Followers

Wednesday, April 9, 2014

Noon at Ngayon sa Classroom

Napakalaki ng kaibahan ng mga mag-aaral noon at ngayon. Malayong-malayo. Ni wala sa katiting.

Noon, nakukuha sa tingin ang mga mag-aaral. Kapag tiningnan ka ng guro mo, matutunaw ka sa hiya, na parang sorbetes. Hindi na kailangan pang lumapit ng guro o magsalita kaya. Isang matalim na titig lang, ayos na.

Maraming nagagawa ang mga maestro at maestra sapagkat hindi siya naaabala sa pagpapatayo-tayo at pagsasaway.

Ngayon? Ewan ko ba! Garapal ang mga ugali ng mga bata. Tiningnan mo na lahat-lahat, hindi pa rin titigil. Ang nakakayamot pa, makikipagtinginan pa sa'yo. Kailangan mo pang sumigaw para tumigil siya. Minsan pa nga, makakapagmura ka na sa sobrang galit mo. Hay! Hindi na nakuha sa tingin, hindi pa rin nadala sa sigaw at mura.

Anyare, sa mga estudyante ngayon? Dala ba ito ng urbanisasyon? O dulot nga mga teknolohiya at kompyuterisasyon? O sadyang kulang lang sa self-discipline? O baka naman, nasobrahan sa pagkalinga ng magulang?

Hay, ambot! Hindi naman ako ganyan, noong ako'y kaedad nila. May hiya ako sa sarili ko at sa kapwa ko, lalong-lalo na sa mga guro ko. Ipatawag pa nga lang ako ng titser ko, halos tumulo na ang mga luha ko habang palapit sa table niya. Iniisip ko kaagad kung ano ang nagawa kong kasalanan. Pero, ang mga estudyante ngayon, wag ka..halos maupo na sa upuan mo at makipagpalit na ng puwesto sa'yo. Ginagawang tambayan ang teacher's table.

Ano ba yan?! Hindi man lang nila alam ang salitang gap. Pakiramdam nila, barkada lang nila ang mga guro nila. Porke ba, nakikipagbiruan sa kanila ay maaari na silang magpasaway o maglalalapit at magfeeling close?

Noon, walang nakakapagbiro sa mga guro. Ngayon, bibiruin ka na, pupunahin pa ang pisikal mong kapintasan, na hindi mo nagawa sa kanila dahil isinaalang-alang mo ang kanilang damdamin.Kung disiplina ang pag-uusapan, walang-wala sa kalingkingan ng mga mag-aaral noon ang mga mag-aaral ngayon. Noon, may self-discipline. Ngayon, wala ng self, wala pang discipline. Ibig kong sabihin, wala na lagi sa sarili, wala pang disiplina.Kaya, madalas kong sinasabi " Ang taong walang disiplina ay bobo".

Totoo naman e. Ilang beses mo na sinabing ibulsa o ilagay sa bag ang kanya-kanyang basura, ang gagawin ng iba ay ilalagay sa ilalim ng upuan o sa singit-singit. At ang masama pa, sa upuan ng iba nilalagay. Napapagbintangan pa tuloy ang iba. Grr! Nakakahigh blood talaga.

Sana ang noon ay ngayon pa rin. Hindi sana mahirap maging guro. Disin sana'y may kalidad din ang edukasyon ngayon gaya noong panahon. Sayang, suntok sa buwan na yata ang classroom scenarios noon. Isa na lang marahil ---- kasaysayan.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...