Followers

Wednesday, May 14, 2014

ANG TISA NI MAESTRO 7

Nagpakasal kami kinabukasan. Parang ipuipo lang ang nangyari! Kasal na kami? Hindi ako makapaniwala. Salamat sa mga tumulong upang mapag-isang dibdib kami. Kay Ninong Rolly, Ninang Elsa, at Ate Sheila, maraming-maraming salamat sa inyo!

            Hindi na kami nag-honeymoon. Nag-usap na lang kami. Saka lang namin naisip, "Paano na tayo bukas?" Wala na kaming trabaho. Kasal nga kami, pero mahapdi naman ang mga sikmura namin. Hindi rin naman kami puwedeng magtagal sa bahay ng pinsan niya sa Las Piñas na aming tinuluyan nang gabing iyon.

            Nalungkot kami dahil hindi namin alam kung paano kami mamumuhay. Pagtuturo na lang ang alam kong trabaho. Ngunit paano ba? Gayong alanganing buwan. Enero iyon. Kahit subukan kung mag-apply ay wala sigurong magha-hire sa akin. Kaya iinisip kong isantabi ang nalalabing tisa sa aking puso. Nagkagayon man ay naniniwala akong magagamit kong muli ang mga yesong itinabi ko.

            Pabigat kami. Iyon ang naisip namin. Kaya kinabukasan ay umalis kami sa bahay ng pinsan ng kabiyak ko. Tumungo kami sa kapatid niyang lalaki. May pamilya na rin ito. Nananahan sa maliit na bahay. Kahit ganoon ang sitwasyon nila, nakituloy pa rin kami. Ang amin lang naman ay may masisilungan kami habang naghahanap kami ng kuwartong mauupahan.

Hayaan ninyo akong ikuwento ko ang mga nangyari pagkatapos naming ikasal sa sibil.

               Sa tulong ng pinsang buo ng asawa ko at sa asawa ng huli, nakasal nga kami. Nakatutuwa lang kasi parang lang akong pumikit at pagdilat ko ay kasal na kami. I never imagine a wedding like that. Isang tig-40 pisong pares ng singsing ang binili namin sa Baclaran ang ginamit namin sa kasal. ‘Tapos isang pares ng ninong at ninang lang ang kinuha ng pinsan niya. Ang ninong namin ay ang asawa ng pinsan niya. Principal siya sa pampublikong paaralan. Ang ninang naman namin ay isa sa mga teachers ng huli.

               Ayos pa ang sermonya! Nakatuuwa. Ang bilis niyang tinuran ang mga sermon. Gayunpaman, naunawaan naming pareho ang simbolismo at kahulugan ng aming kasal.

               Hiyang-hiya ako sa tatlong naroon sa aming kasal. Hindi ko alam kung paano ko sila pasasalamatan sa tulong nila sa aming mag-asawa. Sila rin kasi ang gumastos sa pananghalian namin sa isang leading fried chicken restaurant sa Pilipinas.

               Nakaraos din ang aming kasal. Pero, nang gabing iyon, imbes na mag-honeymoon kami, namorblema kami sa kinabukasan namin at ng magiging anak namin. Pareho kaming wala nang trabaho. Halos wala rin kaming hawak na pera.

               Ang sakit sa ulo….

               Kung saan-saan kami napadpad. Para kaming sina Husep at Maria, na naghahanap ng matutuluyan. Modern version ito ng nativity. Hindi biblical pero sana’y kapulutan ng aral.

               Kinabukasan nga, umalis kami sa bahay ng pinsan ng asawa ko. Pumunta kami sa kapatid niya. Tinanggap naman kami ng mag-asawa. Ngunit, ilang araw ang lumipas, habang naghahanap kami ng mauupahang bahay at nagpaplano, nakapagsalita na ang aking bayaw ng hindi kanais-nais sa aking pandinig. Kaya, ora mismo, umariba kami.

               Halos hindi nabawasan ang pera namin dahil hindi naman tinanggap ang pera na aming iniaabot. Nagpasalamat pa rin kami kahit masama ang loob namin sa isa’t isa. Akala kasi nila ay magtatagal kami roon.

               Pangalawang destinasyon, sa bahay ng nakatatanda kong kapatid. Kulang-kulang isang linggo kaming nanatili roon. Nag-isip-isip. Nagpahinga. Hanggang maisipan naming manirahan sa dating tirahan ng asawa ko at ng kaniyang pamilya. Tamang-tama naman dahil ang hipag ko lamang ang naroon.  Malilinis pa namin ang bahay at hindi na namin kailangang magbayad ng upa.

                Hindi naman kami nagkaproblema sa kapatid ko kaya lang hindi ko na hinintay na dumating pa ang oras na iyon. Tama lang na tumayo ako sa sarili kong paa dahil ginusto ko ang bagay na iyon.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...