Followers

Wednesday, April 9, 2014

Ang Aking Journal (Disyembre, 2013)

Disyembre 1, 2013

      Pasado alas-diyes ng umaga ngayong araw, nag-text si Emily. Sabi niya:"Froi, pdi hatid q n c ion martes..." Nalungkot akong bigla. Parang hindi pa ako handa na kunin siya dahil nag-aaral ako. Idagdag pa ang kaluguhan ng sitwasyon nina Jano sa Bautista. Nasa pangangalaga ni Mama si Courtney. Hindi ko alam kung kakayanin pa ni Mama ang mag-alaga ng isa pa. Financially, kakayanin ko.


      Nasabi niya sa akin na mangingibang-bayan na lang siya. Kaya, siguro ipapaubaya na niya sa akin si Ion. Mabuti naman iyon. Dapat nga nasa akin rin ang anak namin kung di niya lang kinuha. Ngayon naman ay sumusuko na siya physically and financially.


      Nag-reply ako. Sabi ko na ngayon na niya ihatid. Sinubukan ko lang siya. Baka sakaling sinusubukan niya lang ako. Pero, ilang oras ang nakalipas, nag-reply siya. Alas-4 na lang daw niya ihahatid. Wala akong magagawa. Dapat kong panindigan. Dapat maging masaya na ako dahil makakasama ko na lagi ang anak ko.


      Pasado alas-4, nakuha ko ha si Zillion. Nagkita kami sa Recto. Tapos, dumiretso na kami sa Antipolo. Awang-awa ako sa bata. Kahit parang alam na niya na sa akin na uli siya, nakakalungkot isipin na hindi pa rin buo ang pamilyang titirahan niya. Wala naman akong magagawa dahil di pa ako ready tanggapin ang nanay niya.


      Alas-7:30 nasa Bautista na kami. Natuwa si Mama nang makita si Ion. Huli nilang magkita ay noong kinuha siya ni Emily, Abril iyon. Handa daw siyang alagaan at patabain ang kanyang apo.


Disyembre 2, 2013

     Sinulit ko ang buong araw na kasama si Ion. Hindi naalis sa paningin ko aking anak. Pinagmasdan ko kung kaya niya na ba uling tumira sa Lola Enca niya at kay Courtney. Sumama nga kami sa paghatid sa kanya sa Day Care Center. Naglaro sila habang hinihintay ang guro. Napansin ko na pwede na siyang mawalay sa akin.


     Pasado alas-dos, pumunta kaming apat sa Cogeo. Ibinili ko si Mama ng electric airpot. Kailangan niya daw kasi. Tama naman, lalo ngayong kasama niya na ang anak ko.


      Iiwan ko na sana si Ion sa Gate 2, kaya lang ayaw niyang bumitaw sa 
akin. Kaya, sumama uli ako pauwi sa Bautista. Pasado 5:30 na ako nakatakas sa kanya. Nalungkot ako dahil kailangan ko siyang iwan. Naaawa ako sa kanya dahil alam kong magkakaroon siya ng negatibong ugali pag kinalakihan niya ang ganitong sitwasyon.

     Kinalma ko ang sarili ko. Dapat hindi ko siya dapat na iniisip para makatulog kaming pareho ng matiwasay. Alam ko naman na hindi siya pababayaan ni Mama.


Disyembre 3, 2013

      Masama ang pakiramdam ko maghapon. Masakit ang ulo ko. Idagdag pa ang sakit ng bagang ko. Mabuti na lang ay hindi ako masyado na-stress sa kasasaway. Siguro dahil naging busy sila sa summative test ko sa Math. Sa Filipino class ko naman, nagawa ko pa ring basahin sa kanila ang part 5 ng Lola Kalakal.

      Nag-text naman si Emily. Nagtanong siya kung ok si Ion. Kukunin daw niya on or before Pasko. Naitanong din kung may yaya at kung nasaan. Nang sinagot ko na nasa Bautista, hindi na nag-reply. Napahiya siguro. Akala niya makakaputa siya sa tirahan ko. Iyon ang gusto niya. Dumidiskarte. Hindi pa ako handang makisama sa kanya.


Disyembre 4, 2013

      Nag-aalamusal ako nang sumakit ang bagang ko. Ang tindi ng sakit na dulot nito. Nakakapraning. Parang binibiyak ang utak ko. Nawawala naman pagkalipas ng ilang minuto. Kaya, naligo ako para pumasok. Pero, habang naliligo ako, mas tumindi ang sakit. Halos, mamilit ako sa sakit. Kaya, nagdesisyon akong umabsent. Hindi ko kakayanin ang sakit kapag sa school pa ako inatake.


      Natulog ako. Hindi rin ako makalabas para bumili ng gamot dahil hawak ni Eking ang susi. Baka di na ako makapasok. Mabuti at hindi na ito sumakit.


      Pasado ala-una na ako bumangon para kumain. Nag-instant sotanghon at tinapay na lang. Sana tuloy-tuloy na ang pananahimik ng cavities ko sa bagang. Gusto ko ng pumasok bukas.
      

Disyembre 5, 2013

      Pumasok na ako. Kaya lang nakatakda ngayon ang pagdala namin ng 40 Grade V pupils sa Pasay City Public Library. Ako ang isa sa dalawang naatasan na sumama. Wala si Sir Erwin, kaya kami ni Mam Diana ang nag-tandem. Ala-una pa naman. Nag-faculty meeting muna kami tungkol sa Christmas Party. Twelve-thirty pinapasok ang mga bata. At pagdating nila, pinili namin ang isasama.


      Enjoy naman ang story-telling. First time ko. Na-appreciate ko ang layunin ng City Hall sa activity na iyon. Sa tingin ko, nagustuhan din iyon ng mga bata, lalo na ang Section 1 kasi sila ang madalas kong kuwentuhan. Naisip ko nga, sana maranasan ko rin maging storyteller sa ganoong uri ng crowd. May bayad man o wala. Ang mahalaga ay maipakilala ko ang akda o mga akda ko.


      Alas-4 na kami nakabalik sa school. Nag-spelling na lang kami. Na-enjoy din naman nila.


      Pagkatapos ng klase, saka ko naramdaman ang sikip ng dibdib ko. Parang nahihirapan akong huminga. Tapos, may runny nose pa ako. Napagod ako. Gusto ko na sanang makauwi ng maaga kaya lang kailangan ko pang mag-grocery. Na-trap pa ako sa matinding traffic. Buwisit talaga!


      Gayunpaman, masaya ako sa buong maghapon. Nakita kasi ako ng mga pupils kong babae, habang nag-aabang kami ng dyip na masasakyan pauwi kanina, na tinulungan ko ang matandang babae. Una, tinanggal ko ang aso na kumahahol sa kanya. Maliit na lahi lang ng aso iyon na nakatali sa may daanan, pero natatakot siya. Tapos, maya-maya, hindi ha naman siya makatawid. Nagsabi siya na tulungan ko siyang itawid, kaya itinawid ko siya. Kinantiyawan ako ng mga bata. Ang bait ko daw. Naalala nila si Lola Esme sa kuwento ko. Nakakatuwa, parang nangyari ang mga gusto kong gawin.


