Followers

Sunday, April 13, 2014

Ang Aking Journal --- Pebrero, 2014

Pebrero 1, 2014

          Alas-5:30 ng umaga ng tumunog ang alarm ko. Pupungas-pungas akong bumangon para maghanda sa pagpasok. Nakamamatay pa ang lamig ng tubig..

          Alas-7:30 nang magsimula akong mag-discuss sa NAT review. Nakakainis ang mga pupils. Ayaw naman makinig ng karamihan. Nahirapan ako kahit kaunting lalaki lang ang bawat laman ng isang classroom. Hindi naman sila interesadong tumaas ang result ng achievement test.

          Mabuti na lang ay nakaraos din ako sa review.

          Past 12, trineat kami ni Sir Erwin sa Shakeys' sa Harisson Plaza. Birthday niya kasi bukas.

          Pagkatapos naming magsalu-salo, tumungo naman ako sa Manila Zoo upang makipagkita kay Rean. Malapit na naman kasi siyang umalis papuntang Taiwan.

          Sa Manila Zoo, nagkuwentuhan kami, habang hinihintay naman si Rhea Gloriane na kaibigan niya at schoolmate namin. Pagdating ng huli, nagkuwentuhan din kami, habang hinihintay ang kapatid at pamangkin niya.

          Pasado alas-kuwatro, trineat kami ni Rean sa Chowking. Ipinagpatuloy namin ang huntahan habang kumakain. Doon ko nalaman kay Rhea na hindi maganda ang condo. Nagtratrabaho kasi siya sa Federal Land. Pinaliwanag niya sa akin na mas maganda ang house and lot. Nagde-depreciate ang condo at maraming monthly charges. Nag-a-appreciate naman ang value ng lupa.

          Mabuti na lang ay na-meet ko siya. Kung hindi, baka habambuhay akong magsisisi dahil kukuha ako ng condo. Thanks, God! Maganda talaga ang nakikipagkapwa-tao.

          Tapos na kaming kumain nang mag-text si Mia. A-attend pala kami sa Muziklaban sa World Trade Center. Kaya naman, di na ako nakahatid sa kanila hanggang sila ay makasakay.

          Nakapasok naman agad kaming tatlo nina Mia at Lester sa concert venue kahit napakahaba ng pila.

          First time kong dumalo sa isang rcok concert. Kakaiba ang feeling lalo na mga tunay rocker talaga ang mga nandoon. Pero, ayos lang dahil nakablack naman ako. Hehe. Kainis lang kasi may sukbit akong knapsack na may laman na laptop. Uneasy ako. Mabigat.

          May free beer kami. Di ko nga naubos. Nasayang din ang sa dalawa. Naalala ko nga si Epr. Sayang wala siya. Nang tinext ko nga at nang makita niya ang post ko sa FB, naramdaman ko ang panghihinayang niya.

          Masaya naman ako kahit medyo out-of-place ako at di ko kilala ang mga rock artists at mga kanta nila. Talo pa nga ako ni Mia. Ang mahalaga, experience.

          Si Lester naman, umalis bandang 8:30. May party daw na dadaluhan. Kaya pinilit kong maging masigla para di ma-boring si Mia. Pero, inaantok na ako at sumasakit na ang likod ko. Idagdag pa ang feeling na natatae ako. Napilit ko lang na magtagal hanggang pasado alas-dose.

          Nahiya ako kay Mia. Gusto pa kasi niyang tapusin ang concert. Tapos, nang nasa labas na kami, saka naman kakanta si Ely Buendia. Nanghinayang ako. Di bale na, huwag lang ako matae doon. Kung hindi lang sana mahaba ang pila sa CR di na sana kami nakauwi agad.


Pebrero 2, 2014

          Nagpahinga at nag-FB lang ako maghapon. Kailangan kong bumawi sa mga pagod at puyat ko. Bukas, pasukan na naman. Magsasaway at magtuturo sa mga batang makukulit. Marami din aking dapat tapusin gaya ng bulletin board, landscape project at mga report.

          Past seven, nag-text si Ate Ning. Nangumusta. Sabi ko, mabuti naman kami. Nainis lang ako kasi nagtanong kung bakit ready-made na pagkain na lang ang kinakain namin. Pati ang kuntador at ang balance sa tuition ni Eking. Parang duda. Diyusme! Di, man lang nagtanong kung naglalaba na ba ang anak niya. Ni sarili niya ngang damit ay hindi matiklop.. Parang gusto ko ng sabihing kunin na nila ang anak niya. Ayoko na!


Pebrero 3, 2014

          Lunes na naman. Nakakatamad man ay sinikap ko pa ring makapasok ng maaga. Andami ko pa kasing gagawin sa school. Kailangan kong subukan ang bagong printer ng Grade 5 kung ito ba ay gumagana. Kailangan ko ring mag-print ng mga kailangan ko sa bulletin boards.

          Masigla akong nagturo maghapon. Pasaway lang ang mga bata dahil kulang ang teachers. Gayunpaman, matagumpay kung naituro ang objectives ko sa Math at Filipino.

          Nag-PM si Aileen sa FB. Magpapadala na raw siya sa Miyerkukes. Siya daw kasi ang nag-aalaga kay Carlitos dahil umuwi si Ate Lori sa Tarnate, Samar. Kaya, di siya nakapagpadala noong February 1. Ok ang sabi ko.


Pebrero 4, 2014

          Nakapaghanda ako ng lesson plan at activity sheets. Nakapagturo ako ng Math ng mahusay sa Section Mars. Ngunit pagdating sa Section Mercury, nainis ako sa sobrang ingay. Masyado silang na-overwhelmed sa motivation ko tungkol sa mga libro ni Bob Ong, bilang paghahanda sa lesson na 'Mga Bahagi ng Aklat".
   
