"Cool off muna
tayo," malungkot na sabi ni Margie kay Rolan sa pasilyo ng kolehiyong
kanilang pinapasukan.
Akala ni Rolan ay masaya
sila sa relasyon nila. Wala naman silang pinag-awayan bago nag-sembreak.
"Hindi ko alam kung kaya kong tanggapin 'yan," ang tanging naturan
niya. Mahinahon. Gusto niyang magtanong kung bakit at kung ano ang nagawa niya.
"Sorry..."
"Sorry?
Bakit?" Naguguluhan si Rolan.
"Gusto kong bigyan
ng chance ang isang lasenggong manliligaw ko upang magbago." Mas nagulat
si Rolan sa pagtatapat ng kasintahan. Ganoon ba kababaw ang relasyon nila?
Kahit anong oras ay puwedeng iwanan at palitan ---- nang walang dahilan?
Gulong-gulo ang isipan
ng binata. Ang akala niya ay isang pagkakamali ang nagawa niya upang
makipagkalas ang nobya. Isa palang kahungkagan at kabaliwan ang kanyang rason.
Ipinaliwanag ni Margie
ang lahat. Pinagtitinginan nga sila ng kapwa nila estudyante, pero hindi na
nila iyon ininda.
Nalaman ni Rolan na
sinagot niya ang manliligaw niya na nireto ng kanyang pinsan. Lasenggo raw iyon
at gustong magbagong-buhay, makapiling lamang siya. Naisip nga niya, sana ay
naging adik na lang din siya para 'di siya ipinagpalit. Iyon pala ang uri ng
tao ang gusto niyang makasama sa buhay niya.
"Pa'no ako?"
Nangingilid na ang luha ni Rolan. "Paano na ang mga pangarap natin? Alam
mong mahal na mahal kita..." Gusto na niyang umiyak sa sobrang sakit.
Pareho na silang
emosyonal. Nakakaagaw na sila ng atensyon.
"Sana mapatawad mo
ako. Mahal ko na siya..." Pabulong na ang boses ni Margie. Yumuko na rin
siya. Ayaw na niyang tingnan sa mga mata si Rolan.
"Sana lumigaya ka
sa kanya. Sana mapagbago mo siya." Pabulong na rin ang salita ni Rolan.
At, pareho na silang nakadungaw sa veranda, habang nakatingin sa kawalan. Hindi
kumibo ang dalaga.
"Gusto kitang
yakapin." Mas mahina ang boses ng binata, ngunit alam niyang narinig ito
ng kanyang minamahal. "...sa huling pagkakataon."
"Kung puwede lang
sana..." Napakalambing pa rin ni Margie kay Rolan. Ang kanyang tinig ay
may halong panghihinayang.
Pagkatapos niyon, 'di na
sila muling nagkita hanggang grumadweyt sila. Tila napakalawak ng pamantasan
nila para hindi sila magtagpo.
Isinubsob ni Rolan ang
kanyang sarili sa pag-aaral sa kabila ng kabiguan. Nagsisisi rin siya kung
bakit hindi niya ginalaw si Margie gayong madalas naman siya sa kanilang bahay.
Nagsisisi siya sa pagiging masyadong maginoo. At napagtanto niya na matagal na
palang nagpaparamdam ang kanyang mahal na sila ay magpakasal o magsama na.
Hindi niya lamang binigyang-halaga dahil sa labis niyang determinasyon na
makatapos ng kolehiyo.
Lumipas ang sampung
taon, isa nang matagumpay na guro si Rolan sa Maynila. May sarili na siyang
pamilya, at alam iyon ni Margie. Pinuntahan kasi niya ang bahay ng dating
kasintahan at ng lasenggong asawa nito, limang taon ang lumipas simula nang
mag-call off sila.
"Handa akong iwanan
ang asawa ko, makasama ka lang, Margie. Magsama na tayo." Lasing noon si
Rolan kaya malakas ang loob na pumunta sa bahay ng iniirog, kahit alam niyang
ikakapahamak nilang pareho.