Disyembre 6, 2013

     Maaga akong nakarating ng school, kaya mayroon pa akong oras para makipagkuwentuhan. Inuna kong puntahan ang room ni Mam Sharon. Inimbita ko ang sarili ko sa Christmas Party nila. He he.

     Sunod, si Mareng Lorie. Pinag-usapan namin ang health ko. Sabi niya huwag akong magpakapagod. Nakita niya pa ang post kong pictures sa story-telling session kahapon. Tapos, nabanggit ko ang tungkol sa exchange gift ng grupo namin.

     Last, si Mam Diana ang kausap ko. Tungkol sa kanyang contract as casual employee ang usapan namin.

     Then, nag-concentrate na ako sa pag-prepare ko ng flaglets na gagamitin namin sa Math Olympics, habang hinihintay ko ang pagpasok ng mga pupils ko. Natapos ko naman bago sila dumating. Nakapag-check pa ako ng activity sheets nila.

     Nagturo ako ng 'Kinds of Angle" at nagpa-activity. Nabigyan ko rin sila ng mga ideya at inspirasyon sa pag-aaral. Sabi ko, swerte ng iba sa kanila dahil natuturuan sila ng mga magulang nila. Iyong hindi, ay malas. Iresponsahle ang mga magulang na hindi natututuan ang anak nila, gaya ko. Sinabi ko sa kanila na iresponsable din akong magulang dahil hindi ko natututuan ang mga sarili kong anak. Mas natuturuan ko pa nga sila. Sana naunawaan nila ang nais kong ipahiwatig.

     Nagkaroon ng lagumang pagsusulit ang Section 1. Habang sinasagutan nila ang mga tanong, tinatanong nila ako. Kaya, nakapagbahagi ako ng kapirasong buhay ko. Naikuwento ko sa kanila na sakitin ako dahil noong kabataan ko ay dumanas ako ng hirap ng buhay. Naging hardinero. Naging mangingisda. Sana nakapagbigay din ako ng inspirasyon.

     Bago pa ako lumabas, kinuwentuhan ko pa sila ng part 5 ng Sir Gallego. Bitin na naman daw. Sabi ko, mahaba pa ang istorya kaya marami pa silang aabangan. Nakaka-flatter naman dahil nagugustuhan nila ang mga kuwento ko.

     Nagalit ako sa MTAPpers ko dahil antatagal kumilos. Nakaupo na ako pero sila parang hindi interesado. Kaya, sinabi ko sa kanila na bahala na sila. Ayoko na mag-train.

     Pag-uwi ko, inihanda ko ang mga ipapadala ko sa L300 para kay Mama. Nilimas ko angnlaman ng ref. Binalot ko ang electric stove at frying pan. Tinalian ko ang box ng DVD player, pagkatapos kong ilagay doon ang mga laruan ni Ion, ref magnet, light bulb, etc. Para akong maglilipat ng bahay.

     Habang hinihintay ko ang pagdating ni Jano, nakipag-chat ako sa isang magulang na ang anak ay biktima ng bullying. Parang nahiya ako dahil hindi ko agad naaksyunan kanina. Naipabaranggay muna ng magulang ang bully, bago ko sila nakausap. Ang balak ko sana ay sa Monday ko pa kakausapin ang magulang ng nanapak. Gayunpaman, naipaliwanag ko ang labis kong paghahangad na maging magkakaibigan ang mga magkaklase. Nagpaumanhin naman ang ina sa abala niya sa akin.

     Nakuha nina Jano ang mga gamit bago mag-alas diyes ng gabi. Hindi ako sumabay kasi di naman sila bibiyahe bukas. Sayang ang pamasahe. Bukas na lang ako pupunta, after ng klase ko sa CUP.


Disyembre 7, 2013

     Napuyat ako kagabi. Alas-dos y medya ay dilat na dilat pa ako. Para akong nakabato. Andami-dami ko tuloy ideas na naisip para sa KAMAFIL at GES Math Club. Naisip ko rin baka iniisip ako ni Epr. Binibiro ko kasi sila ni Bee na gusto ko ng mamatay dahil ayaw ko kagpa-checkup ng lungs ko. Sineryoso nila.

     Kaya naman, mabigat ang ulo ko nang pumasok ako. Nakakatamad. Tapos, wala pa akong kausap. Wala si Mam Julie. Ayaw ko naman kausap si Mirando dahil wala naman akong panama sa mga activities niya. Mabuti nga ay dumating na ang professor namin sa Legal Aspects of Education. Nagturo na siya.

     Mahusay siya. Palibhasa Ph D. na at kung saan-saan nagtuturo, like La Salle at Ateneo. Taga-UP kasi kaya fluent magsalita ng English. Nakakailibs. Andaming alam. Natuto agad ako. Kaya lang baka, high standard. Need pa naming gumawa ng research paper as requirement of the subject. Mabuti groupings naman, kaya di masyado hassle.

     Ang lamig sa Moot Court, kung saan kami nagklase. Nakakanginig ng buto. Mabuti naka-long sleeves polo ako. More than two hours din kaming gininaw. Hindi rin pala maganda ang masyadong malamig. Nakakawala din ng concentration.

     Kay nag-report na sa Advanced Administration and Supervison. Dalawa. Negative ang reactions ni Dr. Bal'Oro. I agree. Di marunong mag-report. Sana pag ako na ay di naman ako mapulaan ng prof. Sabagay, sanay na ako sa reporting. Since college days, mahusay lagi ang report ko. I act as a teacher kasi, not a reader. Mabuti pa ang reporter sa next subject, alam niya ang sinasabi niya, kahit may kodigo.

     Maaga ding natapos ang report sa Current Issues. Kaya nakauwi kami ng maaga.

     Agad akong umuwi ng Bautista. Dumaan lang ako sa Puregold para bumili ng biscuit in a plastic box. Saka ako nag-LRT. Grabe, naranasan ko uli ang lastikman style na pagsakay ng train. Andaming pasahero. Halos, magkadikit na ang mga puwet at ari namin.

     Pasado alas-8 ako nakauwi ng Bautista. Na-miss ako ni Ion. Tuwang-tuwa ng makita ako. Kaso, maaga kaming natulog dahil puyat ako kagabi.