          Nag-walk out ako. Ipinagawa ko na lang sa kanila ang activity sheet. Nakakalungkot lang dahil mababa ang nakuha nila. Kailangan ko talagang i-discuss muna.

          Hapon, sinimulan namin ang Math-Art Contest. Nakulangan lang kami ng time kaya wala pang output na maganda. Ipapatuloy ko na lang bukas.


Pebrero 5, 2014

          Maaga akong pumasok para sa Journalism Training ko with selected Grade V pupils. Naging successful naman dahil may outputs akong nakolekta. Naging interesado din silang maging staffers ng Tambuli.

          Nagpaalam na ang mga interns namin. Nag-reshuffle kasi sila. Bago na ang intern ko. Nakakalungkot dahil hindi ko pa naturuan ng husto si Mam Vanessa. Pero, pinasalamatan niya ako. Nalaman din namin sa kasamahan niya na puring-puri kami ni Mam Bal'oro.

          Grabe ang pagod ko maghapon. Pero nakapag-grocery pa ako. Kailangan e, nagpadala na kasi si Aileen.

         
 Pebrero 6, 2014

          Second day ng Jounalism Training. Konti lang ang dumating. Late pa. Pasaway talaga. Akala mo naman, ang gagaling na. Ni hindi pa nga ma-master ang paghati-hati ng talata.

          Gayunpaman eager ang lahat na makasali sa Tambuli. Kaya, namigay na ako ng assignment o ng susulatin nilang articles. Then, pinagawa ko sila ng lathalain. Nakaka-disappoint lang dahil hindi pa rin sila nakagawa ng maganda.

           Overtime na naman kami ni Mam Rodel. Pinagtutula kasi namin ang mga estudyanteng nagpasaway buong hapon. Matagal nila kaming pinaghintay. Hindi pa rin tumula kaya pinauwi ko na lang.


Pebrero 7, 2014

            Pangatlong araw ng journalism training. Pinasulat ko sila ng balita tungkol sa Math-Olympics, habang ginagawa ko naman ang mga gawain ko. Gumupit rin ako ng editorial cartoons mula sa lumang broadsheets.

          Nainis ako sa PM ni Milo. Nang-uutos na sabihan ko sina Mam Rodel at Sir Rey na kung anuman na kaya naman niyang sadyain. Tapos, nakakainis pa ang salitang "multi-color" ang clear book ng profiles namin. Kaya, di ko na naman napigil ang sarili ko. Pina-translate ko ito kay Mam Roselyn: "Ginusto mo yan, eh! Magdusa ka! Trabahuin mo yan ng mag-isa!" Inilokano niya. May nag-comment agad. Pati siya ay nag-comment. Di ko nga lang naintindihan. Trending.. He he. Naiwan ko lang ang charger ng tab ko kaya di ako nakapag-FB pag-uwi ko.

          Akala mo kasi kung sino. Sipsip lang sa principal kaya kung makaasta akala mo pagod na pagod sa kaka-type. Dapat nga nagtuturo siya.


Pebrero 8, 2014

           Di ako nakatulog agad pagkatapos maistorbo ang tulog ko. Nag-away na naman kasi ang mag-asawa sa ilalim ng kuwarto namin. Ang lakas nilang mag-usap. Walang mga pakundangan. Kaya ang resulta, nahirapan akong matulog, kahit pa uminom naman ako ng gatas. Nakinig na nga ako ng Papa Jack at Chico Loco.

          Nauna pa ako sa alarm ko. Kulang ako sa tulog. Gayunpaman, maaga pa rin akong pumasok, pagkatapos kong magbanlaw ng binabad.

         Tinapos ko lang ang report cards ng mga bata, saka ako nag-landscape. Natuwa na naman sa akin si Sir Socao. Pinameryenda kami. Tinulungan din ako ni Sir Macahig at Sir Erwin.

         Sa sobrang tuwa ni Sir, nagpaluto siya ng lunch. Free ang lunch ko. Tapos, binigyan pa ako ng P100. Alllowance daw. Ipinaabot kay Mam Amy. Swerte. Nagawa ko na ang gusto ko at talent ko, kumita pa ako.

          Natapos ko ang isang part at nasimulan ang isa pa. Kaya lang iniwan ko na kasi makikipagkita pa ako sa mga schoolmates o former classmates ko na sina Beverly, Rean, Rhea at Sarah.

          Alas-dos na ako nakaalis ng school. Nauna sa akin si Beverly. Tapos, hinintay namin si Rean. Magkapanabayan naman sina Sarah at Rhea.

          Nag-treat si Rean sa Inasal. Nakapagkuwentuhan kami doon. Tungkol sa mga trabaho namin ni Bevs ang madalas na topic, gayundin ang trabaho ni Rean. Enjoy. Masaya naman ako sa kanila. Di ako na-o.p. Napag-desisyunan din namin na mag-swimming sa Batangas.

          Nakauwi ako ng past-7. Pauwi na pala si Epr.


Pebrero 9, 2014

          Napuyat ako sa paghihintay kay Epr. Alas-dose na yata siya dumating. Tapos, maaga pa kaming nagising. Tama lang kasi pumunta ako sa Quiapo para bumili ng medals para sa Math-Art winners.

          Pagkabili ko ng medals, dumiretso ako sa Gotamco. Ni-landscape ko ang isa pang bahagi na nasimulan ko kahapon. Maganda na. Tiyak magugulat at matutuwa na naman ang karamihan.

