sa pagpunta sa Antipolo. Dadalawin ko si Mama. Ibibigay ko rin sa kanya ang mga halamang galing Baguio at ang mga pasalubong ko.

            Alas-9, nasa Antipolo na ako. Natuwa si Mama sa mga halamang dala ko, pati na rin sa bawang. Kung marami sana akong pera, hindi lang iyon ang bitbit ko. Di bale, mahalaga ay natuwa na siya.

            Panay pa rin ang kamot ko dahil sa sobrang kati ng mga pantal ko. Kapag naiinitan at pinagpapawisan ang katawan ko, saka umaatake ang kati. Wala akong magagawa kundi kamutin. Hindi ko kasi mapigilan. Hindi rin maiiwasang pagpawisan dahil talagang mainit ang panahon.

            Alas-singko, nagpaalam na ako kay Mama. Nalungkot siya kasi akala niya ay matutulog ako doon kahit isang gabi. Kaaalis lang kasi ni Taiwan.Kung pwede lang sana.. Kaso, andami kong labahan. kailangan ko ng umuwi.

            Habang nasa biyahe ako, naalala ko sina Hanna at Zildjian. Naaawa ako sa dalawa kong anak. Malayo na ang mga loob sa akin dahil bihira ko madalaw. Hindi naman kasi akong pwedeng dumalaw ng dumalaw dahil kaakibat nito ang gastos. Galing pa naman ako sa gastusan.Pero, naisip kong paglaanan sila ng panahon at budget. Ayoko naman kasing tuluyan silang lumayo at magalit sa akin.

           Pasado alas-7 ako dumating sa boarding house.. Wala na si Epr. Nasa trabaho na.



Abril 28, 2014

           Ipinaligo ko ng ipinaligo ang kati-kati ko. Gayunpaman, wala pa ring pagbabago hanggang naisipan kong bumili ng Katialis. Naramdaman kong guminhawa ang katawan ko. Dumalang ang pagkamot ko. Effective siguro ang gamot na nabili ko. Sana tuluyan na akong gumaling sa skin disease na ito.

           Nag-text si Emily bandang alas-4 ng hapon. Aniya: "Froi, d2 muna kmi ni ion...sa aklan...bka d2 nlng xa mag aral.kng pdi sna d2 kn mgpadla.kng gusto mu 2mulong.dkolam kng mkakblik pko jan." Di ako nag-reply. Nakakainis! Itinakas niya si Zillion. Tapos, ang kapal pa ng mukhang humingi ng pera. Alam naman niyang hindi ako nagpapadala ng pera lalo na kapag di ko makikita ang anak namin. Kailangan niyang ibalik sa akin si Ion dahil kung hindi, sosoluhin niya ang gastusin ni Ion.




Abril 29, 2014

           Wala sana akong planong pumunta sa PRC-Manila para magpa-renew ng license ko, kaya lang naisip ko, bakit hindi pa ngayong bakasyon ako. Ito na ang tamang panahon para lakarin ko ito. Di bale ng nangangati ako. Ang mahalaga. hindi ako malampasan ng bakanteng araw.


           Kaya, kahit napakainit ay tumungo ako sa Morayta. First time kong magpa-renew. Pero, hindi ko first time sa PRC-Manila. Naalala ko pa noong una kong nakarating doon. Pag-uwi ko, nanakaw ang cellphone ko sa bus. Tapos iyong pangalawa, nabigo din akong makuha ang lisensiya ko na nilakad ko s PRC-Legaspi. Nakadalawang balik pa nga ako dahil bawal pala ang hindi nakasapatos. Malas ako sa PRC.


          Pero, this time, sinuwerte ako. After two hours kasi, nagawa ko na ang dapat. Hawak ko na ang resibo na magsisilbing claim stub sa pag-claim ko ng bagong license ko after seven working days. Ayos!


         Dumiretso ako sa Gotamco pagkatapos kong mag-lunch. Si Mam Jing lang ang naabutan ko. Akala ko pa naman ay may mga co-teachers akong maabutan. Wala pala. Boring tuloy. Pero, di pa rin naman ako umalis dahil sobrang init pa. Nagkipagkuwentuhan na lang ako sa kanya at nag-type ng journal entries ko. Alas-kuwatro na ako umuwi.





  Abril 30, 2014

              Hindi pa rin ako nagging maginhawa sa biniling kong Katialis. Makati pa rin naman ang mga pantal ko. Gayunpaman, ginamit ko pa rin kasi wala na akong ibang alam na paaran upang maibsan ang nararamdaman kong pangangati. Naligo na rin nga ako ng dalawang beses pa para kahit paano at maginhawaan ako. Naisip ko kasi na baka sanhi lang ito ng sobrang init.  Halos, nakahubo’t hubad na nga ako.

           Sa kabila ng pangangati ko, ginawa ko pa ring kapaki-pakinabang ang araw ko. Nagbasa ako ng libro  ni Bob Ong. Nag-encode din ako. Natapos ko na nga ang ikaanim na chapter ng Dumb Found. Dinudugtungan ko na rin ang ikapitong kabanata nito. Gusto ko na kasi itong matapos. Napakarami ko pang dapat tapusin. Nariyan ang mga journal entries ko, mula 2006. Idagdag pa ang mga scrpits na dapat ding tapusing isulat. Mayroon pa akong “Tisa ni Maestro” na naka-hang pa rin.

          Gabi. Naisipan kong bumili ng pulbos upang ipampawi ng kati sa aking mga pantal. Agad kong pinulbusan ang buo kong katawan. Kahit paano ay guminhawa ang pakiramdam ko. Hindi na rin ako agad pinagpapawisan, na siya palang sanhi ng kati at pagdami ng pantal. Sana ay maging ok na ako. Matuyo na sana ang mga sugat ko. Napakahirap kasi. Istorbo pa sa pag-e-encode ko.     
         
 
     


 
   

       


           

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...