Disyembre 8, 2013

      Dumating si Taiwan bago ako nagising. Hindi tuloy ako makabuwelo ng kilos at tulog. Hindi pa rin kasi kami nagkikibuan. Pero, pagka-almusal niya, umakyat na at natulog. Kaya, bumaba naman ako. Nagtagal kami sa baba. Nakipag-bonding ako kay Ion. Kinakausap ko siya. Panay ang kuwento niya. Nalaman ko tuloy na sinasabihan siya ni Mhel (angThat's My Tomboy niyang tiya), ng ilalagay siya sa sako gaya ng basura. Naawa naman ako sa bata. Kahit naman pasaway ang anak ko ay hindi pa nararapat na sabihan ng ganoon. Magkakaroon siya ng trauma. Kaya, kapag kinuha uli ni Emily si Ion, sasabihin ko ito sa kanya paa malaman niya kung di pa niya alam o kaya aware siya na nagkukuwento ang bata.
     

     Nahirapan akong magpaalam kay Ion. Umiiyak siya. "Gusto ko sumama sa'yo", aniya. Naawa naman ako. Kaya lang, wala akong nagawa kundi iwanan siya ng umiiyak. Masasanay din siya uli, pag tumagal.
     

     Nakauwi ako bandang alas-9 ng gabi.


Disyembre 9, 2013

      Pumasok ako ng maaga para makasulat ng lesson plan. Pagdating ko sa school, sinabihan ako ni Mam Amy na ngayong araw darating ang bisita from NCR DepEd. Kaya nagkandaugaga ako sa paggawa ng LP at visual aids. Nakakataranta ang mga bisita dahil titingnan daw ang mga forms namin. Kahit paano ay may takot din ako. Ayoko namang mapulaan ako sa pagiging iresponsable kong guro.


      Nagawa ko naman on-time.


      Nagsimula na ang internship ng student teachers. Kaya nagsimula na rin akong magturo. Tapos, pinag-observe ko pa sila sa pagtuturo ko sa Math at Filipino. Kaso, pagdating ko sa Filipino ay halos mawalan na ako ng hininga. Hindi ko napaganda ang turo ko.
      
      
Disyembre 10, 2013

      Pumasok ako ng maaga dahil may meeting kami sa principal.
       

      Masaya ako ngayong umaga. Nagturo ako ng masaya at dahil dito, alam ko naunawaan nila ako. Ngunit pagdating ko sa Section 1, binigo nila ako. Nagkagulo sila sa groupings. Bihira lang ako magpa-group work ay hindi pa nila nagawang tama. Nainis ako. Nagsermon ako hanggang naramdaman ko na lang na emotional na ako. Sinabi ko ang nangyari kahapon sa sarili ko. Sinabi ko na any time ay babawian na ako ng buhay pero di pa rin nakikita ang mga ginagawa kong pag-i-inspire sa kanila.

      Lumuha ako. Lumuha din sila agad. Marami akong nakakaiyak na sinabi kaya na-touched sila. Ang mga anak ko na napapabayaan ko.


      Nagkuwento ako. Lalo kong silang kinonsensiya at pinaiyak. Tumigil lang sila nangnnagsimula na ako sa gawaing pangsilid-aralan namin. Tahimik ako pagkatapos, gayundin sila. Then, na-realize ko na lumabas pala ang pagiging inglesero ko kapag emotional o nagagalit.


      Di ko naman ikakahiya na napaiyak nila ako. Mahalaga, na-inspire ko sila. Nasabi ko sa kanila na itinurturing ko silang mga anak. At napakapalad nila kung ikukumpara sa aking mga sariling anak.
       

      Walang nakaalam niyon sa mga kaguro ko. Buong maghapon kaming masaya pagkatapos ng nangyari sa akin. Nagturo din ako sa mga intern ko. Nag-demo pa ang isa sa Math kaya dinnapagod ang hininga ko. Gayunpaman, nararamdaman ko pa rin ang pananakit at paninikip ng dibdib ko.
       

      Naglaba pa ako pag-uwi ko. Si Eking, di man lang ako matulungan kahit sa paghugas ng pinagkainan. Ako lahat . Nakikita naman niya na ugaga na ako sa mga gawaing bahay ay di man lang magkusa. Minsan, naisip kong magreklamo.
       

     Nang tapos na ako sa mga gawain, nagmessage si Ann Kassiel. Sabi niya:

Dear Sir froilan,

Sorry po pala sa nangyari kanina,sangayun po wala po akong masabe gusto ko lang pong mag sorry.Sir ayaw po namin kayong mawala at ayaw rin po namin kayong mawalan nang pag asa sa mga anak ninyo at wag nyo pong isipin na nawawalan kana nang pag asa. Sir wag nyo po sanang isipin na na disapointed ka po namin, ang totoo po proud po kami na ikaw ang naging teacher namin kasi po kahit dinidiiplina nyo po kamiay ok lang po dahil naiintindihan namin ang pag ka tigas nang ulo namin.At sir ikaw rin po ang nagparamdam nang pagmamahal at pagiging ikalawang tatay namin .At sir wag nyo pong isipin na di mo nagampanan ang pagiging ama sa mga anak mo ,sir kung ano ang nararamdaman namin na kasayahan ganun din sila zillion. Sir wag karin mawalan ng pag asa sa sakit mo sige ka malulungkot kami,sir love na love kanamin wag ka pong mawalan nang pag asa naandito lang po kami para sayu

ann kassiel
ang iyong estudyante

       Nakakatuwa.


Disyembre 11, 2013

      Maaga uli akong pumasok para gawin ang mga natitira kong gawain sa school, gaya ng pagtse-check ng mga papel at pagga-gardening. Naabutan nga ako ng grupo ni Aila Bautista, pupil ko sa Section, na nagtatanim. Angnsipag ko daw. Dahil, time na, naghugas na ako ng kamay.
      

     Nilapitan nila ako at kinausap. Sabi ni Aila, "You inspire me, Sir!" Huwag lang daw ako mawawala. He he. Natuwa ako ng lihim. Ayaw din pala nila akong mamatay. Ibig sabihin, mabuti akong tao. Kaya ang sagot ko ay pabiro: "Bahala kayo. Mumultuhin ko kaya." "Wag, Sir!" sabi nila. Nagtawanan kami.
     

     Masaya ako sa mga pangyayari sa school. Kaya lang, nagpasaway ang pupil ni Sir Rey sa time ko, habang ngatuturo ang intern ko at ako ay nag-oobserve sa labas. Nagkipag-away sa babae. Kitang-kita ko na kahit inaawat na ay ayaw pang tumigil at gusto pang saktan ang kaklase. Nauyam ako, kaya binitbit ko siya at pinaupo malapit sa akin. Pinagsasalitaan ko siya ng masasakit dahil sa sobrang galit ko. Paano ba naman ay nagagalit pa sa akin. Di nga nagsalita, pero kung makatingin ay parang lalamunin ako ng buo.

     Ayun! Suspended siya for 7 days. Inaksyunan ng adviser niya.


     Nabastusan lang ako sa ugali ng batang iyon. Sayang, marunong pa naman sa Math.


Disyembre 12, 2013

      Nagmadali akong pumasok para magawa ko ang annual report sa Filipino. Nasimulan ko na ito kagabi, pati ang documentation ng Buwan ng Pagbasa. Di ko lang natapos dahil gabing-gabi na ako nakapagsimula.