         Inaayos ko rin ang garden namin sa third floor. Habang naghihintay ng lilim, nag-ayos din ako sa classroom. Inilipat ko ang table ko. Hiniwalay ko rin ng table ang printer para maiwasan ang pagkasira dahil sa kalikutan ng pupils ko.

          Sobrang pagod ko nang matapos ako sa paglinis at pagligpit. May mga naiwan pa nga akong kalat. Masikip na kasi ang dibdib ko at saka pasado 5:30 na. Kaya, umuwi na ako.

          Nalulungkot ako dahil, out-of-coverage ang cellphone ni Emily. Maghapon. Akala ko nga magkikita kaming tatlo ngayon. Naisip ko baka iniuwi na niya si Zillion sa Aklan. Sana wag naman. Pero, nang binasa ko ang text niya bandang alas-nuwede y medya, sa Valentine's pa pala niya gustong makipagkita. Okey..


Pebrero 10, 2014

          Maaga uli akong pumasok para sa journalism. Maaga namang dumating ang iba. Masaya kung ipinakita sa kanila ang layout ng Tambuli noong 2012. Tapos, pinasulat ko na sila ng lathalain o balita tungkol sa 'Gulayan sa Paaralan'.

          Maya-maya, dumating si Sir Socao. Akala ko may sasabihin lang para sa mga bata, pero tungkol pala sa akin at sa sulat na binigay kay Mam De Paz. Sa opisina niya namin pinag-usapan.

          Tumaas na naman ang dugo ko. Paano ba namang hindi?! E, pinaratangan ako ng mali. Hindi daw siya pabor sa pang-required ko sa mga journalists na magpasa ng articles through USB. Di daw practical. Pwede naman daw handwritten.

          Grabe! English pa ang sulat niya. Mukhang nag-aral pero bobo. Makitid ang utak. May journalist bang nagpasa ng article na handwritten?! Isa pa, hindi ko naman kukunin ang USB nila. Files lang ang kailangan ko. Mukhang mali ang pagkaunawa ng boba niya ring anak.

          Nakita uli ni Sir kung paano ako magsalita. Sinabi kong "Bobong professional. Pa-english-english pa. Makitid naman ang utak. Sobrang kabubohan naman niya!"

          Pagkalabas ko sa opisina, kinuha ko ang laptop ko sa training room. Nagbigay lang ako ng clue sa nangyari at nag-walkout na ako. Ayoko na, sabi ko. Quit na ako. Gusto kong umiyak, pagkalabas ko ng library. Pero, pinilit kong magpakatatag.

          Nalampasan kong di umiyak. Nakapag-award pa ako ng medals sa top 3 winners ng Math-Art at nakapagturo ng Math sa advisory class ko. ngunit, nang nag-Filipino na kami, nagalit muna ako. Naluha ako sa sobrang galit. Alam ko na naman kung sino ang anak ng sumulat---si Yannah Nicole Cabiso. Hindi ko lang makumpirma dahil Concerned Parent ang nakalagay. No choice ako kundi ibulalas ang galit ko. Mariin kong binigkas ang mga salitang "propesyonal na bobo". Makarating man sa taong sumulat ng walang pangalan ay paninindigan ko. Tutal wala namang pangalan ang sulat, nagsalita din ako ng anonymous o general. Lumantad siya kung gusto niyang mapahiya.

          Kahit pa nakalipas ang oras, hindi pa rin maalis sa isip ko ang nangyari. Ang sama sa loob dahil napakaganda ng intensiyon ko para sa mga journalist o Tambuli staffers pero napasama na naman ako. Lagi na lang ako napapasama. Kelan lang ay napagbintangan din kami na nambato ng ice water. Hay, buhay! Tao nga naman.

          Desidido na ako. Ayoko nang mag-publish ng Tambuli. They lost one-half of their life. Hindi sila hadlang sa buhay ko. Sino ba ang nawalan? I still can write...even without campus journalism.

          Sumulat si Kassiel sa akin. Nakaka-touch. Alam ko, hindi ang Mama niya ang sumulat niyon.

          Nainis din ako sa mga Grade 4 teachers. Kinikilala pa nila ang mga halaman na ginamit ko o namin sa landscape. Imbes na matuwa dahil may contribution sila, nangki-criticize pa. Para bang magnanakaw pa kami sa ginawa naming pagmamalasakit sa school. E, para sa aming lahat iyon. Palibhasa, hindi napupuri ng principal.

          Ang saklap ng araw ko ngayon. Pero, tama si Kassiel. Pagsubok lamang ito.


Pebrero 11, 2014

          Naunang umalis si Epr sa akin . Nagpahuli ako dahil di naman ako magti-train ng journalist. May meeting ako sa ABES with other Filipino Coordinators and Mam Silva.

          Dumaan muna ako sa school para iwanan ang bag ko na may laptop at lesson plan. Sana di na lang ako dumaan para di ko nakita ang concerned parent na nagsulat at nagparatang sa akin na nanghihingi ng USB. Kausap niya si Mam De Paz.

          Alam ko ang sadya niya. Natamaan siya sa sinabi ko sa harap ng anak niya at mga kaklase niya. Pero, nakakainis dahil hindi niya ako tinawag o nilapitan para makipag-usap hanggang sa makaalis na ako papunta sa venue ng meeting. Pasalamat na rin dahil baka nabastos ko lang siya. Hindi ko siya bibigyan ng chance na magpaliwanag. Babastusin ko siya ng harap-harapan.