"Umalis ka na,
pakiusap. Hindi maaari ang sinasabi mo. Hindi mo kilala ang asawa ko..."
Tila may malaking
problema si Margie, naisip ni Rolan. "Wala akong pakialam. Mahal na mahal
kita!"
"Honey!?"
Isang boses ng lalaki ang narinig ni Rolan mula sa bintana sa ikalawang palapag
ng bahay nila. Ang hula niya, iyon ang asawa ni Margie.
"Andiyan na!"
sagot ni Margie. Saka, nagmadali na siyang pumasok.
Hindi sumuko si Rolan.
Nakipag-communicate pa rin siya kay Margie sa text. Sinasagot naman siya nito
nung una pero ilang linggo ang lumipas, hindi na niya makontak ang mahal.
Bigong-bigo si Rolan.
Apektado ang kanyang trabaho at nahahalata na rin ng kanyang asawa na hindi na
niya napapansin ang kanilang anak.
Hindi naman siya
nasasaktan dahil hindi niya nakuha ang pagkababae ni Margie. Nasasaktan siya
dahil hindi siya nito nahintay. Hindi niya natupad ang kanyang pangako. Lumipas
ang mga taon. Naputol na ang kanilang komunikasyon. Hindi na mahanap ni Rolan
si Margie sa kanilang probinsya. Wala siya sa Facebook. Walang kamag-anak na
nakakaalam ng kanyang kinaroroonan. Ang tanging balita niya ay naghiwalay na
sila ng lasenggong asawa. Ang anak niya ay naiwan sa lalaki.
Nanumbalik ang sigla ni
Rolan sa trabaho at pamilya. Paminsan-minsan na lamang niya ito naiisip.
Unti-unti na rin niyang natutunang mahalin ang kanyang asawa.
Isang araw, pauwi si
Rolan mula sa paaralang pinapasukan niya. Isang pamilyar na mukha ang nakita
niya sa loob ng dyip na kinalulunaran niya. Tinitigan niya ito nang husto.
Sinipat-sipat mula ulo hanggang paa. Matangkad. Maputi. Matangos ang ilong.
Maganda. Si Margie nga, bulalas niya sa isip. Kumabog ang puso niya, lalo na
nang magkasalubong ang kanilang mga paningin. Animo'y nanumbalik ang mga araw
na sila ay masaya pa ni Margie sa piling ng bawat isa.
Sa kabilang banda,
nalungkot si Rolan. Tiningnan niyang muli ang babae. "Si Margie ba
siya?" tanong niya sa kanyang sarili. Isa na siyang tomboy. Panlalaki na
ang kanyang mga suot. Maikli na ang kanyang buhok. Hindi siya si Margie. Hindi
siya ang mahal ko.
Nanghinayang din siya.
Kaya, dumungaw na lang siya sa bintana at pinilit na iwaglit ang isipan sa
babae at kay Margie. Aniya, masaya na siya sa kanyang pamilya. Malapit ko ng
matutunang mahalin ang asawa ko, bulong niya.
Hindi pa rin bumaba ang
tomboy. Tapos, naramdaman ni Rolan ang pagtitig sa kanya ng kanyang kaharap.
Umiwas siya ng tingin, ngunit alam niyang tinitingnan pa rin siya nito. Ganoon
tumitig si Margie, naalala niya.
Nagsalubong muli ang mga
mata nila. Kung siya nga si Margie, handa akong mahalin siya sa kabila ng
kanyang piniling katauhan, sabi niya sa isip niya habang hindi maalis ang
tingin niya sa tibo. Maya-maya, tinabihan siya ng tomboy na maganda at
bumulong. "Gusto mo pa rin ba akong yakapin?"
"Oo,
Margie..." bulong na sagot ni Rolan. Sumandal si Margie sa kanyang
balikat. "Ikaw nga, Margie." Niyakap ni Rolan ni Margie at halos,
umagos ang mga luha nila sa ligaya.
No comments:
Post a Comment