      Bakit kasi alanganin ang pagdating ng memo?!


      Di ko rin natapos kahit nasa school na ako ng bandang 8:30. Andaming sagabal. Walang net. Kaya di ko makuha ang mga pics sa FB ko. Isama pa ang pagdating ng mga pupils. Nag-recitation kami. Tapos, pinagpatuloy ang "We Love Math" Campaign.


      Ang good news lang ay nakapagpaalam ako kay Sir Socao na gaganapin ko sa Dec.21 ang Math Olympics sa bagong covered court. Nakahingi din ako ng medals. Tinupad niya ang pangako niya.


      Masaya uli ako dahil nakikita iong masaya ang mga kaguro ko. Panay ang biruan namin nina Sir Erwin at Mam Diana.Green jokes. Intellectual topic. Everything under the sun.


      Agad akong umuwi. Gumawa agad ng report. Mabuti nagamit ko ang net. Nakisama. Natapos din before eleven o'clock. 
Sana maganda ang output ng printouts.

      Nainis ako sa text ni Emily. Kukunin niya daw uli si Ion dahil di niya kaya ang lungkot. Sabi ko naman, e di kunin mo sa Linggo. Tapos, nagtanong pa kung kumusta. Ok naman ang sabi ko. Akalain mong nagtanong uli ng mas nakakainis. " Panu u nsbi n ok c ion.?dpt sau xa kht me work ka.ako nga kht msdmi trbho cnsmz ko mga ank ko.kht hrap ako... magkakaroon n xa yaya...kunin q ulet" Di ko na sinagot. Baka mag-away pa kami uli. Kinukuwestyon niya ang pag-aalaga ni Mama. Kaya nagagalit sa kanya si Mama dahil sobra ang ire niya sa utak niya. Alangang isama ko sa school ko. Public school iyon. Mabuti sana kung pwede ng mag-aral. Tanga! Gusto niya lang makipagbalikan eh. Bigo siya. Gusto niya ay dito sa bahay titira si Ion para makadalaw siya.


Disyembre 13, 2013

      Napakaaga kong bumangon para magbanlaw ng ibinabad kong damit. Kailangan ko ring pumasok ng maaga upang ipa-print ang Annual Report ko sa Filipino na pinaghirapan ko ng dalawang gabi. Sulit naman ang pagpasok ko ng maaga dahil nagawa ko lahat sa oras. Pasado alas-9 pa lang ay ready to pass na ang report ko. Tambay-tambay na lang pagkatapos. Hinintay ko si Mam Rodel.
     

      Pumasok pa rin ang 26 pupils ko. Naawa tuloy ako kay Mam dahil magsasaway na naman siya pag-alis ko. Wala pa naman si Sir Erwin.

      Umalis ako ng school bago mag-11:30. Di ko kasi alam ang Pasay City East High School. One-thirty pa naman ang meeting namin kaya lang gusto ko na maaga akong umalis para di ako ma-late sakaling mahirapan akong maghanap ng venue.


      Nagkita kami ni Mam Lucas sa kalye. May meeting din yata. Binigyan niya ako ng direction para mahanap ko PCEHS. Na-gets ko agad, kaya di muna ako pumunta doon. Dumaan muna ako sa Baclaran. Tumingin-tingin ako ng pwedeng iregalo.


      Nilakad ko na lang din ang venue simula sa Baclaran. Napakaaga ko. Inantok lang ako. May dumating na kasamahan ko bago mag-1:30. Kaya lang parehong nasayang ang effort at oras namin dahil sa Music 21 daw ang venue. Hindi pala meeting kundi Christmas Party. Doon din kami last year. Nakakainis! Nagpadala pa sila ng memo pero iba naman ang sinunod nila. Di naman nila nilinaw na party na.


      Pumunta kami ng kasamahan ko sa Music21 Plaza. Naroon na ang iba, kasama ang district coordinator ko. Nag-sorry siya sa akin. Okay lang naman.


      Past 3 PM nagkakainan na kami. Medyo dumami kami. Marami na ang pagkain. Wala nga lang alak. Nagkantahan lang. Hindi man ako nakakanta, masaya naman ako at nakasali ako sa Christmas Party. Gusto ko lang namang masanay sila sa akin o makilala nila ako.


      Past 7PM, nagsiuwian na kami. Hindi naman kinuha ako annual report. Ako lang yata ang gumawa at nagdala sa party. Okay lang, at least, nakagawa ako. Kaya ko palang gumawa niyon in a time pressure.


Disyembre 14, 2013

       Maaga akong nakaalis. Naliligo pa nga lang si Eking nang lumabas ako ng bahay. Di niya alam na wala akong pasok sa masteral. Didiretso ako ng Antipolo. Dumaan lang ako ng Gotamco para kunin ang grocery na bigay ng Pasay City Hall. Past ten, nasa Bautista na ako. Tuwang-tuwa si Ion nang makita ako. Niyakap niya ako ng mahigpit.


        Pagkalipas ng ilang minuto, sinabi ko na kay Mama na kinukuha na ni Emily si Ion. Labag sa kanyang loob. Sana daw pagkatapos na ng Pasko. Sinabi ko kay Zillion. Pero, agad niyang sinabing ayaw niya. Di ko nga akalaing sasabihin niya dito lang siya at ayaw niyang umuwi. Siguro ay nagugustuhan na niya dito dahil marami siyang pagkain. Masaya siya dito. Isa pa ay ang Tita Mhel niya na madalas siyang tinatakot na ilalagay sa sako.


        Naiinis nga kami ni Mama pag naaalala ang mga kuwento ni Ion. Tapos, kanina, nalaman ko pa na wala na pala silang kuryente doon. Kawawa ang bata. Kaya pala inuubo nang binigay sa akin. Kawawang Ion kung babalik siya sa Caloocan. Makakatikim na naman ng hirap.


        Hapon, pinakausap ko si Zillion sa Mama niya. Narinig mismo ng ina ang sinabi ng bata na ayaw niyang umuwi. Kaya, pumayag naman si Emily. Nabunutan ako ng tinik. Sumaya na ang loob namin ni Mama. Akala kasi namin ay hindi namin makakasama ang bata sa Pasko. Gusto kasi naming magkita-kita silang tatlong magkakapatid ngayong Christmas Seasons.


Disyembre 15, 2013

      Nainis ako sa mga text ni Eking. Napaka-demanding. Inutusan akong bilhan siya ng mga regalo para sa kanyang Monito. Tapos, ibalot ko pa daw. Diyusme! Parang hindi pa kolehiyo. Imbes, gabi pa ako bibiyahe pabalik, napaaga. Pinatulog ko lang si Ion ng bandang 2PM ay umalis na ako.