          Hindi ako na-late sa meeting..kahit dumaan pa ako sa school. Nakakagulat lang dahil ako ang inatasang manalangin. Mabuti na lang ay marunong pa rin akong manalangin. Natawa nga si Mam Silva daw hiningi ko sa Diyos na gabayan siya sa pag-relay ng mensahe at pagbibigay ng mga gawain.

         Pasado alas-11 nang matapos ang meeting. Nabusog ako sa meryenda ngunit nabigatan naman sa maraming report at gawaing ipinabaon sa amin. Ang hirap maging coordinator!
   
         Nakasabay pa ako sa van ng ABES sa pagpunta ng Gotamco. Papunta kasi doon sina Mam Jenny para sunduin si Sir Socao. Mabilis ko tuloy nalaman na nagrereklamo na naman ang punyetang nanay na ingleserang pulpol dahil sa post kong sulat ni Kassiel. Naisip kong walang masama doon. Pero hinayd ko para makaiwas sa isa pang problema. Binura ko na rin ang shout out ko, although, wala naman akong binanggit na Yannah Cabiso.

         Nakakayamot! Ako pa ngayon ang dapat umiwas. Ni hindi pa siya nag-sorry, gumawa na naman ng gusot.

         Naglabas ako ng loob sa opisina. Sayang, wala si Sir. Sina Mam de Paz at Mam Jing lang ang mga naroon. Sabi ko, lagi na lang ako napapasama. Ni hindi ako mabigyan ng katarungan. Una, pinagbintangan ako o ang klase ko na nambato ng ice water. Pangalawa, sa journalism. Pangatlo, sa pagla-landscape ko. Wala na ba akong reward na maganda sa nga mabubuti kong gawa at layunin para sa mga bata at sa paaralan?

          Dumating ang regional supervisor sa Filipino na si Jesse Valencia, kasama si Mam Amy, na panay ang pagmamalaki sa aking mga artworks gaya ng Panitikan board at dish garden. Hinanapan ako ng lesson plan at materials. Ready ako. Nakapagpakita ako. Tapos, ininterbyu ako. Ilang taon na daw ako sa serbisyo? Nag-e-enjoy daw ba ako sa pagtuturo? Hindi daw ba ako nahihirapan? May pamilya na daw ba ako? Nasagot ko ang mga iyon. Ang di ko lang nasagot ay ang tanong na kung ilan ang asawa ko. He he

          Naging usap-usapan na naman ako. Kaya pati ang Grade 4 teachers na kinainisan ko dahil sa mga halaman at mga tinuran nila ay lumapit sa akin. Nalimutan ko tuloy ang mga sinabi nila. Nagtawanan kami. Napatawad ko na rin sila.

          Ang araw na ito ay isang magandang alaala.


Pebrero 12, 2014

          Alas-nuwebe, miniting ang mga PM teachers. Nabanggit doon ang pagbisita ni Sir Jesse Valencia kahapon. Pinagkuwento ako ni Mam Amy. Nagtawanan sila.

          Alas-onse nang matapos ang meeting. Pinaiwan ako ni Sir. Alam ko na kung tungkol ang pag-uusapan namin. Tama naman ako. Tungkol ito sa sulat ni Cabiso at sa reaksyon ko. Pero, nagulat ako nang may binasa pang complain letter si Sir. This time, inilagay na niya ang pangalan niya. Ngunit ang nakakasuklam ay dinagdagan niya pa ang reklamo. Inisa-isa niya ang mga sinabi ko gaya ng "bobo" pati ang post ko sa KAMAFIL. Naglagay pa siya ng House Bill na kung saan isasampa sa akin.

          Nanggigil ako! Sobrang galit na galit ako sa kabubohan niya. Pinalaki niya ang issue na siya ang nagsimula.

          Gusto pa daw akong ihabla ng asawa niya. Akala naman niya natatakot ako. Samantalang wala namang basehan ang reklamo niya. Ako nga ang biktima, hindi sila. Kung nakapagsalita ako ng masama, right ko iyon bilang biktima ng panghuhusga. Concerned parent ang pakilala niya kaya di siya ang tinutukoy ko noong nagsalita ako sa V-Mercury.

           Walang sense ang reklamo niya. Sabi niya, busy siya. Bakit nakapagdala pa siya ng sulat at di nagawang makipag-usap sa akin?

           Sabi niya, pwede naman daw i-send ang article through Facebook dahil lagi akong online. Eh, bakit di niya ako minessage para magtanong kung bakit ni-require ko ang mga journalist ng USB?

          Bakit di niya ako kinausap kahapon? Ngunit nakapagdala pa siya ng sulat. Sulat lang ba ang kaya niyang gawin?

          Sa sobrang sama ng loob ko, umiyak ako sa harap ni Sir. Ang sama ng loob ko noong Lunes pa. Kaya tila nagrereklamo ang tono ko. Hindi kasi nila ako kayang protektahan at bigyan ng katarungan. Ilang beses na aking napagbibintangan sa di ko ginagawa o kayang gawin. Sabi ko nga sa kanya na minsan gusto ko na lang magpakasama dahil kapag mabuti ang ginagawa ko ay minamasama.

          Sa totoo lang, maaari naman niyang ipagbawal ang pagpasok ng magulang. Pwede rin naman niyang ipapili ang mga magulang na maaaring makapasok sa paaralan. Pero, hindi niya ito magawa. Kaya nga ibinulalas ko rin ang di makatarungang ginawa sa akin ng manikurista.

          Hay, buhay!
     
