Followers

Wednesday, April 9, 2014

Promosyon

Empleyado man ng pribadong kompanya o sa gobyerno, lahat halos tayo ay naghahangad ng promosyon. Lahat tayo ay nag-aasam ng pag-angat ng posisyon at tungkulin. Wala sa atin ang nagnais na mabulahaw sa mababang puwesto, habang may mababang suweldo. Kaipokrituhan na matatawag kapag ang isa sa atin ay magsabing hindi natin gustong tumaas ang ating katungkulan, gayundin ang suweldo.

Hindi naman ito masama. Hindi ito nakakahiya. Ang pagnanais ng promosyon ay bahagi lamang ng ating paglago bilang manggagawa. Minsan, hindi ang sasahurin ang dahilan ng ating pag-aasam nito kundi ang tungkulin na maaari nating gampanan ng wasto at naaayon sa misyon ng organisasyong kinaaaniban. Minsan din, ang hamon ng bagong responsibilidad ang nagtutulak sa atin upang tanggapin ang mas mataas na puwesto. Para sa atin, isang makulay na paglalakbay sa buhay kapag mayroon tayong bagong gawain, hindi iyong paulit-ulit na proseso ng trabaho.

Gayunpaman, hindi rin dahilan para lahat halos tayo ay maghangad ng promosyon, gayong alam natin sa sarili natin na hindi pa tayo handang tuparin o gampanan ang responsibilidad na iaatang sa atin. Batid naman natin na may mas nababagay sa puwestong ating inaangkin. Sadya lang talaga tayong gahaman sa kapangyarihan. Akala natin na sa pamamagitan ng posisyong ating tatanggapin o tinanggap ay matagumpay nating maisasakatuparan ang misyon at bisyon ng grupo, gayong kapos pa tayo sa kaaalaman at kakayahan.

Mas nakakahiya kung tinanggap natin ang posisyon, ngunit hindi naman natin nagampanan ng maayos. Magiging nakakatawa tayo kapag may mas mahusay pa pala sa atin ngunit hindi pinangalandakan ang sarili sa bagong tungkulin. O kaya, may isang kumikilos ng may mabuting dulot para lahat, na talo pa ng may mataas na katungkulan, ngunit hindi naghangad ng promosyon. Mas nakakahiya kung hindi na nga natin naibabalik ang pinasasahod sa atin ay nangangarap pa tayo ng karagdagang tungkulin.

Hindi masama ang tumanggap ng promosyon, lalo na kapag may magandang intensyon. Karapatan natin ito. Subalit, hindi rin masama ang magdili-dili kung karapat-dapat ba tayo. Tanungin natin ang sarili natin, kaya ko ba?

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...