      Dumaan ako sa Farmer's Plaza. Gusto ko na sanang mamili ng mga panregalo kaya lang parang tinatamad pa ako. Si Epr lang ang nabilhan ko. Nabilhan ko na rin si Eking sa tigsasampung piso. Meron na siyang something long and hard, something soft at something cute.


      Pag-uwi ko, ako pa talaga ang pinagbalot. Di daw siya marunong. Napaghahalatang di minsan nagbigay ng regalo. O talagang tamad lang. Ewan ko.


Disyembre 16, 2013

      Nag-prepare ako ng lesson plan at teaching materials. Akala ko madaming pupils ang papasok. Pero, konti lang pala. Tapos, wala pa si Mam Diana at ang intern ko na si Vanessa. Kaya, wala na naman kaming palitan. Nagturo naman ako sa first period. Pagkatapos, nagpasuroy-suroy na kami. Nag-picture-an kami sa Christmas bulletin board namin at sa We Love Math Wall. At nang nagkainan kami kasi birthday pala ni Mam Rodel. Nakapag-gardening pa ako.


       Pagkatapos ng klase, nagbayad ako ng RCBC bill ko. Bumili na rin ako ng t-shirt na susuotin ni Prinsipe Eking sa kanyang Christmas party. Nakabili rin ako ng pang-exchange gift ko at susuotin ko. Siyempre, papataob ba ako?! He he. A-attend nga ako sa Blog Awards sa Sabado. Invited ako ng organizer. Feeling proud to myself dahil inimbitahan ako kahit di ako nakahabol sa submission of entries.


       Nag-chat kami ni Shobee habang nasa biyahe ako hanggang sa matapos ako maglaba. Malapit na pala siyang lumipad patungong Korea. Dapat magkita pa kami..


Disyembre 17, 2013

      Walang masyadong bata na pumasok. Less than twenty lang ang sa akin. Kaya, wala nagturo. Naglaro na lang ang mga pupils ko, habang ako ay nakapag-bonding with my co-teachers. Pahinga naman siyempre dahil Christmas season naman.


      Naawa lang ako sa pupil ko na si Kim kasi pinagsusuntok siya ni Rodolfo kahapon. Di naman kasi nagsumbong kaya di ko naaksyunan agad-agad. Dumiretso sila ni Danica B. sa guidance, na ikinagalit ko. Natakot na sila magsabi, dahil nagagalit na ako. Pumunta ang nanay ni Kim, pagkauwi niya. Pumunta rin kanina. Kaso, di sumasagot ang nanay ni Rodolfo sa tawag ko. Di rin pumasok ang bata. Nahiya tuloy ako na hindi nabigyan ng aksyon at kaukulang parusa ang bully.


      Pumunta rin ang lola ni Danica. Umaasang mabibigyan ng solusyon ang nangyari.


      Grabe talaga ang mga bata ngayon. Hindi na nga nakaksunod sa aralin, hindi pa nakakagawa ng tama at maganda. Nakakasakit pa.


Disyembre 18, 2013

      Pinautang ko si Mareng Lorie ng dalawang libong piso para sa gamot ng Mama niya. Ang laki ng pasasalamat niya sa akin. Tapos, nagkuwentuhan kami tungkol kay Emily at sa mga anak ko. Sinabi niya rin na huwag na akong umuwi ng probinsya. Dito na lang daw kami magturo hanggang mag-retire. Oo, sabi ko. Nagbago na nga ang isip ko. Kaya lang naman ako nakaisip ng ganun dahil kay Emily. Lagi niya kasing sinasabi na utang na loob ko sa kanya ang pagkapasok ko sa Gotamco.


      Nag-deposit din ako ng 13k pesos sa cooperative namin. Bale, P20,500 na ang aking capital share.
       

      May pumasok pa ring pitong estudyante ko. Pero ok lang, di naman sila ang mga pasaway na bata. Naglaro lang sila. Nagkainan din kami. Nakatulog pa ako after ng pananghalian. Masakit lang sa ulo dahil medyo bitin.

     Paglabas ko ng school dumiretso na ako sa Harrison Plaza. Bumili ako ng panregalo sa dalawa kong inaanak na baby girls. Nahirapan akong mamili ng maganda at mura. Kaya nang nakakita ako, binayaran ko agad. Pinareho ko na lang ang size, style at color. Para tuloy kambal ang magsusuot, he he.
      

Disyembre 19, 2013

      Maaga akong nakarating sa school. Akala ko kasi ay maagang magsisimula ang Christmas Party. Hindi naman pala. Mga pasado alas-9 na yata iyon nagsimula. Hindi na nga nakapagpalaro ang bawat grade level. Nag-talk lang si Sir Socao at PTA president. Tapos, nagpa-raffle.


      Pumunta agad kami sa Tramway Buffet Restaurant. Sa sobrang gutom, agad akong lumantak ng pagkain. Kaya lang, umurong na naman ang tiyan ko. Konti lang ang kinuha ko pero busog na busog na ako. Di bale, matikman ko lang ang mga iba't ibang putahe ay ayos na.


       Bumalik kami sa school pagkatapos kumain. Mga 1 PM na iyon. Nagkantahan sila kaagad. Nag-inuman. Nakaisang lang beer lang ako. Kaya parang nahihiya akong kumanta. Pero, nang pinatagay ako ni Sir Rey ng brandy, uminiom ako. Nakadalawang shots ako. Ayun, nakakanta na ako. Nakasayaw-sayaw pa ako. Ang saya ng party namin. Sayang lang kasi nag-uwian na ang iba. Sina Lester, Mia, Mareng Lorie, Mam Glo, Mam Dang, Mam Bel, Sir Rey, Sir Erwin, Sir Joel, Sir Vic at ang mga non-teaching lang ang mga naiwan. Swerte naman at nagpaiwan ako dahil nagsabog ng mga barya si Mam Glo. Mabuti inimbitahan siya kahit retired na. Naka-200 plus din akong barya. Namigay din siya ng P20-bills. Naka-80 pesos din ako. Binigyan pa ako ng foldable bag at face towel. Sulit na sulit ang binigay kong P150 sa raffle. Nabunot ko naman sa raffle ang isa sa pinakamahal, ang set of 4 ng glass/tumbler. Pag mabait ka talaga ay biniyayaan ng Diyos.


       Bukas, baka makatanggap uli ako ng mga regalo mula sa Section 1. Wala kasing party ang advisory class ko. Pasaway sila. Hindi nila ako pinaligaya mula June hanggang December. Puro sakit sa dibdib ang binibigay nila sa akin. Kaya, mainggit sila sa iba. Di na ako mapapagod, hindi pa ako magagastusan.