          Natapos ang usapan namin ni Sir Socao bandang alas-onse. Sinabi ko sa kanya na kakalimutan ko na ang lahat ngunit ayoko ng makasali sa journalism o Tambuli. Tinanong niya ako, bago iyon, na kung gusto ko bang makausap si Cabiso. Sabi ko, ayoko na kasi babastusin ko lamang iyon dahil napagplanuhan ko na ang mga sasabihin ko. Ang hiling ko ay written apology. Pero kung ayaw niya, okey lang din.

          Masaya akong umakyat sa klase ko. Masaya din akong nagturo sa section ko at sa section ni Cabiso.

          Nagsalita muna ako sa klase nila. Nag-apologize ako sa mga words ko. Sinabi ko na ganun naman talaga kapag masama ang loob mo. Pinaunawa ko din sa kanila na wala ng magbabanggit tungkol sa nangyari. Ipinalabas ko na hindi ko pa rin alam kung sino ang sumulat at di na ako interesadong malaman. Ang mahalaga ay ang lesson.

          Hiniling ko din sa kanila na sabihan nila ang mga magulang nila na huwag ng maulit ang nangyari. Kung may reklamo sila, wag sa janitor o sa principal lumapit. Lumapit muna sa concerned teacher.

          Nagpatawa uli ako habang nagtuturo upang maramdaman nila na naka-move on na ako at nakapagpatawad. Nakakatingin na rin sa akin si Yannah, na kanina lang ay umiwas nang makasalubong ko. Naging malambing na rin uli ang mga kaklase niya.

          "Thank you, Lord! Binigyan mo ako ng self-control at pagpapatawad."


Pebrero 13, 2014

          Masigla akong humarap sa klase ko. Hindi ako masyadong na-stress. Maganda kasi ang mood ko. Kaya naman, nakipagbiruan pa ako sa mga pupils ko.

          Wala na ring gusot sa amin ni Mrs. Cabiso. Okey lang kung di siya nagsulat ng apology letter. Ang mahalaga, tumigil na siya at nanahimik.

          Maaga akong nakauwi, sa wakas. Tapos, wala pang pasok bukas dahil may mock test ang Grade 3.

          Wala si Epr. Gusto ko sanang makipag-inuman sa kanya dahil di naman ako papasok ng maaga bukas.


Pebrero 14, 2014

          Araw ng mga Puso.. Walang pasok. NAT Mock Test ng Grade 3. Hindi ako na-assign magbantay. Kaya, naglinis na lang ako sa classroom. Tumulong si Mam Nelly at tatlo kong pupils na sina Monette, Anthony at Avery.

         Maghapon na kaming naglilinis at nagpaganda ng silid, hindi pa rin natapos. Di bale, may bukas pa. Sana pumayag na di na ako mag-review ng NAT. Magtatanim na lang ako.

        Di nag-text si Emily. Ang duda ko ay itinakas na niya talaga si Zillion. Dapat magkikita kami ngayon. Bibigyan ko siya ng oras hanggang Linggo. Kapag di siya makipagkita, kumpirmado na ang aking hinuha. Sana wag naman...


Pebrero 15, 2014

          Nagising na ako ng pasado alas-singko kaya lang natulog uli ako. Wala kasi akong balak mag-review ng NAT sa Grade Six. Nakakainis lang dahil di naman sila nakikinig.

          Na-traffic ako. Nataon pa sa Worldwide Walk ng Iglesia ni Cristo. Pasado alas-8 na tuloy ako nakarating ng school. Tapos, maya-maya, pumunta na ako sa JRES para ipasa ang Interbensyon sa Pagbasa. Ma-traffic pa rin kaya naglakad lang ako. Buwisit lang dahil may mali ang isang page. Kailangan kong bumalik sa school para baguhin. Okey lang ang mahalaga ay napansin at nabago ko. Pangit naman kung di ko napansin. Mapupulaan pa ako.

         Pagkatapos kung mag-lunch, trabaho na uli. Nag-print ako ng exams, nag-type ng activity sheet ni Mam Rodel at nagtanim. Gumawa uli ako ng dalawang dish garden.

         Alas-singko, umuwi na kami.

         Di nag-reply si Emily sa pangungumusta ko kay Ion.. Ano kaya ang nangyari? Nasabi niya na patay ang tito niya at pupunta daw sila ngayong araw. Baka iyon ang dahilan kaya di siya nagkapag-reply. Sana nga ganoon lang.


Pebrero 16, 2014

          Nagkamali ako. Akala ko ay iniuwi na nila si Zillion sa Aklan. Nagtext kasi si Emily bandang alas-otso kaninang umaga. Nasa Bacoor daw sila. Galing sa lamay ng tito niya. Makikipagkita sa akin. Natuwa naman ako. Kaya lang nagparamdam si Emily na nahihirapan na siya kay Ion. Kuhaan ko daw siya ng katulong. Laging ganun ang sinasabi niya pag di na niya kaya. Kaya ako naman, bilang ama ay nag-alok na kunin na lang ang anak namin. Pumayag naman siya. Sinusubukan ko lang naman sana. Pero, mukhang seryoso. Hanggang nga sa magkita kami sa Robinson's Manila bandang alas y medya. Ibinigay niya talaga si Ion. Mukhang ready siya dahil may mga dalang damit. Okey lang. Kakayanin ko na lang. Dadalhin ko siya bukas sa school. May sinat pa naman. Tatlong araw na daw may lagnat. Sana ay gumaling na siya.

          Namayat na nga siya ng husto. Ang layo ng katawan niya noong December. Grabe, naawa ako nang makita ko.


Pebrero 17, 2014

          Maaga kaming pumasok ni Ion sa Gotamco para maihanda ang mga naiwang trabaho. Nagawa ko nga.

