Followers

Wednesday, April 9, 2014

MAG-ARAL KANG MABUTI, MAG-AARAL

Bata, naisip mo ba kung bakit ka nag-aaral, kung bakit ka pinag-aaral at kung bakit ka nagkakapag-aaral?


Hindi?!

Ano ba iyan?! Bakit hindi mo alam? Hindi ba ipinaliwanag sa iyo ng mga magulang mo? O, baka naman hindi mo lang iniintindi ang mga payo nila sa iyo. Makinig ka naman minsan, kapag may time. Huwag puro laro, computer at tambay. Bigyan mo naman ng oras ang pag-iisip ng mga bagay-bagay.

Gayong hindi mo alam ang sagot sa aking mga katanungan, hayaan kong isa-isahin ko. Ooops! Huwag mo akong bastusin, bata! Ipagpatuloy mo ang pagbabasa nito. Kung hindi, magsisisi ka sa buong buhay mo. Handa ka na ba?

Kung opo, sige...

Una, bakit ka nag-aaral? Nag-aaral ka dahil karapatan mo ito. Nag-aaral ka para matupad mo ang pangarap mo. Hindi ko alam ang nais kong marating sa buhay mo, ngunit sigurado ako, napakaganda ng buhay na nais mong makamit. Ayaw mo ng ikaw ay maging mahirap. Hangad mo ang maalwang pamumuhay. Nais mong maihango sa kahirapan ang pamilya mo. Tama ba ako?

Tanungin kita uli. Bakit ka nag-aaral?

Ano? Pakiulit nga, bata!

Nag-aaral ka lamang dahil sa baon at hindi dahil sa magandang kinabukasan na iyong matatamo? Nakakapanlumo ka. Sinabi mo pa na nag-aaral ka lang dahil sa crush mo at dahil sa barkada mo. Nais mo lang magpa-cute sa crush mo at makipag-bonding sa iyong mga kaibigan. Wow! Ang tindi mo, bata! Genius ka. Ang sarap mong sabitan ng medalya--- medalya ng kabubohan.

Pangalawa na tayo. Bakit ka pinag-aaral? Pinag-aaral ka dahil iyon ang obligasyon ng mga magulang mo at ng gobyerno sa'yo. Pinag-aaral ka upang hindi ka mapariwara. Pinag-aaral ka para hindi ka matulad sa mga magulang mo na nakaranas ng paghihikahos sapagkat kapos sila sa edukasyon o kaya matulad ka sa kanila na gumanda ang buhay. Pinag-aaral ka sapagkat kailangan mo ang kaalaman para sa pagharap ng bukas.

Ngayon, bakit ka pinag-aaral?

Ano?! Lakasan mo.

Pinag-aaral ka lang dahil kailangan ng diploma? Ha ha! Nakakatawa ka bata. Kahit bigyan kita ng isang sakong diploma, kung hindi ka mag-aaral ng mabuti, balewala lang lahat ng mga iyon.. Naunawaan mo? Sana naman..kasi mahirap magpaliwanag sa taong may makitid na utak. At kung diploma lang naman ang habol mo, sige, huwag ka na mag-aral. Pwee ka naman magpagawa ng diploma sa Recto. Ngunit tandaan mo, ang karunungan ay hindi kayang gawin doon. Ikaw ang gagawa nun...

Pangatlo at huli: Bakit ka nakakapag-aral? Nakakapag-aral ka, hindi lang dahil pinag-aaral ka ng mga magulang mo, kundi dahil pinag-aaral ka ng gobyerno. Ang pag-aaral mo ay libre, lalo na kung ikaw ay nasa public school. Libre ang libro. Walang tuition. Ganyan ka pinahahalagahan ng gobyerno, hindi lang ng pamilya mo. Masuwerte ka nga, nakakapag-aral ka. Samantalang ang iba, kailangan munang maghanapbuhay, kailangan munang malamnan ang sikmura, bago ang utak. Meron pa nga, kung kailan tumanda saka la naisipang mag-aral. Ang mga nasa bundok na bata, sa tingin mo nakakapag-aral sila ng tama?

Sagutin mo. Bakit ka nakakapag-aral. Oo, quiz ito. Tingnan ko kung ikaw ay natuto.

Ano? Ano uli ang sagot mo?

Nakakapag-aral ka dahil gusto mo?! Ano bang sagot iyan? Para kang engot.. Hindi mo man lang inisip ang pondong inilalaan sa iyo ng Pilipinas para makapag-aral ka lamang. Hindi mo man lang pinahahalagahan ang mga buwis na ibinabayad ng mga magulang mo at ng lahat ng Pilipino para may pondo sa edukasyon mo. Wala kang utang na loob, bata! Ang sarap mong premyuhan ng isang kaltok.

Nakakapanlumo ka talaga, mag-aaral. Mag-aaral nga ba talaga ang dapat itawag sa'yo o dapat ay mag-papasaway? Siguro nga tawagin ka na lang "pasawayero" dahil hindi ka naman nag-aaral ng mabuti, nagpapasaway ka lang sa mga guro mo. Wala ka namang natutunang mabuting aral at asal. Ni salitang respeto nga hindi mo alam. Baka kahulugan ng mag-aaral ay hindi mo kayang ibigay.

Hay! Wala na akong masabi. Ikaw na talaga, bata, ang pag-asa daw ng bansa.. Ayoko na magkomento baka ma-high blood na ako. Iiwan ko na lang sa'yo ang mga salitang ito: "Mag-aral kang mabuti, mag-aaral ka kasi."

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...