Disyembre 20, 2013

       Hindi ko binigyan ng Christmas Party ang advisory class ko dahil buong taon silang nagpasaway sa akin. Alam naman nila ang dahilan kaya hindi na sila nagpumilit. Kaya lang, nakiusap ang iba kay Mam Diana na makikiparty sila sa klase niya. Medyo nakakahiya pero wala akong nagawa. Tapos, nakikain din ako.
       Nakatanggap ako ng mga regalo mula sa mga bata. Parker pen. Pabango. Mugs. Etc. I am blessed. Kaya, pag-uwi ko, piniktyuran ko isa-isa, lahat ng gifts na natanggap ko mula pa noong Lunes, then, in-upload ko sa Facebook. Nilagyan ko ng captions bawat picture para malaman nila na thankful ako sa regalo nila, maliit o malaking halaga man ang binigay nila.
        Naiinis ako kay Emily. Kukunin na niya daw si Ion sa Dec 23. Akala naman niya naaalagaan niya ng husto. E ang payat nga ng bata. Inuubo at may sipon nga nang binigay sa akin. Tapos, malaman-laman ko pa na wala silang kuryente at ang pinakamasama ay ang isyung isasako daw si Ion ng tiyahin niyang tomboy. Magkakaroon ng takot ang bata sa ginagawa niya. Yari sila sa akin....


Disyembre 21, 2013

          Pasado alas-7 ay nasa school na ako. Nauna na raw sina Aila at Nica. Umalis lang. Matagal-tagal akong naghintay, bago dumating ang team ni Allysa. Kumpleto sila. Di tulad ng ibang team. Tig-tatatlo o tig-aapat lang. Tapos, hindi pa nakumpleto ang pitong team. Wala ang green team o ang team ni Fatima. Nakakayamot. Andaming gustong sumali..di nakasali dahil sa kanila. Gayunpaman, tinuloy pa rin namin ang Math Olympics. Nagpa-cheering ako. Nagpa-relay ng long numbers. Nagpa-memory game ng polygons at nagpa-running and solving word problems. Successful naman ang activity namin. Salamat kay Sir Socao sa binigay niyang medals.
         Maagang natapos. Kaya, nakapunta pa ako sa Baclaran. Nakapamili ako ng panregalo sa mga pamangkin ko sa Antipolo at kay Zillion. Andami ko pang dapat bilhin. Wala pa para sa Sia Family at sa mga Elizaga adults. Nilista ko nga, napag-alaman kong almost 1/3 pa lang ang napamili ko. Wew! Malaking halaga ang kailangan ko para makumpleto. Okey lang, basta makapagpasaya ako. Ilang taon ko na rin itong ginagawa, kaya dapat ipagpatuloy ko.

Disyembre 22, 2013

     Umalis si Eking bandang alas-8:30 ng umaga papunta kay Kuya Jape. Dumating kasi sina Aileen. Hiniram din ang rice cooker. Masakit ang ulo ko at magbabanlaw ako ng mga damit, kaya di ako nakasama. Isa pa, mamamasyal din kami sa MOA kasama sina Jano. Niyaya ko naman sila pero di daw sila makakasama.
      Pasado ala-una na sila nakarating. Nalungkot ako kasi akala ko kasama nila si Hanna at Zildjian. Hindi pala napuntahan ni Flor Rhina. Gayunpaman, pinilit kong maging maligaya para kay Zillion at para sa kanilang lahat. Hindi man ako gaanong nag-enjoy, nakita ko naman na silang lahat ay masaya, lalo na ang anak ko. Masaya na rin ako dahil kahit paano ay naging memorable kay Ion ang araw na ito.
      Mabuti na lang at sa December 26 pa kukunin ni Emily si Ion. Makakasama pa namin siya. Sana lang magsama-sama ang tatlo kong anak bukas. Pupuntahan ulit namin sina Hanna at Zj sa bahay nila bukas. Sayang tulog na yata sila kaninang pagdaan namin, di tuloy namin sila nasabihan na papasyal kami bukas kasama sila.

Disyembre 23, 2013

      Ayaw sumama ni Mama sa pagpunta kay Hanna at Zildjian, dahil nahihilo siya sa pagkauntog ng ulo niya sa CR nina Gina kagabi. Akala niya pa na iiwan ko si Zillion sa kanya. Hindi niya alam na isasama ko sa Paco. Alam ko naman kasi na hindi naman ipapasama sa akin ang magkapatid.


      Masaya akong makita sina Hanna at Zildjian. Malungkot lang dahil ganoon pa rin kailap si ZJ. Si Hanna lang ang agad na lumapit nang makita kami ni Ion. Gayunpaman, maligaya na ako na masaya silang nakita ako. Mas masaya ako nang sumama sila hanggang bayan. Kasama nga lang si Nanay. Niyaya ko na lang para sumama si Zildjian.


      Hindi ko naman nabilhin ng kahit anong pamasko ang dalawa. Hindi kasi maganda ang mga tinda sa Victory Mall. Kaya naisip ko na bigyan na lang ng perang pambili. Ok naman ang ideya ko kay Nanay.


       Binilhan ko ang magkapatid ng spaghetti at burger sa Jollibee, meron din ang mga kasama nila sa bahay.Di na kami nag-dine in kasi mako-conscious lang si Zildjian, saka di ki rin masasabi kina Hanna ang mga gusto kong sabihin dahil andoon ang lola.


       Binigyan ko ng tig-500 pesos ang mga anak ko. Nagbigay din ako ng pamasko sa lola nila. Tuwang-tuwa siya sa ginawa ko. Kaya naman, pumayag na siya na hihiramin ko ang dalawa pagkatapos ng Pasko.


       Hindi ako nag-text kay Aileen na nasa Paco na kami. Gusto kong magpahinga. Ayoko muna mamasyal na kasama sila. Naiinis pa rin ako sa aking tamad na alaga.


        Mabuti nga at dumating si Aileen. Libre ako sa pag-aalaga. Maasikaso ko naman ang mga anak at pamilya ko. Pasko naman. Bahala na muna siya kay Eking.


Disyembre 24, 2013

      Gusto ko sanang dumaan kina Aileen kaya lang baka magyaya sila ng pasyal. Gusto kong makauwi ng Antipolo bago dumilim kasi mahirap na sumakay pag gabi na. Kaya, namasyal kami ni Ion ng kami lang dalawa. Sa Luneta kami gumala. Masaya naman ako at si Ion. Masaya akong makasama ang anak ko at makita siyang masaya sa nakikita niyang kapaligiran. Siyempre, hindi nawala ang pictures, na magdodokumento ng moment niya.


      Nakauwi kami ng Bautista ng bandang ala-una y medya. Hindi ako nag-text kina Aileen na umuwi kami ng Paco pero nag-upload ako ng pictures ni Zillion. Bahala silang mag-isip ng kung anong gusto nilang isipin.Basta ako, sinulit ko lang ang mga sandali na kasama ang anak ko. Inuna ko lang ang pamilya ko. Kung may time pa ako, sila naman. Naka-schedule nga ang pagpunta ko kay Epr sa December 28. Nakapangako na ako.


Disyembre 25, 2013

      Hindi naman kami sumalubong sa Kapaskuhan. Natulog lang kami ng maaga kagabi. Masaya naman ako dahil kasama ko si Zillion.