          Nang makita nila si Ion, iisa lang ang komento nila. Ang payat daw ng anak ko. Grabe! Nahiya tuloy ako. Nagtanong pa ang iba kung ano daw ba ang ipinakain ng nanay. Sinabi ko na lang na kulang sa tulog dahil kasama sa pagpasok ng ina. Gumigising sila ng maaga. Pati ang mga estudyante ay ganun din ang komento. Cute daw sana, payat lang gaya ko.

          Ewan ko ba kay Emily. Hindi mapasarapan si Ion. Nakita ko ang anak niyang babae, ang ganda naman ng katawan. Bakit si Ion ay hindi.

          Dapat mapataba ko si Zillion, bago sila umuwi ng Aklan sa Abril.

          Gayunpaman, tuwang-tuwa ang mga pupils ko kay Ion, lalong-lalo na sina Monette, Yssabelle at Caren. Inalagaan at binantayan maghapon ni Monette. Nakipaglaro. Sinubuan ng pagkain. Kaya lang, hindi natulog. Sobrang galak ng bata.

          Pag-uwi pa namin, nag-chat sa akin si Yssabela. Sinabi niya na nagbihis sila ni Caren kaagad para makabalik sa school kaya lang nakasakay na kami ng dyip. Kaya sabi ko, pumunta sila bukas sa school para makalaro uli nila ang anak ko. Tuwang-tuwa siya.

         Sigurado ako, nagustuhan nila talaga si Ion. Kung mataba nga lang ang anak ko, mas nakakatuwa pa sana. Mas marami ang lalapit.


Pebrero 18, 2014

          Post test ng mga Grade Six pupils. Isa ako sa magbabantay ng panghapong schedule. Walang pasok ang mga pupils na di kasama sa test. Maaga pa kaming nakarating ni Ion a school. Maaga ring pumunta sina Yssabela at Caren. Sobrang excited na makalaro si Zillion. Kaya naman, maaga ring nakapagtakbo-takbo ang bata. Sobrang likot. Grabe! Hindi matigil. Mabuti na lang ay hindi naman napagod ang dalawa sa kakahabol at sa pakikipaglaro.

          Alas-kuwatro, napauwi na ang mga nag-test. Piniktyuran ko ang anak ko at ang mga naging kalaro niya, bilang reward at alaala. Tuwang-tuwa ang dalawang babae. Pero, mas natuwa sila nang sinabi kong magdya-Jollibee kami. Binigyan kasi si Ion ng P200 ni Ninang Elsa.

          Pag-uwi namin, plakda si Ion. Nakatulog hanggang alas10:30 ng gabi. Nasobrahan ng pagod. Naawa ako. Siguro. isa ito sa dahilan ng pagpayat niya ng husto. Walang tulog pag hapon tapos sobra sa pagod. Tama ang desisyon kong iuwi na lang siya sa Antipolo bukas. Doon, hindi siya makakatakbo. Si Courtney lang ang kalaro niya. Maaalagaan pa siya ni Mama sa kanyang pagkain. Kapag sa akin kasi, hindi ko iyon magagawa. Pareho kaming walang pahinga lalo na't nagbibiyahe kami.


Pebrero 19, 2014

          Pasado alas-nuwebe nang umalis kami ni Zillion sa boarding house. Mabilis ang biyahe kaya pasado alas-onse ay nasa Bautista na kami. Wala si Mama nang dumating kami. Si Taiwan lang ang naabutan namin. Kaya, pinuntahan namin sila ni Courtney sa Day Care Center.

           Masaya agad si Ion nang maglaro sila ni Courtney. Saka, napansin kong madalas siyang gutom at gustong kumain. Tiyak ako, mabilis siyang tataba dahil may kaagaw na siya. Pero, naisip ko, may kaagaw naman siya sa Caloocan--- ang ate niya. Bakit payatot pa rin siya? Hindi kaya wala naman talagang pag-aagawan? O di kaya, hindi siya makaagaw? Pansin ko naman noon pa na pabor lagi kay Kaylee si Emily. Isusubo na lang ni Ion, napupunta pa sa ate niya. Hmp!


Pebrero 20, 2014

          Pasado alas-nuwebe na ako bumangon. Napuyat kasi ako sa sakit ng likod ko. Rayuma. Everytime kasi na malamig ay ganun ang nararamdaman ko, kahit nga nasa Paco ako. Idagdag pa ang likot ni Ion. Nagising lang ako sa pagdating ni France. Iniwan niJano. Nalaman tuloy na nandito kami. Sabagay, malalaman din pala.

          Alas-tres, nakatulog kami ni Ion. Tatakasan ko na sana siya. Pero, nagising na agad siya. Kaya, natagalan pa ako sa pagkumbinsi sa kanya na iwan siya. Pasado alas-4:30 na nang pumayag siyang maiwan kay Lola Enca niya. Iyon ay pagkatapos mahanap ang mga itinagong car toys niya. Iba talaga ang nagagawa sa kanya nina Lightning Mc Queen. Idagdag pa ang presensya ng mga kalarong pinsan.

         Nagpabunot ako ng ngipin sa Gate 2.

         Nakauwi ako bandang alas-otso ng gabi. Masaya ako dahil ready na ang lahat. Kakain na lang ako. Okey talagang kasama si Epr.

         Pasado alas-nuwebe y medya, nabasa ko ang comment ni Emily sa picture ni Shobee. Gamit niya ang account ni Kaylee. Bakit daw pumatol si Shobee sa may-asawa? Nakakahiya. Nag-text tuloy sa akin si Ate Nema. Pinaliwanag ko na kagagawan iyon ni Celle. Tinext ko na rin si Emily. Di lang nag-reply. Sabi ko: "ANO BA YAN!? Nagkakalat k sa facebook!"
Nag-chat din kami ni Shobee. Nagkabiruan na lang kami.


Pebrero 21, 2014

          Coronation lang naman ngayon kaya di ako pumasok ng maaga. Hindi na rin ako naghanda ng lesson dahil ako ang photographer. Gayunpaman, nagturo pa rin ako sa konting pupils na masisipag pumasok.

          Na-enjoy ko naman ang pagkuha ng litrato, mula sa pagparada hanggang sa recessional.

          Six-thirty na ako nakalabas ng school. Nagkainan pa kasi kami doon.

          Nag-text si Emily, bilang reply sa text ko kagabi. Sabi niya na nasaktan lang daw siya sa nakita niya. Hindi ako nagtanong kung ano ang nakita niya dahil alam kong walang basehan iyon. Nagkakamali lang siya. Lalo lamang niyang pinatatagal ang pagsubok ko sa kanya.


Pebrero 22, 2014

           Pagkatapos ng limang Sabado na hindi ako pumasok dahil sa make-up classes, at last, nakabalik ako sa CUP. Excited akong pumasok para i-meet ang mga kaklase at professors. Pero, nalungkot ako nang wala akong nakita at nakausap. Si Mam Julie lang ang ka-text ko at hinintay ko para may makasama habang wala ang prof namin sa unang subject.

           Malas! Wala din si Dr. Bal'Oro. Nag-attendance lang kami. Okey lang dahil nakapaghanap ako sa internet ng ire-report ko. Napag-aralan ko na rin.

           Sa Current Isssue lang kami may klase. Mabuti na lang din ay maaga kaming pinauwi. Pagkatapos iyon ng isang report. Kaya, nakadaan pa ako sa HP para magbayad ng RCBC bill. Kung natuloy kami sa Anilao with my college classmate baka hindi ako nakabayad agad.

           Pag-uwi ko, ginawa ko ang mga report at research paper ko sa masteral. Nakahinga ako ng maluwag. Sa wakas, hindi na ako magka-cramming.

          Umiinom din kami ni Epr ng isang bote ng grande beer.


Pebrero 23, 2014

          Mahaba-haba ang tulog ko kagabi dahil sa inilagay kong apat na Salonpas sa likod ko. Nakatulong kahit paano. Pero, ramdam ko pa rin ang sakit. Ang bata ko pa para magkarayuma. Grabe.

           Alas-dose ay nasa Gotamco ako. Nagdilig ako ng mga halaman ko. Nagtanim din ako ng kaunti. Kinuha ko lang naman ang lesson plan ko para paghandaan ang mga bibisitang supervisors ng Pasay. Titingnan daw ang hardin namin na napuri ng MANCOM noong Feb.20. Ayoko namang mahulihan ng walang lesson plan kaya sinadya ko pa. Nalimutan ko kasi noong Friday. Di naman sayang ang pamasahe, oras at pagod dahil double purpose naman ang punta ko. Tapos, nakita pa ako ni Sir Socao. Napatunayan niya ang tinuran ko na ginagawa ko ang gusto ko kahit hindi ako utusan. Sa sobrang tuwa niya, binigyan niya pa ako ng packed lunch kahit sabi ko na kumain na ako. Ibinigay ko lang tuloy kay Tristan.

           Umuwi din ako after one hour. Natulog muna ako saka ako gumawa ng LP at material. Tapos, nag-internet ako. Nag-research ako. Gabi na nang mabuksan ko sa email ang invitation ng Canvas. Kaya, dali-dali akong sumulat ng tatlong pangungusap na mga kuwento batay sa mga artwork ng iba'ibang artist. Nakasulat ako ng pitong kuwento at nai-submit ko lahat. Salamat sa Diyos at nakahabol at nakasali ako.

          May nag-like na rin.

          Sana manalo ako. P3000 ang premyo. May ibibigay na ako para sa birthday ni Zildjian.


Pebrero 24, 2014

          Nakakatamad pumasok dahil may gap ang pasok at walang pasok, since bukas ay holiday. Gayunpaman, pumasok pa rin ako at naghanda ng materials para sa Math. Kailangang magturo dahil walang gagawin ang mga bata kapag walang naituro.

          Excited akong umuwi ng Antipolo kaya kinabagutan ko ang bawat oras..

          Bago nag-uwian, nakipagkuwentuhan ako sa mga pupils ko. Interesado sila kay Zillion, lalo na sina Monette, Caren at Yssabela. Nagpa-print pa nga sila ng pictures ni Ion at nagbayad. Tapos, naririnig ko pa na may iniipon silang pera para pambili ng regalo. Gusto rin nilang dalhin ko uli sa school at magkaroon uli ng Pasyal-Aral, kasama ang anak ko. Hindi lang ako nangako. Nakakatuwa.

          Natagalan ako sa biyahe. Nine-thirty na ako nakarating sa Bautista. Tulog na tuloy si Ion.
   


Pebrero 25, 2014

           Maagang nagising si Ion kaya nagising din ako sa iyak at paghahanap niya kay Mama. Bumangon ako upang kunin siya dahil madilim pa. Tumahan naman agad siya nang makilala niya ako. Tapos, nahiga uli kami. Kaya lang, ayaw na niyang matulog. Saka, naalala ko ang sabi ni Mama na hindi na siya nakapaghapunan kagabi kasi hapon pa nang matulog. Kaya, ibinaba ko siya kay Mama at binigyan ng donuts.