      Pasado alas-otso pumunta kami ni Ion sa bahay nina Jano. Malas, tulog pa sila. Katok ako ng katok pero walang nagising. Kaya umuwi na lang kami. Nilakad lang namin pauwi kahit sobrang init na. Kulang na kasi ang barya ko. Sandaan naman ang pinakamaliit na paper bill. Tapos, punuan pa ang jeep.


      Ang hirap dito sa bahay ni Mama. Walang CR. Di tuloy ako makapoopoo. Di rin makapaligo. Nanlalagkit na ako. Di bale, kaunting tiis na lang. Babalik na ako sa Paco.


      Nag-text si Epr. May plan B siyang sinabi. Pagpunta ko raw sa kanila, sasama na siya pabalik sa bahay. Titira na siya sa akin. Imbes na 28 ako pupunta sa kanila, sinabi ko na lang na December 30, baka kasi may biglaan lakad pa ako with may children o my relatives. Pumayag naman siya.


      Mahihirapan lang ako nito magsabi kay Ate Ningning at Eking kung bakit ako magpapatira ng iba. Naisip kong ipakilala si Epr bilang pinsan ko para wala silang masabi. Mas gusto ko namang kasama si Epr kesa sa tamad na si Eking. Isa pa, two weeks naman siyang nasa field. Bihira lang siyang nasa bahay.


       Gayunpaman, umaasa aking magiging magaan at masaya ang samahan namin ni Epr. Nais ko rin makatulong sa kanya, matagal na. Ito na marahil ang katuparan.


Disyembre 26, 2013

      Hinihintay ko na i-text ako ni Emily, kasi usapan namin na kukunin niya na si Zillion. Pero, di siya nagparamdam. Hindi rin tuloy ako kumilos. Dapat sana, pagkahatid ko kay Ion, kukunin ko naman sina Hanna at Zildjian. Umalis pa naman si Mama kaya hindi ko rin maiwanan si Ion.


      Okay lang na hindi muna kunin si Ion. Ayaw pa naman ni Mama ibalik. Isa pa, ayaw din ni Ion na bumalik sa Caloocan. Kapag sinasabi ko kasing kukunin na siya ng Mama niya, sumasagot siya ng "Ayaw ko na doon". Kahit di naman niya masabi ang dahilan ay alam ko kung bakit gusto niya dito sa Antipolo.


Disyembre 27, 2013

      Pasado alas-nuwebe ng umaga, umalis ako upang sunduin sina Hanna at Zildjian. Hinihintay na pala ako nila nung isang araw pa. Kaya agad nilang pinaliguan ang dalawang bata.


      Nakakakuwentuhan ko si Nanay, ang dating kong biyenan. Parang walang nangyaring di maganda sa amin ng anak niya. Iyon ay dahil sa iginalang ko sila sa kabila ng lahat ng masakit nilang sinabi at ginawa sa akin. May mukha pa rin akong inihaharap.


      Nakasama si Zildjian. Akala ko ay hindi sasama sa akin. Nauto. Gusto kasing magpabili ng tablet kaya sumama siya. Mas pinili pa nga niya ang tablet kesa sa magkaroon ng 7th birthday party sa March 3. Napasubo yata ako pero ayos lang. Kaya naman, kahit ang mumurahin lang.


      Masaya ako dahil nabuo ko na ang tatlo kong mga anak. Ngayon lang din nagkalaro sina Zillion at Zildjian. Napansin kong magkasundo naman sila. Magkapatid talaga.


Disyembre 28, 2013

      Pinilit kong maging mabuting ama sa tatlo kong anak. Bihira kong matipon ang mga anak ko. Mula pagtulog nila kagabi hanggang paggising nila kanina ay asikasong-asikaso ko sila. Pinaliguan ko ng sabay-sabay. Tapos, binantayan habang naglalaro. Kaya lang, sinumpong na naman ng katalinuhan si Zildjian. Tumae siya sa brief niya. Sinabi ko na sa kanya kahapon pa na magsasabi kapag natatae. Pero nagsabi siya ay may tae na ang salawal niya. Okay lang. Pinagbigyan ko. Kaya lang, inulit niya. Nainis ako ng sobra dahil nakikisabay pa sa sakit ng ngipin ni Zillion. Iyak ng iyak ang kapatid niya at nagawa pang tumae sa brief. Naabala pa ako ng husto. Parang wala pang isip para di makapagsabi na natatae na siya. Ang malala, inuulit uli sa ikatlong beses. Ang pinakamalala ay ang magsinungaling pa. Hindi pa inamin na siya ang naamoy namin. Gabi na ng nagpahugas siya sa ate niya, Hindi ko na inasikaso sa sobrang yamot ko. Nawalan na naman ako ng amor sa kanya gaya ng ginawa niya noong last birthday niya. Gusto ko na ngang ibalik sa ina niya. Kung di lang inatake ng sakit ng ngipin si Zillion ay inihatid ko na. Panira ng araw. Nasobrahan sa hiya. Pero, matigas ang mukha at ulo. Naisip ko tuloy kasalanan ko ba? O kasalanan ng mga nakakasama?


Disyembre 29, 2013

      Nawala talaga ang amor ko sa sariling anak ko. Hindi ko alam kung anong problema ko sa kanya. Ako ang tatay, pero hindi ko kayang unawain ang ugali niya. Siguro ay hindi naman talaga ako nauuyam sa anak ko kundi sa mga kasama niya sa bahay dahil hinayaan siyang ganun.


      Tinext ko si Flor Rhina na itext si Mary Jane. Nagpapasundo na kasi si Zildjian. Nakarating naman agad. Akala namin ni Mama ay si Zj lang ang gustong umuwi, pati pala si Hanna. Iniyakan pa ang Mama niya para makasama. Nainis kami ni Mama kaya di na namin pinilit na magpaiwan. Naisip namin na gusto lang pala makuha ang mga damit at gamit niya dito.


       Mabuti naman at ganun ang nangyari. Makakatipid ako sa budget. Hindi rin kami mahihirapan masyado. Okay lang na si Ion lang ang nasa amin. Kung ayaw nila sa amin, problema nila iyon.


       Napag-usapan namin nina Mama, Tiya Letty at Gie ang mga anak kong kusang lumalayo sa amin. Sa sobrang disappointment namin ay pati pisikal na kalagayan namin ay napansin namin. Kakaawa lamang sila. Kasi ngayon pa lang na nasa Antipolo sila ay hindi na maganda ang kutis at katawan nila, lalo pa siguro kung nasa Bulan na sila. Baka lalo silang pumayat, umitim at ma-stress. Balita pa namang ang stepfather nila ay nanakit na lasenggo. Tsk tsk.. Ngayon palang ay nangangamba na ako.


       Huwag nila akong sisihin kapag may masamang nangyari kina Hanna. Ginusto namin, lalo ako na mapabuti ang mga bata, pero sila mismo ang ayaw niyon. Mas pinili pa nila ang mali at mahirap na set-up.


       Hindi talaga ako nalulungkot na umuwi na ang dalawa. Grabe! Parang di sila nakaka-miss. Iba talaga pag malayo na ang loob. Dati ayaw kong mapalayo sa akin si Hanna. Okay lang noon sa akin na wala si Zildjian sa piling ko. Pero ngayon, pareho ko na silang kayang tikisin. Kabaligtaran sila ni Ion. Si Ion ay lovely at amorous, madaldal, funny, talented, bibo magandang lalaki at sociable. Sabi nga ni Mama, mami-miss niya ng husto kapag umalis na.


       Wala naman sana akong paboritong anak. Lahat ko silang gusto dahil dugo ko sila, kaya lang sila mismo ang ayaw sa akin st kusang inilalayo ang loob. Ang mga kasama naman sa bahay ay wala rin sa tamang pag-iisip. Maano man bang dalhin nila regularly kay Mama nandito man ako o wala para sa masanay at hindi malayo ang loob. E hindi eh. Kung kelan lang susunduin saka lamang nila ibibigay. Minsan pa nga hinihiram na, ayaw pa rin. Kaya, magsisisi sila sa bandang huli.


       Panindigan ni Mary Jane na yan ang obligasyon niya bilang ina. Kung ayaw niyang lumapit sa akin, di ako ang lalapit sa kanila. Tama na ng mga kalokohan nila. Ang pilosopiya ko ay "Kung sino ang lumapit, siya ang magkakamit."


      Bukas, aalis ako. Bibisitahin ko ang bahay ko baka nababoy na ng alaga kong batugan. Alam ko rin na tambak na ang labahan doon. Kaya maglalaba ako. Dapat pupunta ako sa Laguna, kina Epr. Iyon kasi ang usapan namin. Pero, kailangan kong magtipid. Andami kong gastos nitong mga nakalipas na araw. Hindi na nga ako magbabalot pa ng mga regalo.


      Patawarin sana ako ng Diyos sa mga nangyari at mga sinabi ko.


Disyembre 30, 2013
         
      Alas-nuwebe, umalis ako ng Bautista. Hindi na ako namalayan ni Zillion dahil isinama siya ni Mama sa pagwalis sa garden. Alas-dose pasado na ako nakarating ng Paco. Pagkakain ko, sinimulan ko kaagad ang paglilinis. Iniba ko uli ang ayos ng mga gamit para di kami masikip. Magiging tatlo na kami sa kuwarto dahil makikitira na si Epr sa amin ni Eking. Naging maaliwalas at maluwag naman ang ayos ko.


      Matagal na naming plano ni Epr na magsama sa boarding house. Kung nga lang dumating si Eking ay baka matagal ko na kasama ang bestfriend ko. Kaya, huwag na huwag silang magagalit kapag tumanggap ako ng boarder. Kung hindi mapipilitan akong humiwalay kami at ibalik ko sa kanila ang batugan nilang si Eking. Hirap na hirap na nga ako sa kabibiyahe, pati ba naman sa mga gawaing bahay ay di ako matulungan. Hay, ang hirap magpalaki ng "buntol". 


Disyembre 31, 2013

      Napuyat ako kagabi sa kakaisip sa mga karanasan ko sa buong taon ng 2013. Maganda man at pangit na pangyayari ay sumagi sa isipan ko. Nagplano rin ako ng kaunti para sa darating na mga araw sa taong 2014.


       Alas-dose y medya nasa bahay na si Epr. Dala na niya ang kanyang mga gamit at damit. Mabuti wala pa si Eking kaya di pa niya malalaman na lilipat na siya sa amin. Saka na lamang niya malalaman kapag dumating na si Epr mula sa trabaho sa Enero 14, 2014.


      Habang nasa biyahe si Epr papunta sa amin, ka-text ko si Shobee. Hindi daw kasi nagsabi ng plano niya sa kanya. Bilang pinaka-close na kapatid ay nasaktan siya. Iyak siya ng iyak nang tumawag. Nagpaalam na lang daw si Epr nang aalis na siya. Nilinaw ko naman sa kanya nanhindi ko kagustuhan ang bagay na iyon. Sabi ko nga, sinakripisyo ko rin ang okasyon para sa kapatid niya. Hindi naman daw siya galit sa akin. Alagaan ko na lang daw si Epr dahil hindi na sila magkikita sa ilang taon. Sa Enero 9 kasi ay lilipad na siya sa Korea para magtrabaho. Nangako naman ako na gagampanan ko ang tungkulin niya bilang kapatid. Nagpasalamat siya sa bandang huli ng aming usapan.


      Sinabi ko kay Epr na umiyak si Bee pero hindi na iyon nadugtungan. Umiwas yata siyang pag-usapan. Okay lang. Ang mahalaga ay di naman sila nag-away, kundi nag-unawaan.
         

      Bago mag-6 ng hapon ay nasa MOA na kami para sa Countdown To 2014 ng GMA 7. Andami ng tao. Ang haba na ng pila para sa mga papasok sa venue area. Di pa naman nagtatagal kaming nakapila ay nakapasok na kami. Napakalapit namin sa stage. Pero, natagalan ang pagsimula. Halos dalawang oras kaming nakatayo sa siksikan ng mga tao. Dahil puyat ako ilang gabi na, nagugutom na rin at masakit ang ulo at lalo pang nahilo sa samu't saring amoy ng mga manunuod, ay sumuka ako. Nakalabas tuloy kami ni Epr ng di oras. Di na kami nakabalik sa venue. Sayang ang mga performances na di namin napanood. Pero okay lang dahil nakakain kami ng hapunan. Nakagala-gala din kami. Umiinom na lang kami ng konting Tanduay-strawberry punch habang nagkukuwentuhan. Sayang dahil wala kaming camera na may flash, kaya di kami makapagpicture. Gayunpaman, masaya ako dahil sa wakas natuloy kami sa countdown. Ang saya palang manuod ng fireworks pagkatapos pumatak ang alas-dose. All in all, sulit naman ang gastos, pagod at oras na ginugol namin para doon.

       Ala-una, nakasakay na kami ng bus patungong Cubao. First time kong maranasan ang New Year's Eve na nasa kalsada pa ako ng Kamaynilaan. Nakakatakot pero malakas ang loob ko at nakahanda ako sa anumang mangyayari.


      Alas-dos ay nasa Cogeo kami. Naghintay kami ng matagal dahil wala pang dyip na patungong Paenaan. Alas-3 na kami nakauwi at nakahiga. Mabuti gising pa si Taiwan. Nagising din naman si Mama pagkabukas sa amin. Hindi naman siya nagalit. Nagpasabi naman kasi ako kay Jano.
          Natulog na agad kami ng di kumain. Sobrang pagod at puyat na kasi.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...