           Hindi rin ako nakatulog. Nagda-diarrhea pa rin kasi ako. Nakakainis ang amoxicillin. Nakakatae. Ititigil ko na kahit di pa seven days kesa naman pumayat pa ako lalo sa kaka-poopoo.

           Nag-bonding kami ni Mama sa garden niya. Inuna niya ang paghahalaman habang wala pang init.

           Kuntento na ako sa buong maghapon na nakasama ko si Zillion. Binigyan ko rin siya ng chance na manuod ng nursery rhymes videos sa laptop ko at maglaro ng games sa cellphone at tablet ko. Kaya lang, nang magpapaalam na ako, panay na ang kapit. Umiyak pa. Gustong sumama. Isang oras akong nakiusap. Siguro ay ayaw niya pang umuwi sa Caloocan kaya nagpaiwan after one hour. Sinabi ko kasing ibabalik ko na siya sa Mama niya at di na ako makikipagkita sa kanila pag andun na siya. Ayun, biglang bumitaw.

           Nakaalis ako ng 6:30 at nakauwi ng 8:30 ng gabi.

            Nainis ako sa batugan kong kasama. De-lata ang biniling ulam. Tapos, di man lang bumili ng tubig. Two hundred kaya ang iniwan ko sa kanya kahapon. Wala namang pasok kaya di iyon allowance. Haay! Hirap talaga.. Okey lang, at least tinirhan pa ako ng ulam. Bumili naman ng bigas e. Nainis lang ako dahil di man lang nagtext na wala ng tubig o kaya inabunuhan muna niya. Pwede naman e.


Pebrero 26, 2014

           Pasukan na naman. Nakakatamad pero kailangan pumasok.

           Dumating na si Mam Diana kaya masaya na naman ang bonding namin nina Sir Erwin. Tawanan. Biruan at kainan.

           Nagpapirma ako kay Sir Socao ng letter of explanation para kay Dr. Puti-an para pirmahan niya ang study permit ko. Bukas, pupunta ako sa division office para naman magpaprima kay Mam Tobias, as District Supervisor, bago pupirma ang superintendent.

         
Pebrero 27, 2014

           Maaga akong naghanda para makarating ako ng DO ng maaga, ngunit dahil na-traffic ako ay hindi ko na naabutan si Mam Tobias. Isang clerk naman ang nagmagandang-loob na papirmahan kay Mam ang papeles ko, kaya nakabalik ako sa school bago ang time ko.

          Absent si Mam Rodel kaya medyo nahirapan ako,sa klase ko. Hindi ako makaalis sa classroom. Grabe ang pagpapasaway ng mga bata.

          Hapon, ibinalik ang papeles ko. Hindi pinirmahan ni Mam Tobias dahil hindi na daw si Sir Gali ang principal. Nainis ako. Pero, naisipan ko pa ring mag-print ng letter para sa kanya at desidido ako na pumunta uli bukas upang makausap siya ng personal. Hindi ako susuko.

          Five PM, nagkaroon ng Thanksgiving Programme ang mga interns. May kainan din. Naghanda sila ng awit, kanta at speech. Nakakatuwa. Malaki ang pasasalamat nila sa amin.

          Nang matapos ang program, nagsabi ako ng ako ay tutula kaya binigyan ako ng chance. Tinula ko ang inihanda kung tula ng maliwanag. Nagpasalamat ako sa tulong nila at nag-inspire. Alam ko na-touch ko sila.


          Binigyan ko din sina Arcel at Vanessa ng paper mache birds as remembrance. Nagpasalamat sila sa akin.



Pebrero 28, 2014

           Maaga ulit akong umalis ng boarding house para magpapirma ng study permit sa DO. Swerete naman dahil naabutan ko si Mam Tobias. Mabait naman pala siya. Nainis lang ako kahapon dahil di ko naintindihan ang nais niya. Kaya pala ayaw niyang pumirma ay dahil noong panahon ni Sir Gali sa GES, ay hindi pa siya District Supervisor. Ayaw niya uli pumirma agad, kaya sinamahan niya ako kay Mam Misalucha para itanong kung pwede siyang pumirma. Ang payo ng huli ay huwag na lang pumirma si Mam Tobias. Burahin ko na lang daw ang pangalan niya sa form. Susuko na sana ako dahil wala akong liquid eraser. Wala ding mabilhan sa malapit na tindahan. Kaya desidido na akong umuwi. Mabuti nakabili ako sa Libertad. Bumalik nga lang ako para iiwan sa Records Department ang papeles ko. Mabuti ay accommodating ang mga clerk doon. Kaya, nakauwi ako ng masaya. Hihintayin ko na lang sa Monday. O kaya pupuntahan ko na lang.

          Masaya ang araw ko dahil nakakabiruan ko ang mga pasaway na mga pupils ko. Wala namang formal na klase, although nagturo ako sa first period sa kanila.

           Pagkatapos ng klase, tumungo kami nina Sir Erwin, Lester at Sir Joel G. sa SM para mamili ng isusuot sa graduation. Kasama din sina Mia at Mam Leah. Medyo natagalan kami sa pagpili dahil walang mura. Hanggang naisip ko na i-suggest na bumili kami ng isang kasuotan na magagamit after graduation at hindi iyong hindi itatago lang pagkatapos. Tapos, nakita ko ang isang blazer o coat na pwede sa rugged pants. Nag-agree naman sila agad, kaya nakauwi na kami. Natuwa naman ako dahil nasunod ang gusto ko. Last year kasi ay di ko nagustuhan ang suot ko dahil hindi long sleeves. Ang payat-payat ko tuloy tingnan.
         
   
     
         

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...